Saturday, March 29, 2014

Ritwal ng Paghihiwalay

     Ang LWCF-Tiaong, (bilang pormal na pangalan) o Student Center (ang alam ng mga nasa admin), o Kubo Ministri (ang tawag ng mga estudyante) ay pansamantalang magsasara kasabay ng semestre. Bakasyon na! 

Nagtitipon kami kada-Huwebes para sa Fellowship at Biyernes para sa Prayer Meeting. Masaya. At isa pa, bukas po ito sa lahat ng religous views, kahit atheist o agnostic; welcome. 

Kadalasan ang huling pagtitipon ang nagiging ritwal ng pagpapaalam sa buhay at kapwa estudyante. Pagpapatawaran ng tampuhan. Pagpapahayag ng pagka-miss sa mga taong hindi na makakasamang muli. 

Kung iisipin pwede namang gawin kahit hindi sa huling pagtitipon, pero may ibang dulot ang mga huling pagkikita gaya ng "first times". 

Nagkaron kami ng activity. May dilaw para sa thank-you message, may kahel para sa I'm-glad-you're-my-bradee/sizzy-message, at may lila para sa sorry message. Gaya ng iba't-ibang kulay ng papel ang emosyon sa kubo, may ilang umiyak, may ibang seryoso, at may ilang di mapigilan ang saya. 


Nakatanggap ako ng 4 na thank-you-messages. Masaya. 

To: Kua Jord 

Salamat, kc pag may problema ako, alam ko na handa ka na tulungan ako.. Salamat kapatid... Nawa ay magpatuloy tayo sa paglago sa LORD. 

From: Roy (tapos may drowing pa ng smiley na may ilong) 


Roy, ayoko ng smiley na may ilong. Hindi rin ako superhero na andyan palage kapag lulunin ka na ng halimaw na problema; pero great kasi may Superhero nga gaya ng sabi sa sulat mo. 


To: Kua Jord 

Thank you... i will surely miss you 

From: Cedie 


Cedie, hindi ko alam kung san ka mapapadpad after ng graduation mo. K ung itutuloy mo ba ang ladderized schooling mo to Bachelor's degree o magba-Bible Schooling ka na for Higher degree of Calling. Kung anuman, patnubayan ka nawa. Mamimiss namin ang resistance mo sa pambu-bully namin. Salamat rin. 


To: Kua Jord 

Thank u for being my coach. God bless u more kuya.. Salamat din sa pagiging masaya mong kasama sa bawat doctrinal lesson and encouragement Im glad that ur my brother in GOD. 

From: Sarah G.


Kutch.Sara! Yung spelling at punctuations mo watch out. Salamat rin sa pakiki-ingay kapag doctrinal class. Minsan ba naisip mong nagiging instrumento tayo ng kaaway? Haha Opkors not! Salamat sa pakikipagpagaanan ng mga mabibigat na katotohanang ispiritwal. Sa mga impromptu na mga komento at halimbawa, iSalute! 
Magpatuloy lang tayo para wag maging "Ay! Salot!". 

To: Kua Jord 

Thank you so much!! Continue in God's grace 

Spiritually :] 

From: (walang pangalan, di ko na rin maalala kung sino nag-abot) 


Kung sino ka man, maiksi man ang mensahe mo; napa-isip naman ako. Nagpapatuloy ba ako sa biyaya? At baka namumuhay nga ako sa ka-carnalan? Salamat sa paalala kapatid. 



Nakatanggap rin ako ng 2 I'm-glad-you're-my-bradee-messages. Atliiit!!! 



To: Jorge (Sino yun?:) 

See you! 

I'm glad to meet you here :] 
Tiaong Campus 
See you... as brother in Christ 

From: Ate Monica 

Ate, nakakapangamba lang, hindi mo ba ako nakikitang kapatid mo sa pananampalataya. Para kasing you're looking forward for me to get save.


Pero seryoso, I'm also glad you spent your internship days dito sa magugulong kristyanong Tiaongin. Maayo ang Ginoo sa ating tanan! 


To: Efs Jord, 

Im glad I met you and became my efs... 
Keep your dream!!! 
God bless u more 
I back-up you in prayer. 

From: Efs Charm 



Efs, salamat rin sa ating mga shotgun claps at wag nyung kalimutan ni Efs Ren yung Starbucks-date nating tatlo kapag engr. na kayo at ako ay mahirap pa rin. haha. I'll pursue my dream as our Commander-in-Chief leads. "Aye! Aye!" [shotgun blast!] 
Continue on sa paglipat mo ng Lucban. 


Mga mensaheng nakasulat sa mumunting papel na maaaring balikan paglipas ng panahon. Ritwal ng pagbabalik tanaw. Ritwal ng pagpapaalam at pagsalubong ng bagong simula. 

Maaring marami pang magbigay ng dilaw, kahel, o lilang papel sakin. Nahihiya lang siguro. Kahit naman ako inaabot pa rin ng hiya. 

Kaya ito ang isang send-to-all-message: 

Salamat sa pakikibahagi saking mga salaysay. Sa pagtawa sa mga birong walang saysay. Sa pakiki-agaw sa mga baon kong tinapay. Sa pakikisakay sa mga tugma kong walang umay, Salamay! Ng marami :D 


Bawat paghihiwalay ay may lakip na lungkot. Bakas 'yon. 

Lots of love! Mero-mero beeeeam!!! 

Gaya ng huling dinevotion natin kay Kuya Joey, ang mga huling salita ni Pedro: 
"But grow in grace and in the knowledge of our Lord Jesus Christ: to him be glory forever and ever. Amen."

Friday, March 28, 2014

Si Ate Aryanne at ang Fast-forward niyang Mundo

    Nitong Enero lang, lumabas ako. Hindi lang ng bahay kundi ng probinsya. Kumuha ako ng qualifying exam sa isang publishing house. Sa Boni-Pioneer dapat ang baba ko pero nakalagpas at sa Mega-Mall nako nakalapag. Narinig kong muli ang ingay ng siyudad. Malayong lakarin din, kaya di muna ako naglakad pabalik. Nandito na lang din naman ako, makapag-malling na. Maaga pa naman at kailangan ko pa ring mananghalian at bumili ng Zebra. Hindi yung hayop, yung bolpen. 

Naghanap ako ng bukstor, tumingin sa iba't-ibang section, nagsuri ng mga pabalat. Kay sayang pagmasdan ng mga dikit-dikit na spines ng mga libro, iba-ibang kulay para akong nasa isang hardin ng mga bulaklak. Nagsisigawan ang iba't-ibang ideya, pisolopiya, pananaw, haka-haka, perspektiba ng napakaraming manunulat sa bookshelves ukol sa pananalapi, pag-ibig, pisika at metapisika, paglilingkod-bayan, pang-ispiritwal, at iba pang aspeto ng makulay nating buhay. 'Sing ingay ng siyudad nang bumaba ako sa bus. Nagtagal ako sa bukstor, at lumabas na bitbit ang kailangan ko, ang bolpen. 


