Galing ako sa isang self-care session. Bawal yata i-chika 'yung mga naganap sa loob ng Zoom session na halos dalawang oras pala 'yun?! Parang ang iksi kasi. Bitin. Tinuruan kami mag-energy mapping, oooooh panes ka! At lumalabas sa mapa ko na 90% ng araw ko ay walang energy, tinatamad ako. Itinigil ko 'yung pagsusulat ng tungkol sa Sa Ngalan ng Lawa initiative. Itinigil ko ang pagsusulat ng tula at araw-araw na journal entry. Pakiramdam ko kasi nakukuntento ako sa small wins, ayan lalo tuloy akong walang nagawa. Sinusubukan ko lang tapusin 'yung mga binili kong Switch games last year pa. May natapos ba ko? 'wag mo nang alamin. Pero meron at meron akong napansin, may tulak sa enerhiya ko kapag galing ako sa umaga't hapon na sanity walks sa bayan. Nasisinagan ako ng kapangyarihan ng araw.
Energy Map ko para alam mo kung kailan dapat ang pag-atake |
Pinagdisenyo rin kami ng dream morning and evening namin. Gudlak naman kung makapag-meditate o yoga ka sa umaga kapag nakatira ka sa tabing-riles. Kanya-kanyang disenyo depende sa realidad mo naman. Mas mainam ang pagninilay sa gabi lalo na kung nahihimbing na ang mga tao. Pero mahalaga na nabu-bookend ang araw ng self-care. Mahirap 'to, pramis. Lalo na kung nasa kultura tayo ng padyak-kabayo-kayod-kalabaw na mga opisina; tipong hagasan sa araw-araw. Madaling i-blur ang linya sa pagitan ng self-care at pag-iinarte sa totoo lang. Oh ngayon ko lang naalala 'yung masamang pakiramdam kapag kailangan kong gumising nang madaling-araw, maligo ng malamig, walang ritwal-ritwal sa umaga, dahil kailangang may habuling biyahe. Sagigilid mornings arghhh. Ang pinaka mahirap ay hindi 'yung gumawa ng ritwal o self-care toolkit eh, kundi 'yung kailangan mo s'yang ugaliin. Ugaliing mahalin ang sarili.
Liwayway Protocols:
• ayusin ang higaan kaagad (kung hindi man ang mundo)
• magsulat kaagad. Para lang ipaalalang andito na ako
at mapaniwala ang sariling manunulat ako kahit pa'no
• maglakad tayo tuwing umaga, tuwing umaga, tuwing umaga
• magkape at magbasa. Dahil hindi lang sa tinapay...
• magpraktis ng isang piyesa. Make some noise
• wala munang screen (kahit e-mails)
Guidelines sa Gabi:
• screentime ends at 10pm (10:23pm na habang sinusulat ko 'to);
maliban na lang kung may musa
• gusto kong mapagod (from sanity walk sa hapon)
• switch or youtube (1hr) or movie. Bawal all of the above
• magbasa at magsulat
'yan 'yung pinaka dream plan, puwedeng hindi matupad at ma-implement mo lang 'yung next best plan dahil sa loser ka lang talaga, joke, dahil hindi kasi agad-agad nababago ang sariling mga ritwal at personal na tradisyon. Puwedeng quick-win plan: paano kung may 5-mins ka lang na self-care sa umaga dahil nagmamadali ka nang pumasok sa trabaho? Or napuyat ka sa party. Or may mga di ka inasahang naganap na plot twists. Or talagang loser ka lang. Ang mahalaga may program for self-hack at hindi s'ya kumportableng trabaho, hindi rin basta-basta nase-set up 'yung sistema.
'yung ginawa kong protocols sa taas, hindi yan basta ngayon ko lang gagawin. 'yung pagbabasa at pagsusulat, ugali ko na s'ya. 'yung switch at youtube , hindi s'ya mahirap simulan, tigilan 'yung isyu eh. 'yung maglakad, bago ko lang ginagawa. 'yung magsulat at mag-imis agad ng hinigaan sa umaga 'yung ilang taon na kong sumusubok praktisin pero olats. Mas gusto ko lang gawing intentional ang mga bagay-bagay at hindi kung kailan may musa, o kung kailan ako passionate o nasa mood, kasi kadalasan ay nasa time-space warp lahat ng energy ko sa isang araw.
No comments:
Post a Comment