Friday, June 26, 2020

QQD100

 Day 100, Martes

Ang kaunti lang pala ng puwedeng magawang mali sa pagtigil ng sandaang araw. 'yung iba naman d'yan gets mo naman na hindi talaga sigurado pero itinuloy ko pa rin. Palpak pa rin kahit na sabihing lesson learned. Naririnig kong sasabihin ni Bobby "ang tanga lang ng mga ideas".

Sabog ako. Parang si Mr. Potato Head na nasarga ng pinto at sumuot kung saan-saan ang mga bahagi. May mga araw na akala ko nabubuo ko na uli pero babangga muli ang pinto at malalasog ang mga bahagi kinabukasan. Parang nawawala na 'yung isa kong mata. Parang hindi dapat nasa ulo ang sapatos. Parang hindi sa'kin ang ilang bahaging napupulot ko.

Mag-outline kaya ako?

x


Isa-isahin natin, kahit mahirap harapin ng mukhaan ang mga kapalpakan. Inspo ko rito ang talk ni Dr. Gia Sison na paano kung ang ipagdiwang kaya natin ay ang mga sariling kapalpakan? Nabasa ko rin sa librong 'True Work' ni Justine at Michael Toms na adik na adik ang lipunan natin sa high na dulot ng tagumpay. Kaya lagi tayong todo kayod para habulin uli ang ganoong klaseng high na pakiramdam. 

Walang masama sa pagdiriwang ng wins and successes ha, ang pagtingin na gusto kong puntuhin dito ay baka kakahabol ko palagi sa susunod na tagay ng tagumpay, e hindi ko na napapansin 'yung ganda ng mga detalye ng mahabang proseso, 'yung kaluluwa ng paghihintay, 'yung katahimikan ng mga ordinaryong araw na hindi ka panalo pero hindi rin naman talo.

Subukan nating ilista lahat ng mga kapalpakan ko na ibinulgar, pinalaki, at pinalala ng pandemya:

1. Career - Hindi ako sumunod sa pattern ng college grad- abroad/kumpanya - regular na trabaho. Hindi ako nakakapit sa iisang institusyon. Kapag tiningnan mo ang CV ko, iba-iba at hindi ako tumatagal ng higit dalawang taon. Kahit pinagtrabahuhang non-profit, hindi naman ako sinalo. Kasalanan ko rin naman na hindi ako nag-asikaso noon ng kontrata kaya wala akong habol. Kaya hindi ako kumportable sa tanong na 'asan ka ngayon?', 'anong ginagawa mo?', at 'what do you call yourself?'. Hindi naman ako unwavering non-conformist na hindi nagtatanong ng paano kung pinili ko na lang 'yung mag-8-5 jobs at maging stable. What if nag-stay ako sa corporate hanggang nakatahi ako ng safety net?

2. Finance - Nawalan ako ng regular na kita pero mabuti may savings ako sa bangko at kailangang tanggapin na talagang magagalaw. Wala na ring trabaho si Papa tapos si Mama lang ang may inaasahang kita mula sa tindahan,iba-iba pa, depende sa benta. Kahit kakaumpisa ko pa lang maglagay sa stocks ngayong taon, kinailangan din munang hugutin. May binabayaran pa ako sa Homecredit buwan-buwan. Pinakikiramdaman ko ang ekonomiya, kinakabahan ako dahil kung huhugutin ko pa 'yung mutual funds ko sa insurance, nakakahinayang ang lugi na 20% at huling baraha ko na 'to. 

3. Resilience - Sa dami na ng kalamidad na ginalawan ko... surprise! Ako pala 'yung hindi resilient! Pasulat-sulat pa ako noon ng mga impact assessment tapos kapag ako na pala ang apektado ng kalamidad ay olats na. Kinansela ng pandemya ang lahat ng makinarya ko para makagalaw sa mga komunidad o makagampan ng mga dapat ko sanang ginagawa bilang professional. Lagi din akong tanghali na kung bumangon, ang hirap bumangon in all levels.

4. Abroad - Dapat sana babiyahe ako ng Malaysia noong Marso. Ikaapat na pagkakataon ko sana para makalipad sa ibang bansa nang libre pero ikaapat na ring palya. Nakakagigil na hinding-hindi matuloy! Hindi makalipad-lipad. Gets ko naman pero nakaka-badtrip lang talaga.

5. Rejections - Dami-daming rejections sa pagsusulat o kahit sa mga grants ngayong taon. Kung kailan kailangan mag-build ng sarili ng makinarya para sa mga gusto kong gawin saka tayo natatalo. Unang beses kong matanggap sa grant at naiwan pa ang perang hindi ko nagastos sa non-profit. 

Ang kaunti lang pala ng puwedeng magawang mali sa pagtigil ng sandaang araw. 'yung iba naman d'yan gets mo naman na hindi talaga sigurado pero itinuloy ko pa rin. Palpak pa rin kahit na sabihing lesson learned. Naririnig kong sasabihin ni Bobby "ang tanga lang ng mga ideas".

Thursday, June 25, 2020

QQD99

Day 99, Lunes

Ngayong araw:
Wala akong ginawang mahalaga.
Wala nang mahalaga sa ginagawa ko.
Wala na nga akong ginagawa.
Ginawa ko lang ang halaga.
Ang halaga ng ako.

Wednesday, June 24, 2020

QQD98

Day 98, Linggo

Nanood uli kami ng Avatar, hindi 'yung alien na blue kundi 'yung airbender at iba pang earthly wisdom. Si Uwe ay abalang-abala sa pag-iimpake ng kanyang mga damit at kung anong isusuot bukas. Paluwas na yata s'ya papuntang Maynila. Habang nag-iimpake ay nagngunguyngoy kung gaano kawalang plano ang nanay n'ya kung sigurado ba sa gagawing pamamasukan.

Nag-uusap kami ni Mama nung isang araw kung anong balak ng dalawa sa pasukan. Si Idon magsi-senior high na ngayon kung magkakaroon ng pasok at si Uwe ay nag-aabang ng resulta ng upcat, mga ilang buwan na. Eh parang mga di nag-aalala ang mga 'yan ah. Lagi nga naming niloloko si Idon kapag nakatsamba sa pagluluto na tumigil na sa pag-aaral at magbukas na ng karinderya sa palengke o kaya maglako ng lutong-ulam sa riles. Si Uwe naman kasama sa araw-araw at tumutulong kay Mama sa tindahan. "Wala ngang kaplano-plano ang mga magulang," sabi ni Mama habang humihigop ng kape. Ganito yata ang sagot ko kay Mama: Aba! Ay anong gagaw'in? Ay lalong wala kung hindi mag-aaral. 'yano man lang maghagilap ng scholarships. Magtanong sa ibang university kung may entrance exam.

Ilang araw nang napapag-usapan. Naririnig-rinig ko lang ay mga putol-putol na parirala, si Konsehal Gener, ang travel pass, ang pagbalik ng biyahe at ang magiging amo. Parang mga kabanata sa pocketbook. Saka ako nagtanong kung mangangamuhan ba sa Maynila si Uwe. Kung kailan naman may pandemya. Si Ate Anjet, nanay n'ya, ang naghanap ng mapapasukan. "Aba, 'we naalala mo ba 'yung mga napanood natin sa mga dokyu na na-stranded sa Maynila". Tawang-tawa si Idon sa ate n'ya at baka s'ya na ang susunod na mapanood namin sa Youtube. "Sayang din ang sampung libo per month, di mo mapupulot 'yun basta-basta sa kung saan," sabi ni Uwe. Maya-maya dumating na si Tito Edi, tatay nila, nakainom ng kaunti at maraming tinik-tinik sa paa dahil nagkatakbuhan diumano sa tupadahan.




Unang araw ng Hulyo, pinilahan ni Mama ang mga cards ng mga pinsan ko sa Recto. Nakadalawang balik pa s'ya dahil siksikan sa pila at walang social distancing sa pagpasok sa high school. Habang nagi-scroll down si Mama, pinakita n'ya kay Idon ang mga kaklase ni Uwe sa palengke sa feeds n'ya na puro tungkol sa mga nakuhang sabit at bina-bash nila na di mo raw akalain na magkakasabit ang anak ni ganito-ganyan. Sabay sabat pa ni Idon kung academic o athletic ba 'yung mga posts na medalya. Picturan mo 'yung kay Uwe sabay buklat ng brown envelop na ang laman ay form 138, sash na nakasulat ay humss, immersion certificate, diploma na may dalawang tiket ng buwis ng bayan, graduation pics na iba-ibang size, class picture at medalya na academic honor. Picturan lahat maliban sa card ang bilin ni Mama at magpo-post din tayo.

Nanood uli kami ni Idon ng anime at si Uwe malamang naghuhugas ng pinggan sa ibang bahay sa siyudad.


Sunday, June 21, 2020

QQD97

Day 97, Sabado

Narinig ko ang mga pinsan ko, "gisingin n'yo na si Kuya Jord". Alas-siyete pa lang ng umaga, bakit sila may bahid ng pagmamadali? Sinabi ko kahapon na bukas ay aalis ako at papunta ako ng office of the vice president. Naniwala sila nang walang pagtatanong. O edi ang aga ko nagising. 

Ang gagawin ko lang today: may event sa Pokemon, tatambay sa klasrum ni Edison, makiki-wifi at magda-download ng ilang files na baka kailanganin ko offline. Unang beses naming nagkita-kita nina Malasmas (Mark Ryan, hindi ko s'ya tinatawag sa pangalan since high school), at nagbatian kami ng "Happy New Normal". Nakitambay kami sa pinagtuturuang school ni Edison at naabutan kami ng principal nila kahit Sabado. May biglaang hiningi ang DepEd kaya may kinuha sa opis. Inexcuse sandali si Song tapos ayun binigyan kami ng buns, loaf bread, at peanut butter. Si Malasmas ang sumagot ng tanghalian at sa wakas ay nakatikim muli ako ng L.S. siomai, s'ya na rin ang nagmotor pabayan para bumili habang ipinanghuhuli namin s'ya ng Pokemon. 

Nanalo raw s'ya sa sugal kaya nanlibre at nahuli ang kasama n'yang mananaya. Hindi ko alam kung anong sugal, ang mahalaga ay naehersisyo n'ya ang pantay na karapatan. Kung 'yung mga singkit nga pinapayagang magsugal sa Makati, tayo pa bang nasa sariling bayan? Marami naman kaming nahuli at ang bilis ng oras habang nag-uusap kung anong mga pinaggagawa namin sa araw-araw na nakakulong sa bahay at kung gaano kaunti na ang pera ko. haha

Pag-uwi, inihatid ako ng dalawa ng lakad sa riles. Ang daming tao pag hapon na, may mga naghuhuntahan at kapihan sa mismong riles ng tren. Nakahiram pa si Song ng iskit (skate) para masakyan namin hanggang sa may tapat ng bahay namin. Mga isang kilometro mahigit din s'yang nagtulak. Elementary pa ko nang huling nakasakay ng iskit at naalala ni Malasmas (Mark Ryan) na hayskul pa s'ya huling nakapunta sa'min. 

Pagabi na nang makauwi ako sa bahay. At akala nga ng mga tao ay lumuwas ako ng Maynila at alalang-alala sila dahil naiwan ko raw ang wallet at atm card ko. Nakalimutan ko palang magpaliwanag na hindi totoo 'yung sinabi ko kagabi. 

Saturday, June 20, 2020

QQD96

Day 96, Biyernes

Nakatapos ako ng isang napaka kapal na hardbound book tungkol sa mga bird species sa Europe. Okay naman 'yung mga essays kada species, hinahanap ko pa yung images sa net at magkakamukha ang napaka maraming species ng swift, robin, at warblers. Inabot ako ng kalahating taon para tapusing basahin ang kulang-kulang sa dalawang daang essays. 

Tinipon ko rin pala ang mga tula ko since 2014, grabe isinali ko talaga sa contest itong mga 'to? Nahiya ako sa sarili ko, ampapangit ng tula ko, nalungkot din ako kasi grabe anim na taon pero parang wala akong iniusad sa pagtutula. Pero ang bawi naman ay sa loob ng anim na taon, nagsulat ako sa iba-ibang mga lugar, may sa bahay, may sa workshops sa schools, may sa resorts, may sa dswd, may sa gitna ng scientific community; para akong asong kung saan-saan umiihi. Tinipon ko lang para pagpilian at ipasa sa isang koleksyon. 

Friday, June 19, 2020

QQD93 - QQD95

Day 93. Martes

Hinanap ko lang lahat ng luma kong notebooks na alam ko pinagsulatan ko ng mga akda. Malaking trabaho na rin pala na i-type 'yung iba at mamili kung aling tula ang ipapadala sa mga koleksyon. Hinanap ko lang 'yung mga notebooks ko pero wala pa akong inuumpisahang trabaho. Nakakatamad. Hindi na rin bumabaho ang kili-kili ko.

#

Day 94, Miyerkules

Sabi ko kay Axel, parang hindi ko na alam ang gagawin. O s'ya ang unang nagsabi sa'kin ng ganun sa'kin? Pero ganun nga, parang hindi ko na alam kung anong gagawin ko, maliban sa mabuhay sa araw-araw. Ako'y isang nadiskaril na tren. Sinusubukan kong isa-isahing isipin ang mga bagay kahit na 'yung mga selyula ng utak ko ay parang blue boys na nagtatrapik sa nagsasalimbayang formula ones ng mga isipin, ideya at mga 'paano kaya kung' sa skyway. "Kasalukuyan pong humaharurot ang mga synpases ng mga isipin sa kahabaan ng medulla oblongata flyover na nagdudulot ng bahagyang migrane at anxiety sa frontal lobe," sabi ng traffic reporter. Mas mabuti pa ang bagyo kaysa pandemya, dahil sa bagyo sa isang araw - isang gabi lang kaya mong lunukin agad 'yung lawak ng pagkasira. Mas madaling magtayo ulit ng bahay, magpukpok ng bubong at may kolektibong datos tayo mula sa iba pang nagdaang bagyo; kaya mas bahagya lang ang pangamba kung paano at kailan ulit babalik sa dating daloy ang buhay sa araw-araw. Sa pandemya, parang wala nang balikan at ayun nga, ang hirap sumabay. Hindi kaagad magkakapakpak ang mga ahas bukas kung tatanggalan mo sila ng ginagalawang gubat ngayon. Hindi ganun kadali 'yun. Ang nagpaapuhap lang sa'kin ng bahagya, hindi naman ako nag-iisa. Apat sa bawat limang Pilipino ngayon ay bumaba ang kalidad ng pamumuhay. Halos mahigit otsenta porsyento sa Pilipinas ang matatagalan ang pangarap at sa tingin ko, ayos lang na 'wag munang bumangon. 'wag magpumilit kung walang ibang paraan. Aminin na natalapid.

#

Day 95, Huwebes

Kanina lang ako naligo ulit matapos ang dalawang araw. Tag-ulan na, kaya hindi na pinapawisan ang kili-kili ko at mas palakaibigan ang ulan sa pagsusulat kaysa tag-araw. Kaninang umaga pa kulimlim, bandang tanghali na ako lumabas nang umulan na para maligo. Tuwang-tuwa ang apat na bagobo sa ulan. Takbo nang takbo at sayaw nang sayaw si Rr at Uwe sa ulan. Lumalakad lang si Idon. Habang nakatayo lang ako sa riles. Hinahayaang umagos ang mga patak ng ulan sa kaloob-looban ng damit. Sabunot-sabunutan ang di pa rin nagugupitan na buhok na parang kinukusot sa tubig-ulan. Panoorin ang nagpupulon ng saranggola at ang mga kapit-bahay na naliligo rin sa ulan.

Hindi nakakaginaw ang ulan kundi manapay nakakagaan. 

#

QQD92

Pag-uwi nina Mama, nagkape kami sa lamesa ko. Kung si Mama lang hindi na dapat umabot pa sa baranggay ang usapin. Aalis na lang kami. Pero ayokong lumipat pa ng bahay, ikalimang lipat na namin kung sakali. Binabanggit na n'ya sa'kin na kahit magbarung-barong lang muna kami sa San Agustin, sa maliit n'yang nabiling lupa doon basta may matulugan lang. Alam ni Mama na may naisubi pa ako, hindi ako naimik. Tiis-tiis na lang, palagpasin na lang ang mga mura, para saan pa ang mga pinanood nating teleserye kung di natin malulunok ang mga mura. Para isang dosenang hayup ka, isang dosena ring putanginamo, limang ulit na lumayas kayo, at dalawang papatayin kita; maliit lang ‘yan kumpara sa gagastusin sa pagtitirik ng bagong bahay. Hindi talaga ako naimik, humihigop lang ako ng kape. Pumasok na si Mama sa kuwarto para matulog. 

Kakatok ang kapit-bahay at hahanapin si Mama. Ang linya lang na nabigay sa’kin ay tawagin si Mama at kakausapin ng kahanggan. Ekstra lang ako lagi, parang hindi ako kasali sa danyos perhuwisyos. Lalabas si Mama, nangangatal na agad ang boses, “Pag-usapan naman natin nang maayos kung kami ay may mali sa inyo,” tuluyan nang nag-iyak ang nanay ko. Humihigop lang ako ng kape sa lamesa ko habang nakikinig. “Dito na lumaki ang mga anak ko,” pahirapang sinasabi ni Mama. Humingi naman ng pasensya ang kahanggan. Iba lang talaga siguro ang tama ng alak at pandemya.

Pag-uwi na si Papa ay nakaharap naman daw nila si Kap. Niyakap-yakap naman daw s'ya ng nag-amok sa baranggay at nagkaige naman na sila. Kama-kamaka mo’y biyabit na uli ng kahanggan namin ang ayuda namin mula sa baranggay. Maayos naman nga sila ng tatay ko at kama-kamaka mo'y magkasama na naman silang magtatrabaho sa kontraksyon. Maagang kakatok ang kahanggan, gigisingin ang kanyang kumpare dahil tanghali na sila at magkasamang magbabanat ng buto ngayong pandemya. Maghahanap ng ipapambili ng patuka at pangkondisyon sa mga manok nila. Darating din ang balikbayan box na ipinadala ni Ate Edit at mag-aagawan kaming magkapatid sa pabango galing Dubai.

Hindi matatapos ang kuwarantin at makakarinig kami ng ugong sa riles. Hindi galing ang ugong sa iskit na de motor, mas malakas ang ugong na ‘to na kilala naming lahat at matagal nang di naririnig. Mag-aabang ang lahat sa tabing-riles, nakabangla sa mga bagong bagon na dadaan sa kahabaan ng sitio at baranggay. Hindi na namin matandaan kung kailan huling may dumaang tren sa riles. Lahat kami magagandahan sa mga bagong bagon, mas mabilis na nga naman nang ilang ulit ang biyahe mula Maynila hanggang Bikol ‘pag nagkataon. Nabuhay na naman ang usapan tungkol sa perokaril at kinabahan na naman ang mga bahay sa tabing-riles. Baka naman hindi tayo papalayasin sa panahon ng pandemya.

QQD91

Linggo. Maaga kaming humiga lahat. Si Mama at Rr, pagod sa maghapon sa palengke. Si Papa, lasing. Hindi pa ‘ko nakapagpatay ng ilaw. Hindi pa naman ako inaantok. Balak ko pang bumalik sa lamesa ko para magbasa-basa, naghihiga-higaan lang ako. Tulog na pati mga kuliglig. Nag-iisip pa ko kung kailan matatapos ‘to at kung may babalikan pa ba ‘kong normal na buhay.

“LUMABAS KA DYAAAN!” biglang palahaw. 

Alam kong nagising lahat at kinabahan, ‘matik na; lasing ang kahanggan. Nenerbiyusin si Mama. Nagtahulan ang mga aso. Agad lumipat ng kuwarto namin si Idon dahil sa sala s'ya natutulog. Wala pa namang matinong kandado ang pinto namin. Basahan nga lang ang ikinakalang doon kapag umaalis kami ng bahay, o kaya isang monobloc kung gabi. Parehong monobloc na inilalabas kapag may relief. Isang tulak lang at giba ang pinto. Isang malakas na tulak puwedeng giba rin ang ang ding-ding sa sala. Nakahawak sa dibdib si Idon, bumubulong kay Mama.

Mga hayup kayo! Demonyo! Putanginamo! Napakabait ko sa inyo!

Hindi nagsasalita si Rr at si Mama. Kinuha ko ang tablet at dinokumento ang mga banta at mura sa sound recording. Trapal lang at yero ang kuwarto namin kaya rinig na rinig ang mga sigaw, palahaw; mga malulutong na putanginamo. Nakadikit pa nga ang kuwarto namin sa sementado nilang pader. Isang sipa nga lang sa tagpi-tagping trapal at matatabunan kami rito sa kuwarto. Hindi humuhupa ang mura, sinasabayan naman s’ya ng dalawa naming aso.

Demonyo! Putanginamo! Papatayin ko kayo! Kahit pa kayo’y Bisaya…

Kumalabog na ang pinto. Hawak na ni Idon ang dibdib, alam na n'yang lasing ang kapitbahay. Bumulong si Mama na patayin na ang ilaw, agad namang pinatay ni Idon at lalong pumalahaw ang lasing. Nagalit nang mapansing pinagpatayan s'ya ng ilaw. ‘Andito lang sa may kusina si Papa, may inom din pero hindi pa naiingli. May sarili ring katarantaduhan ang tatay ko kapag nalalasing pero hindi sa’min lang at hindi kasali ang kapit-bahay.

Narinig na namin si Kilino, inaanak ni Mama na inaawat ang tatay n’ya. Tawarin kayo! Si Kilino na ang napapahiya para sa tatay n’ya. Kesyo huminahon, bukas na pag-usapan at naturingang tanod ay mahiya naman. Hindi namin nakikita pero alam naming hinihila na ni Kilino ang tatay n’yang may galas papasok sa bahay nila. Lalong lumalakas at lumulutong ang mga mura. Pilit n’ya ring pinapahiga na. At maya-maya pa’y magiging family drama na nila ang pag-aamok. Hindi iisang beses nangyari pero hindi kami nasasanay. 

“Papatayin ko kayo! ..asawa at anak mo, pinatira ko rito! Hayup ka!"
Lumayas kayo rito! Baka ikaw'y mapatay kong hayup ka!

Nang ma-elite ng bangko ang lupain ni Tita Baby sa San Agustin, hindi namin kamag-anak pero katiwala kami, nangalat na naman ang paa nina Mama kung saan na naman kami titira. Naalala ko noon kada darating ang nakakurbatang taga-bangko para bigyan kami ng palugit ay laging umiiyak si Mama. Sa labas pa talaga sila ng bahay nag-uusap, magpapasopdrinks pa si Mama galing sa tindahan, hindi ipinaparinig sa’min ang usapan. Sina Ate Edit, asawa ng nag-aamok ang nagpaalam sa yumaong Tatay Isyong na tumira kami rito. Hindi naman titulado ang tabing-riles at pare-pareho kaming iskwat pero teri-teritoryo rin ang espasyo rito. Ipapagpaalam muna sa nakakasakop bago ka makapagtirik ng bahay. Ngayon, naibebenta na rin ang mga bahay sa riles, hindi ko alam kung paano. Naririnig ko nang hinahapo-hapo si Mama sa nerbiyos at ka-chat malamang si Ate Edit. Anong magagawa ng kumare n'yo? Nasa Dubai 'yung tao, e di namoroblema lang 'yan. 
Lumalabas na halong-kalamay ang mga dahilan ng pagwawala. Masama ang loob at hindi umano masabihan si Papa na ‘wag nang maglalayo sa pagtotong-its at pagsasabong kahit na nasa kwarantin ang buong bayan. Hindi rin mapigil sa pagbarik, lalo dito sa tabing-riles. Minsan s'ya pa ang galit kapag naititimbre sa pulis ang kanilang mga pagtatambay-tambay. Uuwi pa 'to nang gabing-gabi na lampas-lampasan sa curfew. Lalo na noong nakatanggap ng ayuda. Gadingan! Umalis ka na! Putanginamo! Nagsisigaw pa rin ang lasing. Nawala din pala ang sisiw ni Papa at tinanong sa nalasing kung nakita ang sisiw pero ang dating ay parang pinagbibintangan s'ya. Matagal na raw, ngayon lang s'ya nakainom. 

Umiiyak na si Kilino habang umaawat. “Sa tingin n'yo anong ginagawa nyo? Nilulubog nyo ang sarili ninyo! Naririnig namin na binabanggit ni Kilino na pinatira kami ng Tatay Isyong dito. Ano namatay lang ang Tatay papalayasin n’yo na? Anong sasabihin ng mga kahanggan? Pinatira ‘yan ng mga Tatay dito tapos papalayasin n’yo? Edi binastos n’yo ang Tatay!” 

May tigbe-bente mil daw na lupa sa San Antonio sabi ni Idon, "kaso ang layo naman". Nagbubulungan sina Mama at Idon tungkol sa lupa namin sa San Agustin. Lumipat na lang daw kami kaysa ganito nang ganitong mamatay ka sa nerbiyos. Mahirap din ngang lunukin kada may sisigaw ng lumayas kayo.

Mareng Joy, Mareng Joy,  ay pasensya na kayo ha
Bukas, umalis na kayo!

Mas mahina na ang pag-aamok. Mas malakas na ang kanina pang tumatahol na mga aso. Babanggitin pa ni Kilino na may pandemya ngayon, at saan naman kami susuot. Si Ninang na nga lang ang nag-aatikha sa kanila sa araw-araw! Walang lilipat, walang aalis!
Magmamadaling-araw na nang makatulog ang lasing. Maagang umalis si Papa papuntang baranggay kahit gago-gago ‘yun ay diplomatiko pa rin naman. Ah, ay baka nga makaligtas kami sa pandemya pero nahagip naman kami ng itak, ay wala rin. 

Mas unang umalis si Mama, malamang hindi na 'yun nakatulog dahil babangon din naman 'yun alas-tres ng madaling araw para magtinda. Magtitimpla ng kape sa mga manininda at maghihiwag na ng panindang lumpia wrapper. Si Mama lang ang may hanap-buhay sa'min sa bahay ngayong pandemya.

Iniisip ko kapag ako humarap sa baranggay, kapag ako ang naabala, hindi ako magpapaareglo. Kasehodang magsampa ng kaso, may ipon pa naman ako sa stocks o sa mutual funds. Pero kaysa gumastos sa abala rin namang legalidad, baka mas praktikal na ngang ibili ng ilang sakong semento at yero.

Alam ko ang iniisip ni Mama, 'yung utang na loob kay Ate Edit. Tumutulong sa'min kapag walang pambaon noon sa school, binil’han pa nga ako ng Scribbles na notbuk noon, kasama sa enrolan, o kaya ‘pag may naoospital, noong nawala ang kapatid kong autistic, binabahaginan kami ng lutong ulam, nakikinood kami ng tv, biyabit sa mga raket at pagkakakitaan. Madalas din kaming kasa-kasama sa mga okasyon kahit pa sa mga kamag-anakan nila. Si Ate Edit din nga pala ang unang titser ko, sa Kinder 1, at nagsusulatan sila ni Mama tapos ipinapadala sa'kin. “Nakakahiya naman kay Mards,” ang iniisip ni Mama panigurado. 

QQD90 (Napanood Namin 'yung A Thousand Cuts)

Day 90, Sabado

Kakatapos lang ng Ramona Diaz's A Thousand Cuts and we were like:

1. Wait, who's the rapper at the end of the Rappler film? So lit (Ruby Ibarra)
2. The mugs used in Rappler office, ganda nung handle, may disconnect sa body nung mug that you'll really hold the mug
3. 'yung coat ni Maria Ressa, the beadwork; and the fabric, is it pinya or mixed?
4. The cuts ng stages/platforms of the characters (podium then fiesta rampa)
5. Ecosystems vs. Matrixes
6. The origin of a blogger (hugs but no hugs)
7. The stories of the other marias

atbp. musings on democracy while we're on house arrest Day 90.

QQD89

Day 89, Biyernes

Hunyo 12 - Araw ng Kalayaan. May rally sa UP. Kaliwa't kanan na ang pagkaupos ng pagiging tao sa bansa, sakit na natin 'to noon pa. Bago pa magkaroon ng pandemya, may mga sintomas na tayo, malala na nga ang komplikasyon. Nagpapatahimik na tayo ng malalaking pahayagan. Nagkulong ng mamahayag. Bumaril ng baliw. Nagkulong ng mga nagkukusina nang walang bayad. Nagkulong ng mga tsuper. Gagawin pang armas ang batas. May dragon sa dalampasigan natin. Pataas nang pataas ang tatsulok. Mapapagod kang bumatok sa mga nagpapautang na parang hindi na natin masusundan kung saang time space warp nagsusuot. Nakakapagod din.

Monday, June 15, 2020

QQD88

Day 88, Huwebes

Tanghali pa rin ako nagigising, mga alas diyes hanggang alas onse. Palpak ang mga subok ko na i-reset sa normal ang aking body clock. Iniisip ko kung itatama ko na 'yung body clock, para saan naman, hindi pa rin naman ako nakakalabas. Sinisipon na naman ako ngayon, sipong labnaw. 'yung tuloy-tuloy lang 'yung tulo para may tagas 'yung gripo, ganun. Mabigat sa noo. Napahiwa ng lemons pero bukas ko na iinumin dahil ang dami kong nakape today baka lalong di ako makatulog. Gabi pa rin ako naligo. Makulimlim naman maghapon kaya hindi ako pinawisan. Umulan na rin ng bahagya. Ayun, alas-diyes ng gabi pero walang badya ng antok. Mukhang aabutin na naman ako ng alas dos o alas tres ng madaling araw. Iniisip ko kung itutuloy ko pa ba 'yung pagtatala ko araw-araw dahil tinatamad na ako pero lagi naman akong tinatamad kaya hindi ko ititigil. Parang gusto kong tumigil ng ilang araw sa isang rooftop, kahit mga tatlong palapag lang, may kaunting halaman, at doon magsulat; na kapag nangalay ka ay puwede ka munang tumigil at tanawin yung mga bahay na may mga bukas pang ilaw. Tanungin bakit kaya sila nagpupuyat? Nasa state of passion o deep work kaya sila? Pinagkakaabalahan nila ngayong disoras ng gabi. Sana may kasama sila dahil mahalumigmig ang gabi. Tapos, hihithit lang ako sa yosi at ibubuga ang usok sa ilalim ng bilog na buwan. Pa-cool na writer. *cringe

QQD87

Day 87, Miyerkules

Pebrero pa, inabutan ko na si Mama ng perang pampabunot ng ngipin. Para sa susunod na buwan, hulog sa SS naman ang iintindihin. Pinasobrahan ko pa ng kaunti kasi baka mag-charge ng extra ang dentista kapag nahirapan at pambili ng gamot at saka ice cream. Sige, sige, teka lang. Hinihintay lang 'yung ganito kesyo may inaayos pa ganyan hanggang inabutan ng lockdown nang hindi nakapagpabunot. Aba, hindi naman dumadaing na masakit o tinitiis lang? Hanggang nagkuwento na nagpabunot daw ng ipin si Mam Lucille, mula sa 500 pesos na bayad ay naging 800 pesos na raw ang bunot (wala pang gamot at ice cream) kasama na 'yung damit na kailangang isuot. Lalo nang hindi nakapagpadentista ang mga tao n'yan, sabi ni Mama. 

QQD86

Day 86, Martes

Hinabaan na ang curfew sa bayan mula 5am - 5pm ay naging 5am - 7pm para pa rin sa may mga hawak na Qpass. May iskedyul pa rin ang mga baranggay nang paglabas. Kung walang Qpass, kulong pa rin sa bahay. Maghapon na rin ang palengke sabi ni Mama. Pangamba n'ya na maniningil na uli ang admin ng ticket, bukod pa sa utang na permit. Wala pa rin namang mga tao at wala na yatang mga pera. Alas-diyes pa lang ng umaga ay wala nang mamimili sa palengke. Ilang araw na ungot na ito nina Uwe at ng iba pang taga palengke, baka ang kinikita ay sapat lang ipambayad sa mga boy at helper. Ma, antabay ka lang at baka may ayuda ang gobyerno sa maliliit na negosyo, sabi ko. Nagpa-meeting na nga raw sa palengke, ay utang na naman na puhunan ang pinaka ayuda ang sabi. 

QQD85

Day 85, Lunes

Nagkaroon ng pagbaha ng putik sa Buso-buso sa Laurel, Batangas. May kasamang mga abo galing pa sa bulkan pero hindi naman lahar flow dahil mas marami ang putik at tubig ayon sa PHIVOLCS. Noong isang taon, nabulabog din kami ng Buso-buso dahil sa malawakang fish kill doon. Nabulabog din kami noon dahil halos madaling araw na nasabi na kailangan mag-quorum kinabukasan sa Laurel para sa moratorium na ipapataw sa Buso-buso, e ang layo ibiyahe ng Laurel. Nakapagtala rin ng 5 volcanic earthquakes ang bulkang Taal na normal naman kaya hindi ko alam kung bakit nabalita. Makikitaan na rin ng mga nag-uumpisang sumibol na mga dahon at halaman sa mismong bulkan. Kung bakit pa ako nagsusulat tungkol sa bulkan, hindi ko alam kung makakabalik pa ako.

Sunday, June 14, 2020

QQD84

 Day 84, Linggo


Ang kulit ni Mama sabi nang hindi ako sisimba, 'wag na akong gisingin nang maaga. Ipapagising pa talaga ako kay Rr o kaya kay Idon ng paulit-ulit na para bang nagugunaw na ang daigdig at hindi ako maliligtas kapag nagtagal pa ako sa higaan. 

Kapag nasita raw ng pulis isangkalang lang 'yung pangalan ni pastor at palalagpasin na. Bago magpandemya halos pahirapan din 'yang pasimbahin, pero hinahayaan ko lang din s'ya. Magkahiwalay naman ang kaluluwa namin. Sikal na sikal si Mama sa pagsimba at pagbibigay sa simbahan ngayon. Hinahayaan ko lang naman. Layo-layo naman daw ang mga upuan. Nakita n'ya rin daw 'yung mga kakilala na hindi naman nakukutaptapan sa simbahan dati, kinikilabutan na raw kasi tuwing manonood ng balita. 

Hindi kasi 'yung takot sa covid o baka masita ng pulis sa labas. Ayokong sumimba dahil ayoko. Ayokong mag-aleluya-aleluya these days. Kung gusto n'yong gawing medical insurance ang pagsimba, ay hulong! Wag n'yo na akong ipagising, hintayin, at hindi ako sisimba ngayon o sa nalalapit pang mga linggo. Kung nahihiya kayo kapag hinahanap ako sa simbahan, sabihin n'yo ayaw na ayaw sumimba, tinubuan ng sungay at magkahiwalay naman umano ang mga kaluluwa kahit pa magkakasama sa bahay. Nahihiya siguro si Mama kapag kino-call out ang mga hindi sumisimba sa pulpito. 'yun lang naman ang kayang punahin ng pulpito Ma, hindi kayang punahin ang mga pinopondohang mga pang-aabuso, pagkamalabis sa kapangyarihan, at iba pang paniniil. 

Sabi ni Mama, "Hinahanap ka. Nasaan ka raw? Ini-lockdown mo na raw ng tuluyan ang sarili mo." Mukha namang nanggagaling sa concern ang pangungumusta. Edi sana sinabi n'yo nasa bahay lang, para hindi na kayo nagsinungaling na hindi nagising nang maaga kaya di nakasimba. Dumagdag pa kayo sa disimpormasyon ngayon, Ma. T'saka ang daming small talks sa loob ng simbahan kasi. Ayoko ng mga asan ka ngayon na tanong dahil hindi naman talaga tayo interesado sa mga ginagawa ng isa't isa sa labas ng simbahan pero kailangin nating mag-usap kahit mahina at saglit lang. 

Ma, para madali, sabihin n'yo na lang kapag hinanap ako nasa isang forced sabbatical. Nasa isang mahabang pamamahinga, nagpipilit huminga, at naghahanap ng sariling hininga.

Monday, June 8, 2020

Nakasama sa Alpas

Binabalikan ko 'yung mga akda ko na na-publish sa mga indie collections, folios, at chapbooks; na hindi ko ma-point out kung anong pinagkaiba-iba ng mga 'yan. Nakita ko ang isang tula sa Alpas. Hindi ko na binasa 'yung work ko, cringy at natutukso lang akong i-rewrite. Pinansin ko 'yung mga visual arts na kasama ko sa page, na hindi ko ginawa dati kasi (1) wala akong manners, (2) happy na ko na nakasama work ko, (3) hindi rin naman ako marunong tumingin ng arts. Masaya ako ng sinulat ko 'yung akda nung college eh. Naalala ko na kasabay kong nakikita 'yung mga alitaptap at 'yung mga piraso ng tula pero ba't naman ang "dark" ng arts na ikinabit nung editor? 

Maralitree Series 1, 3 & 5 ang title ng suite of visual arts ni Ja Turla. Sabi ng isang kaibigan, kapag naglalakad daw sa isang gallery ay tanungin mo raw 'yung mismong work. Ang tanong ko, nasaan ang no. 2 and 4? Bakit odd numbers at hindi even? 'yan na 'yung level of criticism ko. Kanina napadpad ako sa Behance account n'ya at may nakita pang dalawang parts pa ng Maralitree series. Napanganga ako at nanghinayang. Sana itong mga series na'to ang katabi ng tula ko. haha. Hindi ba 'yun kasama sa ipinasa ni Ja? Hahanapin ba talaga dapat ang mga nakatagong parte ng mga puno? Ipinasa n'ya kaya pero hindi nakasama sa editor's cut? Pero Petmalu 'yung theme ng issue eh, and I think malupit 'yung 2 pieces. 

Hindi ko kilala si Ja Turla ng personal pero salamat sa mga pahinang pinagsamahan natin sa Alpas Vol.2 Issue 2. Maaaring makita ang iba pa n'yang works sa Mirrored Trees. 

Sunday, June 7, 2020

QQD83

Day 83, Sabado

Sumali ako sa mga anting-anting groups sa Facebook. Ang dami palang lihim na karunungan sa internet. Nagri-research lang naman kung paano ang bentahan ng anting-anting ngayong may covid19. Aba, apektado rin ang industriya na 'yan. May database ba ang Dolores ng mga gumagawa, nagbebenta, o nagpapalakas ng mga anting sa Banahaw? I doubt. 

QQD82

Day 82, Biyernes

Akala ko kung sino-sino lang ang natawag. Kung importante kasi, aasahan kong mag-iemail muna. May inapplyan nga pala akong community college sa malapit. Ganito lang 'yung iniisip kong gawin sa new normal: part-time lecturer, magba-bike papuntang klase, kakain ng ceasar salad, magso-siomai minsan, tapos uuwi na ulit. Iwasang lumabas ng probinsya at umiwas lalo na sa siyudad. Habang nakikiramdam sa mga pangyayari.

Kahit na mababa 'yung per hour rate, basta lang may aircon na room, babawiin ko na lang sa gamit ng wifi at charge ng gamit bago umuwi. Pero parang iba pa rin pala ang kalakaran sa probinsya namin sa Quezon. Phone interview ko na pala agad nang walang pasabi, basta lang tumawag. Hindi nakatingin 'yung interviewer sa experiences kundi sa kung saan daw ako nag-aral, nasa CV ko naman 'yun. Ano raw ang height ko? Bakit wala raw akong picture sa CV?

Hindi raw kasi nagtuturo lang ang mga lecturers doon, multi-task daw sila. May hawak silang subjects tapos may mga tasks pang iba na admin siguro. Parang ganito yata talaga ang galawan sa maraming schools sa probinsya namin pero kung kumikita naman ang institusyon, bakit hindi makapag-hire ng gagawa ng admin works para mas masigurado 'yung kalidad ng pagtuturo. Nang tanungin ko kung anong mga tasks ang nakapaloob sa multi-task, parang ilag na 'yung interviewer. "Basta," ang sabi. Sa pangungulit ko, sabi n'ya puwedeng sa maintenance, guidance counselor, at building licenses ang pagkakaintindi ko. Nang hingin ko ang job description, wala raw s'yang maibibigay. Tumaas ang kilay ko at napasabi na lang ng mahabang "oooooh, I see." 

Pagdating sa salary, nagsabi agad s'ya na entry level lang ang kaya nila at full time lang ang hinahanap nila sa ngayon. Tinanong ko kung magkano ang entry level, nasa below 10. "Alam mo naman dito sa private schools dito sa atin, ganyan lang ang kaya," paliwanag n'ya. "Pero may experience ka naman so puwede kong ilakad na siguro kahit madagdagan 'yung below 10 tapos after 6 months, puwede pa 'yung tumaas depende sa management," sabi pa n'ya. Ipapakausap na n'ya raw ako sa boss n'ya. Teka lang naman wait po. 

Sabihin nating Php 9,000 ang below 10 na 'yun; kung limang araw sa isang linggo at walong oras ang trabaho, pumapatak na Php 51 ang kita mo kada oras, above minimum pa rin naman ng kaunti. Pero susulitin nila 'yung ipapasuweldo sa'yo ng kung ano-anong tasks na wala sa job description mo. Ganito yata talaga ang kalakaran sa'min? Feeling ko may mga pumapayag sa ganitong set up para makakuha man lang ng experience o maipangtustos sa review. 

"I'll send you an e-mail po." Nagpaalam naman ako nang magalang sa interview at nagpasalamat pa rin. 

Nag-imbestiga na ako sa kakilalang nagturo sa private school sa'min. Ayon sa aking source, ang entry level n'ya noon ay Php8,500 at with teaching license pa 'yan! Tapos, nagkaroon lang s'ya ng increase nang ikaapat na taon na n'ya sa eskuwelahan. "Walang pera dito sa'tin," sabi pa n'ya. Ikinuwento ko 'yung job interview sa isang private school sa bayan. "Naku, may kaibigan akong nag-janitor d'yan, 2K lang ang binibigay kada kinsenas." Nagmura pa si sir. Eh gabarko nga naman kasi ang mga gusali nila. Wala pang krisis noon ha, eh lalo na ngayon parang ginto ang mga paskil na "now hiring". 

Kinuwento ko rin kay Mama, natuwa s'ya, tanggapin ko na raw agad, "kelan ka pinagre-report?"

Parang hindi ko yata kaya.

QQD81

Day 81, Huwebes


"Tingnan mo 'to, binil'han kita," si Mama inabot sa'kin ang bagong face mask.

Sumimangot ako.

"Aba, cotton 'yan, tingnan mo o, an' lambot sa bibig at hindi pa masakit ang garter," bida ni Mama.

"Hindi naman ako nakakalabas, Ma". Pangalawang face mask na 'to na binili ni Mama sa'kin. Wala na, hindi na ako makakapili ng sarili kong face masks neto.


QQD80

Day 80, Miyerkules

Tinatawagan pala ako ng Komisyon, noong isang linggo pa. Ibibigay pala sa'kin kung paano ko matatanggap ang ayuda. Sa panahon ng ganitong krisis, mahalaga na identified ka ng pamahalaan mo na manunulat. Kahit naman pre-pandemic, nasa krisis naman ang kultura natin, lalong mas mahirap ang sitwasyon ngayon lalo na sa usapin ng pagkita. Pero sana pagkatapos ng pandemic, sa new normal, ganito ka-inlcusive ang mga programa at oportunidad para sa mga manunulat. Puwede kong sabihin na kahit papaano may ambag ang komisyon sa mga sinulat kong tula sa loob zines ngayong panahon ng krisis. Tinatapos ko pa 'yung pangalawa. 

QQD79

QQD78

Day 78, Lunes

Kaya ko palang walang gawin maghapon. Dopamine detox ang tawag, napanood ko lang sa Youtube. Walang cellphone, tablet, laptop, libro, nintendo at kung anumang gagawin ngayong araw. At nagawa ko 'yung challenge na walang gagawin. Hayaan lang mainip ang sarili. Kinaya naman.

QQD77

Day 77, Sabado

'wag n'yo akong kausapin, may deadlines ako.

Nagkumahog talaga ako. Di tuloy ako nagandahan sa gawa ko. Ang tagal ko pa magsulat ng bionote. Hindi pa na-save ng maayos 'yung file at nawala ang 25% nung sanaysay nang dalawang beses. Paiyak na kong nagpaulit-ulit kasi gusto kong magpasa, kahit pangit. Inabot na ako ng alas-dos ng madaling araw. Pangit talaga. Tapos, inextend naman pala ang mga deadlines kinabukasan. wew.

QQD76

Day 76, Biyernes

Na-reject ng isang foundation ang unang book proposal ko; Southeast Backyards. Ano sana 'yan, anthology ng biodiversity visual arts at ecopoetics ng ASEAN community. Balak ko sana siguraduhin munang may pera bago magtawag ng mga tula para may bayad ang mag-aambag. Saan ako nanggagaling? Sa mga platforms ng mga makata na (1) hindi sigurado kung anong nangyari sa mga ipinasang akda, (2) salamat lang sa ngalan ng malayang sining (walang bayad) at (3) kung may bayad man ay pahirapan. Una kong book proposal, editor pa ko, rejected. haha. Lakas-loob portion lang, bakit ba, mahalagang nabibigyan ng katawan (kahit di pa kumpleto) ang mga naiisip. 

QQD75

Day 75, Huwebes

Nagsulat lang ako maghapon ng grant para mas himayin at isalin sa Filipino ang mga pagbabago sa polisiya, pagbiyahe, at araw-araw na pamumuhay sa New Normal. Hindi kasi lahat kayang unawaain ang mga memorandums na inilalabas ng munisipyo. Marami pa ring ligaw kung paano kikilos sa New Normal, lalo na 'yung kung sino ang puwede at hindi puwede sa mga ayuda, sino-sino ang kabilang sa ganitong sektor, marami hindi alam na sektoral pala ang pagtingin ng kasalukuyang sistema ng ayuda sa komunidad. Kaya rin ang taas ng social distrust, kasi hindi nagkakaintindihan, at mas masipag at mas mabilis pang kumalat ang disimpormasyon ngayon. Ayun, balak kong gamitnin 'yung blog kong isa sa devcom at makipag-ugnayan sa mga lider ng mga komunidad/sektor sa bayan ng Tiaong para maipaliwanag sa kanilang komunidad ang mga kritikal na impormasyon tungkol sa pamumuhay sa New Normal. 

Wala bang inagurasyon para sabihing, okay sa araw na 'to New Normal na tayo? Wala pa ring linaw ang lahat. 

Thursday, June 4, 2020

QQD74

Day 74, Miyerkules

Hindi n'ya alam na kaya pala n'yang tumagal sa loob lang bahay nang dalawang buwan at mahigit. Walang pagpapanggap na abala. Wala na rin s'yang babalikang suwelduhang trabaho; nakasama sa natabunan ng pagsabog ng panibagong pangkaraniwan. Wala ring pagpaplano kung anong pagkakaabalahan pagkatapos ng pandemya. Tila walang tapos e. Magtetrenta na s'ya, wala pang nangyayari sa kanya kundi mga malalaking kalamidad. Salamat dahil wala namang digmaan (pa). Hindi n'ya alam kung may tinatapos ba s'yang collage ng mga maliliit na ganap n'ya sa buhay. Nauumay na s'ya sa araw na pagharap sa blog na wala namang nagbabasa para lang kumustahin ang sarili at apuhapin ang pagmamadali nang walang pupuntahan.

Iniisip n'yang tumawid.

Naglabasan ang mga tao sa riles ng mga bandang alas-tres kaninang hapon. Walang panalangin sa telebisyon dahil sarado ang channel 2. May malalaking bahagharing hawong ng ulap na nangingibabaw sa isang malaking gubat ng kulimlim na ulap. "Ang pera ng diyos!" paulit-ulit na sabi ng mga batang nagpapalipad ng bulador kahit katanghalian. Kanya-kanyang angat at sipat ng mga androids nila ang mga residente para idokumento ang makukulay na mangkok sa langit. "Parang UFO," sabi naman ng isang nanay na kung tatagalugin ay parang hindi maal'man kung ano. Nangiti s'ya dahil 'yun mismo ang pakilasa n'ya, hindi maal'man kung ano.

Iniisip n'yang tumawid dahil alam n'ya kung anong nasa kabila.

Wala s'yang naamoy na makalawang na riles, wala rin sila sa masikip na Metro, at iba, hindi ito ang bubong nila. May nakita s'yang makukulay na ikaklit sa pader pagpasok n'ya sa trabaho. Naiilawan ng bahagyang kalkuladong ilaw ang mga nangungusap na ikaklit. Iba ang wikang narinig n'yang lumabas sa bibig n'ya para sabihin ang parang tanga. Hindi s'ya pinapawisan. Hindi s'ya bumabaho. Posturang-postura sa ibabaw ng kung anumang mineral na sahig. Maginaw at amoy tsaa ang paligid. Isang hakbang n'ya lang at iba na ang lahat.

Iniisip n'ya kung anong puwedeng isulat sa Day 75 bukas habang nakabangla sa makukulay na mangkok sa ulap na nilamon ng mainit na kahel ng dapit-hapon. 

QQD72 -QQD73

Day 72, Lunes

Paano nga ba lumipas ang araw na 'to? Bakit sinusulat ko ito ng Day 73, Martes?

Day 73, Martes

Iniisip ko kung mga sakripisyong araw ba 'to para sa deadlines ko ng atrenta? Bakit wala pa rin akong pag-aasikaso?