Thursday, April 7, 2016
Sunday School o Meeting de Avance?
Naligaw ako sa Sunday School ng matatanda nitong Linggo lang. Mga nanay, tatay, at parang gusto ko nang samahan ng tinapay dahil mahaba-habang usapin; maganda yung topic ni Pastor: Separation of Church and State.
Ano ga ang Separation of Church and State?
Tamang-tama malapit na naman ang eleksyon. Napag-usapan ang pagkakakulong ng mga "taong simbahan" sa simbahan at ang tuloy hindi pakikisali ng mga 'to sa estado. Nakalimutan nating di lang tayo bahagi ng katawan ni Kristo kundi rin ng lipunan. Naging mali ang pagkakaintindi natin sa Separation of Church and State.
Ano nga ga ang ibig sabihin ng Separation of Church and State?
Naging isyu kung dapat nga ba na humangad ang isang pastor ng opisyo sa pamahalaan. Nararapat ba raw na may dalawa itong pinangangasiwaang opisyo? Dati ay sang-ayon ako rito sa maraming dahilan pero nang minsang marinig ko na ang isang pastor na kongresista ay naglagay ng kanyang pork barrel sa pagsuportang pinansyal sa mga "nakakaawang" pastor, lubos na hindi na ko sang-ayon. Ang dapat daw ay umusbong sa mga "taong simbahan" ang pagmamahal sa bayan at sila ang humangad sa puwesto para hindi na ang mga lider ng simbahan ang sumawsaw, sabi ni Pastor. Mag-raise daw tayo ng state men and women.
Ano nga ga ang ibig sabihin ng Separation of Church and State?
Maya-maya pa ay napunta na si Pastor sa mga tumatakbong presidente. Muntik na kong mapa-antanda. Hindi raw marapat na babae ang mamahala sa bayan. Tumingin sa'kin at tumawa pa ang nanay ko. Hindi ako makahinga ng maayos, siguro dahil marami kaming botante sa loob. I mean estudyante. Estudyante kami at pag-aaralan namin kung;
Ano nga ga ang ibig sabihin ng Separation of Church and State?
Hindi raw nangangampanya si Pastor. Hindi nya raw iboboto si Binay. Si Duterte daw ay... "womanizer" sagot agad ng isang nanay na miyembro ...may problema sa imoralidad. Si Roxas sabit naman daw sa diyos-diyosan. Mas puwede daw ayusin ang imoralidad. Mas mabigat na kasalanan daw idolatry kaysa immorality. Kahit na ang kasalanan ay kasalanan. Wala na raw kasing sumi-sino sa batas ngayon. Tinanggal daw ang capital punishment sa panahon ni Cory. Noong panahon daw ni Marcos, wala masyadong krimen. May hapon pa nga raw na drug lord na finiring squad. May halos 10, 000 rin na nalabag ang karapatang pantao, sa isip-isip ko. Propesiya raw ni Pastor ay si Bong-bong ang mananalo dahil mahahati sa Bicol ang boto ni Chiz at Robredo. Pumili raw si Pastor mula sa kanyang konsensiya, kung ano raw ang bulong ng Espiritu. Siyempre, ginagalang namin ang pagpili ni Pastor. Siyempre, hindi kami makikipagtalo sa Pastor. Pumili rin daw kami.
Natapos na ang Sunday School pero parang hindi ko nasagot kung ano nga ga ang ibig sabihin ng Separation of Church and State?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment