Thursday, July 9, 2020

Gusto Ko Nang Matapos (Also, 'yung Reimbursements Ko)

Bukas, maaga akong babiyahe papuntang Lipa, sa opisina ng dating non-profit na pinaglilingkuran. Mga isang oras at mahigit na biyahe sa dyip lang naman. Hindi ako natanggal dahil sa covid19 o dahil sa pagsabog ng bulkang Taal. Natapos na ang kontrata ko, ang sabi sa'kin ng bagong executive director (ed) at mayroon lang akong 3 days para mag-impake ng gamit. Also, may hiningi pa rin s'yang ilang mga reports. Para akong binuhusan ng malamig na tubig noon, (1) parang hindi naman s'ya makatao, at (2) ang kapal ng mukha sa mga hinihinging reports.

Bago ang insidenteng ito, una nang nagpaalam ang dalawa kong kaopisinang aalis na lang. Kung ano-anong idinahilan ng dalawa pero ang totoo hindi nila kayang sakyan ang bagong kaopisina. Ako lang ang nagsabi with all confidence na "Ma'am, hindi po ako magreresign," sabay tawa ko pa nga. Ayun, sinabihan ako na walang renewal of contract na magaganap. 

Tapos, covid19 lockdown na.

Ayoko s'yang intindihin. Ayokong isipin kasi sumasakit talaga sikmura ko sa kanya. Parang asar, na awa, na panghihinayang. Pinaglingkuran ko 'yung non-profit na 'yun at halos kadikit na s'ya ng pagkatao ko at alam ko kapag lumabas ako sa development work community,  nakaplastar s'yang parang sticker sa windsheild ko. Halos, iginapang na nga 'yung non-profit na 'yun at siyempre ayaw mong masayang. Hindi naman sa jina-judge ko na magfe-fail ang bagong ed. At wala akong balak ilagay ang pangalan n'ya rito sa blog, kahit kailanman magpasawalanghanggan.

So, bukas maghaharap kami. Lilinawin ko sa kanya lahat ng tanong. Unang beses pa lang naming magkikita. Nasa abroad s'ya noong nag-umpisa namin s'yang makatrabaho at via skype lang ang mga direktiba. Inipit n'ya rin 'yung ilang tseke na reimbursements ko dapat sa mga ipinang-imbuna ko sa disaster response noong walang kapasidad ang non-profit para makapagproseso ng tseke. 'yung mga hinihingi kong reports muna at physical appearance sa opisina bago ang tseke mo, ang dating ng e-mails n'ya.

Sinubukan ko namang mag-organize ng links sa GDrive sa emails ko sa kanya pero mukhang she's so boomer for that stuff. GDrive links at share folders lang, hindi naman 'yung Silicon Valley-level tech language, 'pag hindi ka naman labasan ng ugat sa sentido. Pero alang-alang na lang sa paggalang ko sa founder ng non-profit at ayoko ring magsunog ng mga tulay (for zero emissions); magkakaroon ako ng pisikal na manipestasyon sa opisina bukas ng umaga para linisin ang aking mga pangalan sa mga alegasyon. Wala akong intensyong maging aegist dito o magdiskrimina ng nakatatanda pero inayos ko na sa pinaka malinaw at madaling unawaing listahan digital at physicial (sulat-kamay at printed). 

Gusto ko na lang ding matapos na ang lahat, sana hindi ako mag-walk out bukas.

No comments: