Friday, March 7, 2014

Trip to Tiaong: Engkwentro kay Neneng S

Sa pagsakay-sakay mo ng dyip, marami kang mukhang makikita, sikong makikiskis, kili-kiling maamoy, at mga trip na dapat sakyan. 

Nakasabay ko ang isang tsiks, pareho kami ng pinapasukang university. Alam ko ang retorikong epekto ng musika. Kung ang naririnig na kanta ay may kasamang malungkot na ala-ala ng nakaraan, nalulungkot tayo na minsa'y kinukubli lang ng ngiti ng iba. Mapapaindak siguro kung ang musika ay may masayang ala-ala. 

Tumugtog ang kantang Pusong Bato sa dyip. Natawa lang ako dahil medyo 'strange' ang pagkakasulat ng liriko nito para sakin. Pero si Ateng sinasabi ko kanina ay may iba or should I say imbang reaksyon. 

"Nang ika'y ibigin ko..." sabay nagulantang ako sa lumagabog na yero. 

Akala ko nabangga kami, o pinalo lang ng barker. 

"Akala ko'y ika'y langit"... Sabay nakita ko nang si Ate na tumadyak sa sahig ng dyip. 

Relate na relate ata si Ati, at naulit pa ng naulit ang mga lagabog. Pagdating ng chorus ay Pak! ang narinig dahil hinampas ni Ati ang kamay sa kanyang hita at pangitang nasaktan siya sa pagwawasiwas ng kamay na animo'y napaso. 


Nakakatakot na, pag hindi pa inilipat ni Manong drayber ang kanta ay ito na ang mga susunod na mangyayari: 

a. Iumpog ang ulo sa bakal na hawakan ng kamay. 

b. Tumalon bigla ng dyip 

c. Makalimutan niyang magbayad. 

Sadista si Ati kung iisipin, pero biktima siya ng musika at mapait na karanasan sa pag-ibig. Malabong mag-react siya ng ganon sa kanta kung bumagsak lang siya sa quiz. May pinagdaanan siya at malamang sariwa pa. 

Hindi natin lubos na maiintindihan si Neneng S, pero sana maintindihan niya na ang paraan niya ng pagpapahayag ng damdamin ay nakakabulabog ng kapayapaan sa mga pasahero. At medyo O.A. rin. 

Minsan, sa pagpapadala natin sa andar ng emosyon; tayo na rin mismo ang nananakit sa sarili natin. At para matigil ang sakit, huminto ka. 

Para.

No comments: