Ilang araw nang sigaw-daing ang tatay ko kada hihiga-babangon sa katre. Kung ganito na lang daw ba ang buhay n'ya, walang trabaho, walang pera. Paano, natanggal sa pagsesekyu tapos di pa nahulugan ng ahensiya n'ya ang mga benepisyo. Wala rin namang plano kung anong gagawin kung magreretiro. Alam n'ya lang kaya n'ya pang magtrabaho.
Nakatanggap siguro ng tawag na nangangailangan ng sekyu sa Lipa. Nagsuot na ng kanyang slacks. Nagpagpag ng alikabok mula sa kanyang sombrerong pang guwardiya. Tapos hubad-baro pa, ang laki-laki ng tiyan kakabarik. Nakatayo sa harapan ko, 'yun pala may itinatanong. Hinampas na ako at di ko nga naririnig dahil naka-earphones ako't nakikinig ng podcast. "Magkano ang pamasahe sa Lipa?". Mahal kako, 100-150 pesos depende kung may kasuno kang deretso, one way lang 'yan ha. Mag-stay in naman daw s'ya Malarayat kung matatalo sa pamasahe kaysa mamatay sa gutom dito sa bahay. Pft! 'kala mo naman nagugutom, kaya lang kumakalam sikmura namin ay dahil tamad kaming magluto pareho.
Ang siyudad naman ng Lipa ngayon lagpas sandaan na ang naitalang kaso ng covid19. May libre na ngang test para sa mga manggagawang Lipenyo. Kanselado na rin ang biyahe ng dyip papuntang Lipa. Hinihingian na uli ng travel pass ang mga pumapasok ng bayan. Kung hindi taga Lipa, ira-rapid test ka muna. Kailangan may mga papel ka rin mula sa pinagtatrabahuhan mo. Bukod sa face mask ay kailangan na rin ng face shield sa Lipa. Siguraduhin mo nang lahat at mahirap tumawid-tawid ng Batangas ngayon. "Ang dami namang tse-tse-bureche!" singhal n'ya na parang kasalanan ko.
Mabuti na rin kaysa wala:
(1) mamatay lang din naman s'ya sa kakaalak sa araw-araw, sumugal na s'yang magtrabaho sa siyudad na mataas ang kaso ng covid19,
(2) pauli-uli s'ya sa labas at kung sino-sinong kainuman, maya-maya pasalubungan n'ya pa kami ng sariwang covid, kung nasa trabaho s'ya at least nakapirmi lang doon,
(3) mamatay na sa inip.
Nakakaaduwa na nakakaawang tingnan e. Nakakaaduwa kasi kada magluluto ako saka lang 'yan babangon kapag kakain na lang, pagkatapos, hihiga na uli. Kapag nagpakulo ako ng tubig, saka lang din yan babangon para hatian ang tinimpla kong kape. Nakakaawa rin naman na ayaw gilas-gilasan ang pamumuhay at peke-pekein mo lang na okey ang lahat, hanggang sa maging okey. Ngayon, kung nabuburyot ka sa pagiging walang ambag sa ekonomiya, 'wag mo na kong aduwain pa sa pagtatamad-tamaran sa bahay.
Mabuti pa nga si Papa may tawag na ng trabaho.
No comments:
Post a Comment