Tuesday, June 26, 2018

Hunyo 24, 2018




Mais festival: bagong pista kahit hindi naman kataasan ang produksyon ng mais sa Tiaong.

Bevs at Tong:

Kena Bebet ako makikitanghalian. Nakita ko ulit ang mag-jowang Bevs at Tong. Kabardkada noong college at mahigit dalawang taong hindi ko sila nakita. Hindi lang nagdidiwang ng pista and dalawa, kundi pati na rin ng ika-9th anniversary nila. Kaya pala may pa-black forest si mayora! At uminom kami. Ng kape, of course. Cheers for nine years!

Konti na lang at fully recovered na si Tong. Naaksidente ito sa trabaho at buti na lang may accident insurance sila. Si Bevs naman ay nasa coop-financing arm ng isang dambuhalang coco by-products exporter sa bansa. Nakakatuwang malaman na 1% lang ang interes sa loan sa kanila. Tumakaw na rin sa pagkakape si Bevs: 4 cups a day ang min. kaya pina-palpitate na rin minsan. Pero tuloy pa rin. Nag-usap kami ng mga plano to settle down, investments, insurance, budget tips at iba pang adulting stuff.

Ang klasik ng walwal mode ni Bevs na para laging nanghahamon ng away sa palengke at ang alalay mode ni Tong. Bagay na bagay ang Captain at Mermaid couple shirts sa kanila, in control si Tong at nagpapakalunod naman si Bevs.


Nikabrik at Jem-jem:
Sabay dumating ang dalawa. Sinalubong si Nikabrik ng “nagpalit ka na pala ng relihiyon?” ng mga matatandang kamag-anak. Ginawa namang palusot ni Nikabrik ang mga bisitang aasikasuhin para takasan ang mga mausisa. Inabutan na nga rin ako ng kandila ni Tita Mina kanina sa house blessing. Iniabot ko lang sa isang bata, “pa-sub”.

Si Nikabrik pala ay kapatid ni Bebet. Nung una ko ‘tong nalaman, gulilat ako dahil hindi sila magkamukha. Magkaiba pala sila ng branch sa family tree. Ang lakas maka ‘Bata, bata, Pano ka ginawa?’ ng pamilya nila. May nagtanong nga kay Bebet sa inuman kung ilan ga silang magkakapatid, “Walo! Kung hindi mo mamasamain!” na may pag-liit pa ng mata at paggalaw-galaw ng balikat pauna. Lasing na, pero pabiro pa rin naman.

Si Jem-jem naman ngayon lang ulit namin nakasama ng matagal. Puro pa kayabangan. Ang dami pang rebelasyon sa kanyang buhay pag-ibig. Sinamahan ko rin pala muna si Jem-jem sa church nila. Dalawang beses na kami sumimba today, ang klasik na biro ay baka lumampas na kami sa langit. Bumalik lang kami kena Bebet after ng church service nila. Pero hindi na n’ya naintay ang pagdating nina Bo at Uloy.



Uloy at E-boy ( at Roy via Messenger)

Bago pa dumating sina Bo, sabi ko alukin sila ni Bebet ng tagay. O kaya kumanta sa videoke. Sabi ni Bebet parang nakakahiya naman daw alukin eh mga papasturin ‘yun. Kaming bahala, kako ni Nikabrik. Ipe-pressure lang natin, para kami talaga ang mag-enjoy.

Habang naghihintay ng hapunan, sabi ko napainom ako ng wine kanina, 12% alcohol lang naman. “To be expected na naman sa’yo,” sabi ni Bo. Tas maya-maya, pumasok na nga si Bebet ng kusina, “ang tagal naman ih, ang tagal” inooras pala kami. Tatawa-tawa ang dalawa ni Uloy.

“Kontrolado ko ang mga pangyayari sa bahay na ‘to,” sabi ko pa.  Maya-maya pinakilala sina E-boy kay Tita Mina. Tinanong pa kami kung “non-pork” ga raw kami. Napaisip naman kami, ‘yun pala kung puwede ba raw sa’min ang baboy. “Anything po.” Tensyunado si Bo.
Bumalik na naman si Bevs. Natawa ako dahil mukhang seryoso na si Bevs at lashing na. Walwal mode na talaga sa pungay ng mata. Umalis uli. Ilang minuto, and’yan na naman “ang tagal ha, ang tagal”. Pinapawisan na si Bo. “Siya, may bawian naman e, ‘pag punta mo sa’min” nagbanta na si Bo. Si Uloy, pag s’ya raw ay nakatagay-tagay ay bubugbugin n’ya raw ako. “wag kang ano, ako’y lasing,” ang sasabihin n’yang dahilan.

Pagkatapos naming kumain nakabalik ulit si Bevs, “ang tagal naman ih,” inis na kuno. “Dali’t ako’y may ipapainom sa inyooo”. Kapag sila raw ay napainom ako raw talaga ang may kasalanan. Dalawang beses pa ko nagsimba neto. Kapag napainom ni Bevs si Nikabrik, ay iinom na rin daw sila, sabi ni Uloy. “Imposible!” sabay padyak ni Bevs. “Siya, e di imposible rin kami,” sabi ni Uloy. “Ang daya n’yo naman ih, ang daya!”.

Kanina sa inuman: “Dati’y nainom din ito e,” sabi ni Bevs habang itinuro si Nikabrik. Tapos, s’ya naman ang itinuro ko at umiling. “Tang ina, ang lakas ng impluwensya mo!” sabay tawa n’ya. “Wala akong kasalanan d’yan,” sabay dampot ko ng fruit cocktail.



Perya

Nameryahan pala ang mga pastor.

Sabi ko magsa-shot lang ako. Shot ng pictures. Hihintayin ko sila kung sasakay sila ng rides. Ang tagal namin sa ilalim ng Viking, parang Anchors Away, na tumitiwarik na ‘sing taas ng ferris wheel. Ang tagal nagpilitan. Hindi ko naman gusto at ako’y naiihi pa. “Color game na lang,” kako. “Ililibre kita,” alok nilang lahat. Kahit dalawang beses pa. Alam na alam na ayaw ko kaya kanya-kanyang suhol. Hindi ako napilit sumakay gaya ng hindi sila napilit tumagay.
Umuwi na lang kami. 

Ang dami kong social energy na naubos ngayong araw. Ang dami kasing pakalat-kalat na mga tao. Mga kakilala ng kaunti na dapat ngitian o batiin. Mga medyo kakilala. Mga namumukhaan. Pagtanggi sa tagay. Pagtanggi sa mic ng videoke. Pagtanggi sa desserts. Nakakapagod. Mukhang kakailanganin kong magkulong sa bahay ng ilang araw.


#

No comments: