Tanghali na ako nagising at nakalabas ng bahay.
Alas-dos na ako makakapag-agahan pero dumaan muna ako sa ilang araw nang binabalik-balikang barbero, pero sarado pa rin. Pagkatapos ng tapsi brunch sa L.S. siomai, nag-abang naman ako ng dyip papuntang Tagpuan. Ibabangko ko na ang natitira kong pera. Wala pa ring byahe ng mga dyip. Nasaan ang mga dyip natin? Lugi siguro ang pasada sa social distancing sa loob ng dyip. Nilakad ko hanggang palengke para sunduin sina Mama at Idon, nanghihinayang akong sumita ng trike tapos ako lang ang sakay, kaya isinama ko sina Mama papuntang Tagpuan. Wala na ring katao-tao sa palengke at maagang nagsisipagsara ang mga tindahan kahit mataas pa ang araw. Kwarenta lang ang natira sa pera nina Mama at Idon mula sa pinagbentahan ng wrapper sa maghapon kesyo maraming binayaran. Pagdating namin ng Tagpuan, sarado na rin pala ang bangko kahit alas-tres pa lang. Bumili na lang ako ng triple chocolate cake. Ayan Ma, baka wala na 'kong pera sa bertdey n'yo kaya ayan - cake.
Tapos, nilakad na lang namin pauwi, nanghinayang ako sa sisenta pesos na sita sa trike eh. Binaybay namin ang riles ng tren, pauwi. Hinarang ko ang nagtitinda ng meryendahin sakay sa iskit para bumili. Umungot si Mama ng may mantikilyang hotcake.
No comments:
Post a Comment