Umuusad na nga yata uli ang mga tao, sabi ng headlines: Hundred Islands unti-unti nang binubuksan sa mga turista. Panong unti-unti? Like 10 islands lang muna this week, tapos another 15 islands next week, hanggang mabuo 'yung hundred?
Nagising ako ng alas-onse na. Siguro, napagod sa paglalakad-lakad ko kahapon. Ang aga ko rin inantok kagabi, kailangan ko lang talaga makalabas ng bahay. Mas aayos siguro ako kapag nakalabas na uli nang mas malayo, labas ng probinsya siguro, kunwari sa Batangas. 'yung may nararating ka lang kahit papaano ang nagpapakalma sa'kin. Hindi naman ako maglalayo pa. Hindi ako natanggap sa inapplyang trabaho sa Laguna, natanggap ko 'yung rejection e-mail kanina at hindi naman 'to kasama sa bagong normal. Itatawid ako ngayong buwan ng ipinadalang ayuda ng komisyon ng sining para sa mga manunulat.
Ginagawa kong draft ng blog 'yung e-mail ko sa'yo. Okay din ito ah.
Unang araw pa lang ng mas relax na quarantine at nakapagtala na agad kami ng ikalawa naming kaso ng covid19, sa Brgy. Lusacan naman ngayon. Wala pang pormal na anunsyo pero kumalat na parang kidlat ang balita. At parang mga kabute namang nagsulputan ang mga dagdag sa balita. Nasa lockdown na uli ang Brgy. Lusacan ngayon at marami nang pulis. Pinakita ng pandemya na mas marami tayong pulis kaysa doktor sa bayan. Baka kailangan na rin nating magtimbang muli ng pagpopondo sa peace and order at public health?
Pagkakuha ko ng pera, mas pinili kong mag-convinient store kaysa grocery kahit mas mahal, doon na ako sa mas konti ang tao. Hindi na gaya nang dati na pagtulak ko ng pinto na pupunta ko saanmang direksyon ko gusto sa loob, ngayon may iikutan ka na, kukunin ang contact details at address, titingnan ang temperatura, tiiiik - 36.5 digri; tapos saka pa lang makakausad. Dinampot ko ang nag-iisang nang dental floss at bactidol, iniisip ko kailangang magmumog nina Mama, Idon at Rr pagkagaling ng palengke. Tooooooot - Php 354 ang binayaran ko. Bleeep mauubos kaagad ang pera ko nito.
No comments:
Post a Comment