Wednesday, March 5, 2014

Nakaka-Hikang Panayam kay Bernadette



Ngiyaw! Pagbati mula sa Tiaong, Quezon! 
Ngiyaw rin sa iyo! =^.^=
Nabasa ko na ang Ikaklit sa Aming Hardin at nagawan ko na rin ng rebyu. Bilang kapwa hilig natin ang halaman at mga pusa nais sana kitang ma-interbyu. 

Personal na Datos muna:
 

Edad:
30y/o Kasarian:Babae na nagmamahal ng kapuwa babae 
Tagasaan:
 Taga-Gabaldon, Nueva Ecija talaga ako pero dahil sa trabaho, nananahan ako ngayon sa Lungsod ng Quezon.
Mga Magulang:
 Erlinda Villanueva Neri at Johner Sotelo Neri
Mga Pusa:Si Twamki ang nanay nina Umaga, Tanghali, at Takipsilim na kilala rin sa kolektibong ngalan nilang Twamkittens. Kasama rin sa Twamkittens ang pinsan nilang si Pangur Ban. Kasalukuyang bumibisita si Maliksi, mula sa Gabaldon, dahil kailangang mapagaling mula sa isang sakit. Miyaw.(Tingnan sa link na ito ang mini-dokyu tungkol sa twamkittens: https://www.youtube.com/watch?v=z1U88_NB3Fw)
Mga Hilig: Pusa. Matulog katabi ng mga pusa. Kumain. Gumawa ng mga bidyo-dokumentaryo.
Paboritong Sitsirya:
 Rinbee, Sunshine, X-po, at Iced Gem. Nyam! :D
Paboritong Lugar:
 Bagong Sikat, Gabaldon

Interview Proper na: Umayos ng upo, at sagutin ang mga tanong ng nakangiti. :D
 

1. Kailan mo nalamang may panawagan ka sa pagsusulat?
 
Bata pa lang ay mahilig na akong makinig sa mga kuwento ni Papango (tawag ko sa tatay ko). Noon din ako nagsimulang umimbento ng mga kuwento (pero oral lang ito dahil ampangit ng sulat-kamay ko). Bihira ang aklat sa lugar namin kaya kinailangan kong matutong makinig at lumikha ng sariling mga naratibo para may maiambag sa bidahan naming mga bata pagkatapos ng eskuwela. Pero dalawampu’t isang taon na ako nang magdesisyon akong pormal na pag-aralan ang pagsusulat sa pamamagitan ng pagpasok sa programang masterado sa Malikhaing Pagsulat ngisang unibersidad.

2. Pinanganak ka bang may bolpen sa bibig?
Uhm, wala. Kawawa naman si Mamaganda (tawag ko sa nanay ko) kung may bolpen ako sa bibig nang lumabas ako sa kaniya. Char. Sa tingin mo, isinisilang ang manunulat at hindi nagagawa? Naniniwala akong nagpag-aaralan ang lahat ng bagay kabilang na ang pag-akda o pagsulat. Sinoman ay maaaring maging mahusay kung mabibigyan ng oportunidad, suporta, at sapat na panahon.

3. Ano ang kadalasang mga tema ng mga akda mo?
Pinagtutuunan ko ang usapin ng kasarian at seksuwalidad partikular sa mgatibô o mga babaeng homoseksuwal. Paano mo ilalarawan ang iyong boses?Kung sa bidyokehan, mababa ang score. Kung sa panulat, nagbabago-bago depende sa anyong pampanitikan na pinili kong maging daluyan ng isang akda. Hayaan mo akong magbigay ng ilang halimbawa.

Sinisikap kong mahuli ang tinig at tono ng isang bata kapag nagsusulat ako ng kuwentong pambata. Hindi ko maaaring gamitin ang tinig na ito sa paggawa ko naman ng isang bidyo-dokumentaryo na nangangailangan ng sense of authority sa bawat pahayag. Gayon man, hindi ito babagay sa mga kuwentong nasa kontemporaryong tagpuan na konserbatibong ina o kaya’y adolescent naman ang tauhan. Pero hindi maaaring ilapat ang kontemporaryong tono sa mga akdang historikal lalo na yaong may mga partikularidad sa kultura ng isang tiyak na panahon at espasyo. And so on…

Nagbabago ang tinig ng aking panulat depende sa intensiyon ng akda at kung para kanino ko ito isinusulat.

4. Nabasa ko yung Ang Ikaklit sa Aming Hardin, at may kakaiba itong paksa kumpara sa ibang kwentong pambata. Bakit mo ito isinulat at paano mo dinadala ang mga pananaw na salungat ng sayo? 
Hindi “kakaiba” ang paksang pamilya at pagmamahal sa mga kuwentong pambata, at doon din naman tungkol ang Ang Ikaklit sa Aming Hardin. Nagmimistulang iba lang ito dahil ang kumposisyon ng pamilya ni Ikaklit (dalawang babae ang kaniyang mga magulang) ay hindi itinuturing na “normal” sa ating lipunan.

Ang nais ko lang ipunto ay walang kinikilalang kasarian at seksuwalidad ang pagmamahal, gayundin ang pamilya. Sabi nga ni Nay Lilia sa kuwento, “Anak, ang pamilya ay parang isang halamanan. Hindi mahalaga kung sino ng nagtanim sa mga punla. At hindi rin mahalaga kung babae ba o lalaki ang nag-aalaga sa mga ito. Ang importante ay kung paano ito inaarugang mabuti.”

5. Ano sa tingin mo, pinipili ba ng kwentong pambata ang manunulat na susulat sa kanya? 
(Ang hirap naman nito! Nakakalito. Haha! Ito ang huli kong sinagutan sa mga tanong mo. :D)
Para sa akin, matagal nang nalatag o nakahain ang mga paksa para sa kuwentong pambata. Naghihintay lamang ang mga ito ng taong may sapat na disiplina at pagsusuri para akdain ang paksa para sa mga bata.

6. Saan ka humuhugot ng inspirasyon/sipag sa pagsusulat?
 Ang kakulangan ng mga tekstong lesbiyana sa panitikan natin ang inspirasyon ko sa pagsusulat. Kung saan may pangangailangan, doon ko nais tumugon bilang manunulat. Nakikita ko ang napakalaking potensiyal ng panitikan bilang daluyan ng mapagpalayang lesbiyanang kamalayan. Ito ang rasyonal sa likod ng aking tesis masteral na Naratibô: Pagkatha bilang Pagtatala ng Lesbiyanang Gunita (2009), isang kuleksiyon ng mga naratibô o kuwento tungkol sa mga tibô. Bahagi nito ang kuwentong pambatang Ang Ikaklit sa Aming Hardin (Publikasyong Twamkittens, 2012).Minarapat kong kumatha ng kuwentong pambata na may temang lesbiyana dahil naniniwala akong kung nais natin ng kinabukasang malaya sa uri, diskriminasyon, at homophobia, dapat ay iminumulat natin sa mga ganitong usapin ang mga batang bubuo sa hinaharap na iyon.

7. Nakakatanggap ka pa ba ng
rejections sa mga akda mo? Oo naman. Paano mo hina-handle? Lagi’t lagi kong pinaaalala sa sarili ang mga dahilan kung bakit at para kanino ako nagsusulat. Ang mga ito ang gumagabay sa akin sa pagtitimbang ng mga komentong ikasisira o kaya’y ikauunlad ng akda.

8. Meron kang mga Nara-Tibo, kwentuhan mo naman kami ng kaunti nito. 
Ang “naratibô” ay produkto ng dalawang salitang pinaghalo ko: naratibo + tibô. Ang naratibo (walang kilay sa /o/ kaya’t malumay ang bigkas) ay kumakatawan sa anyong pampanitikan na napili kong maging daluyan ng mga nais kong sabihin—anumang akdang gumagamit ng salaysay o narrative—at sa kaso ng tesis ko ay maikling kuwento. Ang tibô(may kilay sa /o/ kaya’t maragsa ang bigkas) o mga babaeng homoseksuwal ang kumakatawan sa paksa ng aking mga naratibo. Sa madaling sabi, ang “naratibô” ay mga kuwento/naratibo tungkol sa mga tibô.

Sa ginawa kong pananaliksik, may mga nakita akong kakulangan o puwang sa (kakaunting) lupon ng mga tekstong bumubi sa lesbiyanang panitikan:
A.    Bibihira ang tumatalakay sa karanasan at pag-iral ng mga lesbiyanang namumuhay sa labas ng siyudad;
B.    Karamihan (kung hindi man lahat) ay nasa pananaw ng mga lesbiyanang mula sa panggitna at mas nakatataas pang uri sa lipunan;
C.    Walang mga tekstong tumatalakay naman sa pakiramdam at kaisipan ng mga taong nakapaligid sa mga personang lesbiyana; at
D.    Wala pang mga kathang nakatuon sa lesbiyanang pag-iral sa iba’t ibang bahagi ng kasaysayan o nakaraan.
Gaya ng nabanggit ko sa #6, nais kong makaambag sa pagpuno sa mga puwang na nabanggit. Isa ang Ang Ikaklit sa Aming Hardinsa mga akda ko ng tumutugon sa titik C.

9. Marami kang pusa, may masayang akda ka ba nila? 
Palaging bahagi ng aking mga akda ang Twamkittens. Hindi lang tuwiran, pero mahalagang bahagi. =^.^= Pero, siyempre, may mga gawa rin akong sila ang direktang bida. Nasa anyong bidyo ang mga ito. (Hanapin sa Youtube ang channel na Twamkittens at doon makikita ang mga bidyong pinagbibidahan ng mga kaibigan kong mingming.)


Naku! Ate Bads,
(Det na lang po, please. Hehe.)mahaba na yung mga pagtatanong ko. Isang karangalan ang maipahayag ang pananaw at damdamin ko bilang batang(-batang) blogger ukol sa iyong akda. Maraming Solomot! 


Pagpalain ka at ilayo sa hika. 


Any final words:

Abagan ninyo ang susunod naming proyekto ng Publikasyong Twamkittens, ang “Atang sa Kaluluwa nina Apong Salawal at Apong Saya.” =^.^= O, di ba? Publisher ang Twamkittens. :D

No comments: