Saturday, June 30, 2018

Pamangkids




     Ang bilis ng panahon, apat na taon matapos magtanan ng kapatid kong si Vernon, tatlo na agad ang pamangkin ko. Si Top-top, Puti at Ten-Ten. Puro lalaksot. Hindi pa rin kasal ang dalawa ni Vernon at Lanie. Nakatatlong ‘first birthday party’ na sila. Na lahat ay hindi ko napuntahan.

     Dumating si Vernon biyabit si Puti at Ten-Ten, kainitan bago magtanghalian. Tamang-tama, walang kanin at ulam. Hindi naman nagsabi ang mga ire na bibisita pala. Si Top-top ay nasa DayCare pa raw kaya susunod na lang kasama ng inahin maya-maya lang. Lola mode si Mama sa pagpapabili ng ulam at titoshie mode naman ako sa paglalaro sa mga pamangkin.

     Si Ten-Ten, hindi ko alam ang totoong pangalan, ay mahigit isang taon ko bago nakita. Lately lang, nitong nag-eleksyon sa baranggay ko nakita. Sa magkakapatid, ito ang pinaka mabilis sumama sa’kin. Walang pag-iisip. Kapag ihinaya mo ang kamay mo para kunin s’ya, kakapit agad ‘yan na parang tarsier. Nakakangawit nga lang sa bigat. Ni hindi nga makaupo ng maayos at natutumba. Sirang-sira ito sa cartoons na kumakanta.

     Si Puti, ‘yung pangalawa, as the implies ang pinaka maputi sa tatlo. Hindi ko rin alam ang tunay na pangalan ni Puti at dalawang taon bago ko ito nakita. Pinaka mahirap din itong paamuhin. Lahat ng i-offer ko “ayaw”. Sa ngayon, at the age of two siya rin ang pinaka pilyo. Minsan, binilhan daw ‘to ni Vernon ng C2 pero hindi ininom bagkos ay  ibinuhos kay Top-top, sa kuya n’ya. Inaaway-away ang kuya, parang si Vernon lang din dati. S’ya rin ang pinaka sarat ang ilong pero pinaka photogenic sa tatlo, nag-photoshoot kami sa may duyan. Kung maka-project, mukhang mabait. Sirang-sira naman ito sa piso at ‘mumu’ movies.

     Makatanghalian na dumating si Top-top sa’min. Wala itong tatak ng star sa kamay ngayon mula sa DayCare. Hindi rin naman halata ang tatak ng star sa kamay, dahil si Top ang pinaka ulikba sa tatlo. Pero mabuti at nakapasok na ‘to kahit sa DayCare, dahil kapag nasa bahay ito palagi itong “turuin mo ako Mader” o kaya “basa tayong book Tito Jord”. E madalas naman akong wala, tapos si Mama antok na rin dahil madaling araw pa lang nagtitinda na; kaya si Tito R ang nagt’ya-tiyagang magturo kay Top-top. Narinig ko minsang paulit-ulit na “letter C” ang itinuturo ni Rr kay Top-top gamit ang maliit na whiteboard, pagtingin ko puro letter A at R naman ang nakasulat. Letters A at R lang kasi ang kayang isulat ni Rr.

     Minsan habang nag-iigib ako, naulinigan ko namang nagtuturo ng Math si Rr kay Top-top; “1 plus1?” Sumagot naman si Top-top ng “Arf! Arf!”. Sabay nagtawanan ang dalawa. “Goodboy” sabi ng kanyang Tito R. Mahirap pala talaga ang early childhood education, kailangan talagang upuan. Ito ngang gusto na ng batang matuto, tapos ang dami mong gawain, o masyado ka nang pagod sa trabaho.

     Sira-sira rin pala ang mga ngipin sa unahan ni Top-top. Kaya ang una kong binasa sa kanya ay Ngiiii, May Bukbok sa Ngipin ni Anie na sinulat ni Dok Luis Gatmaitan. Tahimik lang s’yang nakikinig. Iniisip ko nga baka naiinip pero hindi, tahimik lang talaga s’ya. Kumakalat ang mata n’ya sa makulay na drawings habang binabasa ko ‘yung kuwento. Ta’s ang dami n’yang tanong, kung bakit daw may mumu sa ilalim ng lamesa, sabi ko “ano ‘yun visual representation ng takot ni Anie sa dentista”. Natahimik s’ya. Pagkatapos ng kuwento, nag-toothbrush kaming tatlo nina Top-top at Rr.

     Kinaumagahan, magbasa raw ulit kami ng book. ‘yung kay Anie. O kaya pupunta raw s’ya sa dentista para magpabunot. Sabi ko mamayang gabi na lang at inulit ko nga ‘yung pagbabasa. Parang walang sawa. Kaya iniba ko ng konti: kunwari malungkot na ‘yung Mama ni Anie kasi wala na silang pera dahil mahal magpabunot sa dentista. Naka-apat na bunot si Anie bago kami nagpalit ng kuwento.

     Masyadong rin palang payat si Top-top para sa kanyang edad. Sa kanila raw kasi sa San Pablo “’pag umaga, pandesal. ‘pag dilim, kakain (kanin)”. Limitado ang kain sa kanila, hindi gaya sa’min na spoiled sa kanyang Lola Maderhed. Kaya lagi n’ya ring sinasabi pag matutulog na “mahal mahal ‘ita Mader”. Dadalhan ng tinapay sa umaga, paborito nito ang buns at gatas. Bukod pa sa almusal na kanin. Ginawa na nilang hobby ng kanyang Tito R ang kumain. Kaing pusa lang naman si Top-top. Minsan, kapag malambot ang kanin, hindi na s’ya nag-uulam. “Si Mommy, pagtulog ko, bibingo, pag-uwi; kakain,” dagdag pa ni Top sa kanyang kuwento. Sirang-sira naman si Top-top sa Cheesy Melt at books.

     Pero kahit inaaway-away at inaagaw-agawan ng pagkain si Top-top ni Puti, sinasabi pa rin n’yang “love ako n’yan”. Kahit pinukpok ng laruan “love ako n’yan.” Kahit binuhusan ng C2, “love ako n’yan”. Parang hindi anak ni Vernon.

#

    

Napanood ko ‘yung Ma Rosa





     Ang Ma Rosa ay isang pelikula sa direksyon ni Brillante Ma Mendoza. Tungkol ito kay Ma Rosa, isang nanay, may-ari ng sari-sari store na isa ring suking tindahan ng ipinagbabawal na gamot sa isang depressed area sa Manila, na nahuli sa isang police raid; at pinagdidilehensya ng natitirang Php 50,000 na pang-‘areglo’. Dalawang araw at dalawang gabi lang ang itinagal ng pelikula para magkuwento kung anong itsura ng marami nating baranggay sa likod ng Eat Bulaga kapag tanghalian.

     Medyo mahirap panoorin sa umpisa dahil pauga-uga ang lente. ‘yung mga ilaw minsan parang sinasadya kang silawin lalo na nung mga incandescent, parang ilaw sa pa-liga. Ang tapang ng mga ilaw pero ang madilim pa rin ‘yung set. Minsan ‘yung lente ginagawa kang parang ‘usi’ sa eksena, kapag tumakbo ‘yung nasa eksena, tumatakbo ka rin para masundan ang kuwento. Ang raw ng datingan.

     Ang dusky ng vibe.  Umuulan-ulan, sanawan ang kalsada, makipot na mga eskinita, maingay na sugalan - ang husay ng images ng Ma Rosa. Masisikipan ka, mandidiri, malalamigan sa ipinapakita ng kamera. Pero higit sa pagpapakita kung anong itsura ng mundong ginagawalan ni Rosa Reyes, susubukang himayin ng pelikula ang siste ng kanyang piniling kabuhayan. ‘yung mga pulis, tulak, bellboys sa presinto, at si Ma Rosa; may kanya-kanyang pagdidilehensiya.

     Napakanin ako at 2 am sa part na pagdelihensya nung magkakapatid na Jackson sa natitirang 50K na para sa ‘areglo’. Eh, wala namang trabaho ang mga ‘yun. Anong gagawin nila? Tapos, parang nanakot lang ng bata ‘yung mga pulis kapag sinasabing “ikulong na natin ‘to”. Parang collage ng social injustices ng urban poor.

     Ang comic relief lang nung pelikula (para sa’kin) ay nang makumpleto na ang 50 K. Ang pinoy klasik na takbuhan kapag gipit. Na hindi naman talaga actually relieving. ‘yung kwek-kwek scene talaga ni Jaclyn Jose ang nagpapanalo sa kanya ng Cannes eh. Power in so many layers. Bukod sa kakayahan nung eksenang kumuntiw ng emosyon, may kapangyarihan din itong magsimula ng mga tanong at diskurso.

     Mapapadasal ka na lang na sana sa pelikula lang ‘to, at hindi ganito sa real life. I’m afraid, baka a lot worse pa. Ang brilliant lang talaga.

Tuesday, June 26, 2018

Hunyo 24, 2018




Mais festival: bagong pista kahit hindi naman kataasan ang produksyon ng mais sa Tiaong.

Bevs at Tong:

Kena Bebet ako makikitanghalian. Nakita ko ulit ang mag-jowang Bevs at Tong. Kabardkada noong college at mahigit dalawang taong hindi ko sila nakita. Hindi lang nagdidiwang ng pista and dalawa, kundi pati na rin ng ika-9th anniversary nila. Kaya pala may pa-black forest si mayora! At uminom kami. Ng kape, of course. Cheers for nine years!

Konti na lang at fully recovered na si Tong. Naaksidente ito sa trabaho at buti na lang may accident insurance sila. Si Bevs naman ay nasa coop-financing arm ng isang dambuhalang coco by-products exporter sa bansa. Nakakatuwang malaman na 1% lang ang interes sa loan sa kanila. Tumakaw na rin sa pagkakape si Bevs: 4 cups a day ang min. kaya pina-palpitate na rin minsan. Pero tuloy pa rin. Nag-usap kami ng mga plano to settle down, investments, insurance, budget tips at iba pang adulting stuff.

Ang klasik ng walwal mode ni Bevs na para laging nanghahamon ng away sa palengke at ang alalay mode ni Tong. Bagay na bagay ang Captain at Mermaid couple shirts sa kanila, in control si Tong at nagpapakalunod naman si Bevs.


Nikabrik at Jem-jem:
Sabay dumating ang dalawa. Sinalubong si Nikabrik ng “nagpalit ka na pala ng relihiyon?” ng mga matatandang kamag-anak. Ginawa namang palusot ni Nikabrik ang mga bisitang aasikasuhin para takasan ang mga mausisa. Inabutan na nga rin ako ng kandila ni Tita Mina kanina sa house blessing. Iniabot ko lang sa isang bata, “pa-sub”.

Si Nikabrik pala ay kapatid ni Bebet. Nung una ko ‘tong nalaman, gulilat ako dahil hindi sila magkamukha. Magkaiba pala sila ng branch sa family tree. Ang lakas maka ‘Bata, bata, Pano ka ginawa?’ ng pamilya nila. May nagtanong nga kay Bebet sa inuman kung ilan ga silang magkakapatid, “Walo! Kung hindi mo mamasamain!” na may pag-liit pa ng mata at paggalaw-galaw ng balikat pauna. Lasing na, pero pabiro pa rin naman.

Si Jem-jem naman ngayon lang ulit namin nakasama ng matagal. Puro pa kayabangan. Ang dami pang rebelasyon sa kanyang buhay pag-ibig. Sinamahan ko rin pala muna si Jem-jem sa church nila. Dalawang beses na kami sumimba today, ang klasik na biro ay baka lumampas na kami sa langit. Bumalik lang kami kena Bebet after ng church service nila. Pero hindi na n’ya naintay ang pagdating nina Bo at Uloy.



Uloy at E-boy ( at Roy via Messenger)

Bago pa dumating sina Bo, sabi ko alukin sila ni Bebet ng tagay. O kaya kumanta sa videoke. Sabi ni Bebet parang nakakahiya naman daw alukin eh mga papasturin ‘yun. Kaming bahala, kako ni Nikabrik. Ipe-pressure lang natin, para kami talaga ang mag-enjoy.

Habang naghihintay ng hapunan, sabi ko napainom ako ng wine kanina, 12% alcohol lang naman. “To be expected na naman sa’yo,” sabi ni Bo. Tas maya-maya, pumasok na nga si Bebet ng kusina, “ang tagal naman ih, ang tagal” inooras pala kami. Tatawa-tawa ang dalawa ni Uloy.

“Kontrolado ko ang mga pangyayari sa bahay na ‘to,” sabi ko pa.  Maya-maya pinakilala sina E-boy kay Tita Mina. Tinanong pa kami kung “non-pork” ga raw kami. Napaisip naman kami, ‘yun pala kung puwede ba raw sa’min ang baboy. “Anything po.” Tensyunado si Bo.
Bumalik na naman si Bevs. Natawa ako dahil mukhang seryoso na si Bevs at lashing na. Walwal mode na talaga sa pungay ng mata. Umalis uli. Ilang minuto, and’yan na naman “ang tagal ha, ang tagal”. Pinapawisan na si Bo. “Siya, may bawian naman e, ‘pag punta mo sa’min” nagbanta na si Bo. Si Uloy, pag s’ya raw ay nakatagay-tagay ay bubugbugin n’ya raw ako. “wag kang ano, ako’y lasing,” ang sasabihin n’yang dahilan.

Pagkatapos naming kumain nakabalik ulit si Bevs, “ang tagal naman ih,” inis na kuno. “Dali’t ako’y may ipapainom sa inyooo”. Kapag sila raw ay napainom ako raw talaga ang may kasalanan. Dalawang beses pa ko nagsimba neto. Kapag napainom ni Bevs si Nikabrik, ay iinom na rin daw sila, sabi ni Uloy. “Imposible!” sabay padyak ni Bevs. “Siya, e di imposible rin kami,” sabi ni Uloy. “Ang daya n’yo naman ih, ang daya!”.

Kanina sa inuman: “Dati’y nainom din ito e,” sabi ni Bevs habang itinuro si Nikabrik. Tapos, s’ya naman ang itinuro ko at umiling. “Tang ina, ang lakas ng impluwensya mo!” sabay tawa n’ya. “Wala akong kasalanan d’yan,” sabay dampot ko ng fruit cocktail.



Perya

Nameryahan pala ang mga pastor.

Sabi ko magsa-shot lang ako. Shot ng pictures. Hihintayin ko sila kung sasakay sila ng rides. Ang tagal namin sa ilalim ng Viking, parang Anchors Away, na tumitiwarik na ‘sing taas ng ferris wheel. Ang tagal nagpilitan. Hindi ko naman gusto at ako’y naiihi pa. “Color game na lang,” kako. “Ililibre kita,” alok nilang lahat. Kahit dalawang beses pa. Alam na alam na ayaw ko kaya kanya-kanyang suhol. Hindi ako napilit sumakay gaya ng hindi sila napilit tumagay.
Umuwi na lang kami. 

Ang dami kong social energy na naubos ngayong araw. Ang dami kasing pakalat-kalat na mga tao. Mga kakilala ng kaunti na dapat ngitian o batiin. Mga medyo kakilala. Mga namumukhaan. Pagtanggi sa tagay. Pagtanggi sa mic ng videoke. Pagtanggi sa desserts. Nakakapagod. Mukhang kakailanganin kong magkulong sa bahay ng ilang araw.


#

Saturday, June 23, 2018

Camping Uliiiiiit!!!


Kena E-boy ulit ako natulog, isang gabi lang.

Isang gabi lang ang plano. Pero nauwi sa tatlong araw at dalawang gabi; camping lang. Just like the old times. Nanood ng Hayao Miyazaki film. Tinawagan si Roy na nasa Kagawa, Japan. Kulitan at asaran, hanggang dis oras ng gabi. Kunwari, walang obligasyon. Kunwari, naglalaro-laro lang. Kinunsinte ng mga masasarap na luto ni Lola Nitz.

May isang meme na palaisipan na hindi namin tinigilan hangga’t hindi nakukuha ang tamang sagot: “Ang nanay mo ay kaisa-isang anak ng nanay ko. Kaano-ano kita?”

Inuulit-ulit namin ang tanong. Kunwari si Uloy ang nanay ko, tapos si E-boy ang anak ko. Tapos, uulitin namin ang tanong. “Lola!” “Kapatid!” “Pamangkin!” Tapos, kapag inanalisa namin ‘yung what is given, may sabit sa mga sagot namin. Nakakabano nga. Lalo na kapag inulit-ulit ‘yung tanong na hindi pala nakakatulong sa pag-iisip namin. Sabi ko, wag na ‘yan, gabi na at masakit sa ulo. “Okay, next meme na.” Pero inuulit pa rin nila ‘yung tanong kaya naisip ko nang paghanapin si E-boy ng papel at bolpen.

Gumawa na kami ng data visualization kung sino ang nagsasalita, ang mga nanay, anak, at kinakausap sa palaisipan. Ito ang viz na nabuo namin, mas akyureyt ang sagot namin at mabilis maekisan ang imposibleng sagot kapag nakikita ang mga datos!



Ang data viz na nabuo namin


Pero hindi ko rin sasabihin ang sagot.

#

Trip to Tiaong: Uzi



Papunta ako sa Lusacan, kena Bo.

Hapon na ‘ko nakalabas ng bahay. Galing ako ng palengke, dumaan ako sa tindahan at humungi ng pampagupit kay Mama. Mula palengke, nadaanan ko ‘yung isang tindahan ng tubig na madaming tao. Naghabaan ang li-eg ng mga kasuno ko sa dyip. Lutang na lutang ang pagkadilaw ng police line sa asul na pader ng tubigan.

“May pinatay d’yan kaninang umaga,” sabi ng isang ale. “Nilooban ta’s pinatay.”

Lalong nag-ung-ungan ang mga ulo sa bintana at binagalan pa ni manong ang takbo ng dyip.

“Ang hirap namang magtinda ng tubig at ang daming kalaban,” simpatya ng isa pang ale.

“Baka nanlaban,” dagdag pa ng isa, “sana’y ninakawan na lang hindi na binaril.”

“Para na rin ‘tong Maynila”...

#


Thursday, June 21, 2018

Trip to Tiaong: Angel's


Galing ako ng violin lesson sa Lipa. Bababa ako sa Bantayan, tapos babalik ako sa Lusacan dahil nanghiram lang ako ng tsinelas kay Uloy kaninang tanghali. Kaninang umaga kasi, inabot ako ng lurok na ulan papunta sa simbahan. Maghapon na akong pauli-uli kaya antok na antok na ako sa dyip. O talagang may elementong nakakaantok sa biyaheng Lipa-Tiaong.

“Huy!” sabi ng matandang manong.

Napalingat ako uli, uy si Papa! Mas mabilis akong  nakapagsabi ng “libre n’yo kong pamasahe!” kaysa namukhaan na tatay ko pala s’ya. Parang anghel sa lupa si Papa ngayon. Makakatipid din kasi ako ng 47 pesos, e maingay na ulit ‘yung kalupi ko. Baryahin na ang pera ko. Sa tinagal-tagal ko kasing nagtrabaho malapit sa Lipa, ngayon ko lang nakasakay si Papa.

Ngayon ko lang napansing medyo matanda na pala si Pa. Mas marami nang puti. Naka maong na jacket pa na parang galing Saudi. May linya na sa mukha pero nagtatrabaho pa rin. Tumatayo pa rin ng walong oras sa hotel sa loob ng mahigit dalawang dekada na, tumatakbo pa rin bilang referee sa mga paliga ng basketbol, nagsasabong at nag-iinom pa rin ‘pag may time, at nakuha ko pang magpalibre ng pamasahe.

May inimik si Papa pero hindi ko na-gets. Wating na ko sa antok. “Bayad ka na” o “bayad na’ko”, hindi malinaw dahil medyo pagaw rin, tapos nagpakita s’ya ng sukling barya sa’kin. Hindi ko tuloy sure kung nilibre na n’ya ako o akala n’ya ililibre ko s’yang pamasahe pero nakapagbayad na s’ya.  Ayoko namang ulit sabihing ilibre ako dahil dumami na ang sakay ng dyip.

“San ka galing?Kalahating taon na kong nag-aaral ng Suzuki method pero ngayon n’ya lang nalaman. Wala naman itong ka-amor-amor sa pagsawsaw ko sa music. Noong second year college, galit na galit ‘yan dahil bumili ako ng gitara. “Wala ka namang banda!” ang sabi. Tapos, hindi rin naman ako natutong tumugtog talaga. Kaya nang makapagtrabaho sa Maynila, bumili naman ako ng violin. Hindi naman n’ya sinabing “wala ka namang orkestra” this time.

Hindi naman kami nagkukuwentuhan sa bahay. Umiikot lang ang usapan namin sa bahay sa paghuhugas ng pinggan, biling bigas o kape, nasaan ang Mama mo, nasaan ang kapatid ko, at napatuka na ba ang mga manok. Madalas ko pang isagot ay “hindi ko alam”. Lagi kaming nag-aangilan sa bahay kaya para walang gulo, iniiwasan ko na lang makipag-usap ng matagal. Less-attention-less-friction approach, mahirap nang mag-away kami, e wala akong trabaho. Pero medyo matagal na rin ‘yung huling away namin. Nagastusan ako ng mahigit trenta mil sa upa dahil lumayas talaga ako sa’min. Anim na buwan na kong sa bahay umuuwi ngayon dahil wala pa nga akong trabaho. Ayokong makipagkuwentuhan, kumbakit may parang unspoken rules na kapag may kasakay ka sa dyip na kakilala ay kailangang kuwentuhin mo, lalo na kung magulang mo. Inaantok ako kumbakit nagkasabay pa kami sa dyip pauwi. 

Isinubsob ko ang mukha ko sa nakasabit kong kanang braso. Hinihigop talaga ako ng antok. Mga ilang beses na nalalaglag ang kamay ko sa pagkakakapit sa hawakan. Bumabagsak ang braso ko sa balikat ng katabi ko. Nakailang sorry din ako. Gusto ko nang bumaba. Gusto ko nang  magbayad, kaya lang hindi ko nga alam kung nagbayad na si Papa. Baka tulog ito kapag nagbayad ako, paano kung bayad na pala ko tapos tanggapin pa rin ni manong drayber ang bayad? Maya-maya pa, umimik na si manong “pasuyo-suyo na ho ng wala pang bayad d’yan.”

Magbabayad naman talaga ako kahit di ko kasabay si Papa e. Kaya mula sa pagtutulog-tulugan, ay akma ko nang iaabot ang singkuwenta pesos. “Bayad ka na!” hinarang ni Papa ang bayad ko. “Ah” sabi ko kunwaring wala akong hinala. Tapos, nagtanong pa kung gusto ko ga raw ng lomi. Pero pagdaan ng dyip sa lomian sa Quipot, sarado naman. “Angel’s?” Tumango lang ako. Gusto kong tanungin kung may kanser ba si Papa, may taning na ba s’ya, o huling biyahe na namin ito ng magkasama kasi ang weird lang talaga.

Sa burger stand, hindi ako makaupo sa upuang bilog. Nakaupo na ang tatay ko. Wala kaming mapagkuwentuhan. Parang ang tagal maluto ng burger ngayon. Parang mamatay na yata talaga si Papa kasi cheese burger pa ang inorder. At akmang ililibre ako pati ng softdrinks, pero tumanggi na ‘ko. “Magkakape ako mamaya” kako which is very true naman. Tapos, nagkuwento na s’ya. May violinist daw dati sa lugar nila sa Dumaguete, matanda na, pero laging tumutugtog kapag may piyesta. “Lagi nga naming niluluko ‘yun,” tapos nag-stroke sa hangin si Papa na parang may sakit sa nerves. “Ano ‘yun s’ya lang nag-aral ng kanya?” parang tinatanong n’ya kumbakit kailangan ko pa talaga ng magtuturo sa’kin. Parang “wala kang natural talent” ang dating sa’kin. Sabi ko lang may ganun naman talaga, “pinanganak na may tainga.” Kinuwento ko na maraming mga bata kanina sa workshop ang mas mahuhusay pa sa’kin. Bata pa lang kasi talagang pinag-aral na. “Mayayaman naman kasi mga ‘yun.”

Inabot din sa’kin ang order ko. Sabi ko, hindi pa ko uuwi. Kukunin ko pa ‘yung sapatos ko kena Bo at isasauli ‘yung tsinelas ni Uloy. Uuwi rin naman ako kaagad kayo na mag-uwi ng pasalubong. Kinuha ko lang ‘yung cheeseburger ko at naghiwalay na kami.

Ilang buwan na lang kaya ang itatagal ni Papa? Baka kailangan ko nang mag-aral ng mga 80’s slow rock na piyesa. Pero salamat sa pamasahe at pa-burger.

Wednesday, June 20, 2018

Hunyo 14, 2018



Totoong bertdey na ni E-boy.

Pumunta ko sa kanila, mga bandang pagabi na. Nasa labas pa sina Bo at Uloy. Inasikaso ko lang ‘yung deadline ko na essay. Baka sakali. Binuno ko pa ‘yung 500 words na natitira, kinatay ko lang naman mula sa dati ko nang naisulat.

Wala kaming plano, walang pera e. Peralyzed. Kaya sa bahay lang kami. Maya-maya’y dumating din sina Uloy. Tuloy lang ako sa pagkatay at pagbuo ng essay. Si Bo, natulog yata nang saglit. Ta’s, pinabili na sila ng ulam, litsong manok at pork chop. Natapos ko rin naman ang essay bago maghapunan.

Nagpasalamat kami. Bumili rin pala si Babes ng yema cake. Nakauwi ako bandang alas-nuwebe na. Last year, wala akong maalalang dumaan ang bertdey ni Bo. Hindi ko alam kung nasaan ako. Wala lang, gusto ko lang i-blog.

#


Monday, June 11, 2018

Hunyo 10, 2018



Linggo ng tanghali, kena E-boy ako nagtanghalian.

Tatlong batches kami sa kusina. Sina Lola Nitz at Tay Noli, Mrs at Ptr. P, the newly weds: Jet-jet at Ate Ivy, Babes, Bo, Ako, si Uloy, Nikabrik, Kerstine, at may guest housemate kami si JM. Plus, may mga bisita. Muntik nang mabutas ang rice cooker nina Mrs. P. Manamis-namis pa naman ang binutohan na may saging na luto ni Lola Nitz.

Pagkatapos kumain, lumabas sina Bo. “Manlilibre si Bo ng ice cream,” sabi ni Uloy. Nanghiram ako kay Bo ng tsinelas kasi basa ang sapatos ko. “Kuha, ipagtanong mo dun sa loob,” sabi naman ni Bo. So, ako naman madaling-madali. Wala akong nakitang tsinelas kaya sinuot ko na rin ang sapatos ko kahit basa-basa pa dahil sa bagyo. Pagbalik ko, saan daw ako pupunta. Nagbibiro lang daw si Uloy.  

“Sabi mo…” tapos tawa sila nang tawa.

“Ay siya! Hindi ako makakapayag! Hindeee!” Inulot na ako e. Nagsisihan na ngayon ang dalawa. Si Uloy daw ang may sabi kaya si Uloy daw ang manlibre. Sabi ko naman, e bakit pinakuha mo pa ko ng tsinelas? Nagtatakbo pa ko. Nagmadali pa ko. “June 10, 2018…” sabi ko. “Ano!” sabi ni Bo. “Tatandaan ko ‘tong araw na ‘to,” kako. Kesyo, bakit mag-a-ice cream e kalameg-lameg na nga. Kesyo, maulan at nakakatamad lumabas. Hanggang nabuklat na ang backpay ni Uloy sa dating kumpanya. Hanggang nag-computan na ang dalawa ng ginastos nila kahapon.

“Happy birthday Bo!” bigla kong naisip na magbebertdey na si Bo sa June 14. Pero totoo naman na naalala ko kaninang umaga na magbrbertdey na si Bo. At hindi dahil sa ice cream. Nagpatulong ako kay Uloy sa pagsasabi ng “Happy Birthday Bo!” sabay isang palakpak. Paulit-ulit. Sabi ko kapag nabigo kami si Uloy ang sisihin ko. Pauli-ulit kami. “Dali, malapit na!” kako. Long live, E-boy. God bless, E-boy. “Wala kayong mahihita sa’kin,” sabi ni Bo. Hita agad! Nabati lang ng birthday!

Nauubusan na ako ng paraan at oras. May klase pa ako ngayong hapon sa Lipa. Hanggang sa naisip ko na welcoming na lang para kay JM. Tapos, ako na lang manlilibre kay JM. Mukhang gagana! “Kung talagang gusto ay kukuha ng payong,” sabi ni Bo. At katapos-tapusan si Uloy din ang nanglibre. Mahaba pa ‘yung usap kaysa sa itinagal ng ice cream sa apa.
#

Saturday, June 9, 2018

‘Goda 2

     Nagkita kami ni titashie sa Victory. Titashie na lang, hindi ko na papangalanan ang katrabaho sa dating workplace. Hangga’t maari, pinipilit naming maging maaga kesa sa 2pm schedule. Gusto naming maabutan ‘yung 5 mins countdown bago mag-umpisa ‘yung church service. Doon din kami nagtuturbo ng kuwentuhan. Ewan ko, puwede namang after ng service pero gusto naming magchikahan under pressure.

     “…kelan ulit ang provincial meeting n’yo? May  ipapadala akong letters tinatapos ko lang.”

     “Bilisan mo kasi baka hanggang June 30 na lang ako. Baka hindi na ako mag-renew.”

     “Lagi nating sinasabi yan besh. Hahaha”

4:24

    “Nakausap ko na si Mayor!” sabay kaming tumawa. “Congrats!” tumawa ulit kami kasi parang accomplishment na ang makausap ang mayor ng bayan na ‘yon. “After two years of service” sa local government n’ya nakausap mo rin. Kailangan n’ya kasing papirmahan ‘yung BRM, MOA, SIA atbp abbrvs. bago pa i-defense sa panel ang livelihood project proposal. Kailangang approved muna ni Mayor.

3:40

     “O anong sabi?” usisa ko. 
     “Puwede bang sa ibang baranggay na lang?” sabi ni Mayor.  As good as, hindi pinirmahan. Ayos naman ‘yung proposal pero hindi ayos kay mayor ‘yung target na baranggay. Porque’t may issue s’ya sa baranggay captain doon, hindi na n’ya lalagyan ng project? E kung ima-mapa natin ‘yung livelihood projects sa bayan n’ya, makikita n’yang kasama ‘yun sa mga baranggay na hindi pa nabibigyan ng projects. E marami rin namang Pantawid pamilya doon. Hindi lang halata na mataas ang poverty incidence doon kasi magagarang bahay ang nasa tabing-highway pero pasukin n’ya ‘yung mga kantuhan para makita n’ya ‘yung mga barong-barong, ‘yung mga nakikipisan, nangungupahan, at meron pa ngang kural ng baboy na tinagpian lang ng lawanet para lang maging bahay! Sobrang layo sa elegante n’yang opisina sa munisipyo!

3:12

     “Anong sabi ng MSWDO?” usisa ko ulit baka sakaling mahihilot ang desisyon. 
     “Wala tayong magagawa, ganyan talaga dito,” ang sabi. There was an instance pa nga, dahil may issue nga s’ya sa baranggay captain doon hindi n’ya pinahakutan ng basura for 2 weeks! Walang magawa ang MENRO dahil LCE ang Mayor. Local chief executive, o lokal na punong tagapagpatupad sa Filipino, intimidating sa kahit na anong wika. Baka mawalan sila ng trabaho. 

     Dati naman hindi na kailangan ng pirmadong dokumento ang proposals lalo na kung hindi naman idadaan sa lokal na pamahalaan ang pondo. Lately lang, sa bagong process, ni-require ang approval ng mayor. Kuwestiyonable tuloy ngayon ang dalawang naalala kong priniciples ng Program na people empowerment at people-centered. Kaya nga mula na sa national agencies ang gumagawa ng targetting, gumamit na nga ng stats mula sa PSA, kasi nga sobrang makulay sa lokal, tapos at the end of the day, sa basbas pa rin ni Mayor kung matitikman nila ang biyaya from the national government.  Mayor-empowerment na. I heyt…

2:23

     Naalala ko tuloy ‘yung kuwentuha namin ni Uloy kahapon habang nag-aabang ng dyip pauwi kagabi lang. Sabi ko kasi nami-miss ko 'yung sakit sa ulo ng project management. Mag-explain sa local government ng process na hindi ko rin sure kung hanggang kailan applicable. Minsan nga napapaisip ka na ng “Aba Mayor sabay-sabay din sa road-widening ang pang-unawa, ang lagay kalsada lang ang lumalawak?” 

1: 54

     “Sayang naman ang pinaghirapan ko,” sabi ni titashie. Naiyak nga raw s’ya. Kasi hindi naman basta-basta puwede maglipat ng project. May mahabang proseso. Bago pa n’ya na-groundwork ‘yun. Nag-market study rin naman s’ya: inalaman saan may pinaka murang ‘water refilling station installment’, sa kabilang bayan pa nga kumukuha ng tubig ang mga taga-roon, may catering services, farm schools and resorts malapit, at magkakaroon pa ng community college at hospital; may potential naman ‘yung livelihood kumbaga. Nagtrabaho pa s’ya ng weekends. Nabigong maisalin lahat ng talino’t pagkalinga tungo sa isang hakbang ng sana’y pag-unlad ng komunidad. I so know the pain.
1:07

     “’tsaka anong sasabihin ko sa mga tao? Hindi ko naman puwedeng sabihing ayaw ni mayor.” So true, kung ayaw mong maputulan ng wi-fi o mawalan ng table sa opisina. Hindi puwedeng mabahiran ang imahen ni mayor na 'sing puti ng barong n'ya kapag flag ceremony. Pero umasa na 'yung mga tao. Kumbaga naparikit mo na 'yung apoy na kagustuhang umahon, na baka nga sa livelihood project nilang sisimulan aangat silang kahit pipti pesos per capita sa poverty threshold, na baka iba nga ito sa iba pang government projects kasi kinonsulta mo sila, binahay-bahay mo, baka iba. Kaya lang, 'yun nga, nakulayan sila.

     Bago maubos ang oras sa projected screen. Gusto ko munang hiramin ‘yung narinig kong dasal sa simabahang katolika: Panginoon, patatagin mo ang aming pananampalataya, upang ang mga nanunugkulan sa pamahalaan ay pag-usbong ng pag-unlad ng mamayan  sa lahat ng larangang pagkatao. Panginoon, patatagin mo ang aming panalangin.”



     P.S.

“Mayor, mayor, ambait mo naman sana kunin ka na ni Lord.”



 #

Wednesday, June 6, 2018

Nabasa ko ‘yung ‘Ako ang Daigdig’



     Ang ‘Ako ang Daigdig’ ay isang sikat na tula ni Alejandro G. Abdadilla (AGA). Nadaanan namin ‘o sa Filipino noong hayskul,  kung kailan itinuturo ang tula bilang sauluhin at bilang akdang pine-perform sa unahan. Kaya ayoko noon ng tula, nito ko na lang sinusubukang kaibiganin ang tula.

     Ilang buwan ko nang inuulit-ulit basahin ang ‘Ako ang Daigdig’ bago ang iba pang tula na nasa koleksiyon. Hindi ko pa rin s’ya gets na gets pero malamig na tubig ang tulang ito kapag ako’y tag-araw at uhaw na uhaw. Pakiramdam kong tubig ang tula at ako’y isang basag na sisidlan at pilit pinapabagal ang pagtagas ng salita sa bawat pagbasa. Binibigyan ako ng tula ng kaibigang tapik sa balikat na “okay lang na may lamat o kaya’y bingaw”.

    Ipinapaalala sa’kin ng tula na ang dami kong kuwento sa loob ko; mahahabang sanaysay, may malalim, may mababaw. Nakakaramdam ako na mahalaga pala ang sarili na may kapangyarihan ang patuloy na pag-unawa sa sarili. Na bago ako magpakalunod sa mundong nasa labas ko, dapat ginalugad at nalunod na ako sa malalawak ding mga mundo sa loob ko. Ang lakas maka-zen mode ng ‘Ako ang Daigdig’.

    
    

Monday, June 4, 2018

‘Goda




     Hinatid ako ni Uloy sa may 7-11 ng Lusacan. Abang ng dyip pauwi. Medyo matagal nang makasakay kapag alas-otso ng gabi sa Tiaong. Nag-check lang ako ng e-mail kena Bo. At naki-print din pala para sa mga ikakapit sa journal para sa buwan ng Mayo. Kena Bo na ako inabot ng hapunan, sinigang na salmon; luto ni Lola Nitz. Kahit busog na ako, kumain na rin ako para matutulog na lang pag-uwi. 

     “Gusto kong  magbakasyon,” sabi ni Uloy. “’yung wala munang church for 5 days”.

     Napag-usapan din namin kung kailan kami huling nagpunta kena Kuya Joey, Ate Anj, Kuya Caloy, at Ptr. Jong. Nakaka-miss ‘yung luto ni Ate Eve. Maganda ring bumisita na tayo sa Natural History Museum. Kaya lang, kako, wala pa akong pera. Bago naman siguro kayo bumalik sa sem(inary), makakaipon ako kahit 800 pesos lang.

     “May seminar na ulit kami sa Tuesday,” si Uloy ulit.

    “Eh ginusto mo ‘yan e,” si Uloy din ang sumagot. Malamang na puno talaga ng church activities kapag pinili mong pumasok ng baptist seminary. Puno rin sila ng summer activities: youth retreat, cell group meetings, seminars, habang hindi pa ulit nagpapasukan ang mga kabataan sa simbahan nila. Kadalasan nagbibiro pa kami na baka lumampas na sa langit at parating nasa simbahan. Nami-miss din naman daw n’yang mag-encode ng data at mag-supervise ng process sa planta.

     “Nami-miss ko nga ‘yung sakit ng ulo, ‘yung magpaliwanag sa mayor,” sabi ko.

   ‘yung ipapaliwanag mo kung bakit ganitong projet, kumbakit hindi dadaan sa munisipyo ang pondo, kumbakit sa ganitong baranggay, kumbakit itong mga taong ito (kahit di n’ya kakulay). “Aba’y mayor sabay-sabay din sa road-widening ang pang-unawa, ang lagay kalsada lang ang lumalawak,” pero siyempre sa behind-the-scenes mo lang ‘yan sinasabi.  Sa mga untold field staff chismisan, kapag kailangan n'yo lang ng kaunting tawa para sa sandamakmak na sakit ng ulo. Parang handa na ulit ako sa mga sakit ng ulo.

      Pero sa ngayon, mabuhay muna sa mahaba-haba na yatang bakasyon. 

Friday, June 1, 2018

Project PAGbASA Lubi-Lubi Report 2017

Challenges: (1) Inabot kami ng adulting. Ang hirap pagtugmain ang aming mga kalendaryo para sa mga activities. (2) Nakakatamad mag-organize ng pictures at mag-manage ng social media. Nasiraan pa ‘ko ng phone. (3) Wala kaming leave credits, so umikot lang halos sa Batangas ang pamimigay ng Project Pagbasa ng aklat.

Pero nakagalaw pa rin naman ang Project Pagbasa ng 2017:



Push!!! Walang holi-holiday kay Tita Digs

Batangas Earthquake Swarm
Holy Week nang mapadpad kami sa Mabini, Batangas para sa Disaster Response. May dalawa akong nabigyan ng aklat na nakatira sa may bundok at sa may dagat. Isang batang babae at isang batang lalaki. Kanselado ang pasok nila dahil sa lindol. Hindi rin basta makapaglaro sa labas. Isa sa mga kapamilya nung bata ang nagpatuloy sa team nang gabihin kami sa bundok. 


Kasama sina Ara at Ate Tin sa pag-iiwan ng donated books 


Book Stop Project
Nag-iwan kami ng mga aklat-pambata at mga pre-loved books ko na rin sa Book Stop Project sa Intramuros, Maynila.

Kasama ang mga nanay mula sa 4Ps sa story-telling session

Brgy. Quilo-Quilo North, Padre Garcia, Batangas
Story-telling session kasama ng mga nanay at mga kabataan sa baranggay. Ikinuwento ni Ma’am Sol, municipal link ng DSWD, ang kuwentong ‘Ang Batang Ayaw Maligo’ ni Dok Luis Gatmaitan. Medyo hindi kasi hygienic ang pamumuhay sa bahaging ito ng baranggay.

Mahalaga na may takdang oras sa pagsasanay magbasa


Brgy. Tangob, Padre Garcia, Batangas
Marami sa mga nabigyan ng aklat sa Brgy. Tangob ay anak ng mga mananahi. Kasabay ng Bisitahanan ng Sustainable Livelihood Program ang pagbibigay ng mga aklat sa mga nadadatnang mag-aaral sa bahay. May school achievers at meron din namang nagpa-practice pang magbasa.


Nadat'nan ko s'yang nagbabasa ng literary folio ng school pub nila

Brgy. Castillo, Padre Garcia, Batangas
Marami sa nabigyan ng aklat sa Brgy. Castillo ang achievers sa school, may campus journalist pa nga. Ilan sa nabisitang bahay ay may mga nakasabit na mga medalya gaya sa bahay nina Zairus at Jacob, pitong taong gulang at parehong nasa Grade 2. Kasabay din ng Bisitahanan ng Sustainable Livelihood Program ang pagbibigay ng mga aklat.

#

total book distributed: 15 books (hindi kasama ‘yung donated pre-loved books)
total remaining fund: Php 3,000 



Pasasalamat:

Sa Volunteers: kay Mam Sol for story-telling kahit busy-busy, kay Nikabrik for covering our books for story-telling, sa mga bahay na nagpatuloy, nagpa-juice, at nagpatulog kung di na kayang umuwi. 

Kay BOSS: Para sa mga aklat!