Saturday, June 30, 2018

Napanood ko ‘yung Ma Rosa





     Ang Ma Rosa ay isang pelikula sa direksyon ni Brillante Ma Mendoza. Tungkol ito kay Ma Rosa, isang nanay, may-ari ng sari-sari store na isa ring suking tindahan ng ipinagbabawal na gamot sa isang depressed area sa Manila, na nahuli sa isang police raid; at pinagdidilehensya ng natitirang Php 50,000 na pang-‘areglo’. Dalawang araw at dalawang gabi lang ang itinagal ng pelikula para magkuwento kung anong itsura ng marami nating baranggay sa likod ng Eat Bulaga kapag tanghalian.

     Medyo mahirap panoorin sa umpisa dahil pauga-uga ang lente. ‘yung mga ilaw minsan parang sinasadya kang silawin lalo na nung mga incandescent, parang ilaw sa pa-liga. Ang tapang ng mga ilaw pero ang madilim pa rin ‘yung set. Minsan ‘yung lente ginagawa kang parang ‘usi’ sa eksena, kapag tumakbo ‘yung nasa eksena, tumatakbo ka rin para masundan ang kuwento. Ang raw ng datingan.

     Ang dusky ng vibe.  Umuulan-ulan, sanawan ang kalsada, makipot na mga eskinita, maingay na sugalan - ang husay ng images ng Ma Rosa. Masisikipan ka, mandidiri, malalamigan sa ipinapakita ng kamera. Pero higit sa pagpapakita kung anong itsura ng mundong ginagawalan ni Rosa Reyes, susubukang himayin ng pelikula ang siste ng kanyang piniling kabuhayan. ‘yung mga pulis, tulak, bellboys sa presinto, at si Ma Rosa; may kanya-kanyang pagdidilehensiya.

     Napakanin ako at 2 am sa part na pagdelihensya nung magkakapatid na Jackson sa natitirang 50K na para sa ‘areglo’. Eh, wala namang trabaho ang mga ‘yun. Anong gagawin nila? Tapos, parang nanakot lang ng bata ‘yung mga pulis kapag sinasabing “ikulong na natin ‘to”. Parang collage ng social injustices ng urban poor.

     Ang comic relief lang nung pelikula (para sa’kin) ay nang makumpleto na ang 50 K. Ang pinoy klasik na takbuhan kapag gipit. Na hindi naman talaga actually relieving. ‘yung kwek-kwek scene talaga ni Jaclyn Jose ang nagpapanalo sa kanya ng Cannes eh. Power in so many layers. Bukod sa kakayahan nung eksenang kumuntiw ng emosyon, may kapangyarihan din itong magsimula ng mga tanong at diskurso.

     Mapapadasal ka na lang na sana sa pelikula lang ‘to, at hindi ganito sa real life. I’m afraid, baka a lot worse pa. Ang brilliant lang talaga.

No comments: