Nag-zoom ulit ako kanina, talked with artists. Iba rin pala talaga yung perspectives ng visual artists no? At may bago akong project, linsyak, 'kala mo privileged rich kid eh. At akala mo tapos na sa mga projects n'ya kung makadagdag. Yaan mo na kasi. Akala mo hindi umuungot Mama n'ya na hindi makaipon dahil ibibili agad ng bigas, shampoo, toothpaste 'yung kita sa palengke maghapon. Yaan mo na muna.
So ayun nga, naisip lang namin na gumawa ng public arts exhibit gamit ang live video as medium. Magse-set up lang kami ng camera na magbo-broadcast ng live (kung kaya) sa ilalim ng tubig ng lawa ng Taal, nakatutok sa bulkan, at isang nasa malayo na kitang-kita ang buong lawa na puwede mong ma-access 24/7 na may live chatbox na rin. Basta 'yung kasya lahat sa loob ng isang milyong piso. Ang goal makita mo lang 'yung broadcast na para kang nanonood ng cctv. Puwedeng may makita ka, puwedeng wala. Hindi pa namin nakikita 'yung limitasyon ng tech, kung paano 'yun i-install, ewan. Basta binuo lang namin 'yung kaisipan na nag-aabang ka sa video, na puwedeng may makita ka, at puwede ring wala. Puwedeng naiintindihan mo 'yung nakikit mo at puwedeng hindi rin. Ibang pagtingin sa ecosystem na hindi parang hollywood, parang ecosystem sa loob ng bahay ni kuya. At ang mga challenges ay sinulat lang, puwedeng gawa-gawa lang ng mga writers. Sa tingin ko kasi sa conservation ng Lake Taal, masyadong kapani-paniwala na ang siyensya na wala nang gustong maniwala. Kaya parang imbitasyon ang live broadcasts na ikaw mismo tingnan mo 'yung lawa sa iba-ibang kuha, at malamang wala kang makitang problema. Malamang hindi problema ang inaabangan mong makita at ayos lang 'yun. No prob.
Tinitingnan din namin kung paano isisingit ang kakaunti pang siyensiya tungkol sa duhol. Kasi halos araw-araw may sumasabit na duhol sa mga lambat ng mangingisda, at parang magandang i-explore paano kung isang madaling araw, wala nang duhol na sumasabit sa lambat. Anong pakiramdam? Puwede na bang pakunsuwelo sa'tin na may dna sequence tayo sa kungsaanmang gene bank sa mundo (ni hindi ako sure sa terms na ginamit ko). 'yung proyekto parang naglalandi ang mga hanggahan ng arts, social work, at science. Wild life nga talaga.
Hindi muna namin ine-explore 'yung limitations, 'yung mga posibilidad lang muna. Dalawang oras din kaming nag-meeting. Ang daming posibilidad, para kaming nasa klase kasi tinitingnan din namin 'yung mga examples na 'kamukha' ng naiisip namin: online sabong & bingo, baited camera ng Lamave, Earthcam at 'yung Our Islands ng isang artist sa Bantayan Island sa Cebu. Parang mga ganyan pero hindi ganyan talaga. Baka madilim ang tubig ng lawa. Minsan malinaw. Puwede ring mawala mismo 'yung camera bilang pagbubuwis sa lawa. Sana lingkisin ng mga duhol matapang pero puwede ring pagtaguan. Hindi rin namin alam kung anong magiging reaksiyon ng manonood. Puwede rin naman silang sumali sa teatrong panglahat (community theater), puwede ring nasa likod lang ng camera. Puwede rin kasing mauubusan kami ng tawilis at duhol sa lawa at baka nasa imahinasyon lang din talaga ang pangangalaga.
Manood ka ah, hindi mo na kailangang pumunta ng Batangas nun. Grabe, ang haba ng sinulat ko.
Dyord
Hulyo 03, 2020
Brgy. Lalig, Tiaong,Quezon
No comments:
Post a Comment