Nasa gitna ako ng paglalakad bilang bahagi ng aking pilit sinasabuhay na liwayway protocols (morning rituals). Alam ko lang nung umagang 'yon, dinadala ako ng mga paa ko sa palengke, doon na ako magkakape sa puwesto ni Mama. Alam ko abalang tumatakbo na naman ang utak ko habang naglalakad, nagliliparan na agad ang mga isipin, hindi ko na lang pinapansin masyado. Hanggang walang kaabog-abog bigla na lang tumiklop ang tuhod ko at may inabot ang kamay ko sa lupa at isinilad agad sa bulsa, sa loob lang ng dalawang segundo! Nagulat ang utak kong abala sa kaiisip ng kung ano-ano pero naproseso pa rin n'ya ang nangyari: nakapulot ako ng lukot na isang daang piso!
Boss lord, salamat po sa ayuda ngayong pandemya. Bumilis ang tibok ng puso ko na para bang galing ako sa zumba kahit naglalakad lang naman ako. Hindi mo basta-basta mapupulot ang isang daan sa panahon ngayon, aba! Mapapausal ka ng pasasalamat. Hanggang ito na, wala pang 2 minutong paglalakad ay may nakasalubong akong mama na madaling-madali sa paglalakad at mababanaag mo na nakatingin sa dinadaanan at nagdaragat ang mga mata. Walang sampung segundo nakatanggap ako ng datos sa utak ko tungkol sa mama: tatay, sumusuweldo below minimum, di regular na trabaho, bibili ng ulam; ibalik mo ang isang daang piso.
Samakatuwid ay naibalik ko nga ang napulot na pera. Pagdating ko sa puwesto namin, bumubuntong-hininga akong humihigop-higop ng kape. Nagkuwento si Mama, nakapulot s'ya nung isang araw ng isang libong piso sa diversion road kaya pala kami nakapag-ulam ng adobo kinagabihan.
No comments:
Post a Comment