Hindi ko na inabangan ang mga press release ng kungsanmang palasyo: alam ko, nararamdaman ko, puwede nang lumabas. Hulyo 1, 6:41 am ako nagising at dumeretso agad ako sa palengke. Unang beses kong lumabas malayo sa riles, malayo sa bahay, simula noong quarantine. Walang hila-hilamos, walang mumog-mumog, sa puwesto na namin ako magkakape. Tumambay ako sa tindahan ni Madam, kungsan nagtitinda si Mama at Idon. Habang naghihiwag ng wrapper si Idon at nagre-repack si Mama ng uling, nagtimpla ko ng kape at teka "bakit may cake kayo rito?!" na parang galing pa ng debu(t)han dahil sa mga bulaklak na icing. Ang tagal ko nang gusto ng cake, ng totoong cake, noon pa. At gaya ng iba pa naming mga pagkain ngayong pandemya, ang sagot ni Mama "bigay lang 'yan."
Nagbasa ako ng ilang talata sa baon kong How to Traverse Terra Incognita ni Dean Francis Alfar habang nag-aalmusal. Panaka-naka lang ang mga mamimili, mga nakakubli ang mga mukha mula ilong hanggang bibig parang ang saya lang hablutin ng mga takip nila sa mukha. Maglalakad-lakad din ako sa bayan, gusto kong subukan kung totoo yung nabasa ko sa article sa Rappler na ito ang "most relaxed phase of the quarantine."
Sarado pa ang barbero ko, may karatula lang s'ya sa labas ng number n'ya. Siguro, home service na ang gupit dahil luge nga naman kung tuloy ang renta kahit walang mga tao simula Marso. Naalala ko sa barber shop n'ya pa namin sabay pinapanood ang balita tungkol sa lockdown. 'yun pa rin ang huli kong gupit, tatlong buwan nang mahigit. Sarado pa rin ang maraming establisyimiyento, 'yung maliliit na bangko, appliance store, ilang kainan atbp. Dumeretso rin ako sa bantayan para alamin kung may biyahe na ng Lipa, meron na nga. Pagkatapos, umuwi na ako sa bahay at naglinis ng mga sapatos na binalot na ng gabok at may amag na nga. Pagkasampay ko ng dila-dila, sintas at mga sapatos, biglang umulan.
Nagpadala ako ng e-mail sa ilang kaibigan. Nagpadala rin ako kay Edison sabi ko lalabas ako ng mga alas-kuwatro at maglalakad-lakad uli sa bayan. Walang meet up points. Bahala kung magkita. Naligo na ako at naghanda ng gamit. What's on my katsa bag: tanglad sanitizer, tablet, at wallet. Nagsakbit ng mirrorless camera. Nagpasak ng earphones at pinatugtog ang lofi music playlist. Kunwari privileged tayo at I'm out for an artsy photowalk to clear my mind. klik. klik. klik. (photowalk ko sa devcom blog)
Kada lumilinga ako sa kalsada, nakahaya agad ang kamay ng mga drayber ng traysikel siguro ay hanap nang hanap sa dalang ng pasahero. Hindi pa rin naman ganoon karami ang nasa labas kahit pa hindi na nga mahigpit at wala nang sisita kung wala kang quarantine pass. Dumaan ako sa L.S. Siomai, magsasara na agad sila, wala nga namang tao. Bumili lang ako ng sisenta pesos na siomai panghapunan namin at abot-abot ang pasalamat ng mga nagtatrabaho ron. Paglabas ko, sinarahan na nila 'yung gate, mag-a-alas-sais pa lang.
Pagdaan ko ng simbahan, nakasalubong ko na si Edison, semikalbo at nakabisikleta (dati na n'yang normal ito). Napakadaya mo, ganyan din iniisip kong ipapagupit eh, salubong ko sa kanya. "Sixty na ang gupit ngayon kaya nagpakalbo na ako," sabi ni Song. Grabe, kwarenta lang dati ngayon 15 na siomai na. At dahil nakasalubong ko na si Song, kailangan na naming mag-gym - Pokemon Gym! Umupo kami sa may simbahan habang kinakalaban si Zekrom. Mabibilang sa daliri sa kamay ang dumaan, mga apat lang. Dinig na dinig ang mga huni ng ibon. Ito na yata talaga ang pinaka relax na phase ng quarantine.
Dumaan din kami sa dambana ni Claro M. Recto sa may Maharlika Highway. Ayos ah, walang tambak ng basura. May napansin lang na mantsa sa obelisk at maliit na halaman sa may tuktok nito. Pinansin namin ang sculpture sa likurang bahagi ng obelisk, parang diorama-timeline ni Recto at ang kilometer zero n'ya ay ang bayan ng Tiaong, dito s'ya ipinanganak. klik. klik. (cultured tayo kunwari).
Sa daan pauwi, nakasalubong pa namin si Jonas sa sambat ng Rizal St at Mayo St. Nagbisikleta raw s'ya (dati na rin n'yang normal ito). Nagkuwentuhan kami ng mga nilalaro sa Nintendo. Naghiwalay kami ni Song sa may Ilaya na. Maya-maya pa ay napunta ang mga tanong ni Jonas sa trilyong utang ng Pilipinas sa mga bangko, mga pag-iipit ng impormasyon ng Tsina tungkol sa virus, panibagong sakit na may pandemic potential; all this time akala ko fan ito ng Mocha ghurlz para sa Pagbabago Movement. Naghiwalay kami ni Jonas sa pagtawid ko sa diversion road. Magkikita-kita ulit kami, kung kailan, ewan; basta lalabas ako tuwing hapon.
Marami palang kayang baguhin ang sandaang araw.
No comments:
Post a Comment