Day 74, MiyerkulesHindi n'ya alam na kaya pala n'yang tumagal sa loob lang bahay nang dalawang buwan at mahigit. Walang pagpapanggap na abala. Wala na rin s'yang babalikang suwelduhang trabaho; nakasama sa natabunan ng pagsabog ng panibagong pangkaraniwan. Wala ring pagpaplano kung anong pagkakaabalahan pagkatapos ng pandemya. Tila walang tapos e. Magtetrenta na s'ya, wala pang nangyayari sa kanya kundi mga malalaking kalamidad. Salamat dahil wala namang digmaan (pa). Hindi n'ya alam kung may tinatapos ba s'yang collage ng mga maliliit na ganap n'ya sa buhay. Nauumay na s'ya sa araw na pagharap sa blog na wala namang nagbabasa para lang kumustahin ang sarili at apuhapin ang pagmamadali nang walang pupuntahan.Iniisip n'yang tumawid.Naglabasan ang mga tao sa riles ng mga bandang alas-tres kaninang hapon. Walang panalangin sa telebisyon dahil sarado ang channel 2. May malalaking bahagharing hawong ng ulap na nangingibabaw sa isang malaking gubat ng kulimlim na ulap. "Ang pera ng diyos!" paulit-ulit na sabi ng mga batang nagpapalipad ng bulador kahit katanghalian. Kanya-kanyang angat at sipat ng mga androids nila ang mga residente para idokumento ang makukulay na mangkok sa langit. "Parang UFO," sabi naman ng isang nanay na kung tatagalugin ay parang hindi maal'man kung ano. Nangiti s'ya dahil 'yun mismo ang pakilasa n'ya, hindi maal'man kung ano.Iniisip n'yang tumawid dahil alam n'ya kung anong nasa kabila.Wala s'yang naamoy na makalawang na riles, wala rin sila sa masikip na Metro, at iba, hindi ito ang bubong nila. May nakita s'yang makukulay na ikaklit sa pader pagpasok n'ya sa trabaho. Naiilawan ng bahagyang kalkuladong ilaw ang mga nangungusap na ikaklit. Iba ang wikang narinig n'yang lumabas sa bibig n'ya para sabihin ang parang tanga. Hindi s'ya pinapawisan. Hindi s'ya bumabaho. Posturang-postura sa ibabaw ng kung anumang mineral na sahig. Maginaw at amoy tsaa ang paligid. Isang hakbang n'ya lang at iba na ang lahat.Iniisip n'ya kung anong puwedeng isulat sa Day 75 bukas habang nakabangla sa makukulay na mangkok sa ulap na nilamon ng mainit na kahel ng dapit-hapon.
Thursday, June 4, 2020
QQD74
Mga etiketa:
humanitarian crisis,
kwento,
maka-entry lang
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment