Nakakatuwa.
Pasado Alas-nuebe na ng umaga kami nagising nina Roy, Alquin, Jeuel, at Alvin. Tama ka, nanulugan na naman kami kena Jeuel. Walang hila-hilamos, walang ligpit-ligpit, wala pang mumog-mumog, ay lumabas kami para abangan ang parada.
Wow! Parada! Ang tagal ko nang di nakakakita ng parada. Mga sampung taon? O baka higit pa. Magpipiyesta ang bayan namin kaya may corn float parade. Wala naman akong interes sa piyesta pero nakakagulat na hindi na pala Lubid-lubid/Cow Festival ang ipinagdiriwang ng Tiaong. Binago ng kasalukuyang administrasyon.
Sa aming kadugyutan hinintay namin ang parada sa kahabaan ng Maharlika Highway sa lilim ng 9m-worth na overpass ng DPWH.
Nasa unahan ang mga pulis, tapos bikers club, tapos mga lgu, tapos mga float establishment, tapos may kanya-kanyang paandar.
Nakakatawa.
Yung float ng Kambingan, isang kilalang panaderia sa aming bayan ay nagsabog ng tinapay. Nakakuha kami ni Alquin ng tig-isa. Yey! May almusal na.
Yung float ng water district, bukod sa kendi ay nagpasirit pa ng tubig.
Yung isang genetic farm, parang may mutant na nakasakay. Parang taong-kabayo, hindi Centaur, mas mukhang tikbalang. Ewan, mumukat-mukat pa kasi kami nun.
May napansin kaming mabagal na float, yun pala sa senior citizen. Nagbiro pa nga si Jet-jet na ito raw ang mga tipo ni Jeuel. May mga naka-gown kasi na mga thunders sa float. Nakakatuwa dahil binibigyang pansin sila, empowerment para sa mga nakatatandang miyembro ng lipunan.
Yung float ng mga bangko, hinintay naming magsabog ng barya, pero wala naman.
May naghagis ng Boy Bawang, napa-isip tuloy ako. Bakit nga ga Boy Bawang ang tawag dine ay mas marami naman ang mais?
May magagandang float at may chaka rin naman. Isa lang ang nakita kong mensahe ng float parade, ang paghihikayat sa mga mamumuhunang magtayo ng mga negosyo. Maganda naman dahil magkakaron din ng trabaho at karagdagang buwis sa aming bayan.
Andami naming napulot na kendi, ibinalik kami sa pagkabata. Throwback!
Nakakalungkot.
Ang pangit lang ay nabatid ko na kinelaim (inako) daw ng Tiaong ang pinakamataas na produksyon ng mais sa Pilipinas. Apat na taon kaming naglagalag sa mga taniman at kumausap ng mga magsasaka sa bayan namin at pamilyar kami sa mga itinatanim ng mga Tiaonging magsasaka. Ilan lang ang magmamais.
Nabalitaan ko pa ang naganap na car show sa bayan kasi nga corn festival. Corn festival. Car show. Marami bang car enthusiast sa bayan namin at di lang ako na-inform? Baka naman parte pala ang kotse ng kultura ng aming nagsasakang bayan? O may mangangapital para sa isang car dealing hub dito sa aming bayan. Walang ganito, kaya hindi ko rin madefine ang essence ng car show. Ang mahalaga may napanuod ang mga mamamayan.
Hindi ko alam ang motibo sa pagpapalit ng piyesta. Uulitin ko, wala akong interes sa piyestahan, pero sa cultural heritage at historical roots preservation, meron. Parang walang ginawang konsultasyon upang malinang ang sining, kultura, at kasaysayan ng Tiaong.
Hindi ako historian, hindi rin artist, pero alam ko na dapat linangin ito pati na ang wika at panitikan ng ating bayan. Ito kasi ang magsasabi kung sino tayo bilang mga Tiaongin.
Hindi dapat kalimutan ang Lubid-lubid na nagpapabatid na makakamit ang pag-unlad sa pagkakaisa. Sa ispirito ng bayanihan. Mukhang matatabunan na rin ang bulong ng kwento ni Donya Tating (Tiya) at ang unga ng kanyang baka. Matatakpan na ang mensahe ng pagtulong ng mga rakrakan at baklaan.
Malamang hindi ito naikonsulta at napag-aralan ng mga nag-organisa kaya di sinasadyang pinapatay ang pamanang kasaysayan at kultura ng mga sinaunang Tiaongin.
No comments:
Post a Comment