Friday, July 31, 2020

Paglalandi II

May pangalan na ang nilalandi-landi naming proyekto: Alagad. 

Layon ng Alagad na magpakita ng ibang pagsilip o palikihin ang mga umiiral nang pagtingin ng komunidad sa kanyang nagbabagon kapaligiran. Damay na ang mga samu't saring-buhay na kapit-bahay natin sa lawa. Layon din ng Alagad na bawasan ang digital divide sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng prepaid internet routers sa mga kabataan sa tabing-lawa na puwedeng magamit pa lagpas sa buhay ng Alagad, gaya sa distance learning at Sa Ngalan ng Lawa (citizen science intiative). Maaari ring magamit ang routers kung kinakailangang i-access ang apps tungkol sa mga aktibidad ng bulkang Taal. Isa rin sa bahagi ng Alagad ang pagtitipon ng mga manunubli at pagsasagawa ng Sublian sa isang bayan na malapit sa lawa ng Taal. 

Layon ng Alagad na isali sa naratibo ng konserbasyon ang kultura. Nabanggit naman sa management plan, kaso ay nabanggit lang pero walang mga paganap, ni wala nga yatang manggagawang kultura na kasali sa pagda-draft noong plano na para bang walang kakayanan ang mga kapangyarihang labas sa polisiya at siyensya pagdating sa usapin ng konserbasyon. Hindi ko sinasabing salat sa kultura, pagkakakilanlan, materyal para sa sining 'yung lawa at komunidad nito, ang sinasabi ko lang may mga bahagi na hindi nasisisid pa at 'yun ang susubukang ipasilip ng Alagad sa mga komunidad. Susubukang hukayin mula sa tabon ng marami nang abo at sulpura. Subukang lumihis sa konserbasyong nakaangkla o nangingimi pa sa ekonomikal na asenso. 

Sa kabila ng kaliwa't kanang kalamidad, mga isyu, at iba pang panlipunang mga ingay, layon din ng Alagad na hindi malunod ang kamalayan ng komunidad natin tungkol sa samu't saring-buhay na nakapaligid sa'tin, sa'ting mga kahanggan.


Kung papalarin, sisimulan ang pangangahanggan sa taong 2021.

No comments: