Dumating ako sa tindahan mga bandang ala-una. Nakita ko kaagad na may isang bandehadong pansit at isang bilaong spaghetti na maraming hotdog, cheese at green bellpepper.
Sinong may birthday? tanong ko kay Mama.
Sampalin kita d'yan, sagot agad ni Mama.
Nagpadala na rin si Mama ng lumpia sa bahay. Piprituhin na lang 'yun. Nagpatimpla ako ng kape. Si Kilino raw ang nagbayad sa spag, bilin na bilin ni Ate Edit na nasa Dubai at ipina-deliver lang sa tindahan. May nagbigay ng mga 1.5 na sopdrinks. 'yung pansit ay galing sa mga manininda sa palengke, may nagbigay ng bihon, may nagbigay ng gulay at kikiam, tapos may nagluto. Kinagabihan nagpadala na rin sa'kin si Ate Gemma ng pambili ng cake.
Sabi ni Vernon, na nasa Laguna, kaya raw pala parang gustong-gusto n'yang umuwi kagabi dahil birthday ni Mama. Ang lakas ng tawa ko, kalokohan n'ya, nakalimutan n'ya rin! Akala mo kung sinong maaalahaning anak. Ayun, pinag-videocall na lang ang mga apo at aga-agawan sila sa screen para sayawan ng binibining marikit ang lola nila. Low-cost tiktok dahil kinakanta lang ni Lanie 'yung soundtrack, baka ma-copyright sila. "Hapibertdey Mader, magja-Jollibee kami?" bati ng mga apo.
[Not sponsored post. Jollibee baka naman.]
No comments:
Post a Comment