Friday, March 28, 2014

Si Ate Aryanne at ang Fast-forward niyang Mundo

    Nitong Enero lang, lumabas ako. Hindi lang ng bahay kundi ng probinsya. Kumuha ako ng qualifying exam sa isang publishing house. Sa Boni-Pioneer dapat ang baba ko pero nakalagpas at sa Mega-Mall nako nakalapag. Narinig kong muli ang ingay ng siyudad. Malayong lakarin din, kaya di muna ako naglakad pabalik. Nandito na lang din naman ako, makapag-malling na. Maaga pa naman at kailangan ko pa ring mananghalian at bumili ng Zebra. Hindi yung hayop, yung bolpen. 

Naghanap ako ng bukstor, tumingin sa iba't-ibang section, nagsuri ng mga pabalat. Kay sayang pagmasdan ng mga dikit-dikit na spines ng mga libro, iba-ibang kulay para akong nasa isang hardin ng mga bulaklak. Nagsisigawan ang iba't-ibang ideya, pisolopiya, pananaw, haka-haka, perspektiba ng napakaraming manunulat sa bookshelves ukol sa pananalapi, pag-ibig, pisika at metapisika, paglilingkod-bayan, pang-ispiritwal, at iba pang aspeto ng makulay nating buhay. 'Sing ingay ng siyudad nang bumaba ako sa bus. Nagtagal ako sa bukstor, at lumabas na bitbit ang kailangan ko, ang bolpen. 


Pumunta ako ng Jolibee hindi dahil nasasarapan ako dun kundi yun ang udyok sakin ng nagpapa-alala kong bulsa. "Kailangan mong maghigpit ng sinturon or else maglalakad ka pauwi ng probinsya" bulong nito. Sa labas pa lang kita ko na ang maraming taong manananghalian din siguro, sa ilan agahan na rin nila. May mga empleyado, magkakaklase, magjo-jowa, at magkukumare, lahat may kanya kanyang sinisipat sa dashboard sa may counter, abala sa pagpili ng order. May ilang may napili na, at ilang tila may hinihintay lang, lahat sila may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. 

Pumila ako. Nag-antay, hanggang ako na nga ang oorder. Dahil mura at bago (napanood ko sa patalastas), ay inorder ko ang Garlic Pepper Beef at siyempre extra-rice. At pumatak ng Php 66 lahat, nagbayad ako at ilang saglit pa'y nakuha ang resibo kasama ang tray na may sopdrink, extra-rice, at ... Asan ang Garlic Pepper Beef? "Just a minute Sir!" sabi ni Ate bago pa man ako magwala. Kaya tumabi muna ako saglit sa may counter.

Tatlong minuto ang nakalipas, wala pa rin. Andami ng nabigay na order. Ambilis-bilis ng mga service crew, lalo na ni Ate na nasa counter parang may mga deadlines na hinahabol. Pero ang pila ng tao mukhang walang humpay na di matatapos. Limang minuto at wala pa rin. Nakamasid lang ako at patuktok-tuktok ng mga daliri sa tabi ng counter na parang nagpa-piano. 

Parang tinatablan nako ng inip, pero alam kong kailangan kong magpasensiya, umunawa ganan. Tiningnan ko ulit si Ate na kinalimutan nako sa isang tabi at tila ba ang nakikita niya lang ay ang pila sa harap niya. Sampung minuto, at nakita ko nang nakapag-serve na siya ng 2 GPB sa isang mukhang propesyunal o entreprenyur na ale. Nag-umpisa nang matunaw ang yelo sa sopdrink ko, tinablan nako ng inis. Ano to? Dahil mukhang mas magagalit yon pag na-delay ang order niya kaya siya inuna? Aba! Parehas lang kaming nagbayad! "Pantay na Karapatan!" sigaw ng sikmura ko. Nang 12 minutos na ang nakalipas, gusto ko nang mag-piket sa harap ng counter para sa order ko, pero hindi, isa itong test of patience at humility-chorva. Pinapakita siguro sakin na ang tingin ko sa sarili ko ay masyadong importante. Kaya inapuhap ko ang sarili. 

Iwinaksi ko sa isip ang pagpapadala ng e-mail complain sa e-ad na nakasaad sa resibo. Inisip ko na maaaring kontraktwal si Ate Aryanne, nagsusumikap sa trabaho para maka-renew ng contract. Paano kung itong trabahong ito lang ang inaasahan niya na susuporta sa pag-aaral niya? Paano kung may pinapatapos pala siyang mga kapatid o may ginagamot na nanay na may malubhang karamdaman? Mukha ng MMK, pero ganyan ang buhay ng mga may kontraktwal na trabaho, wala pang kasiguruhan ng renewal. Tapos, magsusumbong pa'ko dahil nagutom ng ilang sandali at nasagi ang ego? Patawarin ako. 

Pinakulbit ko si Ate Aryanne sa isa pang crew para ipaalala ang GPB ko. Kinuha ni Ate ang resibo at vinerify ang order. Walang anu-ano'y inabot niya sakin ang order ko kasama ang abot-abot na paghingi ng dispensa nang makita niyang alas-dose pa yung resibo at 12:16 na.

Ngiti lang ang ibinalik ko sa kanya na wari'y nagpapahayag na "Napatawad na ang iyong sala". Bahagyang napabagal ko ang kilos ng kahera. Pinagpawisan nako sa gutom at pag-eehersisyo ng pagpapatawad at pag-uunawaan. 

Pumili ako ng puwestong kakainan, umupo, at tumingin sa labas. Paroo't parito ang mga tao hindi ko alam saan sila pupunta. Abala ma't nagkukumahog may mga mahahalagang bagay silang hindi sana malimutan. Kinurot ko na ang mabawang at maalat kong ulam at kumain ng islomo, parang nasa patalastas.

No comments: