Friday, July 31, 2020

Paglalandi II

May pangalan na ang nilalandi-landi naming proyekto: Alagad. 

Layon ng Alagad na magpakita ng ibang pagsilip o palikihin ang mga umiiral nang pagtingin ng komunidad sa kanyang nagbabagon kapaligiran. Damay na ang mga samu't saring-buhay na kapit-bahay natin sa lawa. Layon din ng Alagad na bawasan ang digital divide sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng prepaid internet routers sa mga kabataan sa tabing-lawa na puwedeng magamit pa lagpas sa buhay ng Alagad, gaya sa distance learning at Sa Ngalan ng Lawa (citizen science intiative). Maaari ring magamit ang routers kung kinakailangang i-access ang apps tungkol sa mga aktibidad ng bulkang Taal. Isa rin sa bahagi ng Alagad ang pagtitipon ng mga manunubli at pagsasagawa ng Sublian sa isang bayan na malapit sa lawa ng Taal. 

Layon ng Alagad na isali sa naratibo ng konserbasyon ang kultura. Nabanggit naman sa management plan, kaso ay nabanggit lang pero walang mga paganap, ni wala nga yatang manggagawang kultura na kasali sa pagda-draft noong plano na para bang walang kakayanan ang mga kapangyarihang labas sa polisiya at siyensya pagdating sa usapin ng konserbasyon. Hindi ko sinasabing salat sa kultura, pagkakakilanlan, materyal para sa sining 'yung lawa at komunidad nito, ang sinasabi ko lang may mga bahagi na hindi nasisisid pa at 'yun ang susubukang ipasilip ng Alagad sa mga komunidad. Susubukang hukayin mula sa tabon ng marami nang abo at sulpura. Subukang lumihis sa konserbasyong nakaangkla o nangingimi pa sa ekonomikal na asenso. 

Sa kabila ng kaliwa't kanang kalamidad, mga isyu, at iba pang panlipunang mga ingay, layon din ng Alagad na hindi malunod ang kamalayan ng komunidad natin tungkol sa samu't saring-buhay na nakapaligid sa'tin, sa'ting mga kahanggan.


Kung papalarin, sisimulan ang pangangahanggan sa taong 2021.

Thursday, July 30, 2020

Hulyo 30, 2020 (Umagang Masaya na ko sa Dalawang Minuto)

Nasa gitna ako ng paglalakad bilang bahagi ng aking pilit sinasabuhay na liwayway protocols (morning rituals). Alam ko lang nung umagang 'yon, dinadala ako ng mga paa ko sa palengke, doon na ako magkakape sa puwesto ni Mama. Alam ko abalang tumatakbo na naman ang utak ko habang naglalakad, nagliliparan na agad ang mga isipin, hindi ko na lang pinapansin masyado. Hanggang walang kaabog-abog bigla na lang tumiklop ang tuhod ko at may inabot ang kamay ko sa lupa at isinilad agad sa bulsa, sa loob lang ng dalawang segundo! Nagulat ang utak kong abala sa kaiisip ng kung ano-ano pero naproseso pa rin n'ya ang nangyari: nakapulot ako ng lukot na isang daang piso! 

Boss lord, salamat po sa ayuda ngayong pandemya. Bumilis ang tibok ng puso ko na para bang galing ako sa zumba kahit naglalakad lang naman ako. Hindi mo basta-basta mapupulot ang isang daan sa panahon ngayon, aba! Mapapausal ka ng pasasalamat. Hanggang ito na, wala pang 2 minutong paglalakad ay may nakasalubong akong mama na madaling-madali sa paglalakad at mababanaag mo na nakatingin sa dinadaanan at nagdaragat ang mga mata. Walang sampung segundo nakatanggap ako ng datos sa utak ko tungkol sa mama: tatay, sumusuweldo below minimum, di regular na trabaho, bibili ng ulam; ibalik mo ang isang daang piso.

Samakatuwid ay naibalik ko nga ang napulot na pera. Pagdating ko sa puwesto namin, bumubuntong-hininga akong humihigop-higop ng kape. Nagkuwento si Mama, nakapulot s'ya nung isang araw ng isang libong piso sa diversion road kaya pala kami nakapag-ulam ng adobo kinagabihan.  

Monday, July 27, 2020

Napanood ko 'yung F#*@BOIS

Napanood ko yung Fuccbois ni Eduardo Roy, Jr. at pasensya na sa isang non-legit site ko napanood. Babawi na lang po sa pelikulang Pilipino kapag nagbukas na uli ang mga sinehan. Also, spoiler alert nagkuwento ako ng ilang eksena rito so kung di mo pa napapanood wag mo munang basahin, sayang, maganda first hand mo makita.

Wala akong ginhawa sa panonood ng Fuccbois. Hirap huminga kahit umpisa pa lang ng pelikula. Magkakasama 'yung karakter nina Royce, Kokoy, at iba pang boylets sa isang maliit na kuwarto ng boarding house at parang may handler/manager sila. Sa eksena pa lang na kailangang maligo nang maraming kasabay, hindi na ako kumportable. Hindi mahalaga ang privacy? Nasanay na lang? O wala namang ibang choice? Tapos, may babato ng linyang "marami na namang matatanda at bakla mamaya" habang nagmamadali na silang maggayak. Eh kid, 'yun 'yung target market n'yo sino inaasahan mong konsyumer? At 'yun nga parang produkto rin sila na binibihisan, iniilawan, tapos 'yun may merkadong handang magbayad para mag-window shopping. Pero hindi lahat nakukuntento sa window shopping, may ilan na mas may 'purchasing power'. Dito papasok yung karakter ni Yayo at Ricky Davao, 'yung highlight ng eksena kay Yayo, nakasimangot kong pinanood kasi judgmental akong tao. T'saka ginagawa kasi 'yung eksena habang nagta-talent portion si Kokoy, nagmo-monologue s'ya tungkol sa madugong drug war. Ang dating eh, ano bang kinalilibugan natin at hindi natin napapansin 'yung mga bumubulagta sa kalye? O talagang ganito tayo kahayok sa patayan bilang isang komunidad? Basta, disturbing 'yung eksena.

Pero hindi pa 'yun ang pinaka malala, 'yung kay ex-mayor na karakter ni Ricky; nakakasuklam na 'yung level ng discomfort. Mayor na mayor si Ricky Davao dito, I so knooooow nakikipagtrabaho ako sa mga mayor dati at alam ko yung stereotyped na datingan nila. Totoo 'yung naghahalong pakiramdam na ngingitian mo sila bilang sibil na tao, pero alam mo deep inside na may mga karumaldumal silang ginagawa. Magkahalong irita at kaba 'yung mga eksena sa sasakyan ni Mayor. May parallelism 'yung pagkuyampit n'ya sa kapangyarihan at sa paghawak n'ya sa mga karakter nina Royce at Kokoy gamit ang scandal nila. Mahalaga pa rin naman pala ang privacy sa kanila dahil natakot pa sila sa banta na ikakalat ni mayor ang video kapag di sila sumama sa resort. Magteteleserye pa naman yung karakter ni Kokoy, t'saka social media personality sila e. Nang bitiwan ni Kokoy 'yung linyang "paano pag nakita 'to ni Mama?" namoroblema rin ako, parang "p*cha anong ginawa n'yo kasi" tapos facepalm.

Nakakasikip ng dibdib 'yung labis-labis na kapangyarihan na nakakahawak na sa leeg. Mas may kakayahan si Yayo na gumastos sa bakasyon sa ibang bansa para sa kanilang tatlo nina Royce. Mas higit na may kapangyarihan si mayor kaysa kena Kokoy at kay Yayo; at mas higit na kapangyarihan ay higit ding pang-aabuso. Hindi ko rin naman inaalis 'yung labis na mga paghahangad nina Royce at Kokoy kaya nagpalit ng kinakapitan, hindi naman masyadong inexplore 'yung mga gusto nila. Alam ko lang 'yung passport ay maaaring simbolismo ng paghahangad mag-travel sa ibang bansa, 'coz it's a thing, a-must dikta ng mga Instagram feeds. Si Kokoy, gustong maging artista pero bukod d'yan hindi na na-explore kung bakit sila nauwi kay Yayo at kay mayor; makikita mo lang gusto lang nilang kumawala. 

May eksena sa resort na finast-forward ko na, ang sakit sa dibdib pero kung kaya mo essential naman 'yun talaga para husgahan talaga natin ang kasamaan ni mayor. Drinoga at nilasing na kasi tapos alam mong walang choice 'yung dalawa, mukhang tinakasan ng kaluluwa. Iniisip ko lang din ano 'yun eh, natalo kasi 'yung pinsan ni mayor sa eleksyon, wala na s'yang kapit sa city hall at mawawala pa sa kanya sina Royce at Kokoy dahil sa trip-to-Thailand ni Yayo. Pero kahit na, hindi pa rin dapat. Ang nangyari nga ang mga hindi dapat. 

Ayoko nang i-explore 'yung relationship nina Royce at Kokoy, wala ka nang gana sa lahat. haha. Sa dulo walang mayor at walang bakasyon si Yayo. Malamang wala na ring teleserye. Ang kalat na, parang naligaw na sa gubat 'yung katapusan. 

[P.S. Pagkatapos parang gusto mong manood ng John Lloyd-Sara, Jodi-Sir Chief, o kaya kahit anong romcom ni Bb. Joyce Bernal]

Sunday, July 26, 2020

Go Balik-Probinsya

Tumatambay ako ngayon sa palengke kapag umaga, kasama na sa ritwal ko ng paglalakad, pagbabasa, at pagkakape sa puwesto namin sa palengke. Hindi sa'min ''yung puwesto pero dahil nasa Cebu si Madam, sa'min na muna, 'yung puwesto namin? Ayun, pinapaupahan ni Mama. Bright, sabi ng mga bagobo. 

Narinig ko lang sa isang mamimili, gusto rin sana n'yang umuwi na lang ng probinsya kasama ng pamilya n'ya; for good na. Ibebenta ang naipundar na lupa sa Quezon at bumalik sa Mindanao. Nawalan sya ng trabaho dahil walang biyahe ngayon ang mga bus mula probinsya hanggang Maynila. Umeekstra lang sa trak sa isang farm. Kung may bibili nga lang ngayon ng lupa nilang 150 sq. mts, titulado, ay uuwi na sila sa probinsya ng pamilya n'ya. Inaalok naman daw s'yang mag-drive ng mga shuttle na naghahatid-sundo sa mga nagtatrabaho sa semicon sa FPIP; kaso ayaw naman daw n'yang sumugal. Umalis s'yang bitbit ang ilang pirasong prutas na ipanglalahok siguro sa ginagawang ice candy na hanap-buhay daw nila ngayon.

Anong Ikinakatakot at kung Bakit Nagkakatakutan

Sabi ni Song may nabasa s'yang article sa Rappler tungkol sa pagsamsam sa mga magasin na "diumano'y nagtuturong lumaban sa gobyerno" sa isang gusali sa Pandi, Bulacan. Walang warrant. Basta pinasok at sinamsam. Kung anong content ang inciting to sedition/rebellion, wala namang ipinaliwanag. Basta, kumpiskado. 

Nakakapanghinayang, sabi ko. Ang hirap kaya mag-lay-out ng isang magasin tapos hindi makakarating sa mambabasa mo. Ni hindi ka nga sigurado kung babasahin ng makakatanggap ng magasin o ipagpaparikit ng apoy sa tungko o kung mabasa man ay isang article lang at di mo sigurado kung magdudulot ba ito ng aksyon o reaksyon man lang. Isang linggo lang halos ito matapos mapirmahan ang kontrobersyal na Anti-Terror Bill.

Sabi ulit ni Song may nakita s'yang video ng mga Pokemon Go players na itinaboy at pinagbawalang manghuli ng pokemon sa Luneta Park. Go Fest pa naman, sayang ang shiny. Ang isyu diumano ng mga pulis ay hindi naman physical/social distancing kundi pinagbintangan silang magra-rally. Ha? Eh isa-dalawang araw pa nga bago ang SONA 2020 at ni wala ngang mga plakards 'to, ni wala nga yatang pakialam sa bayan ang mga 'yan e. Basta, magra-rally sila ayon sa pulis at ang ikinagalit talaga ng mga pokemon fans ay ang sinabi ng pulis na hindi naman daw na uso ang Pokemon. Hindi na uso ang Pokemon sabi ng pulis. Hindi. na. uso. 

Imbis na bawasan ang mga kinatatakutan ngayong malabo pa ang dulo ng pandemya ay lalo tayong nagkakatakutan. At sa tingin ko kailangan nating palagiang labanan ang mga alternatibong katotohanan at mga kasinungalingan gamit ang pawang katotohanan lamang. Simulan natin sa pagsasabing, uso pa ang Pokemon! 

Pandemic Preachings

Mga ilang na-take notes mula sa simbahan sa kasagsagan ng pandemya:

Nagtitinda- online. Nagsha-shopping- online. Naghahalaman- online.
*nagtawanan ang kongregasyon
Punong-puno tayo ng mga pansariling gawain.
*katahimikan

Kung mayroon po kayong nais ipalathala na mga online, mga binebenta, puwede n'yo pong ipa-announce, hindi po natin 'yan minamasama.

Isipin ang araw na hindi na papawisan ang mga miyembro dahil naka-fully ariconditioned na ang buong kapilya.

Kung walang kapasidad magbahagi sa pinansyal, maaaring maglingkod at maghandog ng mga kakayahan.

Kailangan nang magparehistro ng sasakyan, maghulog sa loans, atbp.

Ilang taon nang walang kisame ang kapilya. Bago matapos ang taon kikisamehan natin ang kapilya.

Baka raw kaya nakalimutan na ng gobyerno ang second round ng ayuda ay dahil "nakalimutan" din na magbalik ng ikapo ng ayuda ang mga miyembro.

Dumating na po uli ang ayuda, 'wag po tayong matakot na magbalik sa gawain.

Tungkol sa teenage pregnancy: si Lucy ay naging Lousiana

Kapag mali, hindi 'yung dapat tawaging wow.









Tuesday, July 21, 2020

Panic Mode

Habang natutulog na lahat ng kabahayan sa riles ng Sitio Guinting, kuwento ni Mama, ay biglang-bigla na lang akong bumangon kagabi at nagsabi ng malakas na "hala!". Mababaw lang ang tulog ni Mama at ni Rr, kaya tinanong daw nila ako kung anong nangyari. Luminga-linga lang daw ako sa kwarto na parang may hinahanap, tapos humiga na ulit. 

'yun lang. 

Monday, July 20, 2020

Ma, may ginagawa ako

Si Mama ang husay-husay ng timing, kung kailan nasa malalim kang pagbabasa o pakikinig sa podcast, ang dami n'yang tanong na hindi naman life and death ang implication kapag pinagdesisyunan n'ya. 

Kanina may kung ano na namang kinukulit sa'kin at kapag di mo nasagot agad gigil na agad. Eh gigil din ako agad may pinapakinggan ako eh, diklap. Anong pinapakinggan ko? Ang Walang Kuwentang Podcast sa Spotify ni Gege at Direk Tonet.

Friday, July 17, 2020

Galing sa Isang Self-Care Toolkit Session



Galing ako sa isang self-care session. Bawal yata i-chika 'yung mga naganap sa loob ng Zoom session na halos dalawang oras pala 'yun?! Parang ang iksi kasi. Bitin. Tinuruan kami mag-energy mapping, oooooh panes ka! At lumalabas sa mapa ko na 90% ng araw ko ay walang energy, tinatamad ako. Itinigil ko 'yung pagsusulat ng tungkol sa Sa Ngalan ng Lawa initiative. Itinigil ko ang pagsusulat ng tula at araw-araw na journal entry. Pakiramdam ko kasi nakukuntento ako sa small wins, ayan lalo tuloy akong walang nagawa. Sinusubukan ko lang tapusin 'yung mga binili kong Switch games last year pa. May natapos ba ko? 'wag mo nang alamin. Pero meron at meron akong napansin, may tulak sa enerhiya ko kapag galing ako sa umaga't hapon na sanity walks sa bayan. Nasisinagan ako ng kapangyarihan ng araw. 

Energy Map ko para alam mo kung kailan dapat ang pag-atake



Pinagdisenyo rin kami ng dream morning and evening namin. Gudlak naman kung makapag-meditate o yoga ka sa umaga kapag nakatira ka sa tabing-riles. Kanya-kanyang disenyo depende sa realidad mo naman. Mas mainam ang pagninilay sa gabi lalo na kung nahihimbing na ang mga tao. Pero mahalaga na nabu-bookend ang araw ng self-care. Mahirap 'to, pramis. Lalo na kung nasa kultura tayo ng padyak-kabayo-kayod-kalabaw na mga opisina; tipong hagasan sa araw-araw. Madaling i-blur ang linya sa pagitan ng self-care at pag-iinarte sa totoo lang. Oh ngayon ko lang naalala 'yung masamang pakiramdam kapag kailangan kong gumising nang madaling-araw, maligo ng malamig, walang ritwal-ritwal sa umaga, dahil kailangang may habuling biyahe. Sagigilid mornings arghhh. Ang pinaka mahirap ay hindi 'yung gumawa ng ritwal o self-care toolkit eh, kundi 'yung kailangan mo s'yang ugaliin. Ugaliing mahalin ang sarili.

Liwayway Protocols:

• ayusin ang higaan kaagad (kung hindi man ang mundo)
• magsulat kaagad. Para lang ipaalalang andito na ako 
    at mapaniwala ang sariling manunulat ako kahit pa'no
• maglakad tayo tuwing umaga, tuwing umaga, tuwing umaga
• magkape at magbasa. Dahil hindi lang sa tinapay...
• magpraktis ng isang piyesa. Make some noise
• wala munang screen (kahit e-mails) 

Guidelines sa Gabi:

• screentime ends at 10pm (10:23pm na habang sinusulat ko 'to); 
    maliban na lang kung may musa
• gusto kong mapagod (from sanity walk sa hapon)
• switch or youtube (1hr) or movie. Bawal all of the above
• magbasa at magsulat 

'yan 'yung pinaka dream plan, puwedeng hindi matupad at ma-implement mo lang 'yung next best plan dahil sa loser ka lang talaga, joke, dahil hindi kasi agad-agad nababago ang sariling mga ritwal at personal na tradisyon. Puwedeng quick-win plan: paano kung may 5-mins ka lang na self-care sa umaga dahil nagmamadali ka nang pumasok sa trabaho? Or napuyat ka sa party. Or may mga di ka inasahang naganap na plot twists. Or talagang loser ka lang. Ang mahalaga may program for self-hack at hindi s'ya kumportableng trabaho, hindi rin basta-basta nase-set up 'yung sistema. 

'yung ginawa kong protocols sa taas, hindi yan basta ngayon ko lang gagawin. 'yung pagbabasa at pagsusulat, ugali ko na s'ya. 'yung switch at youtube , hindi s'ya mahirap simulan, tigilan 'yung isyu eh. 'yung maglakad, bago ko lang ginagawa. 'yung magsulat at mag-imis agad ng hinigaan sa umaga 'yung ilang taon na kong sumusubok praktisin pero olats. Mas gusto ko lang gawing intentional ang mga bagay-bagay at hindi kung kailan may musa, o kung kailan ako passionate o nasa mood, kasi kadalasan ay nasa time-space warp lahat ng energy ko sa isang araw.

Anong Okasyon?

Dumating ako sa tindahan mga bandang ala-una. Nakita ko kaagad na may isang bandehadong pansit at isang bilaong spaghetti na maraming hotdog, cheese at green bellpepper. 

Sinong may birthday? tanong ko kay Mama. 

Sampalin kita d'yan, sagot agad ni Mama.

Nagpadala na rin si Mama ng lumpia sa bahay. Piprituhin na lang 'yun. Nagpatimpla ako ng kape. Si Kilino raw ang nagbayad sa spag, bilin na bilin ni Ate Edit na nasa Dubai at ipina-deliver lang sa tindahan. May nagbigay ng mga 1.5 na sopdrinks. 'yung pansit ay galing sa mga manininda sa palengke, may nagbigay ng bihon, may nagbigay ng gulay at kikiam, tapos may nagluto. Kinagabihan nagpadala na rin sa'kin si Ate Gemma ng pambili ng cake. 

Sabi ni Vernon, na nasa Laguna, kaya raw pala parang gustong-gusto n'yang umuwi kagabi dahil birthday ni Mama. Ang lakas ng tawa ko, kalokohan n'ya, nakalimutan n'ya rin! Akala mo kung sinong maaalahaning anak. Ayun, pinag-videocall na lang ang mga apo at aga-agawan sila sa screen para sayawan ng binibining marikit ang lola nila. Low-cost tiktok dahil kinakanta lang ni Lanie 'yung soundtrack, baka ma-copyright sila. "Hapibertdey Mader, magja-Jollibee kami?" bati ng mga apo.

[Not sponsored post. Jollibee baka naman.]

Thursday, July 16, 2020

To Apply or Not to Apply?

So, bago ang lahat (new normal kasi), sabi ko ayoko muna maghanap ng trabaho sa labas ng bayan. Manila is ekis. Outside da promdi is ekis. Dito dito lang kahit ano-ano lang. Todo tanggi ako sa mga links na binibigay ni Tita Cars, 'tas eto na nagbanggit na ng mga sweldo. Napaisip tuloy ako parang worth the risk nga 'ta. Grabe ka, nandadamay ka pa sa mga pagdadalawa-pagtatatlong isip. Aba, nakakapraning kaya sa dyip para magpauli-uli sa mga opisina. Hindi na nga namin sinisilip ang bilang ng mga kaso. Aba, pero sayang din ang suweldo kung papalarin. Ganito na yung nananalong argument sa utak ko: lahat naman may risk at the higher the risk the higher the returns di ba sabi sa entrep? 

Sa mga kaibigan ko na in power, salamat sa pag-aalok ng mga works, it's the thought that counts! Also, the suweldo counts more.

Sunday, July 12, 2020

Ilabas Mo raw Agad

Wala akong kahit anong engagement sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) pero bigla na lang ako nakatanggap ng e-mail. Hindi spam, naka-bcc ako. Hindi naman ako nag-apply sa communications ng Pamantasan. Wala rin namang following ang blog ko. Basta for immediate release daw. Ang umpisa ng sem ng PLM ay Sept. 03 at ang katapusan ng sem ay Jan 04, 2021. Ayon sa press release ay libre pa rin ang tuition fee ng mga nasa undergrad alinsunod sa batas. Mahaba 'yung e-mail e, kaya nag-reply na lang ako ng "Received, thank you" sa mga bagay na wala akong kinalaman. 

May e-mail uli: tungkol sa mga di nakatapos sa online admission test/entrance exam ng PLM ay maaari silang padalhan ng email. Maaaring tapusin ang di natapos na bahagi ng test online. Sa ngayon may mahigit anim na libong freshmen ang tinanggap na ng Pamantasan. At hindi ko alam kung anong kinalaman ko rito, baka ibahin ko naman ang reply, "This is duly noted". Gaya nung nauna, for immediate release din ito.

Parang nagmamadali lagi ang mga nasa Maynila.

Isang Palakang Walang Nagmamay-ari

Hindi malunok-lunok
Makunat magpanguya
Masakit pa sa sikmura
Ni hindi mahawakan
Ayaw magpahawak ng
Butol-butol mong balat
 
Titigil 
        ang lurok na tag-ulan
Dadalang 
        ang mga gamu-gamo
Matutuyo 
        ang pana-panahong saya
Babalik sa lungga 
        na parang walang nangyari

Lumanit na ang tabang,
lason, at kunat sa'yong balat
Walang maglalakas-loob na
Isali ka sa sirko o anumang perya
Malinaw na hindi ka sirenang
Inaasahan ng ganda at palakpak

Isa kang palaka
        na walang nagmamay-ari
Abala ka sa pagtawid-tawid
        sa nakamamatay na kalye
Isang maling lukso at mapipisat ka
        sa malamig na aspalto

Hindi ang kislap siyudad
Kundi ang mga gamu-gamo
Dugo mo na lang ang may init
kung di pa man kumukulo
        




Friday, July 10, 2020

Ang Daming Nangyari

Parang ang daming ganap today. Hindi ko naman sinadya pero parang nagbawi sa mga araw na parang walang nangyari. Ayoko na lang muna magsalita. Pagod.

Trip to Tiaong: Hindi pa Extinct ang Dyip

Ang aga ko naghanda, magki-clearance ako sa non-profit na pinagtrabahuhan ko sa Batangas.

Bago sumakay ng dyip, nag-almusal muna ako sa karinderya kung saan ako nag-aalmusal kapag sobrang aga ng biyahe ko. 'yung may-aring lola kasi rito ang tamis ng ngiti, parang banayad na sikat ng araw. Puwede na raw kumain sa loob ngayon, anak. Napaso pa ako sa mga takip ng ulam kakabuklat. Umorder ako ng bicol express at dalawang kanin. 

Nakakaiyak, makakasakay na uli ako ng dyip. Makakapagsenti na sa aking binuong lofi playlist. Pagsakay ko sa dyip, hati-hati ang upuan ng mga plastik na ding-ding. Ang dating labing-isahan ay limahan na lang. Labing-isang pasahero na lang kada biyahe, kaso may oras pa rin. Tatlo lang kaming pasahero nang umandar na ang dyip. Ang dati kong pamasaheng 46 pesos ay 100 pesos na hanggang Katedral ng Lipa. 'yun ay kung at least dalawa kayong deretso, dahil kung mag-isa ka lang na deretsong Lipa/Tiaong, 150 pesos ang pamasahe mo. Cubao na ang abot nun dati eh. Nakakapraning lang 'yung mga plastik na ding-ding na parang ayaw mong malapatan dahil mukhang may sarili na'tong microbial ecosystem. Pero wala eh, wala naman tayong mapagpipilian. Alkohol nang alkohol ang mga pasahero. May nakaguwantes pa.

Pagdating ko sa opisina sa Lipa, hindi raw papasok ang bagong boss ng non-profit today. Badtrip talaga 'tong si boomer. Tumambay na lang ako kena Tita Cars para magpalipas ng inis. At makikain ng mga luto n'ya. Tapos, nag-take out nang di ko na makain.

Pauwi, ang haba ng pila sa terminal. Tuwang-tuwa ang mga tao kapag may dumadating na dyip. Sa loob, kahit na mahal ang pamasahe ng dalawa-tatlong ulit, mas maigi na raw kaysa makisabay sa mga van. "Nakakahiya namang mag-abot ng trenta sa van," sabi ng isang pasahero na ang baba ay sa Pansol. "Mura-mura na nga ang dyip kaysa sa mga kotse" dagdag pa ng ale. Hinulog ko na ang sandaan sa nakasabit na plastik na bote ng 1.5 na sopdrinks. Tapos nakisali na ako at may FGD na ako sa loob ng dyip tungkol sa mga pabago-bagong mga patakaran at iba-iba kada bayan. Maya-maya hinanapan ako ng travel pass ng drayber, kasi dadaan pala kami sa checkpoint ng sundalo. "Drayber ang napapagalitan pag walang travel pass," sabi ni manong. Akala ko naman hindi na kailangan dahil nakalampas naman ako kanina nang walang tanong-tanong at dokumento. "May certificate of employment ka naman kahit company id?" tanong ng isang ale. 

Kakaalis ko lang po sa trabaho, badtrip nga po ako ngayon e. 
[linya ko lang 'to sa isip ko na hindi ko na diniliver]

Thursday, July 9, 2020

Gusto Ko Nang Matapos (Also, 'yung Reimbursements Ko)

Bukas, maaga akong babiyahe papuntang Lipa, sa opisina ng dating non-profit na pinaglilingkuran. Mga isang oras at mahigit na biyahe sa dyip lang naman. Hindi ako natanggal dahil sa covid19 o dahil sa pagsabog ng bulkang Taal. Natapos na ang kontrata ko, ang sabi sa'kin ng bagong executive director (ed) at mayroon lang akong 3 days para mag-impake ng gamit. Also, may hiningi pa rin s'yang ilang mga reports. Para akong binuhusan ng malamig na tubig noon, (1) parang hindi naman s'ya makatao, at (2) ang kapal ng mukha sa mga hinihinging reports.

Bago ang insidenteng ito, una nang nagpaalam ang dalawa kong kaopisinang aalis na lang. Kung ano-anong idinahilan ng dalawa pero ang totoo hindi nila kayang sakyan ang bagong kaopisina. Ako lang ang nagsabi with all confidence na "Ma'am, hindi po ako magreresign," sabay tawa ko pa nga. Ayun, sinabihan ako na walang renewal of contract na magaganap. 

Tapos, covid19 lockdown na.

Ayoko s'yang intindihin. Ayokong isipin kasi sumasakit talaga sikmura ko sa kanya. Parang asar, na awa, na panghihinayang. Pinaglingkuran ko 'yung non-profit na 'yun at halos kadikit na s'ya ng pagkatao ko at alam ko kapag lumabas ako sa development work community,  nakaplastar s'yang parang sticker sa windsheild ko. Halos, iginapang na nga 'yung non-profit na 'yun at siyempre ayaw mong masayang. Hindi naman sa jina-judge ko na magfe-fail ang bagong ed. At wala akong balak ilagay ang pangalan n'ya rito sa blog, kahit kailanman magpasawalanghanggan.

So, bukas maghaharap kami. Lilinawin ko sa kanya lahat ng tanong. Unang beses pa lang naming magkikita. Nasa abroad s'ya noong nag-umpisa namin s'yang makatrabaho at via skype lang ang mga direktiba. Inipit n'ya rin 'yung ilang tseke na reimbursements ko dapat sa mga ipinang-imbuna ko sa disaster response noong walang kapasidad ang non-profit para makapagproseso ng tseke. 'yung mga hinihingi kong reports muna at physical appearance sa opisina bago ang tseke mo, ang dating ng e-mails n'ya.

Sinubukan ko namang mag-organize ng links sa GDrive sa emails ko sa kanya pero mukhang she's so boomer for that stuff. GDrive links at share folders lang, hindi naman 'yung Silicon Valley-level tech language, 'pag hindi ka naman labasan ng ugat sa sentido. Pero alang-alang na lang sa paggalang ko sa founder ng non-profit at ayoko ring magsunog ng mga tulay (for zero emissions); magkakaroon ako ng pisikal na manipestasyon sa opisina bukas ng umaga para linisin ang aking mga pangalan sa mga alegasyon. Wala akong intensyong maging aegist dito o magdiskrimina ng nakatatanda pero inayos ko na sa pinaka malinaw at madaling unawaing listahan digital at physicial (sulat-kamay at printed). 

Gusto ko na lang ding matapos na ang lahat, sana hindi ako mag-walk out bukas.

Sarado

Tanghali na ako nagising at nakalabas ng bahay. 

Alas-dos na ako makakapag-agahan pero dumaan muna ako sa ilang araw nang binabalik-balikang barbero, pero sarado pa rin. Pagkatapos ng tapsi brunch sa L.S. siomai, nag-abang naman ako ng dyip papuntang Tagpuan. Ibabangko ko na ang natitira kong pera. Wala pa ring byahe ng mga dyip. Nasaan ang mga dyip natin? Lugi siguro ang pasada sa social distancing sa loob ng dyip. Nilakad ko hanggang palengke para sunduin sina Mama at Idon, nanghihinayang akong sumita ng trike tapos ako lang ang sakay, kaya isinama ko sina Mama papuntang Tagpuan. Wala na ring katao-tao sa palengke at maagang nagsisipagsara ang mga tindahan kahit mataas pa ang araw. Kwarenta lang ang natira sa pera nina Mama at Idon mula sa pinagbentahan ng wrapper sa maghapon kesyo maraming binayaran. Pagdating namin ng Tagpuan, sarado na rin pala ang bangko kahit alas-tres pa lang. Bumili na lang ako ng triple chocolate cake. Ayan Ma, baka wala na 'kong pera sa bertdey n'yo kaya ayan - cake. 

Tapos, nilakad na lang namin pauwi, nanghinayang ako sa sisenta pesos na sita sa trike eh. Binaybay namin ang riles ng tren, pauwi. Hinarang ko ang nagtitinda ng meryendahin sakay sa iskit para bumili. Umungot si Mama ng may mantikilyang hotcake.  

Sunday, July 5, 2020

Dumadaan-daan sa Jobstreet

Sumakit ang ulo ko kakahalungkat sa jobstreet ng trabahong malapit lang sa'min. Para akong fresh grad uli na hindi malaman kung saan susuot. Palipat-lipat ako ng category sa search filter. Bigla lang umiim sa'kin na Sabado na pala, akala ko Miyerkules lang, na parang bumilis ang oras. Wala, natakot lang ako na baka lumilipas 'yung panahon at natengga lang ako. Parang nakaramdam na uli ako ng dapat magmadali. Siguro kasama sa overthinking ko ng sitwasyon namin ay 'yung background ko sa social welfare, alam ko kung kailan sasabihing mahirap ang isang pamilya at kung paano nababawasan o nadadagdagan ang vulnerability ng isang mahirap na pamilya. I could do the social welfare math in my mind for our case at 'yun 'yung nakakapagpaisip nang malala. Mas humirap kami ngayong may pandemya. At nakakainis pa 'yung portion ng sarili ko na non-conformist, na hindi magpapakulong sa ayaw na trabaho at kung bakit may ganito akong sense of self. haha. Sinusubukan kong kumalma, hilutin ang sentido, at paniwalain ang sarili na hindi ako nasira, na gumagana pa rin ako. Kaunting hintay pa, kalma.


[Kailangan ko nang matulog] 'yung mga ilaw bukas pa, anong oras na, sabi ni Mama at Php 1,600+ nga naman ang kuryente namin bukod pa sa nakabinbing bill noong mga buwan ng umpisa ng quarantine.  


Friday, July 3, 2020

Paglalandi



Nag-zoom ulit ako kanina, talked with artists. Iba rin pala talaga yung perspectives ng visual artists no? At may bago akong project, linsyak, 'kala mo privileged rich kid eh. At akala mo tapos na sa mga projects n'ya kung makadagdag. Yaan mo na kasi. Akala mo hindi umuungot Mama n'ya na hindi makaipon dahil ibibili agad ng bigas, shampoo, toothpaste 'yung kita sa palengke maghapon. Yaan mo na muna. 


So ayun nga, naisip lang namin na gumawa ng public arts exhibit gamit ang live video as medium. Magse-set up lang kami ng camera na magbo-broadcast ng live (kung kaya) sa ilalim ng tubig ng lawa ng Taal, nakatutok sa bulkan, at isang nasa malayo na kitang-kita ang buong lawa na puwede mong ma-access 24/7 na may live chatbox na rin. Basta 'yung kasya lahat sa loob ng isang milyong piso. Ang goal makita mo lang 'yung broadcast na para kang nanonood ng cctv. Puwedeng may makita ka, puwedeng wala. Hindi pa namin nakikita 'yung limitasyon ng tech, kung paano 'yun i-install, ewan. Basta binuo lang namin 'yung kaisipan na nag-aabang ka sa video, na puwedeng may makita ka, at puwede ring wala. Puwedeng naiintindihan mo 'yung nakikit mo at puwedeng hindi rin. Ibang pagtingin sa ecosystem na hindi parang hollywood, parang ecosystem sa loob ng bahay ni kuya. At ang mga challenges ay sinulat lang, puwedeng gawa-gawa lang ng mga writers. Sa tingin ko kasi sa conservation ng Lake Taal, masyadong kapani-paniwala na ang siyensya na wala nang gustong maniwala. Kaya parang imbitasyon ang live broadcasts na ikaw mismo tingnan mo 'yung lawa sa iba-ibang kuha, at malamang wala kang makitang problema. Malamang hindi problema ang inaabangan mong makita at ayos lang 'yun. No prob.


Tinitingnan din namin kung paano isisingit ang kakaunti pang siyensiya tungkol sa duhol. Kasi halos araw-araw may sumasabit na duhol sa mga lambat ng mangingisda, at parang magandang i-explore paano kung isang madaling araw, wala nang duhol na sumasabit sa lambat. Anong pakiramdam? Puwede na bang pakunsuwelo sa'tin na may dna sequence tayo sa kungsaanmang gene bank sa mundo (ni hindi ako sure sa terms na ginamit ko). 'yung proyekto parang naglalandi ang mga hanggahan ng arts, social work, at science. Wild life nga talaga.


Hindi muna namin ine-explore 'yung limitations, 'yung mga posibilidad lang muna. Dalawang oras din kaming nag-meeting. Ang daming posibilidad, para kaming nasa klase kasi tinitingnan din namin 'yung mga examples na 'kamukha' ng naiisip namin: online sabong & bingo, baited camera ng Lamave, Earthcam at 'yung Our Islands ng isang artist sa Bantayan Island sa Cebu. Parang mga ganyan pero hindi ganyan talaga. Baka madilim ang tubig ng lawa. Minsan malinaw. Puwede ring mawala mismo 'yung camera bilang pagbubuwis sa lawa. Sana lingkisin ng mga duhol matapang pero puwede ring pagtaguan. Hindi rin namin alam kung anong magiging reaksiyon ng manonood. Puwede rin naman silang sumali sa teatrong panglahat (community theater), puwede ring nasa likod lang ng camera. Puwede rin kasing mauubusan kami ng tawilis at duhol sa lawa at baka nasa imahinasyon lang din talaga ang pangangalaga. 


Manood ka ah, hindi mo na kailangang pumunta ng Batangas nun. Grabe, ang haba ng sinulat ko. 


Dyord
Hulyo 03, 2020
Brgy. Lalig, Tiaong,Quezon


Thursday, July 2, 2020

Palakad-lakad sa Bagong Tiaong

Umuusad na nga yata uli ang mga tao, sabi ng headlines: Hundred Islands unti-unti nang binubuksan sa mga turista. Panong unti-unti? Like 10 islands lang muna this week, tapos another 15 islands next week, hanggang mabuo 'yung hundred? 

Nagising ako ng alas-onse na. Siguro, napagod sa paglalakad-lakad ko kahapon. Ang aga ko rin inantok kagabi, kailangan ko lang talaga makalabas ng bahay. Mas aayos siguro ako kapag nakalabas na uli nang mas malayo, labas ng probinsya siguro, kunwari sa Batangas. 'yung may nararating ka lang kahit papaano ang nagpapakalma sa'kin. Hindi naman ako maglalayo pa. Hindi ako natanggap sa inapplyang trabaho sa Laguna, natanggap ko 'yung rejection e-mail kanina at hindi naman 'to kasama sa bagong normal. Itatawid ako ngayong buwan ng ipinadalang ayuda ng komisyon ng sining para sa mga manunulat. 

Ginagawa kong draft ng blog 'yung e-mail ko sa'yo. Okay din ito ah.

Unang araw pa lang ng mas relax na quarantine at nakapagtala na agad kami ng ikalawa naming kaso ng covid19, sa Brgy. Lusacan naman ngayon. Wala pang pormal na anunsyo pero kumalat na parang kidlat ang balita. At parang mga kabute namang nagsulputan ang mga dagdag sa balita. Nasa lockdown na uli ang Brgy. Lusacan ngayon at marami nang pulis. Pinakita ng pandemya na mas marami tayong pulis kaysa doktor sa bayan. Baka kailangan na rin nating magtimbang muli ng pagpopondo sa peace and order at public health? 

Pagkakuha ko ng pera, mas pinili kong mag-convinient store kaysa grocery kahit mas mahal, doon na ako sa mas konti ang tao. Hindi na gaya nang dati na pagtulak ko ng pinto na pupunta ko saanmang direksyon ko gusto sa loob, ngayon may iikutan ka na, kukunin ang contact details at address, titingnan ang temperatura, tiiiik - 36.5 digri; tapos saka pa lang makakausad. Dinampot ko ang nag-iisang nang dental floss at bactidol, iniisip ko kailangang magmumog nina Mama, Idon at Rr pagkagaling ng palengke. Tooooooot - Php 354 ang binayaran ko. Bleeep mauubos kaagad ang pera ko nito.

Puwede Nang Lumabas



Hindi ko na inabangan ang mga press release ng kungsanmang palasyo: alam ko, nararamdaman ko, puwede nang lumabas. Hulyo 1, 6:41 am ako nagising at dumeretso agad ako sa palengke. Unang beses kong lumabas malayo sa riles, malayo sa bahay, simula noong quarantine. Walang hila-hilamos, walang mumog-mumog, sa puwesto na namin ako magkakape. Tumambay ako sa tindahan ni Madam, kungsan nagtitinda si Mama at Idon. Habang naghihiwag ng wrapper si Idon at nagre-repack si Mama ng uling, nagtimpla ko ng kape at teka "bakit may cake kayo rito?!" na parang galing pa ng debu(t)han dahil sa mga bulaklak na icing. Ang tagal ko nang gusto ng cake, ng totoong cake, noon pa. At gaya ng iba pa naming mga pagkain ngayong pandemya, ang sagot ni Mama "bigay lang 'yan."

Nagbasa ako ng ilang talata sa baon kong How to Traverse Terra Incognita ni Dean Francis Alfar habang nag-aalmusal. Panaka-naka lang ang mga mamimili, mga nakakubli ang mga mukha mula ilong hanggang bibig parang ang saya lang hablutin ng mga takip nila sa mukha. Maglalakad-lakad din ako sa bayan, gusto kong subukan kung totoo yung nabasa ko sa article sa Rappler na ito ang "most relaxed phase of the quarantine."

Sarado pa ang barbero ko, may karatula lang s'ya sa labas ng number n'ya. Siguro, home service na ang gupit dahil luge nga naman kung tuloy ang renta kahit walang mga tao simula Marso. Naalala ko sa barber shop n'ya pa namin sabay pinapanood ang balita tungkol sa lockdown. 'yun pa rin ang huli kong gupit, tatlong buwan nang mahigit. Sarado pa rin ang maraming establisyimiyento, 'yung maliliit na bangko, appliance store, ilang kainan atbp. Dumeretso rin ako sa bantayan para alamin kung may biyahe na ng Lipa, meron na nga. Pagkatapos, umuwi na ako sa bahay at naglinis ng mga sapatos na binalot na ng gabok at may amag na nga. Pagkasampay ko ng dila-dila, sintas at mga sapatos, biglang umulan.




Nagpadala ako ng e-mail sa ilang kaibigan. Nagpadala rin ako kay Edison sabi ko lalabas ako ng mga alas-kuwatro at maglalakad-lakad uli sa bayan. Walang meet up points. Bahala kung magkita. Naligo na ako at naghanda ng gamit. What's on my katsa bag: tanglad sanitizer, tablet, at wallet. Nagsakbit ng mirrorless camera. Nagpasak ng earphones at pinatugtog ang lofi music playlist. Kunwari privileged tayo at I'm out for an artsy photowalk to clear my mind. klik. klik. klik. (photowalk ko sa devcom blog)

Kada lumilinga ako sa kalsada, nakahaya agad ang kamay ng mga drayber ng traysikel siguro ay hanap nang hanap sa dalang ng pasahero. Hindi pa rin naman ganoon karami ang nasa labas kahit pa hindi na nga mahigpit at wala nang sisita kung wala kang quarantine pass. Dumaan ako sa L.S. Siomai, magsasara na agad sila, wala nga namang tao. Bumili lang ako ng sisenta pesos na siomai panghapunan namin at abot-abot ang pasalamat ng mga nagtatrabaho ron. Paglabas ko, sinarahan na nila 'yung gate, mag-a-alas-sais pa lang.

Pagdaan ko ng simbahan, nakasalubong ko na si Edison, semikalbo at nakabisikleta (dati na n'yang normal ito). Napakadaya mo, ganyan din iniisip kong ipapagupit eh, salubong ko sa kanya. "Sixty na ang gupit ngayon kaya nagpakalbo na ako," sabi ni Song. Grabe, kwarenta lang dati ngayon 15 na siomai na. At dahil nakasalubong ko na si Song, kailangan na naming mag-gym - Pokemon Gym! Umupo kami sa may simbahan habang kinakalaban si Zekrom. Mabibilang sa daliri sa kamay ang dumaan, mga apat lang. Dinig na dinig ang mga huni ng ibon. Ito na yata talaga ang pinaka relax na phase ng quarantine.

Dumaan din kami sa dambana ni Claro M. Recto sa may Maharlika Highway. Ayos ah, walang tambak ng basura. May napansin lang na mantsa sa obelisk at maliit na halaman sa may tuktok nito. Pinansin namin ang sculpture sa likurang bahagi ng obelisk, parang diorama-timeline ni Recto at ang kilometer zero n'ya ay ang bayan ng Tiaong, dito s'ya ipinanganak. klik. klik. (cultured tayo kunwari).

Sa daan pauwi, nakasalubong pa namin si Jonas sa sambat ng Rizal St at Mayo St. Nagbisikleta raw s'ya (dati na rin n'yang normal ito). Nagkuwentuhan kami ng mga nilalaro sa Nintendo. Naghiwalay kami ni Song sa may Ilaya na. Maya-maya pa ay napunta ang mga tanong ni Jonas sa trilyong utang ng Pilipinas sa mga bangko, mga pag-iipit ng impormasyon ng Tsina tungkol sa virus, panibagong sakit na may pandemic potential; all this time akala ko fan ito ng Mocha ghurlz para sa Pagbabago Movement. Naghiwalay kami ni Jonas sa pagtawid ko sa diversion road. Magkikita-kita ulit kami, kung kailan, ewan; basta lalabas ako tuwing hapon.




Marami palang kayang baguhin ang sandaang araw.