Monday, June 4, 2018

‘Goda




     Hinatid ako ni Uloy sa may 7-11 ng Lusacan. Abang ng dyip pauwi. Medyo matagal nang makasakay kapag alas-otso ng gabi sa Tiaong. Nag-check lang ako ng e-mail kena Bo. At naki-print din pala para sa mga ikakapit sa journal para sa buwan ng Mayo. Kena Bo na ako inabot ng hapunan, sinigang na salmon; luto ni Lola Nitz. Kahit busog na ako, kumain na rin ako para matutulog na lang pag-uwi. 

     “Gusto kong  magbakasyon,” sabi ni Uloy. “’yung wala munang church for 5 days”.

     Napag-usapan din namin kung kailan kami huling nagpunta kena Kuya Joey, Ate Anj, Kuya Caloy, at Ptr. Jong. Nakaka-miss ‘yung luto ni Ate Eve. Maganda ring bumisita na tayo sa Natural History Museum. Kaya lang, kako, wala pa akong pera. Bago naman siguro kayo bumalik sa sem(inary), makakaipon ako kahit 800 pesos lang.

     “May seminar na ulit kami sa Tuesday,” si Uloy ulit.

    “Eh ginusto mo ‘yan e,” si Uloy din ang sumagot. Malamang na puno talaga ng church activities kapag pinili mong pumasok ng baptist seminary. Puno rin sila ng summer activities: youth retreat, cell group meetings, seminars, habang hindi pa ulit nagpapasukan ang mga kabataan sa simbahan nila. Kadalasan nagbibiro pa kami na baka lumampas na sa langit at parating nasa simbahan. Nami-miss din naman daw n’yang mag-encode ng data at mag-supervise ng process sa planta.

     “Nami-miss ko nga ‘yung sakit ng ulo, ‘yung magpaliwanag sa mayor,” sabi ko.

   ‘yung ipapaliwanag mo kung bakit ganitong projet, kumbakit hindi dadaan sa munisipyo ang pondo, kumbakit sa ganitong baranggay, kumbakit itong mga taong ito (kahit di n’ya kakulay). “Aba’y mayor sabay-sabay din sa road-widening ang pang-unawa, ang lagay kalsada lang ang lumalawak,” pero siyempre sa behind-the-scenes mo lang ‘yan sinasabi.  Sa mga untold field staff chismisan, kapag kailangan n'yo lang ng kaunting tawa para sa sandamakmak na sakit ng ulo. Parang handa na ulit ako sa mga sakit ng ulo.

      Pero sa ngayon, mabuhay muna sa mahaba-haba na yatang bakasyon. 

No comments: