Monday, June 11, 2018

Hunyo 10, 2018



Linggo ng tanghali, kena E-boy ako nagtanghalian.

Tatlong batches kami sa kusina. Sina Lola Nitz at Tay Noli, Mrs at Ptr. P, the newly weds: Jet-jet at Ate Ivy, Babes, Bo, Ako, si Uloy, Nikabrik, Kerstine, at may guest housemate kami si JM. Plus, may mga bisita. Muntik nang mabutas ang rice cooker nina Mrs. P. Manamis-namis pa naman ang binutohan na may saging na luto ni Lola Nitz.

Pagkatapos kumain, lumabas sina Bo. “Manlilibre si Bo ng ice cream,” sabi ni Uloy. Nanghiram ako kay Bo ng tsinelas kasi basa ang sapatos ko. “Kuha, ipagtanong mo dun sa loob,” sabi naman ni Bo. So, ako naman madaling-madali. Wala akong nakitang tsinelas kaya sinuot ko na rin ang sapatos ko kahit basa-basa pa dahil sa bagyo. Pagbalik ko, saan daw ako pupunta. Nagbibiro lang daw si Uloy.  

“Sabi mo…” tapos tawa sila nang tawa.

“Ay siya! Hindi ako makakapayag! Hindeee!” Inulot na ako e. Nagsisihan na ngayon ang dalawa. Si Uloy daw ang may sabi kaya si Uloy daw ang manlibre. Sabi ko naman, e bakit pinakuha mo pa ko ng tsinelas? Nagtatakbo pa ko. Nagmadali pa ko. “June 10, 2018…” sabi ko. “Ano!” sabi ni Bo. “Tatandaan ko ‘tong araw na ‘to,” kako. Kesyo, bakit mag-a-ice cream e kalameg-lameg na nga. Kesyo, maulan at nakakatamad lumabas. Hanggang nabuklat na ang backpay ni Uloy sa dating kumpanya. Hanggang nag-computan na ang dalawa ng ginastos nila kahapon.

“Happy birthday Bo!” bigla kong naisip na magbebertdey na si Bo sa June 14. Pero totoo naman na naalala ko kaninang umaga na magbrbertdey na si Bo. At hindi dahil sa ice cream. Nagpatulong ako kay Uloy sa pagsasabi ng “Happy Birthday Bo!” sabay isang palakpak. Paulit-ulit. Sabi ko kapag nabigo kami si Uloy ang sisihin ko. Pauli-ulit kami. “Dali, malapit na!” kako. Long live, E-boy. God bless, E-boy. “Wala kayong mahihita sa’kin,” sabi ni Bo. Hita agad! Nabati lang ng birthday!

Nauubusan na ako ng paraan at oras. May klase pa ako ngayong hapon sa Lipa. Hanggang sa naisip ko na welcoming na lang para kay JM. Tapos, ako na lang manlilibre kay JM. Mukhang gagana! “Kung talagang gusto ay kukuha ng payong,” sabi ni Bo. At katapos-tapusan si Uloy din ang nanglibre. Mahaba pa ‘yung usap kaysa sa itinagal ng ice cream sa apa.
#

No comments: