Friday, March 14, 2014

Para Akong Kulisap

Isang hapon kasama ang aking kaibigang kulisap na si Roy, napaibig ako ng pisbol. "Parang gusto kong magpisbol" sabi ko kahit ang gusto ko namang kainin ay kikiam. Ganun ata talaga 'pag mas palaging magkasama, nagkakaron ng isang pagkakakilanlan. 

Bingo! May karitela ng pisbol. Pero may kulang, may lungkot na kumakain sa kagustuhan kong kumain ng pisbol (pero kikiam talaga). Nang marinig na namin ang singaw ng gasul, nakalapit na kami, "Ayoko [na] pala" sabi ko kay Roy. Natawa lang siya noon. 

Nang makalagpas kami, pinaliwanag ko kung bakit ako hindi kumagat. Simple lang, wala siyang ilaw. Hapon na kasi, nakakalungkot kumain ng pisbol na walang ilaw. Para nga akong kulisap, hatak ng liwanag. 


Ilang araw pa ang lumipas, isang hapon ulit; pumunta naman kami sa bayan. Lumabas lang kasama ang mga ka-bradees, si Jeuel, Alquin, Alvin, at si Roy ulit. Ipagpaaalam muna ata namin si Alvin na kakain lang kami sa may palengke. Strict kasi ang parents niya nang hindi aksidenteng makasalubong na namin ang tatay niya. 


"Tatay mo yan?!" bulalas ko. "Eh diyan kaya ako bumibili ng pang-ulam ko nung Grade 5 ako." dagdag ko pa. May fishball carts kasi sila, ilan din yun. Hindi ko lang alam kung parang traysikel na may boundary o foodcarts na bukas for franchising. At oo, tanghalian ko na ang pisbol at sabaw na ang mahanghang nitong sawsawan. 

"Ayan din yung hindi natin binilhan dahil sabi mo walang ilaw." sabi ni Roy na parang nagmumulto. 

Pero dahil ang nakaraa'y nakaraan na, hindi rin naman kami matatandaan nun, tumuhog nako ng pisbol habang nagpapaalam si Alvin sa tatay niya. Tapos pinayuhan ko rin si Alvin na maglagay ng ilaw sa cart.


Isang hapon, pauwi ako ng bahay. May siyam na piso pako. Pwede pang magpisbol. At nasugagaan ko nga ang magpipisbol na minsan kung hindi nabilihan dahil lang sa ilaw. Tatay rin siya ni Alvin, baka mapunta rin ito sa pambaon niya; isa pa malaki pa ang utang ko dun. Nag-umpisa akong tumuhog ng kikiam, at anak ng bilog na kikiam! 

May ilaw na! 


Kaya tumuhog pako ng ilan, pati na rin pisbol, mga apat na piso rin; at pinasisid sa maanghang na sawsawan. Ang lasa - tamis at halang ng buhay kabataan. 


Bale, tatlong hapon lahat-lahat. 

No comments: