Tuesday, March 11, 2014

Trip to Tiaong: Ang Sambat ng Paiisa

Isa ito sa mga tinitigilan ng mga dyip sa Tiaong. Sambat ito papuntang timog-silangang bukirin ng bayan hanggang marating mo ang bayan ng San Juan, Batangas. 

Minsan napahinto ang sinasakyan kong dyip malapit sa ilang dipa mula sa sambat. May nagbababa siguro ng pasahero mula sa bus. Hindi ko naman problema ang inip sa dyip lalo na't nasa may tabi ako ni manong drayber at tinitingnan ko lang ang sarili sa side mirror. Katagal naman ata nuon. Nagbababa siguro ng bayong-bayong na bagahe ang isang lola, madalas kasi ang ganitong tagpo. 

Tumambak na ang hanay ng mga sasakyan sa likod at gilid ng sinasakyan kong dyip. Naging apat na ang kanina lamang ay dalawang lane na Maharlika Highway. Baka naman may nasiraan at bumalandra sa gitna pa ng kalsada. Napansin kong wala kaming nakakasalubong na dyip para mapagtanungan. Pulga-pulgadang abante na lang hanggang sa wala na kaming iusad. 

Mabigat na daloy ng trapiko kung si Love Anover ang magsasalarawan. Nauna nakong mainip sa drayber, at pinahaba-haba ang leeg para silipin ang nagaganap sa unahan pero wala. Wala akong matanaw kundi ang mga gabuking katawan ng mga bus. Paano kung bigla na lang nagtakbuhan ang mga tao palayo sa sambat? Tapos kasunod nito ang mga naaagnas na mga bangkay? Inihanda ko ang payong bilang sandata sa naisip kong zombie apocalypse. Ganito kasi sa mga pelikula, may hindi umuusad na mga sasakyan, tapos magbubusinahan, tapos may takbuhan, tapos yung mga bida walang kamalay-malay. At least ako may malay. 


Pero malabo naman yun, ang hirap lang kasi kapag hindi mo nakikita ang nasa unahan at hindi ka makapag-antay. 

Umusad na ang mga sasakyan at nang mapatapat kami sa may sambat, nakita ko ang isang container van na wasak ang bumper at nagkalat na bubog sa daan. Mapalad ako na malayo at hindi ko nakita yung mismong sakuna. 



Pero kung sakaling zombie apocalypse nga yung hapon na 'yon, fullfilment of my dreams!

No comments: