Ang bilis ng panahon, apat na taon matapos magtanan ng kapatid kong si
Vernon, tatlo na agad ang pamangkin ko. Si Top-top, Puti at Ten-Ten. Puro
lalaksot. Hindi pa rin kasal ang dalawa ni Vernon at Lanie. Nakatatlong ‘first
birthday party’ na sila. Na lahat ay hindi ko napuntahan.
Dumating si Vernon biyabit si Puti at Ten-Ten, kainitan bago
magtanghalian. Tamang-tama, walang kanin at ulam. Hindi naman nagsabi ang mga
ire na bibisita pala. Si Top-top ay nasa DayCare pa raw kaya susunod na lang
kasama ng inahin maya-maya lang. Lola mode si Mama sa pagpapabili ng ulam at
titoshie mode naman ako sa paglalaro sa mga pamangkin.
Si Ten-Ten, hindi ko alam ang totoong pangalan, ay mahigit isang taon ko
bago nakita. Lately lang, nitong nag-eleksyon sa baranggay ko nakita. Sa
magkakapatid, ito ang pinaka mabilis sumama sa’kin. Walang pag-iisip. Kapag
ihinaya mo ang kamay mo para kunin s’ya, kakapit agad ‘yan na parang tarsier.
Nakakangawit nga lang sa bigat. Ni hindi nga makaupo ng maayos at natutumba.
Sirang-sira ito sa cartoons na kumakanta.
Si Puti, ‘yung pangalawa, as the implies ang pinaka maputi sa tatlo. Hindi
ko rin alam ang tunay na pangalan ni Puti at dalawang taon bago ko ito nakita. Pinaka
mahirap din itong paamuhin. Lahat ng i-offer ko “ayaw”. Sa ngayon, at the age
of two siya rin ang pinaka pilyo. Minsan, binilhan daw ‘to ni Vernon ng C2 pero
hindi ininom bagkos ay ibinuhos kay
Top-top, sa kuya n’ya. Inaaway-away ang kuya, parang si Vernon lang din dati.
S’ya rin ang pinaka sarat ang ilong pero pinaka photogenic sa tatlo,
nag-photoshoot kami sa may duyan. Kung maka-project, mukhang mabait.
Sirang-sira naman ito sa piso at ‘mumu’ movies.
Makatanghalian na dumating si Top-top sa’min. Wala itong tatak ng star
sa kamay ngayon mula sa DayCare. Hindi rin naman halata ang tatak ng star sa
kamay, dahil si Top ang pinaka ulikba sa tatlo. Pero mabuti at nakapasok na ‘to
kahit sa DayCare, dahil kapag nasa bahay ito palagi itong “turuin mo ako Mader”
o kaya “basa tayong book Tito Jord”. E madalas naman akong wala, tapos si Mama
antok na rin dahil madaling araw pa lang nagtitinda na; kaya si Tito R ang
nagt’ya-tiyagang magturo kay Top-top. Narinig ko minsang paulit-ulit na “letter
C” ang itinuturo ni Rr kay Top-top gamit ang maliit na whiteboard, pagtingin ko
puro letter A at R naman ang nakasulat. Letters A at R lang kasi ang
kayang isulat ni Rr.
Minsan habang nag-iigib ako, naulinigan ko namang nagtuturo ng Math si
Rr kay Top-top; “1 plus1?” Sumagot naman si Top-top ng “Arf! Arf!”. Sabay
nagtawanan ang dalawa. “Goodboy” sabi ng kanyang Tito R. Mahirap pala talaga
ang early childhood education, kailangan talagang upuan. Ito ngang gusto na ng
batang matuto, tapos ang dami mong gawain, o masyado ka nang pagod sa trabaho.
Sira-sira rin pala ang mga ngipin sa unahan ni Top-top. Kaya ang una
kong binasa sa kanya ay Ngiiii, May
Bukbok sa Ngipin ni Anie na sinulat ni Dok Luis Gatmaitan. Tahimik lang
s’yang nakikinig. Iniisip ko nga baka naiinip pero hindi, tahimik lang talaga
s’ya. Kumakalat ang mata n’ya sa makulay na drawings habang binabasa ko ‘yung
kuwento. Ta’s ang dami n’yang tanong, kung bakit daw may mumu sa ilalim ng
lamesa, sabi ko “ano ‘yun visual representation ng takot ni Anie sa dentista”.
Natahimik s’ya. Pagkatapos ng kuwento, nag-toothbrush kaming tatlo nina Top-top
at Rr.
Kinaumagahan, magbasa raw ulit kami ng book. ‘yung kay Anie. O kaya
pupunta raw s’ya sa dentista para magpabunot. Sabi ko mamayang gabi na lang at
inulit ko nga ‘yung pagbabasa. Parang walang sawa. Kaya iniba ko ng konti:
kunwari malungkot na ‘yung Mama ni Anie kasi wala na silang pera dahil mahal
magpabunot sa dentista. Naka-apat na bunot si Anie bago kami nagpalit ng
kuwento.
Masyadong rin palang payat si Top-top para sa kanyang edad. Sa kanila
raw kasi sa San Pablo “’pag umaga, pandesal. ‘pag dilim, kakain (kanin)”.
Limitado ang kain sa kanila, hindi gaya sa’min na spoiled sa kanyang Lola
Maderhed. Kaya lagi n’ya ring sinasabi pag matutulog na “mahal mahal ‘ita
Mader”. Dadalhan ng tinapay sa umaga, paborito nito ang buns at gatas. Bukod pa
sa almusal na kanin. Ginawa na nilang hobby ng kanyang Tito R ang kumain. Kaing
pusa lang naman si Top-top. Minsan, kapag malambot ang kanin, hindi na s’ya
nag-uulam. “Si Mommy, pagtulog ko, bibingo, pag-uwi; kakain,” dagdag pa ni Top
sa kanyang kuwento. Sirang-sira naman si Top-top sa Cheesy Melt at books.
Pero kahit inaaway-away at inaagaw-agawan ng pagkain si Top-top ni Puti,
sinasabi pa rin n’yang “love ako n’yan”. Kahit pinukpok ng laruan “love ako
n’yan.” Kahit binuhusan ng C2, “love ako n’yan”. Parang hindi anak ni Vernon.
#
No comments:
Post a Comment