Saturday, April 16, 2016
Trip to Tiaong: Si Millenial Boy
Kakaligo ko lang pero hindi ko alam kung anong umaagos sa noo ko,kung tubig ba o pawis na agad. Sinuong ko ang tanghaling tapat na walang payong o balabal man lang. Wala pang tatlong minuto at parang binlower ang buhok ko dahil natuyo agad. Wala pang limang minuto at bagong ligo na ulit ako. Sa pawis.
Papunta akong Prayer Force sa Lusacan. Ang hirap namang manalangin ng ganitong kainit at kabanas! Paano kung matanda na kong taasin na ang presyon? Paano kung me sanggol akong biyabit? Paano kung hikain pala ko? Hindi na ko makakapunta sa mga pagtitipon para manalangin. Napansin kong wala palang pag-aaral na ginagawa ang simbahan sa epekto ng climate change sa ispiritwal na buhay. Sinong may ispirito pang gumawa ng makalangit na bagay sa mala-impyernong init?
Pagsakay ko sa dyip may nagrorosaryo. Hindi madre. Hindi sister. Hindi rin padre. Nakaitim na three-fourths na "black army" at may disenyong bungo. Naka' digital watch na pamporma sa kaliwa. Naka' dalawang buddha beads na bracelets na may krus sa kanan. Naka' rubber shoes. Naka' salamin. Maputi. May itsura. Hindi itsurang sakristan. Parang may aura o kaya date.
Nakita ko kasi siya ng malapitan. Umalis siya sa may likuran ng drayber. Lumipat sa harapan kong nasa may puwitan ng dyip. Nahiya rin naman akong abalahin siya sa pagrorosaryo para ipakisuyo ang bayad. Umupo siya sa may tapat ko at bumubulong-bulong. Nasa ika-lima o apat na misteryo na yata siya. Hindi ko sure, excuse ako sa religion class dati. Sa kaliwa n'ya ginagalaw ang rosaryo. Sa kanan naman ang smartphone. Tumunog ang android. FB Messenger 'yun alam ko. Tsinek n'ya lang ng mabilis tas dasal na ulit.
Pumipikit talaga siya. Minsan, mulat. Minsan, pikit. Salitan yata kada lipat n'ya sa butil ng rosaryong puti. Mas madalas nga lang na pikit. Maya-maya may sumakay na mga bata. Nakatingin din sa kanya habang nagdadasal. Maya-maya, sa may lumang palengke, may sumakay ding matandang may dalang pinamili. Napatingin din sa kanyang tuloy pa rin na nagdarasal.
Wala siyang nakitang may kailangan ng tulong dahil nagdadasal siya. Kung may nakita man s'yang aalalayan sa mga dala-dala, aling kamay ang iaabot n'ya? Bibitiwan ba ang rosaryo o ang smartphone? O baka ipinagdadasal n'ya naman ang mga nahihirapang umakyat sa dyip at ang drayber na gabayan ang pagmamaneho. Iboboto n'ya kaya si Alma Moreno na nagsabing "dasal lang, dasal lang talaga"?
Bumaba na siya sa Alaala Park.
Bumaba naman ako sa kanto ng simbahan sa Lusacan. Pawis na pawis pa rin pero natuyo rin ng erkon ng simbahan nina E-boy. Nagdasal din kami para sa pamilya, simbahan, at bayan.
Ano kaya ang hawak namin sa magkabilang kamay?
Mga etiketa:
kabataan,
kalye,
personaliti
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment