Friday, June 19, 2020

QQD91

Linggo. Maaga kaming humiga lahat. Si Mama at Rr, pagod sa maghapon sa palengke. Si Papa, lasing. Hindi pa ‘ko nakapagpatay ng ilaw. Hindi pa naman ako inaantok. Balak ko pang bumalik sa lamesa ko para magbasa-basa, naghihiga-higaan lang ako. Tulog na pati mga kuliglig. Nag-iisip pa ko kung kailan matatapos ‘to at kung may babalikan pa ba ‘kong normal na buhay.

“LUMABAS KA DYAAAN!” biglang palahaw. 

Alam kong nagising lahat at kinabahan, ‘matik na; lasing ang kahanggan. Nenerbiyusin si Mama. Nagtahulan ang mga aso. Agad lumipat ng kuwarto namin si Idon dahil sa sala s'ya natutulog. Wala pa namang matinong kandado ang pinto namin. Basahan nga lang ang ikinakalang doon kapag umaalis kami ng bahay, o kaya isang monobloc kung gabi. Parehong monobloc na inilalabas kapag may relief. Isang tulak lang at giba ang pinto. Isang malakas na tulak puwedeng giba rin ang ang ding-ding sa sala. Nakahawak sa dibdib si Idon, bumubulong kay Mama.

Mga hayup kayo! Demonyo! Putanginamo! Napakabait ko sa inyo!

Hindi nagsasalita si Rr at si Mama. Kinuha ko ang tablet at dinokumento ang mga banta at mura sa sound recording. Trapal lang at yero ang kuwarto namin kaya rinig na rinig ang mga sigaw, palahaw; mga malulutong na putanginamo. Nakadikit pa nga ang kuwarto namin sa sementado nilang pader. Isang sipa nga lang sa tagpi-tagping trapal at matatabunan kami rito sa kuwarto. Hindi humuhupa ang mura, sinasabayan naman s’ya ng dalawa naming aso.

Demonyo! Putanginamo! Papatayin ko kayo! Kahit pa kayo’y Bisaya…

Kumalabog na ang pinto. Hawak na ni Idon ang dibdib, alam na n'yang lasing ang kapitbahay. Bumulong si Mama na patayin na ang ilaw, agad namang pinatay ni Idon at lalong pumalahaw ang lasing. Nagalit nang mapansing pinagpatayan s'ya ng ilaw. ‘Andito lang sa may kusina si Papa, may inom din pero hindi pa naiingli. May sarili ring katarantaduhan ang tatay ko kapag nalalasing pero hindi sa’min lang at hindi kasali ang kapit-bahay.

Narinig na namin si Kilino, inaanak ni Mama na inaawat ang tatay n’ya. Tawarin kayo! Si Kilino na ang napapahiya para sa tatay n’ya. Kesyo huminahon, bukas na pag-usapan at naturingang tanod ay mahiya naman. Hindi namin nakikita pero alam naming hinihila na ni Kilino ang tatay n’yang may galas papasok sa bahay nila. Lalong lumalakas at lumulutong ang mga mura. Pilit n’ya ring pinapahiga na. At maya-maya pa’y magiging family drama na nila ang pag-aamok. Hindi iisang beses nangyari pero hindi kami nasasanay. 

“Papatayin ko kayo! ..asawa at anak mo, pinatira ko rito! Hayup ka!"
Lumayas kayo rito! Baka ikaw'y mapatay kong hayup ka!

Nang ma-elite ng bangko ang lupain ni Tita Baby sa San Agustin, hindi namin kamag-anak pero katiwala kami, nangalat na naman ang paa nina Mama kung saan na naman kami titira. Naalala ko noon kada darating ang nakakurbatang taga-bangko para bigyan kami ng palugit ay laging umiiyak si Mama. Sa labas pa talaga sila ng bahay nag-uusap, magpapasopdrinks pa si Mama galing sa tindahan, hindi ipinaparinig sa’min ang usapan. Sina Ate Edit, asawa ng nag-aamok ang nagpaalam sa yumaong Tatay Isyong na tumira kami rito. Hindi naman titulado ang tabing-riles at pare-pareho kaming iskwat pero teri-teritoryo rin ang espasyo rito. Ipapagpaalam muna sa nakakasakop bago ka makapagtirik ng bahay. Ngayon, naibebenta na rin ang mga bahay sa riles, hindi ko alam kung paano. Naririnig ko nang hinahapo-hapo si Mama sa nerbiyos at ka-chat malamang si Ate Edit. Anong magagawa ng kumare n'yo? Nasa Dubai 'yung tao, e di namoroblema lang 'yan. 
Lumalabas na halong-kalamay ang mga dahilan ng pagwawala. Masama ang loob at hindi umano masabihan si Papa na ‘wag nang maglalayo sa pagtotong-its at pagsasabong kahit na nasa kwarantin ang buong bayan. Hindi rin mapigil sa pagbarik, lalo dito sa tabing-riles. Minsan s'ya pa ang galit kapag naititimbre sa pulis ang kanilang mga pagtatambay-tambay. Uuwi pa 'to nang gabing-gabi na lampas-lampasan sa curfew. Lalo na noong nakatanggap ng ayuda. Gadingan! Umalis ka na! Putanginamo! Nagsisigaw pa rin ang lasing. Nawala din pala ang sisiw ni Papa at tinanong sa nalasing kung nakita ang sisiw pero ang dating ay parang pinagbibintangan s'ya. Matagal na raw, ngayon lang s'ya nakainom. 

Umiiyak na si Kilino habang umaawat. “Sa tingin n'yo anong ginagawa nyo? Nilulubog nyo ang sarili ninyo! Naririnig namin na binabanggit ni Kilino na pinatira kami ng Tatay Isyong dito. Ano namatay lang ang Tatay papalayasin n’yo na? Anong sasabihin ng mga kahanggan? Pinatira ‘yan ng mga Tatay dito tapos papalayasin n’yo? Edi binastos n’yo ang Tatay!” 

May tigbe-bente mil daw na lupa sa San Antonio sabi ni Idon, "kaso ang layo naman". Nagbubulungan sina Mama at Idon tungkol sa lupa namin sa San Agustin. Lumipat na lang daw kami kaysa ganito nang ganitong mamatay ka sa nerbiyos. Mahirap din ngang lunukin kada may sisigaw ng lumayas kayo.

Mareng Joy, Mareng Joy,  ay pasensya na kayo ha
Bukas, umalis na kayo!

Mas mahina na ang pag-aamok. Mas malakas na ang kanina pang tumatahol na mga aso. Babanggitin pa ni Kilino na may pandemya ngayon, at saan naman kami susuot. Si Ninang na nga lang ang nag-aatikha sa kanila sa araw-araw! Walang lilipat, walang aalis!
Magmamadaling-araw na nang makatulog ang lasing. Maagang umalis si Papa papuntang baranggay kahit gago-gago ‘yun ay diplomatiko pa rin naman. Ah, ay baka nga makaligtas kami sa pandemya pero nahagip naman kami ng itak, ay wala rin. 

Mas unang umalis si Mama, malamang hindi na 'yun nakatulog dahil babangon din naman 'yun alas-tres ng madaling araw para magtinda. Magtitimpla ng kape sa mga manininda at maghihiwag na ng panindang lumpia wrapper. Si Mama lang ang may hanap-buhay sa'min sa bahay ngayong pandemya.

Iniisip ko kapag ako humarap sa baranggay, kapag ako ang naabala, hindi ako magpapaareglo. Kasehodang magsampa ng kaso, may ipon pa naman ako sa stocks o sa mutual funds. Pero kaysa gumastos sa abala rin namang legalidad, baka mas praktikal na ngang ibili ng ilang sakong semento at yero.

Alam ko ang iniisip ni Mama, 'yung utang na loob kay Ate Edit. Tumutulong sa'min kapag walang pambaon noon sa school, binil’han pa nga ako ng Scribbles na notbuk noon, kasama sa enrolan, o kaya ‘pag may naoospital, noong nawala ang kapatid kong autistic, binabahaginan kami ng lutong ulam, nakikinood kami ng tv, biyabit sa mga raket at pagkakakitaan. Madalas din kaming kasa-kasama sa mga okasyon kahit pa sa mga kamag-anakan nila. Si Ate Edit din nga pala ang unang titser ko, sa Kinder 1, at nagsusulatan sila ni Mama tapos ipinapadala sa'kin. “Nakakahiya naman kay Mards,” ang iniisip ni Mama panigurado. 

No comments: