Friday, April 1, 2016

Ang Pagbabasa ay Pagbubuhat

Nag-chat sa’kin si Ate Bebang. May isang publishing company ang maglilinis daw ng kanilang bodega. Kaya para tulungan silang maglinis ng bodega ay hihingin na namin ang mga magazines nila kesa naman mapatapon. Puwede pa nga namang makatulong ang mga magazines sa kung sinomang akmang makakabasa nito, basta ‘yung educational lang kako ang kukunin ko. Meron din daw kaming susuguring bahay na naglilinis ng library at may mga ipinamimigay na mga aklat.

Sabi ni Ate Bebs, siya na lang daw ang kukuha ng mga magz sa bodega ng nasabing pub corp. Tapos, daanan ko na lang daw sa bahay nila kapag paluwas ako ng Kamaynilaan para tipid sa pasahe. Kailangan ko rin daw maasistehan sa pagdadala dahil may kabigatan ang mga magz. Tamang-tama dahil paluwas ako noon para naman asistehan si Kuya Caloy pa’ Daet, may seminar kasi siya. Bale, puwede kong katulungin si Jem-jem dahil kasama rin siya sa Daet.

Dahil wala akong kuwentang magselpown, hindi ko nakontak si Jem at mag-isa akong nakaluwas ng Maynila. Miyerkules ng gabi ako dumating kahit tanghali pa lang ay lumuwas na’ko. Wrong move ang pagpasok ko ng EDSA, isang sakay lang kasi ‘yun kaysa mag-Buendia ako na tatlong sakay papasok ng Maynila. Chinat ako ni Ate Bebs tungkol sa nakuha na n’yang mga magazines na pang-nanay. Hindi man mga Ka-Nanayan ang layon ng Project PAGbASA ay puwede na ring ipamahagi sa mga makakasalamuhang mga nanay ang mga magasin. Kunin ko na kaya ngayong gabi? Nagtanong-tanong lang ako ng kaunti, kay Kuya Caloy, sa Google Map, at kay Ate Bebs kung paano matutunton ang kanyang bahay sa QC at lumarga na ‘ko dala ang malaki kong bag. Si Jem-jem ay paluwas pa lamang din ng mga oras na ‘to mula sa’min sa Tiaong.

Sumakay ako ng LRT(?) at bumaba sa Anonas. Mga 20% na lang ang baterya ko, hindi ako puwedeng maligaw. Baba ako at sumakay ng dyip tas baba ulit sa may Mercury Drug sa station 7. Sabi ni Ate Bebs isa lang daw ang Mercury Drug na madadaanan, dalawa pala at naliligaw pala ako kahit feeling ko e sure na sure ako sa lugar. Sakay ulit pa-balik, ayun na natanaw ko na ang isa pang Mercury Drug at ang totong presinto 7. Nag-aabang sa’kin si Sean, si Kuya Poy, at ang-gabi-na-ay-nasa-labas-pa na si Baby Dagat. Ankyyyyyut….at wala man lang akong pasalubong.

Pagdating ko ay inilagay ko na ang sampung pirasong magasin sa bag ko. Kumalkal din ako ng ilang libro na pinapamigay nina Kuya Poy. Sinubukan kong i-angat ang bag ko at merong nakalambitin sa balikat ko.

Maya-maya pa’y nagpaunlak na nga rin si Mam Divine. Kailangan din naming tumungo sa tahanan n’ya at mamili sa mga ipinamimigay na libro. Pero bago raw kami umalis, kumain daw muna ako ng tinolang baka, hindi raw kami aalis kapag hindi ako kumain. Kahit kumain na ko kena Kuya Caloy, e kumain pa rin ako, sayang naman yung mga aklat kapag hindi kami tumuloy. Habang nakikipagbuno ako sa baka, at ninanamnam ang patis, ay ginugugel map nina Kuya Poy at Ate Bebs ang lugar nina Mam Divine. Maya-maya pa’y nagsikuha na ng mga bag si Kuya Poy at Sean. Nagpa-piktyur ako sa munting payapa na Dagat na maiiwan kay Ateng nag-aalaga. Medyo nakakahiya nga lang dahil bandang alas-nuebe na at bertdey pa naman ni Mam Divine, pero oks lang daw dahil di raw siya matutulog muna. Gumaod na kami.

Mga bandang alas-diyes, pumasok kami sa isang yayamaning compound. Kumatok si Ate Bebs, tumahol ang aso, at bumukas na ang pinto. Konting pakilala lang kay Mam Divine, tas umatak na kami sa kahong-kahong mga aklat sa garahe. Weeeee… daming mga aklat. Marami ring magagabok na kahon na halos hindi ko nga mabuhat. Buti na lang at kasama si Sean na medyo malakas naman, siya ang bumubuhat kapag hindi ko kaya kahit naka-super saiyan mode na ‘ko.

May nakuha akong magagandang non-fic, gaya ng isang Robert Fulghum’s ‘Uh-Oh’ at isang Fitzgerald na nobela. Maganda rin sana yung mga volumes ng mga speech ni Marcos kaya lang hindi ko na kayang iuwi lahat kaya isang aklat lang na speech ni Marcos ang kinuha ko. Hindi ko idolo si Marcos pero interesado akong making naman sa kanya o sa ghost writers n’ya. “Ang konti naman ng nakuha mo” sabi ni Ate Bebs, gusto ko pa nga sana kaya lang baka hindi ko na maiuwi sa Tiaong. Pupunta pa kami ng Daet. Baka mabali na ang gulugod ko dahil sa bigat ng mga aklat.

Bago umuwi ay pinapasok muna kami ni Mam Divine sa kanyang bahay at pinag-calamansi juice. Habang nagj=kukuwentuhan sila ni Ate Bebang ng mga writing-bookish stuff ay naghugas ako ng maitim ko nang kamay at luminga-linga ako sa bahay. Nakita ko ang isang Stephen King na aklat at nakakatuwa ang bookmark ni Mam, isang forbidden monster card (Magician of Faith) na Yu-Gi-Oh. Nerdy…. Sa isip-isip ko. Nakakatuwa na nalaman kong ayaw lang n’yang basta i-donate ang mga aklat tapos ay itatambak lang din, gusto n’ya raw na ipamigay sa may mga gusto para talagang babasahin. Creative writing pala ang kurso ni Mam Divine at hulog talaga siya ng langit sa komunidad dahil nagturo raw siya ng pagsusulat sa kanilang lugar pero mga tatlo lang dawn a mga bata ang sumali at talagang basic lang daw ang naituro n’ya. Nag-retrica muna kami bago kami umalis at nagpasalamat sa maasim na calamansi juice at matamis na mga aklat.

Super bigat ng bag ko. Super pagod na ko. Sana kasama ko si Jem-jem. Salamat naman at bago mag-alas dose ay nakauwi ako sa Maynila. Dyip lang sa may Aurora Boulevard. Pagdating ko ay halos kakadating lang din daw ni Jem-jem.

Kinabukasan, nakabawi na ko ng lakas kahit papaano. Bubuhatin naman namin ang mga ipamimigay na mga damit ni Kuya Caloy sa Daet. Bubuhatin din namin ang kahong-kahong mga aklat at ilang reading materials para sa mga Pastor. Nakasabit pa sa bag ko ang mga magasin at mga kinuha ko ring mga aklat kagabi. Hinati ko na yung iba sa bag ni Jem-jem. Tatawa-tawa ang maliit na si Ate Badz dahil ampapayat dawn g assistants ni Kuya Caloy. “Kala ko dati, vanity lang ang pagpapalaki ng katawan” kako.




Mabigat naman talaga ang hinihingi ng pagbabasa.




No comments: