Friday, April 22, 2016
Burol Scenes
Kasama na ko ngayong ikatlong araw ng lamay. Tanghali pa lang nagpunta na kami kasama ang pamilya ni E-boy. Maliban nga lang kay Jet na may work at kay Babes na may pasok.
EXT. Bahay ng Lola ni E-boy. Alaminos.
Nakaupo kami ni E-boy sa pasemano. Sa may pinto.
Tita ni E-boy: Ang saya lang natin sa Lobo, ano?
Ako: Nagulat nga po ako e nang malaman ko kay E-boy.
Nakita ko kagad sa may sala ang ate ng magkakapatid na nakaligtas. May semento yata ang paa. Nakabenda kasi. Medyo pugto ang mata. Katabi sa kama ang mga pinsan. Dito rin sa kamang ito nakaupo sina Mrs. P at dito rin ako papaupoin kapagarami nang tao.
INT. Bahay ng Lola ni E-boy. Alaminos.
Ako: Bo, battle tayo.
Bo: Ayoko, tinatamad ako. Nagte-train pa ko.
As usual sa lahat yata ng burulan, hindi mawawala ang paulit-ulit na mga nagtatanong ng anong nangyari. Kahit na yung iba napanood naman ang balita. Kahit yung iba alam na ang buod ng kuwento. Gusto natin palagi na inuulit-ulit at alamin ang kahindik-hindik na mga detalye. Dapat pala sa burol, kundi man recorded audio ay may storytelling booth kung paano namatay ang nakaburol. Ganun naman kasi talaga ang itsura, parang storytelling session; ang kaanak ang storytellers at ang mga nakikilamay ang mga attentive na mga bata.
INT. Bahay ng Lola ni E-boy. Alaminos.
Medyo ngingiti lang ng konti ang ale sa mga nakaupo.
Ale: S'ya, isasabay ko na ang pangangampanya.
Sabay abot isa-isa ng isang kandidatong gobernador ng Laguna.
Maya-maya pa'y nalaman ko kay Mrs. P na may dalawa na palang persons of interest na inimbitahan na para sa interogasyon. Pinakita ang retrato sa ateng nakaligtas. Pinag-drug test. Umuusad na ang imbestigasyon.
INT. Bahay ng Lola ni E-boy. Kusina.
Ale 1: ...ay dumating si Noli De Castro... Para yata sa KSP (Kabayan Special Report sa TV Patrol)
Ale 2: ay sana'y sinabi mo sa'kin agad para di muna ako nakauwi
Ale 1: ay bukas yata ay si Ping Lacson ang darating
Maya-maya ay may mga nagsidatingan. Mga co-teachers ni Ferdinand at kung kapatid ko raw si Ferdinand. Tatanong ko sana kung Pampolina ba o Magellan, kaya lang wala sa lugar mag-joke. Mga kaklase yata ni Biboy, yung bunso sa magkakapatid; yung maraming kabataang sumilip sa kabaong. Nakita ko nga yung Ate ni Biboy sa kama, tinitingnan yung graduation picture ni Biboy. Graduation pala dapat kanina ni Biboy bilang medical assistant.
EXT. Bahay ng Lola ni E-boy. Iskinita.
Habang itinataas yung "justice tarpaulin, rumorolyo ang kamera, at nagsisitinginan ang mga sakay ng bus na napapadaan;
Ako: Bo, kamukha mo dun si Biboy oh.
Bo: Hindi a.
Ako: Oo man. Yung mata at ilong o. Ang hindi nya lang nakuha ay yung feature mo na (*sabay guhit ng facial line sa pisngi ko)
Bo: Sya baka akalain ng mga kakilala ko pag nakita yung picture, ako yung patay.
Ako: Pero yung nasa kaliwa (si Ferdinand) ay kuha yung (*guhit na naman ako ng facial lines) at maumbok na cheeks gaya ng sa'yo at kay Babes.
Bo: Yung kay Babes naman (na maumbok na pisngi) ay dahil sa katabaan e.
Ako: Grabe ka naman kay Babes.
Biglang may tumawag sa Tita ni E-boy. Pinapunta kami sa kusina para mag-abot ng kendi, biskwit, at sitserya sa mga nakikiramay. Yung plato ng sitserya at kendi sa may iskinita, minsan napapansin ko na kumukuha yung mga dumadaan kahit di naman nakilamay. Nakidaan lang. Pero ang medyo nagpa-aba-teka sa mga nasa iskinita ay yung dumaan na naka-helmet. No helmet policy zone pala ang lugar nila.
EXT. Bahay ng Lola ni E-boy. Tereys.
May kumanta ng Agos ng Batis. May kumanta ng No More Night. May nangaral ng Salita ng Diyos.
Pastor 1: Gagamitin ko pa rin po ang magandang gabi...sabi nga po sa Romans 8:28; all things work together for good...
Pastor 2: Lahat naman po ng bagay na nangyayari sa atin ay may layunin ang Diyos.
Isang kape lang amg ininom ko. Umuwi rin kami ng mag-aalas dose na ng hating-gabi. Lasing na ko sa antok.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment