Alas-nuebe na pala?! Hindi na naman namin namalayan ang oras, buong akala namin ay pasado alas-siete pa lang. Kayanaman, inihatid nako sa sakayan nina Roy, Alquin, Jeuel, at Kesha (kapatid ni Roy), sa may tapat ng Seben-Eleben para maliwanag. Lahat naman sila walking distance lang ang uuwian.
Wala ng dyip pag ganitong oras sa Tiaong, kung meron man ay yung mga byahero ng gulay. Wala nang namamasada kaya wala akong pagpipilian kundi mag-bus kahit nakakapagod at hassle bumaba sa bus. Pero may himala pa akong natanaw nang may dumaan pang pampasaherong dyip, maging sila ay natuwa at nagulat, natapos ang buong maghapon namin sa pagpapaalaman.
Dun ako pumuwesto sa tabihan ng drayber. Gagarahe na daw sana siya nang naisip niya na baka may pasaherong nangangailangan ng sasakyan pauwi at naisakay niya nga ako. Ikaw ang aking superhero, gusto ko sanang sabihin kaya lang pagod nakong makipagkwentuhan pa.
Malamig ang hampas ng hangin at nakakatakot ang dilaw na ilaw ni Manong. Makwento siya na tumatalo sa mapanglaw na byahe. Mga ngisi lang ang sinasagot ko. Lahat pinansin, ang istasyon ng pulis, ang daybersyon, ang tahimik na bayan kung gabi, dinaig pa ang manunulat. Maya-maya pa'y bumitaw na siya ng tanong: "Paano kung nakakita tayo ng santambak na pera sa kalsada? Anong gagawin mo?" sabay mustra ng isang kamay sa harap niya habang ang isa ay nasa manibela.
"Dito na po ako sa kanto." bumaba na ako, nakakatakot ang tanong. Hindi ko alam kung nakadroga ga yun o pagod lang sa maghapong pamamasada. Baka naman malaki ang pangangailangan.
Pero paano kung gaya ng sapantaha niya na may madadaanan siyang pasahero sa palalim ng gabi ay nadaanan nga namin ang sangtambak na salapi?
Pagod lang din siguro ako.
No comments:
Post a Comment