Hinanap ko lang lahat ng luma kong notebooks na alam ko pinagsulatan ko ng mga akda. Malaking trabaho na rin pala na i-type 'yung iba at mamili kung aling tula ang ipapadala sa mga koleksyon. Hinanap ko lang 'yung mga notebooks ko pero wala pa akong inuumpisahang trabaho. Nakakatamad. Hindi na rin bumabaho ang kili-kili ko.
#
Day 94, Miyerkules
Sabi ko kay Axel, parang hindi ko na alam ang gagawin. O s'ya ang unang nagsabi sa'kin ng ganun sa'kin? Pero ganun nga, parang hindi ko na alam kung anong gagawin ko, maliban sa mabuhay sa araw-araw. Ako'y isang nadiskaril na tren. Sinusubukan kong isa-isahing isipin ang mga bagay kahit na 'yung mga selyula ng utak ko ay parang blue boys na nagtatrapik sa nagsasalimbayang formula ones ng mga isipin, ideya at mga 'paano kaya kung' sa skyway. "Kasalukuyan pong humaharurot ang mga synpases ng mga isipin sa kahabaan ng medulla oblongata flyover na nagdudulot ng bahagyang migrane at anxiety sa frontal lobe," sabi ng traffic reporter. Mas mabuti pa ang bagyo kaysa pandemya, dahil sa bagyo sa isang araw - isang gabi lang kaya mong lunukin agad 'yung lawak ng pagkasira. Mas madaling magtayo ulit ng bahay, magpukpok ng bubong at may kolektibong datos tayo mula sa iba pang nagdaang bagyo; kaya mas bahagya lang ang pangamba kung paano at kailan ulit babalik sa dating daloy ang buhay sa araw-araw. Sa pandemya, parang wala nang balikan at ayun nga, ang hirap sumabay. Hindi kaagad magkakapakpak ang mga ahas bukas kung tatanggalan mo sila ng ginagalawang gubat ngayon. Hindi ganun kadali 'yun. Ang nagpaapuhap lang sa'kin ng bahagya, hindi naman ako nag-iisa. Apat sa bawat limang Pilipino ngayon ay bumaba ang kalidad ng pamumuhay. Halos mahigit otsenta porsyento sa Pilipinas ang matatagalan ang pangarap at sa tingin ko, ayos lang na 'wag munang bumangon. 'wag magpumilit kung walang ibang paraan. Aminin na natalapid.
#
Day 95, Huwebes
Kanina lang ako naligo ulit matapos ang dalawang araw. Tag-ulan na, kaya hindi na pinapawisan ang kili-kili ko at mas palakaibigan ang ulan sa pagsusulat kaysa tag-araw. Kaninang umaga pa kulimlim, bandang tanghali na ako lumabas nang umulan na para maligo. Tuwang-tuwa ang apat na bagobo sa ulan. Takbo nang takbo at sayaw nang sayaw si Rr at Uwe sa ulan. Lumalakad lang si Idon. Habang nakatayo lang ako sa riles. Hinahayaang umagos ang mga patak ng ulan sa kaloob-looban ng damit. Sabunot-sabunutan ang di pa rin nagugupitan na buhok na parang kinukusot sa tubig-ulan. Panoorin ang nagpupulon ng saranggola at ang mga kapit-bahay na naliligo rin sa ulan.
Hindi nakakaginaw ang ulan kundi manapay nakakagaan.

No comments:
Post a Comment