Pumunta ako ng Jolibee hindi dahil nasasarapan ako dun kundi yun ang udyok sakin ng nagpapa-alala kong bulsa. "Kailangan mong maghigpit ng sinturon or else maglalakad ka pauwi ng probinsya" bulong nito. Sa labas pa lang kita ko na ang maraming taong manananghalian din siguro, sa ilan agahan na rin nila. May mga empleyado, magkakaklase, magjo-jowa, at magkukumare, lahat may kanya kanyang sinisipat sa dashboard sa may counter, abala sa pagpili ng order. May ilang may napili na, at ilang tila may hinihintay lang, lahat sila may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. 

Pumila ako. Nag-antay, hanggang ako na nga ang oorder. Dahil mura at bago (napanood ko sa patalastas), ay inorder ko ang Garlic Pepper Beef at siyempre extra-rice. At pumatak ng Php 66 lahat, nagbayad ako at ilang saglit pa'y nakuha ang resibo kasama ang tray na may sopdrink, extra-rice, at ... Asan ang Garlic Pepper Beef? "Just a minute Sir!" sabi ni Ate bago pa man ako magwala. Kaya tumabi muna ako saglit sa may counter.

Tatlong minuto ang nakalipas, wala pa rin. Andami ng nabigay na order. Ambilis-bilis ng mga service crew, lalo na ni Ate na nasa counter parang may mga deadlines na hinahabol. Pero ang pila ng tao mukhang walang humpay na di matatapos. Limang minuto at wala pa rin. Nakamasid lang ako at patuktok-tuktok ng mga daliri sa tabi ng counter na parang nagpa-piano. 

Parang tinatablan nako ng inip, pero alam kong kailangan kong magpasensiya, umunawa ganan. Tiningnan ko ulit si Ate na kinalimutan nako sa isang tabi at tila ba ang nakikita niya lang ay ang pila sa harap niya. Sampung minuto, at nakita ko nang nakapag-serve na siya ng 2 GPB sa isang mukhang propesyunal o entreprenyur na ale. Nag-umpisa nang matunaw ang yelo sa sopdrink ko, tinablan nako ng inis. Ano to? Dahil mukhang mas magagalit yon pag na-delay ang order niya kaya siya inuna? Aba! Parehas lang kaming nagbayad! "Pantay na Karapatan!" sigaw ng sikmura ko. Nang 12 minutos na ang nakalipas, gusto ko nang mag-piket sa harap ng counter para sa order ko, pero hindi, isa itong test of patience at humility-chorva. Pinapakita siguro sakin na ang tingin ko sa sarili ko ay masyadong importante. Kaya inapuhap ko ang sarili. 

Iwinaksi ko sa isip ang pagpapadala ng e-mail complain sa e-ad na nakasaad sa resibo. Inisip ko na maaaring kontraktwal si Ate Aryanne, nagsusumikap sa trabaho para maka-renew ng contract. Paano kung itong trabahong ito lang ang inaasahan niya na susuporta sa pag-aaral niya? Paano kung may pinapatapos pala siyang mga kapatid o may ginagamot na nanay na may malubhang karamdaman? Mukha ng MMK, pero ganyan ang buhay ng mga may kontraktwal na trabaho, wala pang kasiguruhan ng renewal. Tapos, magsusumbong pa'ko dahil nagutom ng ilang sandali at nasagi ang ego? Patawarin ako. 

Pinakulbit ko si Ate Aryanne sa isa pang crew para ipaalala ang GPB ko. Kinuha ni Ate ang resibo at vinerify ang order. Walang anu-ano'y inabot niya sakin ang order ko kasama ang abot-abot na paghingi ng dispensa nang makita niyang alas-dose pa yung resibo at 12:16 na.

Ngiti lang ang ibinalik ko sa kanya na wari'y nagpapahayag na "Napatawad na ang iyong sala". Bahagyang napabagal ko ang kilos ng kahera. Pinagpawisan nako sa gutom at pag-eehersisyo ng pagpapatawad at pag-uunawaan. 

Pumili ako ng puwestong kakainan, umupo, at tumingin sa labas. Paroo't parito ang mga tao hindi ko alam saan sila pupunta. Abala ma't nagkukumahog may mga mahahalagang bagay silang hindi sana malimutan. Kinurot ko na ang mabawang at maalat kong ulam at kumain ng islomo, parang nasa patalastas.

Tsoko na Gatas na Tsoko na may Ice, Gatas na Tsoko na Gatas na may Ice


   Minsan nakakainspire pa ang palatastas kumpara sa ibang libro. Minsan 

  Nagbabasa kasi ako ng isang libro na nakatanggap na ng book award taong 1986. Mas matanda pa sa konstitusyon ang aklat dahil ang mga akda ay nilipon mula sa mga panglingguhang magasin simula pa ng 1950s. Mga short essays sa Ingles ng mga Pilipinong manunulat. 

  Wala akong magets sa pinagsasabi nila. Hindi ko alam kung dahil sa magara nilang gramatika o dahil hindi ko alam ang panahon na sinulat ang mga iyon. Pero dapat tinuturuan ako ng mga sanaysay kung paano mabuhay sa panahong sinulat ang mga iyon. 

  Gayunman, pinipilit ko siyang basahin sa mga panahong blanko ako. Pamatay oras habang may hinihintay. Kaysa kung saan lang mapunta ang diwa ko, mas maganda ng may mga tumatakbong mga salita sa isip ko. 

  Minsan mahirap talagang unawain.


  Nito lang Martes, naisipan ko nang magpagupit dahil mukha nakong Albert Einstein. Buti kung kasama yung talino, e mukha lang. Wala namang problema sa mukha ni Einstein, kaya lang para sa bente-anyos na binata na makamukha ang theoretical mathematician ay irrational namang tingnan. Hindi ko naman masabing: "Eh, andami kong iniisip na hindi maisip at mga gustong isulat na hindi masulat", kaya ayoko pang magpagupit. Hindi ko rin naman magets kung bakit ayokong mag-ayos kapag may mga sinusulat ako. Paano kung buong buhay ko pala'y may isusulat ako? E di buong buhay nakong hindi maayos? Hindi, hindi yun ganoon. 

  Matagal na rin kasi akong kinukuwestiyon ng Nanay ko tungkol sa pondong binigay niya para sa pagpapagupit ko. Dahil ayoko namang maisip niyang katulad ako ng ibang politiko ay nagpagupit na nga ako. Ang hirap kayang magpaliwanag lalo na kung alam mong hindi ka mauunawaan. 



  Naglalakad nako papunta sa computer shop para magpa-print ng resume nang may sumitsit sakin mula sa dyip. Huminto ang dyip at bumaba si Nikabrik at Alvin. Parang antagal naming hindi nagpangi-pangita, e tatlong araw lang naman. Kaya naman nagpasama na lang ako sa aking misyon nang hapon na 'yon. Walang anu-ano'y sumama naman ang dalawa. 

  So, ano nga ba ang misyon? Magpa-print ng resume at kumain ng isaw. Yung pangalawa lang ang gusto ko talagang gawin. Yung resume, para masabi lang na naghahanap ng trabaho. Hindi ko maintindihan, basta ayoko dun sa company parang gagamitin lang ako sa pagpapalago ng kanilang negosyo. Pero kailangang mag-apply, alang-alang sa udyok ng kaibigan ng nanay ko. 

  Bago pa ang pag-iisaw at habang nag-iisaw ay pantanggal umay ang mga estudyante problems nila. Si Alvin nag-finals daw sila in quiz bee form, napaka-competitive ng atmospera ng eksam. Tapos meron pa raw siyang 4 subjects na i-e-eksam at dahil yung apat na yon ay nahahati pa sa lec. at lab. bale 8 pa lahat-lahat. Alam ko yun dahil parehas kami ng course. 

 Si Nikabrik na may balak na maging bayani ng bagong dekada dahil Educ student ay tambak ng requirements. May dalawa pa siyang eksam pero minor na lang. At Geography at Trigo kaya hindi rin 'lang' ang mga subjects na 'yan. 

  Nasabi ko tuloy na parang namimiss kong mag-aral pero ayoko pa ulit pumasok. Ito rin ang sabi ni Nikabrik, na ayaw na niyang mag-aral pero ayaw naman niyang tumigil. "Ang buhay nga naman ng tao minsan hindi mo maintindihan" dagdag pa niya sabay kagat sa hawak na isaw. Minsan sinasabi nating hindi natin naiintindihan dahil napapagod tayo. Minsan naman pinapaalala lang sa’ting limitado ang pagiging tao. Kaya nga nakita ko ang isang sinag ng katotohanan sa isang palatastas ng isang gatas? o isang chocolate drink ‘ata iyon. 

 Kapag hindi mo alam kung choco na gatas o gatas na choco, lagyan mo ng ice. Magpalamig ka muna. Makipagkwentuhan at makidalang-bigat sa kapaguran ng mga kaibigan. 

 Kaya bago kami naghiwa-hiwalay ay uminom muna kami ni Alvin ng gulaman at pinyapol naman kay Nikabrik. Nagbilin rin ako na ikamusta na lang ako kina Jeuel, Alquin, Roy, Efs, Joshee, at sa ibang matatagpuan pa nilang buhay sa university.  Naghiwahiwalay na nga kami. Si Alvin sa kaliwa, si Nikabrik ay tinugaygay ang gitna, at ako ay lumiko na sa kanan dala-dala ang kanya-kanyang bagahe na bahagyang gumaan. 




"Bear ye one another's burdens, and so fulfill the law of Christ."                                                                                    -Gal. 6:2

Friday, March 21, 2014

Si Kuya Joey sa 7 Katanungan.


   Malaki ang paggalang ko kay Kuya Joey. Mga 8x7, ganan. Siya ay campus worker, grace ambassador, full-time missionary, at higit sa lahat kuya namin. Kaya nga sa kanya ko ito itatanong. 

1. Kuya Joey, minsan sumasagi sa isip ko na kinokomersyo o pinagkakakitaan ng ilan ang mga ispiritwal na bagay. Di ba kaya namang tumayo ng Bible para sa kanyang sarili? That the Holy Spirit could reveal and teach us everything we need to know, pero bakit kailangan ng iba pang panitikang pang-ispiritwal? Paano ba dapat tanawin ang Christian Lit.? 


   May mga publisher na nagpiprint ng Christian Lit ng libre, meron din namang yung mismong gastos lang sa print ang pinapabayaran, at ang nakakalungkot ay merong kinokomersyo talaga ito, ayon kay Kuya Joey. Ang alam ko rin, merong mga Christian publishers na nagbibigay ng part ng proceeds sa iba pang ministries. 

   Ukol naman sa sole-authority at sufficiency ng Bible, walang pagdududa dito. Ayon kay Kuya Joey ang Christ.Lit ay supplemental at hindi kailanman substitute. 


2. Ilan pa lang ang nabasa kong Christian Lit. pieces, naniniwala akong Spirit-filled sila ng isulat yung mga akda nila. (Or should I say: Yung mga akdang ipinasulat sa kanila ng Diyos) Naniniwala ka ba that God could speak through Christian Literature? 



    Naniniwala rin si Kuya na nakakapangusap ang Holy Spirit sa Christ.Lit dahil naniniwala rin siyang Spirit-filled ang mga ito ng sinulat (o ipinasulat) nila ang mga akda. Pero siyempre, hindi lahat at kailangan pa rin ng discrenment. 


3. Masama bang magbasa ng Christian Lit. sa hedonistic way? 



   Ok lang daw na makadama ng "ecstatic" feeling sa pagbabasa kung humahanga ka sa opinyon, o nabe-bless ka sa pananaw nung writer dahil kahit naman daw si Kuya Joey nakakaramdan ng ganito. Basta laging tandaan ang goal ng pagbabasa: studying to shew thyself approve unto God.


4. Anong pinagkaiba-iba ng survey, sa commentary, sa reflections? Nakapagbasa nako ng survey ni H.L. Willington et. al. ng Old Testament, pero hindi kumpleto, pero wala pa kong nababasang commentary at reflections. Paano ba basahin ang mga 'to? 



   Ito ang pagkakaiba ng tatlo ayon sa pagkakasabi ni Kuya Joey: 

a. Survey - ano siya, yang overview ng mga parte ng Bible. Kunwari ay survey ng aklat ng Psalms kung ano-ano ang bahagi nito, ano ang literary form nito, sino (o sino-sino) ang nagsulat nito, paano ito aaralin, at iba pa. 

b. Commentary - mas vivid ang mga paliwanag rito kumpara sa trivial at general overview ng surveys. Kadalasan rin na may mga komentaryo di lang ukol sa mga aklat sa Bible pati na rin sa mga topic na nakapaloob rito. Gaya ng love, doctrines, prophecies, and the like. Mag-ingat sa pagbabasa ng mga komentaryo paalala ni Kuya. 

c. Reflections - ito na ang mga paliwanag ng Bible verses or books na may personal touch ng writer. Hindi dahil may pribadong interpretasyon ang mga ito kundi isinasapapel ng manunulat ang mga personal dealings sa kanya sa kanyang pagbabasa ng Bible. 


5. May "dangers" ba ang pagbabasa ng Christian Lit in general? 

   Sa kabuuan, ang dangers ng pagbabasa ng Christian Lit ay magawa itong substitute ng mga Kristyano sa Bible. O di kaya'y makasugaga ng false teachings kaya dapat paganahin ang discernment, kilatisin ang manunulat, alamin ang basehan, at humingi ng guidance sa Holy Spirit. 

   Sabi ni Kuya Joey, kung hindi ka pa siguradong magbasa ng mga commentaries at reflections ay magstick ka muna sa daily devotion/quiet time mo. 

   Mainam din na ipag-pray ang babasahing Lit. at humingi ng payo sa mas naunang Kristyano. Oki ba yun? 

6. May paborito ka bang libro/manunulat? 

7. Kung may irerekomenda ka saking libro na [kailangan, magandang] mabasa ko, ano yun? 

   Para sa 6. - 7. Maraming paborito si Kuya Joey, mga Johns yung pangalan kadalasan mga Puritans na nagsulat noong Reformation (16th Century). Yung sumulat ng Pilgrim's Progress at Death of Death through the Death of Christ ay nirekomenda niya sakin. Maganda rin daw na mabasa ko si Charles Spurgeon. 


    Nahirapan nakong tandaan lahat, masyadong mahaba yung diskusyon ni Kuya Joey. Pero higit sa lahat, dapat may nailago ka na sa knowledge of Christ kahit papano bago tayo sumawsaw dito. 


Kuya Joey, Salamat sa pagsasagot until next time. ;]

Tuesday, March 18, 2014

Trip to Tiaong: Si Manong What-if

Alas-nuebe na pala?! Hindi na naman namin namalayan ang oras, buong akala namin ay pasado alas-siete pa lang. Kayanaman, inihatid nako sa sakayan nina Roy, Alquin, Jeuel, at Kesha (kapatid ni Roy), sa may tapat ng Seben-Eleben para maliwanag. Lahat naman sila walking distance lang ang uuwian. 

Wala ng dyip pag ganitong oras sa Tiaong, kung meron man ay yung mga byahero ng gulay. Wala nang namamasada kaya wala akong pagpipilian kundi mag-bus kahit nakakapagod at hassle bumaba sa bus. Pero may himala pa akong natanaw nang may dumaan pang pampasaherong dyip, maging sila ay natuwa at nagulat, natapos ang buong maghapon namin sa pagpapaalaman. 

Dun ako pumuwesto sa tabihan ng drayber. Gagarahe na daw sana siya nang naisip niya na baka may pasaherong nangangailangan ng sasakyan pauwi at naisakay niya nga ako. Ikaw ang aking superhero, gusto ko sanang sabihin kaya lang pagod nakong makipagkwentuhan pa. 

Malamig ang hampas ng hangin at nakakatakot ang dilaw na ilaw ni Manong. Makwento siya na tumatalo sa mapanglaw na byahe. Mga ngisi lang ang sinasagot ko. Lahat pinansin, ang istasyon ng pulis, ang daybersyon, ang tahimik na bayan kung gabi, dinaig pa ang manunulat. Maya-maya pa'y bumitaw na siya ng tanong: "Paano kung nakakita tayo ng santambak na pera sa kalsada? Anong gagawin mo?" sabay mustra ng isang kamay sa harap niya habang ang isa ay nasa manibela. 


"Dito na po ako sa kanto." bumaba na ako, nakakatakot ang tanong. Hindi ko alam kung nakadroga ga yun o pagod lang sa maghapong pamamasada. Baka naman malaki ang pangangailangan. 

Pero paano kung gaya ng sapantaha niya na may madadaanan siyang pasahero sa palalim ng gabi ay nadaanan nga namin ang sangtambak na salapi? 


Pagod lang din siguro ako.

Monday, March 17, 2014

Walang Lusot

ni: Greys P.
Tila isang patibong Sa insektong tipaklong Na tatalon talon Sa malapad na dahon Nahuli,nakawala Sumablay,naisahan Ang dakilang spider Na bayani ng bayan Sumubok muli Nagtangka at nagbakasakali Na mahuli ang tipaklong Na umuuli uli Sadyang mailap At tila pinaglalaruan Walang magawa Ang sapot ni spiderman Asan ka na Tipaklong n kalaban Tila isang bulong Na may pagaalinlangan Landas nilay nagkrus Himala ay bumuhos Hibla ng sapot koy Nakatarget ng lubos Malas mo tipaklong Sigaw na umaalolong Ganti ng sapot koy Natikman mo ngayon

Friday, March 14, 2014

Para Akong Kulisap

Isang hapon kasama ang aking kaibigang kulisap na si Roy, napaibig ako ng pisbol. "Parang gusto kong magpisbol" sabi ko kahit ang gusto ko namang kainin ay kikiam. Ganun ata talaga 'pag mas palaging magkasama, nagkakaron ng isang pagkakakilanlan. 

Bingo! May karitela ng pisbol. Pero may kulang, may lungkot na kumakain sa kagustuhan kong kumain ng pisbol (pero kikiam talaga). Nang marinig na namin ang singaw ng gasul, nakalapit na kami, "Ayoko [na] pala" sabi ko kay Roy. Natawa lang siya noon. 

Nang makalagpas kami, pinaliwanag ko kung bakit ako hindi kumagat. Simple lang, wala siyang ilaw. Hapon na kasi, nakakalungkot kumain ng pisbol na walang ilaw. Para nga akong kulisap, hatak ng liwanag. 


Ilang araw pa ang lumipas, isang hapon ulit; pumunta naman kami sa bayan. Lumabas lang kasama ang mga ka-bradees, si Jeuel, Alquin, Alvin, at si Roy ulit. Ipagpaaalam muna ata namin si Alvin na kakain lang kami sa may palengke. Strict kasi ang parents niya nang hindi aksidenteng makasalubong na namin ang tatay niya. 


"Tatay mo yan?!" bulalas ko. "Eh diyan kaya ako bumibili ng pang-ulam ko nung Grade 5 ako." dagdag ko pa. May fishball carts kasi sila, ilan din yun. Hindi ko lang alam kung parang traysikel na may boundary o foodcarts na bukas for franchising. At oo, tanghalian ko na ang pisbol at sabaw na ang mahanghang nitong sawsawan. 

"Ayan din yung hindi natin binilhan dahil sabi mo walang ilaw." sabi ni Roy na parang nagmumulto. 

Pero dahil ang nakaraa'y nakaraan na, hindi rin naman kami matatandaan nun, tumuhog nako ng pisbol habang nagpapaalam si Alvin sa tatay niya. Tapos pinayuhan ko rin si Alvin na maglagay ng ilaw sa cart.


Isang hapon, pauwi ako ng bahay. May siyam na piso pako. Pwede pang magpisbol. At nasugagaan ko nga ang magpipisbol na minsan kung hindi nabilihan dahil lang sa ilaw. Tatay rin siya ni Alvin, baka mapunta rin ito sa pambaon niya; isa pa malaki pa ang utang ko dun. Nag-umpisa akong tumuhog ng kikiam, at anak ng bilog na kikiam! 

May ilaw na! 


Kaya tumuhog pako ng ilan, pati na rin pisbol, mga apat na piso rin; at pinasisid sa maanghang na sawsawan. Ang lasa - tamis at halang ng buhay kabataan. 


Bale, tatlong hapon lahat-lahat. 

Tuesday, March 11, 2014

Trip to Tiaong: Ang Sambat ng Paiisa

Isa ito sa mga tinitigilan ng mga dyip sa Tiaong. Sambat ito papuntang timog-silangang bukirin ng bayan hanggang marating mo ang bayan ng San Juan, Batangas. 

Minsan napahinto ang sinasakyan kong dyip malapit sa ilang dipa mula sa sambat. May nagbababa siguro ng pasahero mula sa bus. Hindi ko naman problema ang inip sa dyip lalo na't nasa may tabi ako ni manong drayber at tinitingnan ko lang ang sarili sa side mirror. Katagal naman ata nuon. Nagbababa siguro ng bayong-bayong na bagahe ang isang lola, madalas kasi ang ganitong tagpo. 

Tumambak na ang hanay ng mga sasakyan sa likod at gilid ng sinasakyan kong dyip. Naging apat na ang kanina lamang ay dalawang lane na Maharlika Highway. Baka naman may nasiraan at bumalandra sa gitna pa ng kalsada. Napansin kong wala kaming nakakasalubong na dyip para mapagtanungan. Pulga-pulgadang abante na lang hanggang sa wala na kaming iusad. 

Mabigat na daloy ng trapiko kung si Love Anover ang magsasalarawan. Nauna nakong mainip sa drayber, at pinahaba-haba ang leeg para silipin ang nagaganap sa unahan pero wala. Wala akong matanaw kundi ang mga gabuking katawan ng mga bus. Paano kung bigla na lang nagtakbuhan ang mga tao palayo sa sambat? Tapos kasunod nito ang mga naaagnas na mga bangkay? Inihanda ko ang payong bilang sandata sa naisip kong zombie apocalypse. Ganito kasi sa mga pelikula, may hindi umuusad na mga sasakyan, tapos magbubusinahan, tapos may takbuhan, tapos yung mga bida walang kamalay-malay. At least ako may malay. 


Pero malabo naman yun, ang hirap lang kasi kapag hindi mo nakikita ang nasa unahan at hindi ka makapag-antay. 

Umusad na ang mga sasakyan at nang mapatapat kami sa may sambat, nakita ko ang isang container van na wasak ang bumper at nagkalat na bubog sa daan. Mapalad ako na malayo at hindi ko nakita yung mismong sakuna. 



Pero kung sakaling zombie apocalypse nga yung hapon na 'yon, fullfilment of my dreams!

Mga Istorya ni Mudra: Ang Adik


   Isang araw may adik sa palengke. Nag-umpisang magkwento si Mama ng nasaksihan niya. Yung adik daw nato ay sinasabog yung madaanang bigas, binabali ang mahagilap na mga bareta, at nagtatapon ng mga paninda, pagbibigay niya ng background. Sa pagpapatuloy, kanina raw nasugagaang tadyakan ng adik ang isang trabahador sa palengke (dinidivelop kasi ito) at gumanti ng sapak ang trabahador sa high na high na adik. Di naglao'y pinagtulungan daw ito ng mga nanininda sa palengke. Takot na takot raw ang mga pinsan kong musmos pa at may nakisilong pa nga raw na matanda na ninerbyos dahil sa insidente. Duguan raw na hindi gumagalaw ang adik sa mainit na lupa, buhay pa naman. Napalo daw ito ng labra de cabra. Dumating naman daw ang patrol para damputin ang duguang adik. 


   Hindi ako nagrereact hanggang natapos siya. Minsan na nga lang magkwento ang nanay ko ang morbid pa. Pinagtatanong lang niya ko kung makatao ba ang ginawa ng mga tao dun sa adik na nasa state of temporary insanity. Anong nangyayari na sa moral ng lipunan?



   At bakit sakin pato kinuwento? CHR Commissioner ba'ko? 

   Ano na bang nangyari sa pagsupil ng bawal na gamot sa bansa? May ginagawa ba ang LGU? Anong magagawa ko para rito? And so on and so forth...

Monday, March 10, 2014

Lipstik

ni: Greys P.
Isang kolorete Na ipinipinta Sa malambot na labi Ng isang dalaga Kulay mong mapula Na bumibighani sa iba At nagpapatapang Sa maamo mong itsura Malayo pa lamang Tingkad nitoy tanaw na Pansin na pansin Sa sino mang mkakakita Mangaagaw atensyon Damdamin at reaksyon Na umuusbong sa sino mang makasalubong Damdaming mapusok Ang pumapaibabaw Sa bawat paghagod Sa labing walang malay Unti unting naalis Nawawalan na ng saysay Ang dating mapula Ngayon ay maputla na Tingkad na kulay moy Ngayon ay ubos na Ngunit itoy nagmarka Sa bawat kalsada

Friday, March 7, 2014

Trip to Tiaong: Engkwentro kay Neneng S

Sa pagsakay-sakay mo ng dyip, marami kang mukhang makikita, sikong makikiskis, kili-kiling maamoy, at mga trip na dapat sakyan. 

Nakasabay ko ang isang tsiks, pareho kami ng pinapasukang university. Alam ko ang retorikong epekto ng musika. Kung ang naririnig na kanta ay may kasamang malungkot na ala-ala ng nakaraan, nalulungkot tayo na minsa'y kinukubli lang ng ngiti ng iba. Mapapaindak siguro kung ang musika ay may masayang ala-ala. 

Tumugtog ang kantang Pusong Bato sa dyip. Natawa lang ako dahil medyo 'strange' ang pagkakasulat ng liriko nito para sakin. Pero si Ateng sinasabi ko kanina ay may iba or should I say imbang reaksyon. 

"Nang ika'y ibigin ko..." sabay nagulantang ako sa lumagabog na yero. 

Akala ko nabangga kami, o pinalo lang ng barker. 

"Akala ko'y ika'y langit"... Sabay nakita ko nang si Ate na tumadyak sa sahig ng dyip. 

Relate na relate ata si Ati, at naulit pa ng naulit ang mga lagabog. Pagdating ng chorus ay Pak! ang narinig dahil hinampas ni Ati ang kamay sa kanyang hita at pangitang nasaktan siya sa pagwawasiwas ng kamay na animo'y napaso. 


Nakakatakot na, pag hindi pa inilipat ni Manong drayber ang kanta ay ito na ang mga susunod na mangyayari: 

a. Iumpog ang ulo sa bakal na hawakan ng kamay. 

b. Tumalon bigla ng dyip 

c. Makalimutan niyang magbayad. 

Sadista si Ati kung iisipin, pero biktima siya ng musika at mapait na karanasan sa pag-ibig. Malabong mag-react siya ng ganon sa kanta kung bumagsak lang siya sa quiz. May pinagdaanan siya at malamang sariwa pa. 

Hindi natin lubos na maiintindihan si Neneng S, pero sana maintindihan niya na ang paraan niya ng pagpapahayag ng damdamin ay nakakabulabog ng kapayapaan sa mga pasahero. At medyo O.A. rin. 

Minsan, sa pagpapadala natin sa andar ng emosyon; tayo na rin mismo ang nananakit sa sarili natin. At para matigil ang sakit, huminto ka. 

Para.

Thursday, March 6, 2014

Nakaka-[insert ur feeling ir] na Panayam kay KuyaSushi



Dati nirekomenda sakin ng pub. Adviser namin na subukan ko raw magsulat sa Wattpad, sabi ko titingnan ko. Kaya tiningnan ko nga lang at hindi nagsulat. haha ;] 

Puro fiction pa noon, e nasa journ pa ang kiling ng panulat ko, sa non-fic, so hindi nga ako nagsulat dun. haha. 

Haha ako ng haha kahit walang nakakatawa. Trip ko lang. haha 

Mga mahigit isang taon, sinilip ko ulit at shinee! May non-fiction na! Pero nasa ika-apat na buwan nako sa blogspot. Kaya ng magsara ang 2013 nilagay ko na lang ang mga piling sanaysay ko sa isang koleksyon at pinublish ko sa Wattpad. haha 

Nito kasing nakaraang taon pumailanlang sa status updates, newsfeeds, at maging mga usap-usapan sa banyo ang mga wattpad stories. Karamihan mga highschool tsikabebs ang mambabasa, mga tipong nagreretouch kada isang period. Marami ring kolehiyala at lately, nangumpisal ang mga ka-bradees ko na nakapagbasa daw sila ng mga campus royalties na mga .txt files. Bakit pa daw nila itatago? 

Nito lang din, sandamakmak ang mga wattpad stories na isinalibro na at ilan sa mga ito ay isasapelikula. Magiging manonood na ang mga mambabasa at ako, tila nawala na sa radar ng pop culture. 

Hindi naman ako nagpapaka-indie. Hindi pa lang talaga siguro oras para buklatin ko ang panitikang pop! Yerla! haha 

Mabuti na nga lang at nagkaron ako ng kaibigang writer mula sa Wattpad. At ikaw yon KuyaSushi, ang hinirang nasasagot sa mga tanong. Bwuhahaharawr! 

Paglilinaw: KuyaSushi, hindi kita tinatawag na kuya dahil fan mo nako o nagpapabata ako kundi dahil may kuya ang (pen name, codename) mo. 

Personalan muna: 

School last attended: Ramon Magsaysay (Cubao) High School
GWAve: Estimated, 84 :D
Trabaho ng Parents: Single parent si Mama pero may sari-sari store kami. Working student rin ako noon, then naging working nalang kalaunan. Hahaha
Paboritong kulay: Black, blue, brown at green
Paboritong lugar at sitsirya: Lugar, mas trip kong tumambay sa mga netshop. Nakikinuod ng kung anu-ano (kahit porn. LOL) De joke. Mas nasasayahan kasi ako doon, marami akong nakaka-usapa tdumadami mga kaibigan ko kahit ‘yung tipong dayo lang sila doon, magtanong ka lang kung anong level na nang character mo, sasagot pa rin sila tapos tuloy tuloy na ang usapan. Sitsirya, mas gusto ko nang mga maaanghang at onion flavored na chips :D
Hobbies: Nag-eencode nang mga nakakabobong mga codes, internet surfing, spazz, nagsusulat, kapag trip ko, kumakanta ako sa mini Araneta Coliseum (banyo XD), frustrated dancer rin ako. Hahaha. Basta, maisipan kong gawin at bored ako, gagawin ko talaga.
Sports: Badminton, track ‘n field, bicycle riding?, patintero. Batang kalye kasi ako XD
Celebrity Crush: Coleen Garcia, Charee Pineda, Hayley Williams
Kailan ka huling dumumi: (optional) 


Muntik nang maging slum note kulang na lang yung what is love, gayunpaman ngayon medyo (napapalagay, naiinip) ka na sa panayam nato. Let's get to the real thing. 


1. Nagbabasa ka ga? Nabasa mo na ga yung Hunger Games Trilogy? e yung Chronicles? Anong mga hilig mong basahin?
·         Gusto ko rin mabasa ‘yung mga ‘yun. Hunger Games, Percy Jackson, etc kaso wala akong pera pambili nang mga libro. Tamad rin maghanap online ng kahit PDF files kaya wala pa akong nababasang ganoon. Mas trip kong basahin ‘yung mga young-adult na stories. Pero kahit ano naman talaga binabasa ko e. Recommended o kung trip ko lang basahin, magbabasa ako. Pero may mga specific genres akong hinahanap sa isang istorya para mas maenjoy kong magbasa.

2. Nabasa mo na ang buong Bible? Kung hindi pa mga ilang percent na nito? May paborito ka bang stories dito? 
·         Honestly, hindi pa ako nangangalahati sa pagbabasa ng Bible at sobrang nakaka-disappoint ‘yun. Pero active ako sa mga catechism ditto sa barangay naming. Kahit mga mas bata ‘yung ilang nakakasama ko, join pa rin ako. Wala pa akong favorite dahil ‘yun nga, hindi ko pa lubusang nababasa ‘yun.

3. Bakit sa tingin mo maraming nagbabasa ng Wattpad? (bukod sa mas masaya to kesa magplot ng points sa cartesian plane). 
·         Masaya siguro magbasa dito kasi sa Wattpad, mahahanap mo na siguro lahat ng klase ng istoryang hahanapin mo. Kahit anong genre, meron na. Mas creative siguro ang mga writers sa Wattpad kaya siguro maraming nahuhumaling dito. Nagagawa nilang ma-catch ‘yung attention ng mga readers, paguluhin ‘yung mga emotions nila, paiyakin o patawanin, nagagawa rin nila pagsabayin ang feelings ng istorya sa mararamdaman ng mga readers (based on my experience, namatay ‘yung paborito kong bida, nalungkot rin ako. Parang ganoon), pupuwedeng paguluhin ang isipan at marami pang iba. Kaya siguro masasabing bipolar ang mga writers dahil kaya nilang mag-switch or i-switch o makipag-laro sa mga emosyon at imahinasyon.

4. Kailan ka nag-umpisang magsulat? (bago pa sa Wattpad) 
·         Kung kasama ‘yung pagsusulat ko nang mga scripts noong Grade 6 ako para sa mga mini plays namin during Science class, ‘yun. Doon ako nagsimula. Pero general, high school na ako nagka-interest magsulat. Puro literary works ang mga kailangang i-submit noon, puro project na kailangan mong gumawa nang sarili mong short story, gagawa ka nang mga name poem, haiku, sonnet, etc.  Doon. Kung hindi dahil requirements, hindi siguro ako magkaka-interest sa pagsusulat. At nae-enjoy ko naman talaga siya =)

5. Anong genre ng stories mo? May plans ka bang mag-experiment? 
·         Non-Teen Fiction, Romance at Mystery. Plano kong subukang magsulat ng Teen Fiction at Fantasy. May mga nasulat na akong teen fiction noon pero hindi ko napanindigan ang pagiging teen fiction. Masyadong seryoso. Sa teen fiction kasi, kailangan maka-bageng theme. Kailangan nandyan ‘yung konting lines palang, kilig na kilig na dapat ang mga readers which is nahirapan talaga ako. Kaya nag-focus siguro sa pagpapakilig ng mga readers through adult characters. Sa adult characters kasi, parang simple lang. Magsabi ka lang ng konteng line, may kilig factor na kasi alam nilang matanda na ang mga bida at hindi na mga teenagers na kailangan may pick up line pa para sobrang kiligin. Ang gulo. Hahaha. Fantasy, gusto ko lang subukan imagination ko dito. Mukha kasing masayang paglaruan ‘tong genre na ito. ‘Yung tipong lahat ng hindi pangkaraniwang nangyayari sa mundo na gusto mom aging possible, puwede mong isulat dit. ‘Yung mga kapangyarihan, kakaibang nilalang, etc.

6. Ilan na readers mo? Napepressure ka ba nila? 
·         Kung pagbabasehan ang number of followers sa Wattpad, mayroon akong 5.1k followers. Pero number of readers talaga, ‘yun ang hindi ko alam. Napaka-tahimik kasi ng account ko at bihira lang ako magbukas doon kaya hindi ko kilala or hindi ko alam kung ilang TUNAY na readers ba mayroon ako. May mga nagko-comments naman sa mga stories na pinopost ko at siguro, sila talaga ‘yung readers na masasabi ko. Sa kanila, nalalaman ko ‘yung insights nila as a reader sa story. Sa kanila ko ba malalaman kung maganda ba o kailangan pang ayusin. Hahahaha. Natatawa ako XD Ilan lang tinatanong pero ang haba nang sagot ko XD

7. Bakit ka nagsusulat? May ginagawa ka ba bago magsulat? 
·         Noong una, nagsusulat lang ako dahil requirement nga sa projects sa English. Tapos nagsusulat ako noon kasi gusto nang mga kaibigan ko na gawan ko sila nang istorya, ‘yung magkakatuluyan sila nang mga crush nila. Ganun. Pero ngayon, dahil nga siguro doo, na-enjoy ko na talaga at nagsusulat na ako kasi gusto ko talaga. Ginagawa bago magsulat, wala naman. Dakilang tambay lang siguro ako.

8. Ano yung paborito mong akda so far? 
·         Kung sa Wattpad, ‘yung mga gawa nila peachxvision at HaveYouSeenThisGirl, ‘yung Sadist Lover trilogy, Ang Boyfriend kong Artista, She’s Dating the Gangster, Karmic Hearts, Tamako Sia, The Despicable Guy, Your Place or Mine at marami pang iba. Kung sa mga published books outside Wattpad, ‘yung Para sa Hopeless Romantic ni Marcelo Santos III, MacArthur ni Bob Ong, ‘yung Danger at Her Door ni Beth Cornelison saka ‘yung The Notebook at A Walk to Remember

9. Paborito ko tong tanong. Sinu-sinong paborito mong manunulat? 
·         Sa Wattpad, paborito ko talaga sila aril_daine, peachxvision, HaveYouSeenThisGirl, modernongmariaclara, SGWannaB, BlackLily at JhingBautista. Pero kung outside Wattpad, sila Bob Ong at Marcelo Santos III pa lang ang mga nababasa kong libro at nagustuhan ko ‘yun. Si John Green at Nicholas Sparks rin, kahit tig-isa pa lang nila ang nababasa ko. Pati si Beth Cornelison.

10. Di ga't pinag-uusapan lang natin na gusto mong ma-publish at tada! May aklat ka na Sush. Isa munang malaking pagbati mula sakin. Saluhin mo....TSUK! 
Kamusta naman ang publisher mo? Kwento ka. haha 

·         Aminin man nang iba diyan o hindi, simula nang may ma-publish na Wattpad story, marami na rin ang nagka-gusto at isa na rin ako doon. Salamat. Hahaha. Syempre, nakaka-overwhelm na sa wakas, may publisher nang kumuha sa ‘kin para makapag-publish sa kanila. At sobrang saya ko dahil napunta ako sa LIB Creatives. Sobrang saya nang pamilya nila at tiwala ako. Doon kasi sa LIB, ikaw mismong writer ang hahayaang mag-decide kung ano mismong gusto mong mangyari sa libro mo. Nasa sa ‘yo kung gusto mong dagdagan or kung gusto mong bawasan. Unlike siguro sa iba na may limit. May kailangan kang i-cut para mag-fit sa libro mo. Sa LIB, wala. Nasa sa ‘yo ang power ng magiging libro mo. Malaking factor sa ngayon ‘yun dahil may ilang readers na nagrereklamo kung bakit nawala ‘yung ganitong scene, anong nangyare sa ganito, etc. Dito sa LIB, kung paano at kung ano ang ikinasaya mo (reader) sa istorya, ganoon mo rin mababasa sa libro. Pero hindi ibig sabihin sa ibang publishing hindi sila matutuwa huh? Marami na akong nabasang libro mula sa ibang publishing at sobrang ganda pa rin kahit nasa libro na. Sa LIB puwedeng lumabis pero walang kulang.


at ito na ang million-dollar-jackpot question... 

Hingang malalim... 

haha... 


Mayaman ka na? Magkanong royalties? haha rude much ng tanong. 

(confidential at optional) Hindi puwedeng sabihin. Hahaha.


Solomot much sa panayam at sulat lang ng sulat.




Wednesday, March 5, 2014

Nakaka-Hikang Panayam kay Bernadette



Ngiyaw! Pagbati mula sa Tiaong, Quezon! 
Ngiyaw rin sa iyo! =^.^=
Nabasa ko na ang Ikaklit sa Aming Hardin at nagawan ko na rin ng rebyu. Bilang kapwa hilig natin ang halaman at mga pusa nais sana kitang ma-interbyu. 

Personal na Datos muna:
 

Edad:
30y/o Kasarian:Babae na nagmamahal ng kapuwa babae 
Tagasaan:
 Taga-Gabaldon, Nueva Ecija talaga ako pero dahil sa trabaho, nananahan ako ngayon sa Lungsod ng Quezon.
Mga Magulang:
 Erlinda Villanueva Neri at Johner Sotelo Neri
Mga Pusa:Si Twamki ang nanay nina Umaga, Tanghali, at Takipsilim na kilala rin sa kolektibong ngalan nilang Twamkittens. Kasama rin sa Twamkittens ang pinsan nilang si Pangur Ban. Kasalukuyang bumibisita si Maliksi, mula sa Gabaldon, dahil kailangang mapagaling mula sa isang sakit. Miyaw.(Tingnan sa link na ito ang mini-dokyu tungkol sa twamkittens: https://www.youtube.com/watch?v=z1U88_NB3Fw)
Mga Hilig: Pusa. Matulog katabi ng mga pusa. Kumain. Gumawa ng mga bidyo-dokumentaryo.
Paboritong Sitsirya:
 Rinbee, Sunshine, X-po, at Iced Gem. Nyam! :D
Paboritong Lugar:
 Bagong Sikat, Gabaldon

Interview Proper na: Umayos ng upo, at sagutin ang mga tanong ng nakangiti. :D
 

1. Kailan mo nalamang may panawagan ka sa pagsusulat?
 
Bata pa lang ay mahilig na akong makinig sa mga kuwento ni Papango (tawag ko sa tatay ko). Noon din ako nagsimulang umimbento ng mga kuwento (pero oral lang ito dahil ampangit ng sulat-kamay ko). Bihira ang aklat sa lugar namin kaya kinailangan kong matutong makinig at lumikha ng sariling mga naratibo para may maiambag sa bidahan naming mga bata pagkatapos ng eskuwela. Pero dalawampu’t isang taon na ako nang magdesisyon akong pormal na pag-aralan ang pagsusulat sa pamamagitan ng pagpasok sa programang masterado sa Malikhaing Pagsulat ngisang unibersidad.

2. Pinanganak ka bang may bolpen sa bibig?
Uhm, wala. Kawawa naman si Mamaganda (tawag ko sa nanay ko) kung may bolpen ako sa bibig nang lumabas ako sa kaniya. Char. Sa tingin mo, isinisilang ang manunulat at hindi nagagawa? Naniniwala akong nagpag-aaralan ang lahat ng bagay kabilang na ang pag-akda o pagsulat. Sinoman ay maaaring maging mahusay kung mabibigyan ng oportunidad, suporta, at sapat na panahon.

3. Ano ang kadalasang mga tema ng mga akda mo?
Pinagtutuunan ko ang usapin ng kasarian at seksuwalidad partikular sa mgatibô o mga babaeng homoseksuwal. Paano mo ilalarawan ang iyong boses?Kung sa bidyokehan, mababa ang score. Kung sa panulat, nagbabago-bago depende sa anyong pampanitikan na pinili kong maging daluyan ng isang akda. Hayaan mo akong magbigay ng ilang halimbawa.

Sinisikap kong mahuli ang tinig at tono ng isang bata kapag nagsusulat ako ng kuwentong pambata. Hindi ko maaaring gamitin ang tinig na ito sa paggawa ko naman ng isang bidyo-dokumentaryo na nangangailangan ng sense of authority sa bawat pahayag. Gayon man, hindi ito babagay sa mga kuwentong nasa kontemporaryong tagpuan na konserbatibong ina o kaya’y adolescent naman ang tauhan. Pero hindi maaaring ilapat ang kontemporaryong tono sa mga akdang historikal lalo na yaong may mga partikularidad sa kultura ng isang tiyak na panahon at espasyo. And so on…

Nagbabago ang tinig ng aking panulat depende sa intensiyon ng akda at kung para kanino ko ito isinusulat.

4. Nabasa ko yung Ang Ikaklit sa Aming Hardin, at may kakaiba itong paksa kumpara sa ibang kwentong pambata. Bakit mo ito isinulat at paano mo dinadala ang mga pananaw na salungat ng sayo? 
Hindi “kakaiba” ang paksang pamilya at pagmamahal sa mga kuwentong pambata, at doon din naman tungkol ang Ang Ikaklit sa Aming Hardin. Nagmimistulang iba lang ito dahil ang kumposisyon ng pamilya ni Ikaklit (dalawang babae ang kaniyang mga magulang) ay hindi itinuturing na “normal” sa ating lipunan.

Ang nais ko lang ipunto ay walang kinikilalang kasarian at seksuwalidad ang pagmamahal, gayundin ang pamilya. Sabi nga ni Nay Lilia sa kuwento, “Anak, ang pamilya ay parang isang halamanan. Hindi mahalaga kung sino ng nagtanim sa mga punla. At hindi rin mahalaga kung babae ba o lalaki ang nag-aalaga sa mga ito. Ang importante ay kung paano ito inaarugang mabuti.”

5. Ano sa tingin mo, pinipili ba ng kwentong pambata ang manunulat na susulat sa kanya? 
(Ang hirap naman nito! Nakakalito. Haha! Ito ang huli kong sinagutan sa mga tanong mo. :D)
Para sa akin, matagal nang nalatag o nakahain ang mga paksa para sa kuwentong pambata. Naghihintay lamang ang mga ito ng taong may sapat na disiplina at pagsusuri para akdain ang paksa para sa mga bata.

6. Saan ka humuhugot ng inspirasyon/sipag sa pagsusulat?
 Ang kakulangan ng mga tekstong lesbiyana sa panitikan natin ang inspirasyon ko sa pagsusulat. Kung saan may pangangailangan, doon ko nais tumugon bilang manunulat. Nakikita ko ang napakalaking potensiyal ng panitikan bilang daluyan ng mapagpalayang lesbiyanang kamalayan. Ito ang rasyonal sa likod ng aking tesis masteral na Naratibô: Pagkatha bilang Pagtatala ng Lesbiyanang Gunita (2009), isang kuleksiyon ng mga naratibô o kuwento tungkol sa mga tibô. Bahagi nito ang kuwentong pambatang Ang Ikaklit sa Aming Hardin (Publikasyong Twamkittens, 2012).Minarapat kong kumatha ng kuwentong pambata na may temang lesbiyana dahil naniniwala akong kung nais natin ng kinabukasang malaya sa uri, diskriminasyon, at homophobia, dapat ay iminumulat natin sa mga ganitong usapin ang mga batang bubuo sa hinaharap na iyon.

7. Nakakatanggap ka pa ba ng
rejections sa mga akda mo? Oo naman. Paano mo hina-handle? Lagi’t lagi kong pinaaalala sa sarili ang mga dahilan kung bakit at para kanino ako nagsusulat. Ang mga ito ang gumagabay sa akin sa pagtitimbang ng mga komentong ikasisira o kaya’y ikauunlad ng akda.

8. Meron kang mga Nara-Tibo, kwentuhan mo naman kami ng kaunti nito. 
Ang “naratibô” ay produkto ng dalawang salitang pinaghalo ko: naratibo + tibô. Ang naratibo (walang kilay sa /o/ kaya’t malumay ang bigkas) ay kumakatawan sa anyong pampanitikan na napili kong maging daluyan ng mga nais kong sabihin—anumang akdang gumagamit ng salaysay o narrative—at sa kaso ng tesis ko ay maikling kuwento. Ang tibô(may kilay sa /o/ kaya’t maragsa ang bigkas) o mga babaeng homoseksuwal ang kumakatawan sa paksa ng aking mga naratibo. Sa madaling sabi, ang “naratibô” ay mga kuwento/naratibo tungkol sa mga tibô.

Sa ginawa kong pananaliksik, may mga nakita akong kakulangan o puwang sa (kakaunting) lupon ng mga tekstong bumubi sa lesbiyanang panitikan:
A.    Bibihira ang tumatalakay sa karanasan at pag-iral ng mga lesbiyanang namumuhay sa labas ng siyudad;
B.    Karamihan (kung hindi man lahat) ay nasa pananaw ng mga lesbiyanang mula sa panggitna at mas nakatataas pang uri sa lipunan;
C.    Walang mga tekstong tumatalakay naman sa pakiramdam at kaisipan ng mga taong nakapaligid sa mga personang lesbiyana; at
D.    Wala pang mga kathang nakatuon sa lesbiyanang pag-iral sa iba’t ibang bahagi ng kasaysayan o nakaraan.
Gaya ng nabanggit ko sa #6, nais kong makaambag sa pagpuno sa mga puwang na nabanggit. Isa ang Ang Ikaklit sa Aming Hardinsa mga akda ko ng tumutugon sa titik C.

9. Marami kang pusa, may masayang akda ka ba nila? 
Palaging bahagi ng aking mga akda ang Twamkittens. Hindi lang tuwiran, pero mahalagang bahagi. =^.^= Pero, siyempre, may mga gawa rin akong sila ang direktang bida. Nasa anyong bidyo ang mga ito. (Hanapin sa Youtube ang channel na Twamkittens at doon makikita ang mga bidyong pinagbibidahan ng mga kaibigan kong mingming.)


Naku! Ate Bads,
(Det na lang po, please. Hehe.)mahaba na yung mga pagtatanong ko. Isang karangalan ang maipahayag ang pananaw at damdamin ko bilang batang(-batang) blogger ukol sa iyong akda. Maraming Solomot! 


Pagpalain ka at ilayo sa hika. 


Any final words:

Abagan ninyo ang susunod naming proyekto ng Publikasyong Twamkittens, ang “Atang sa Kaluluwa nina Apong Salawal at Apong Saya.” =^.^= O, di ba? Publisher ang Twamkittens. :D