Isang mainit na hapon, nakilala namin sina Arjay (13) at Robert (10) sa university. Paanong hindi sila mapapansin, may dala silang pampahupa ng banas - malamig na buko salad. Tigsasampum piso ang buko salad na inilalako nila. Tinanong ko kung bakit wala sila sa iskul ngayon, bakasyon na pala ngayon sa elementarya.
Grade 5 na raw si Arjay. Nagtaka kami kay Arjay dahil trese na siya pero nasa Grade 5 pa rin. Napatigil daw pala s'ya sa pag-aaral at siyam pala silang magkakapatid kaya madalas ay kinakapos. Minsan, kapag hapon o pa-gabi na, naglalako pa rin daw s'ya ng balut.
Si Robert naman ay pangalawa sa apat na magkakapatid. Nasa Grade 5 din s'ya at kaklase n'ya si Arjay, tandem sila sa paglalako ng buko salad. Nakuha raw nila itong raket sa kaibigan ng nanay n'ya at kumikita naman hanggang 150 pesos sa isang araw. Ibinibigay daw nila ang kita sa nanay nila para maipambiling gamit sa iskul. Lobat ang tawag ni Arjhay kay Robert. Nang tanungin ko kung bakit Lobat, "lagi po kasi akong nadadapa." Sabi ni Robert ng nakangisi pa.
Natanggap ni Robert ang A Flood of Kindness (OMF Lit) at White Shoes (OMF Lit) naman ang aklat na napunta kay Arjay.
Ginanyak namin silang palagiang magbasa. Pinaalalahanan din namin silang ibahagi ang aklat sa mga kapatid at kaibigan nila. Kasintamis ng buko salad ang mga ngisi nila sa natanggap na mga bagong aklat.
No comments:
Post a Comment