Sabi ni Song may nabasa s'yang article sa Rappler tungkol sa pagsamsam sa mga magasin na "diumano'y nagtuturong lumaban sa gobyerno" sa isang gusali sa Pandi, Bulacan. Walang warrant. Basta pinasok at sinamsam. Kung anong content ang inciting to sedition/rebellion, wala namang ipinaliwanag. Basta, kumpiskado.
Nakakapanghinayang, sabi ko. Ang hirap kaya mag-lay-out ng isang magasin tapos hindi makakarating sa mambabasa mo. Ni hindi ka nga sigurado kung babasahin ng makakatanggap ng magasin o ipagpaparikit ng apoy sa tungko o kung mabasa man ay isang article lang at di mo sigurado kung magdudulot ba ito ng aksyon o reaksyon man lang. Isang linggo lang halos ito matapos mapirmahan ang kontrobersyal na Anti-Terror Bill.
Sabi ulit ni Song may nakita s'yang video ng mga Pokemon Go players na itinaboy at pinagbawalang manghuli ng pokemon sa Luneta Park. Go Fest pa naman, sayang ang shiny. Ang isyu diumano ng mga pulis ay hindi naman physical/social distancing kundi pinagbintangan silang magra-rally. Ha? Eh isa-dalawang araw pa nga bago ang SONA 2020 at ni wala ngang mga plakards 'to, ni wala nga yatang pakialam sa bayan ang mga 'yan e. Basta, magra-rally sila ayon sa pulis at ang ikinagalit talaga ng mga pokemon fans ay ang sinabi ng pulis na hindi naman daw na uso ang Pokemon. Hindi na uso ang Pokemon sabi ng pulis. Hindi. na. uso.
Imbis na bawasan ang mga kinatatakutan ngayong malabo pa ang dulo ng pandemya ay lalo tayong nagkakatakutan. At sa tingin ko kailangan nating palagiang labanan ang mga alternatibong katotohanan at mga kasinungalingan gamit ang pawang katotohanan lamang. Simulan natin sa pagsasabing, uso pa ang Pokemon!
No comments:
Post a Comment