Thursday, June 21, 2018

Trip to Tiaong: Angel's


Galing ako ng violin lesson sa Lipa. Bababa ako sa Bantayan, tapos babalik ako sa Lusacan dahil nanghiram lang ako ng tsinelas kay Uloy kaninang tanghali. Kaninang umaga kasi, inabot ako ng lurok na ulan papunta sa simbahan. Maghapon na akong pauli-uli kaya antok na antok na ako sa dyip. O talagang may elementong nakakaantok sa biyaheng Lipa-Tiaong.

“Huy!” sabi ng matandang manong.

Napalingat ako uli, uy si Papa! Mas mabilis akong  nakapagsabi ng “libre n’yo kong pamasahe!” kaysa namukhaan na tatay ko pala s’ya. Parang anghel sa lupa si Papa ngayon. Makakatipid din kasi ako ng 47 pesos, e maingay na ulit ‘yung kalupi ko. Baryahin na ang pera ko. Sa tinagal-tagal ko kasing nagtrabaho malapit sa Lipa, ngayon ko lang nakasakay si Papa.

Ngayon ko lang napansing medyo matanda na pala si Pa. Mas marami nang puti. Naka maong na jacket pa na parang galing Saudi. May linya na sa mukha pero nagtatrabaho pa rin. Tumatayo pa rin ng walong oras sa hotel sa loob ng mahigit dalawang dekada na, tumatakbo pa rin bilang referee sa mga paliga ng basketbol, nagsasabong at nag-iinom pa rin ‘pag may time, at nakuha ko pang magpalibre ng pamasahe.

May inimik si Papa pero hindi ko na-gets. Wating na ko sa antok. “Bayad ka na” o “bayad na’ko”, hindi malinaw dahil medyo pagaw rin, tapos nagpakita s’ya ng sukling barya sa’kin. Hindi ko tuloy sure kung nilibre na n’ya ako o akala n’ya ililibre ko s’yang pamasahe pero nakapagbayad na s’ya.  Ayoko namang ulit sabihing ilibre ako dahil dumami na ang sakay ng dyip.

“San ka galing?Kalahating taon na kong nag-aaral ng Suzuki method pero ngayon n’ya lang nalaman. Wala naman itong ka-amor-amor sa pagsawsaw ko sa music. Noong second year college, galit na galit ‘yan dahil bumili ako ng gitara. “Wala ka namang banda!” ang sabi. Tapos, hindi rin naman ako natutong tumugtog talaga. Kaya nang makapagtrabaho sa Maynila, bumili naman ako ng violin. Hindi naman n’ya sinabing “wala ka namang orkestra” this time.

Hindi naman kami nagkukuwentuhan sa bahay. Umiikot lang ang usapan namin sa bahay sa paghuhugas ng pinggan, biling bigas o kape, nasaan ang Mama mo, nasaan ang kapatid ko, at napatuka na ba ang mga manok. Madalas ko pang isagot ay “hindi ko alam”. Lagi kaming nag-aangilan sa bahay kaya para walang gulo, iniiwasan ko na lang makipag-usap ng matagal. Less-attention-less-friction approach, mahirap nang mag-away kami, e wala akong trabaho. Pero medyo matagal na rin ‘yung huling away namin. Nagastusan ako ng mahigit trenta mil sa upa dahil lumayas talaga ako sa’min. Anim na buwan na kong sa bahay umuuwi ngayon dahil wala pa nga akong trabaho. Ayokong makipagkuwentuhan, kumbakit may parang unspoken rules na kapag may kasakay ka sa dyip na kakilala ay kailangang kuwentuhin mo, lalo na kung magulang mo. Inaantok ako kumbakit nagkasabay pa kami sa dyip pauwi. 

Isinubsob ko ang mukha ko sa nakasabit kong kanang braso. Hinihigop talaga ako ng antok. Mga ilang beses na nalalaglag ang kamay ko sa pagkakakapit sa hawakan. Bumabagsak ang braso ko sa balikat ng katabi ko. Nakailang sorry din ako. Gusto ko nang bumaba. Gusto ko nang  magbayad, kaya lang hindi ko nga alam kung nagbayad na si Papa. Baka tulog ito kapag nagbayad ako, paano kung bayad na pala ko tapos tanggapin pa rin ni manong drayber ang bayad? Maya-maya pa, umimik na si manong “pasuyo-suyo na ho ng wala pang bayad d’yan.”

Magbabayad naman talaga ako kahit di ko kasabay si Papa e. Kaya mula sa pagtutulog-tulugan, ay akma ko nang iaabot ang singkuwenta pesos. “Bayad ka na!” hinarang ni Papa ang bayad ko. “Ah” sabi ko kunwaring wala akong hinala. Tapos, nagtanong pa kung gusto ko ga raw ng lomi. Pero pagdaan ng dyip sa lomian sa Quipot, sarado naman. “Angel’s?” Tumango lang ako. Gusto kong tanungin kung may kanser ba si Papa, may taning na ba s’ya, o huling biyahe na namin ito ng magkasama kasi ang weird lang talaga.

Sa burger stand, hindi ako makaupo sa upuang bilog. Nakaupo na ang tatay ko. Wala kaming mapagkuwentuhan. Parang ang tagal maluto ng burger ngayon. Parang mamatay na yata talaga si Papa kasi cheese burger pa ang inorder. At akmang ililibre ako pati ng softdrinks, pero tumanggi na ‘ko. “Magkakape ako mamaya” kako which is very true naman. Tapos, nagkuwento na s’ya. May violinist daw dati sa lugar nila sa Dumaguete, matanda na, pero laging tumutugtog kapag may piyesta. “Lagi nga naming niluluko ‘yun,” tapos nag-stroke sa hangin si Papa na parang may sakit sa nerves. “Ano ‘yun s’ya lang nag-aral ng kanya?” parang tinatanong n’ya kumbakit kailangan ko pa talaga ng magtuturo sa’kin. Parang “wala kang natural talent” ang dating sa’kin. Sabi ko lang may ganun naman talaga, “pinanganak na may tainga.” Kinuwento ko na maraming mga bata kanina sa workshop ang mas mahuhusay pa sa’kin. Bata pa lang kasi talagang pinag-aral na. “Mayayaman naman kasi mga ‘yun.”

Inabot din sa’kin ang order ko. Sabi ko, hindi pa ko uuwi. Kukunin ko pa ‘yung sapatos ko kena Bo at isasauli ‘yung tsinelas ni Uloy. Uuwi rin naman ako kaagad kayo na mag-uwi ng pasalubong. Kinuha ko lang ‘yung cheeseburger ko at naghiwalay na kami.

Ilang buwan na lang kaya ang itatagal ni Papa? Baka kailangan ko nang mag-aral ng mga 80’s slow rock na piyesa. Pero salamat sa pamasahe at pa-burger.

No comments: