Friday, March 28, 2014

Tsoko na Gatas na Tsoko na may Ice, Gatas na Tsoko na Gatas na may Ice


   Minsan nakakainspire pa ang palatastas kumpara sa ibang libro. Minsan 

  Nagbabasa kasi ako ng isang libro na nakatanggap na ng book award taong 1986. Mas matanda pa sa konstitusyon ang aklat dahil ang mga akda ay nilipon mula sa mga panglingguhang magasin simula pa ng 1950s. Mga short essays sa Ingles ng mga Pilipinong manunulat. 

  Wala akong magets sa pinagsasabi nila. Hindi ko alam kung dahil sa magara nilang gramatika o dahil hindi ko alam ang panahon na sinulat ang mga iyon. Pero dapat tinuturuan ako ng mga sanaysay kung paano mabuhay sa panahong sinulat ang mga iyon. 

  Gayunman, pinipilit ko siyang basahin sa mga panahong blanko ako. Pamatay oras habang may hinihintay. Kaysa kung saan lang mapunta ang diwa ko, mas maganda ng may mga tumatakbong mga salita sa isip ko. 

  Minsan mahirap talagang unawain.


  Nito lang Martes, naisipan ko nang magpagupit dahil mukha nakong Albert Einstein. Buti kung kasama yung talino, e mukha lang. Wala namang problema sa mukha ni Einstein, kaya lang para sa bente-anyos na binata na makamukha ang theoretical mathematician ay irrational namang tingnan. Hindi ko naman masabing: "Eh, andami kong iniisip na hindi maisip at mga gustong isulat na hindi masulat", kaya ayoko pang magpagupit. Hindi ko rin naman magets kung bakit ayokong mag-ayos kapag may mga sinusulat ako. Paano kung buong buhay ko pala'y may isusulat ako? E di buong buhay nakong hindi maayos? Hindi, hindi yun ganoon. 

  Matagal na rin kasi akong kinukuwestiyon ng Nanay ko tungkol sa pondong binigay niya para sa pagpapagupit ko. Dahil ayoko namang maisip niyang katulad ako ng ibang politiko ay nagpagupit na nga ako. Ang hirap kayang magpaliwanag lalo na kung alam mong hindi ka mauunawaan. 



  Naglalakad nako papunta sa computer shop para magpa-print ng resume nang may sumitsit sakin mula sa dyip. Huminto ang dyip at bumaba si Nikabrik at Alvin. Parang antagal naming hindi nagpangi-pangita, e tatlong araw lang naman. Kaya naman nagpasama na lang ako sa aking misyon nang hapon na 'yon. Walang anu-ano'y sumama naman ang dalawa. 

  So, ano nga ba ang misyon? Magpa-print ng resume at kumain ng isaw. Yung pangalawa lang ang gusto ko talagang gawin. Yung resume, para masabi lang na naghahanap ng trabaho. Hindi ko maintindihan, basta ayoko dun sa company parang gagamitin lang ako sa pagpapalago ng kanilang negosyo. Pero kailangang mag-apply, alang-alang sa udyok ng kaibigan ng nanay ko. 

  Bago pa ang pag-iisaw at habang nag-iisaw ay pantanggal umay ang mga estudyante problems nila. Si Alvin nag-finals daw sila in quiz bee form, napaka-competitive ng atmospera ng eksam. Tapos meron pa raw siyang 4 subjects na i-e-eksam at dahil yung apat na yon ay nahahati pa sa lec. at lab. bale 8 pa lahat-lahat. Alam ko yun dahil parehas kami ng course. 

 Si Nikabrik na may balak na maging bayani ng bagong dekada dahil Educ student ay tambak ng requirements. May dalawa pa siyang eksam pero minor na lang. At Geography at Trigo kaya hindi rin 'lang' ang mga subjects na 'yan. 

  Nasabi ko tuloy na parang namimiss kong mag-aral pero ayoko pa ulit pumasok. Ito rin ang sabi ni Nikabrik, na ayaw na niyang mag-aral pero ayaw naman niyang tumigil. "Ang buhay nga naman ng tao minsan hindi mo maintindihan" dagdag pa niya sabay kagat sa hawak na isaw. Minsan sinasabi nating hindi natin naiintindihan dahil napapagod tayo. Minsan naman pinapaalala lang sa’ting limitado ang pagiging tao. Kaya nga nakita ko ang isang sinag ng katotohanan sa isang palatastas ng isang gatas? o isang chocolate drink ‘ata iyon. 

 Kapag hindi mo alam kung choco na gatas o gatas na choco, lagyan mo ng ice. Magpalamig ka muna. Makipagkwentuhan at makidalang-bigat sa kapaguran ng mga kaibigan. 

 Kaya bago kami naghiwa-hiwalay ay uminom muna kami ni Alvin ng gulaman at pinyapol naman kay Nikabrik. Nagbilin rin ako na ikamusta na lang ako kina Jeuel, Alquin, Roy, Efs, Joshee, at sa ibang matatagpuan pa nilang buhay sa university.  Naghiwahiwalay na nga kami. Si Alvin sa kaliwa, si Nikabrik ay tinugaygay ang gitna, at ako ay lumiko na sa kanan dala-dala ang kanya-kanyang bagahe na bahagyang gumaan. 




"Bear ye one another's burdens, and so fulfill the law of Christ."                                                                                    -Gal. 6:2

No comments: