Ang aga ko naghanda, magki-clearance ako sa non-profit na pinagtrabahuhan ko sa Batangas.
Bago sumakay ng dyip, nag-almusal muna ako sa karinderya kung saan ako nag-aalmusal kapag sobrang aga ng biyahe ko. 'yung may-aring lola kasi rito ang tamis ng ngiti, parang banayad na sikat ng araw. Puwede na raw kumain sa loob ngayon, anak. Napaso pa ako sa mga takip ng ulam kakabuklat. Umorder ako ng bicol express at dalawang kanin.
Nakakaiyak, makakasakay na uli ako ng dyip. Makakapagsenti na sa aking binuong lofi playlist. Pagsakay ko sa dyip, hati-hati ang upuan ng mga plastik na ding-ding. Ang dating labing-isahan ay limahan na lang. Labing-isang pasahero na lang kada biyahe, kaso may oras pa rin. Tatlo lang kaming pasahero nang umandar na ang dyip. Ang dati kong pamasaheng 46 pesos ay 100 pesos na hanggang Katedral ng Lipa. 'yun ay kung at least dalawa kayong deretso, dahil kung mag-isa ka lang na deretsong Lipa/Tiaong, 150 pesos ang pamasahe mo. Cubao na ang abot nun dati eh. Nakakapraning lang 'yung mga plastik na ding-ding na parang ayaw mong malapatan dahil mukhang may sarili na'tong microbial ecosystem. Pero wala eh, wala naman tayong mapagpipilian. Alkohol nang alkohol ang mga pasahero. May nakaguwantes pa.
Pagdating ko sa opisina sa Lipa, hindi raw papasok ang bagong boss ng non-profit today. Badtrip talaga 'tong si boomer. Tumambay na lang ako kena Tita Cars para magpalipas ng inis. At makikain ng mga luto n'ya. Tapos, nag-take out nang di ko na makain.
Pauwi, ang haba ng pila sa terminal. Tuwang-tuwa ang mga tao kapag may dumadating na dyip. Sa loob, kahit na mahal ang pamasahe ng dalawa-tatlong ulit, mas maigi na raw kaysa makisabay sa mga van. "Nakakahiya namang mag-abot ng trenta sa van," sabi ng isang pasahero na ang baba ay sa Pansol. "Mura-mura na nga ang dyip kaysa sa mga kotse" dagdag pa ng ale. Hinulog ko na ang sandaan sa nakasabit na plastik na bote ng 1.5 na sopdrinks. Tapos nakisali na ako at may FGD na ako sa loob ng dyip tungkol sa mga pabago-bagong mga patakaran at iba-iba kada bayan. Maya-maya hinanapan ako ng travel pass ng drayber, kasi dadaan pala kami sa checkpoint ng sundalo. "Drayber ang napapagalitan pag walang travel pass," sabi ni manong. Akala ko naman hindi na kailangan dahil nakalampas naman ako kanina nang walang tanong-tanong at dokumento. "May certificate of employment ka naman kahit company id?" tanong ng isang ale.
Kakaalis ko lang po sa trabaho, badtrip nga po ako ngayon e.
[linya ko lang 'to sa isip ko na hindi ko na diniliver]
No comments:
Post a Comment