Saturday, April 16, 2016

Nabasa ko 'yung 'The White Shoes'


Mula sa panulat ni Lola Grace Chong at iginuhit ni Sir Sergio Bumatay III ang 'The White Shoes'. Nabili ko ito ng may diskuwento sa OMF Lit -Hiyas para kasi ito sa Project PAGbASA.

Ang kuwento ay tungkol sa maputing sikreto ni Mrs. Eva Cruz. Kung bakit palaging sapatos ang ipinangreregalo n'ya sa mga bata. Parang sa Rated K pero hindi tsinelas, kundi palaging sapatos.

(Spoiler Alert!)
Mahirap pala noon sina Eva. Tipikal na pamilyang pinoy na dukha: di nakapag-aral ang magulang, may sakit ang tatay, ekstra-kayod ang nanay, at bonus na nga na masipag mag-aral ang mga anak. Parang MMK-rags-to-riches story sa isip-isip ko habang nag-uumpisa.

Pero para sa'kin palaging may lugar sa mga kuwento ng paglaban sa kahirapan at pagsusumikap sa buhay lalo na ngayon na maraming kabataan (at katandaan na rin) na ginagawang instant noodles lahat ng bagay. Marami, ayaw magtiyaga at gusto'y kara-karaka.

Karanasan ko rin noon ang pinagdaanan ni Eva. Mas mapalad nga lang ako ng higit kay Eva. Kapag may mga okasyon sa school, sa simbahan, sa kung saan-saan pa ay palagi kong problema ang susuotin lalo na ang sapatos. Kahit na hindi sukatan ng pagkatao ang sapatos at suot, hindi ito abot ng batang pahat pa ang kaisipan. Ang pananamit at sapatos ay di lang usapin ng pagiging presentable kundi rin ng dignidad at kumpiyansa sa sarili. Kaya gaya ng guhit ni Ser Serg kay Eva, palagi rin akong nakatungo noon -mahiyain ng sobra.

Kaya maganda ang kuwento ni Eva dahil hindi siya nagpagapi sa hiya at hirap. Kumupas man ang kulay ng sapatos n'ya sa ulan, kinapos man ang bestidang suot n'ya, e hindi naman kinapos at kumupas ang pagmamahal at pag-agapay ng pamilya n'ya. Kuhang-kuha ng nanay ni Eva ang maraming Pinanay na nanghihiram ng damit sa lahat ng kakilala para lang maka-isputing sa mahalagang okasyon.

Ipinakita rin sa sapatos ni Eva ang pagiging maparaan ng pamilyang Pinoy. Hindi tayo tumitigil, kahit sumuot pa kung sa'n-sa'n para lang makahanap ng solusyon sa mga suliranin natin. Ang maganda sa mga suliranin, palaging hindi tayo nag-iisa sa pagsosolb. Kaya sa tagumpay, marami tayong nakikisaya lalo na kung may bahagi tayong tulong.

"Kung pinaghusay mo ang mga bagay na ipinagkatiwala sa iyo at ipinagpasalamat mo ang mga ito, 'yun ang tunay na diwa ng tagumpay," ang aral na pinabaon ng tatay ni Eva na dinala n'ya hanggang sa kung nasaan na siya ngayon. Maging kuntento sa kung anong meron ngayon pero magsikap at mangarap para sa magandang bukas. Kaya nakakahanga ang batang si Eva na lumaking nagsisikap para sa pangarap.

Sa huling pahina ng aklat, marami nang nakakalat na sapatos sa paligid ni Mrs. Eva Cruz na ngayo'y mahaba na ang suot na bestida at nakaputing sapatos. Hindi lang nanatiling hanggang bibig ang pasasalamat ni Mrs. Eva Cruz kundi hanggang kamay na mapagbigay ng sapatos. Ngayon sa pagiging masikap at mapagpasalamat, hindi na siya ang batang Eva na laging nakayuko at nahihiya. Sa huling pahina, makikita si Mrs. Eva na nakatingin sa taas at nakangiti.

Salamat Lola Grace, Ser Serg, at Hiyas, para sa isang magandang aklat!

No comments: