Friday, December 31, 2021

tagaytay

umuwi si Roy galing Japan. 

nagkita na kami sa isang di naman kamahalang kapihan sa Tagpuan para maghabulan ng kuwento sa loob ng apat na taong hindi pagkikita. tumatawag naman ako noong nasa Japan s'ya pero literal na mabibilang sa sampung mga daliri kung ilang beses. wala pang sampu. 

mag-roadtrip daw kami sa Tagaytay, 

kasama sina Uloy at Eboy. si Ate Marvz ang magdadrive. nagkakaige nga kami dati sa 7Eleven lang tumambay at kumain, kahit saan sa Tagaytay basta magkakasama lang uli kami. ngayon pa ba na may mga tinatangkilik naman kami kahit papano tapos hindi kami makalabas man lang. dahil lang tinatamad akong lumabas. ayoko sa mga tao. ayokong magkuwento. magbabagong taon ang daming nagkalat na mga tao. pero maiksi lang kasi ang bakasyon ni Roy. babalik na s'ya ng Maynila para lumipad na uli ng Japan. sige na nga. para sa mga dating gawi.

nasa dyip ako papunta sa SM kung san ako susunduin nina Roy. tinatawagan ko si Uloy. "ano naman kasi at sikal na sikal kayong lumabas ng ganitong panahon!", hindi umuusad ang dyip halos. pero sorpresa na pagkalagpas ng bayan ng San Pablo, wala nang trapik hanggang Tagaytay. na ano bang makikita ko kundi ang lawa at ang bulkang Taal lang din naman. pero yun nga, magkakasama kami uli matapos ang ilang buwan kena Bo, apat-limang taon kay Roy at lima-anim na taon yata kay Ate Marvs at MJ (ex ni Roy, ay hindi pala yata naging sila).

hindi ko alam kung bakit parang lovelife lang ang 90% ng usapan sa sasakyan. siguro dahil yun ang magaan-gaan. pwedeng pagtawanan. lahat naman kami hindi biro ang pinagdaanan ngayong taon at kung pag-uusapan hindi kasya sa loob ng isang byahe pa-Tagaytay lahat ng mga bahae namin isa-isa. tumambay kami sa People's Park na lupaing sinakop ng mga Marcoses na papagawan sana ng isang mansyon para sa mga bisitang kano (na hindi naman natuloy). hindi naman kami humarap sa lawa, nanood kami ng mga tao sa damuhan. people watching sa people's park. bago humapon nag-drive na kami papuntang Leslie's para mag-bulalo atbp. sagot ng mayaman na na si Roy.

mag-iistarbucks sana kami kaso blockbuster ang pila kaya umatras na lang kami, pasensya na MJ hindi na natuloy ang first time mong starbucks. bago mag-alas-diyes nakauwi na ko sa bahay. grabe ring pagod ni Ate Marvz maghatid ng mga tao pabalik sa Quezon. 




Ganito Ang Ibig Sabihin ng Inflation

Ganito Ang Ibig Sabihin ng Inflation

Nasa San Pablo ako. Hinahanap ko ulit ang siomai-yan na kinakainan namin noong college nq purita kalaw pa ako. Dito kami kumakain nina Mama at Ate Edit kapag may errand kami sa siyudad. Dito kami kumakain ng The Scavengers na barkada ko nung college. Dito kami kumakain ng Bundol Boys. Kumain uli ako kanina yung dating kain ko na 50-60 na 2 order ng siomai, dalawang kanin at sopdrinks pesos ay 84 pesos na at wala na kong sopdrinks. Pitong taon naman na ang nakalipas at hindi naman nila binaba ang kalidas ng siomai nila, hindi lumiit ang cup ng kanin at walang pagtitipid sa sili at toyomansi. 

Wednesday, December 29, 2021

Disyembre 29, 2021

Sabi ko hindi na ako kailanman pipila nang mahaba sa ATM sa holiday season. Alam ko na at projected ko na ang cash na kakailanganin ko sa buong Disyembre. Ayun, nakapila ako sa City Mall dahil naubusan ako ng cash nang wala namang binibili masyado. Ayoko na sanang lumabas bukas pero birthday ni Papa at kailangang iligtas amg sarili sa family drama. Tamang-tama nagyaya sina Roy, Bo at Uloy na mag-drive hanggang Tagaytay, kotse ni Ate Marvz. Kailangan ko mag-withdraw dahil naubos na cash on hand ko. 

Iniisip ko next year mas makakamura pa ko kahit mabuhay ako mag-isa sa isang isla buong Disyembre. Baka dapat isipin ko na rin next year na dapat kung may mga ipapadala ako sa mga tao na regalo or may ibebenta ako, gawin ko na lahat November pa lang. Ayokong lumabas. Ayokong gumastos. Ayokong tumigil sa bahay. Kailangan ko na ng sariling bahay kahit yung parang bodega lang na puwede akong magkulong at magtawag ng mga diwata.

#

Disyembre 29, 2021
Taza Mia, Tapuan, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon








Monday, December 27, 2021

Disyembre 27, 2021

Kumain kami nina Malasmas at Song, hayskul friends; sa dati naming tamabayan: sa klasrum ni Song. Gabi pa lang nag-usap na kami. Magdadala raw si Malasmas ng bibingka na may keso at itlog na pula. SIge, order ako ng lima. Magdala ako ng spag, lutuin mo? 'Wag na raw. Sawa na raw sila sa spag at magdadala na lang sya ng sinigang. Kain muna kami bago lumabas papuntang SM. Kinaumagahan, walang bibingka, walang sinigang, at nauwi rin ako sa pagbili ng spag sa Jollibee. Maulan kaya hindi na rin kami lumabas sa malayo. 

Sa Jollibee, nag-uusap kami ni Malasmas. Nagku-quarter life crisis yata ang mokong at gustong mag-aral ng dentistry sa susunod na taon. Gusto ring bumili ng sasakyan. Pinapauwi rin kasi sya ng Bicol para mag-asikaso ng bonus at naghihintay lang ng exec. order mula sa palasyo. Kaysa ibalik pa ang natirang pondo sa dbm ay ibobonus na lang sa mga kawani. Kung kailan talaga maglalapse na yung pera saka aasikasuhin? #NasaanAngPangulo ang ganap sa pasko. 

Sabi ko lang kay Malasmas, alam ko na ang gusto ko sa buhay. Jowa na lang na may kotse at bahay na. 'yung pwedeng magpasundo kapag umuulan tapos galing kang grocery. yung may disposable income para gastusan ang advocacy o kahit smart watch na lang na galaxy? 'yung pwedeng kitain  kahit every 6 months lang; low maintenance naman ako or makikisakay na lang ako sa kotse nyo (sa future). Nag-iisip ako ng bagong hobby, pangarap kong mag-archery eh. Saan kaya meron? Naburyot lang ako sa sa buhay haba ng holiday na pakiramdam ko mas malaya at mas exciting pa ang buhay ni Chuckie kaysa sa'kin.

#


Disyembre 27, 2021
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon

Saturday, December 25, 2021

riles5

bisperas, pagod lahat sa bahay. ako lang ang hindi galing sa trabaho. gabi na umuwi si Mama. magtitinda pa rin daw sya bukas. sina Papa at Vernon, parehong galing sa trabaho sa Laguna; nagsisimula nang magtayo ng lamesa sa labas para tumagay. nagpiprito ako ng hahapunanin nang marinig ko uli ang sirena ng tren. ikatlong balik na yata ngayong bisperas. "Paskong-pasko naman, aayaw pang umuwi sa kanila". paramdam sa demolisyon sa susunod na taon. 

tawilis sketch

isa sa mga natanggap kong regalo ngayong taon ay ang color pencil sketch ni Rald Reb. isang matagal nang kaibigan mula sa Bulacan na kinulong ng pandemya sa bahay at bigla na lang humusay gumuhit. 'tawilis' ay isang color pencil sketch ng isang tawilis na endemikong uri ng sardinas sa lawa ng Taal. ang pakurba nitong tiyan ay marahil nasa hustong gulang para mangitlog. may dugo-dugo rin sa hasang at sa pagitan ng mata at nguso na nangyayari kaagad sa pag-aalis pa lang ng tawilis sa lambat. abuhan ang kintab na may anino ng malalim na asul  ang tawilis na nakalutang sa gitna ng puting papel.

'parang ang plain ng drawing ko' sabi ni Rald parang gusto nyang dagdagan ng detalye. okay na ko. tawilis. isda. taal. 'yan na nga, kung anuman 'yan.  

nilagay ko yung tawilis sa asul na frame na pinaglagyan ng certificate ko galing sa paggabay sa isang environment law class para sa pagsusumite ng pahinga sa pananawilis [tawilis seasonal closure] sa isang munisipal na ordinansa. 

nilagay ko sa lamesa ko 'yung tawilis - paalala na magpahinga.

Thursday, December 23, 2021

shuta ka colorwheel!

so ayun, natanggap ko na 'yung glass work na trophy for PKL Prizes in Art Criticism 2021 sa gabi ng birthday ko. kasama ng ilang pirasong catalogue ng gallery ngayong taon. grabe 'yung unboxing ko ng kahon, nagfa-flashback sakin lahat ng art activities nung elementary at hayskul. shuta ka color wheel! maingiyak-ngiyak na ko nun dahil hindi ko mahati sa 16 equal parts yung bilog. halos laging nanganganib mabutas ang papel ko sa watercolor arts. mukhang langib lang lagi ang work ko kapag gumagamit ng natural pigments galing sa mga bulaklak at dahon. naubos ang baon ko kakaukit sa perla at argo ng sculpture. para lang mauwi sa pagkatuto na 'yung art pala puwedeng hindi yung tinuturo sa skul, na puwedeng matisod mo pala s'ya somewhere at puwedeng ikaw pala ang magsabi na art yun para sayo at wala; hindi ka nila mapipigilan dear! nilagay ko ngayon yung glass work sa may lamesa. para nakikita ko agad kada umaga, gaganahan akong magsulat o gumawa ng mga bagay-bagay na pakiramdam ko wala namang may pakialam. magtetrenta na ako pero mahalaga pa rin sakin ang award. tsaka ganda nung trophy eh. hindi bagay sa bahay namin sa riles. 

ayun, tinatamad pa ring magsulat paggising ko kaninang umaga.

[excerpt para sa isang future talk in a writing workshop haha]

Tuesday, December 21, 2021

Disyembre 21, 2021

Nasa Perez Park ako sa harap ng Kapitolyo ngayon. Hinihintay ko si Ms. Boots para sa isang art criticism award na napalunan ko, may trophy at catalogue pala. Panes, art criticism. 

Sana mas marami pang puno sa mga parke para may mainam tambayan yung gusto magmuni. Chararat ng placing at estitika mga upuang bakal, naiinitan din naman so di mo rin maupuan. Naghanap ako ng medyo maliliman. 

Sa kinauupuan ko ay kitang kita ko rin ang mga luntiang basurahan. Chararat din ng pagkakapuwesto. Maganda 'yung stone art or sculpture sa gitna ng parke na tinatambayan ng mga Gen Z, nawalan ng integridad sa kung ano-anong nakasalampak sa parke. May stone work ng lira sa isang sulok. May mapang bato ng Quezon sa likuran ko na may mga puti-puting tigkal ng pinturado't konkretong kabute na di mo nga rin maupuan dahil bilad sa araw. Mga itim na basurahan. Mga pulang santa klaus at pailaw na higanteng krismas tri sa gabi. Children's playground sa bandang kanang bukana at ilang sementong gnomes. May ilan ding konkretong ulo ng kalabaw sa may harapan ng stone art. 

Sa mga puno, mabuti naman may ilang native species gaya ng narra. May mangga at niyog din. May mahogany malapit sa kalye. May isang namumukod tangi na parang south african species ng red orchid tree. Ilang halaman sa paso na mukhang naghihintay lang ng patak ng ulan. May nabasa akong batas na hinihingian ang bawat munisipyo ng native tree park o forest park. Hindi ko lang alam ilang puno dapat para matawag ang parke na isang gubat pero mas madali yatang magmulta na lang ng 100K pesos kaysa magdisenyo ng native forest park sa kasalukuyang kung-ano-ano-na-lang-maisipang siste. 

Dumating na si Ms Boots ng bandang alas-onse. Pinuntahan ko ang kahon sa kotse dahil nga mabigat dalhin. Ibinaba sa sasakyan ang malaking kahon; kasing laki ng kahon ni Chuckie. Ambigat nga ang trophy at catalogue. Nagpasalamatam kami ng mabilisan sa kalye. Bakasyon na ng mga tao sa akademya't mga institusyon. 

Pabalik ng Perez Park, may dumaang ilang battery-operated na pampublikong sasakyan. Parang kaya naman palang sumabay sa agos ng modernisasyon at pressure ng climate hype. Sino kayang may-ari ng mga mini bus? Sana hindi isang tao lang. 

Pagbalik ko ng parke, ibinaba ko ang kahon para tingnan ang nakakapit na label sa kahon. Ang ganda ng layout, iba -iba pa ang kapal ng mga salitang Ateneo, Art at Awards, yung 0 sa 2021 ay parang nalalaglag sa may t ng Ateneo.

Napansin ko rin na hindi ko pala pangalan ang nakasulat sa kahon. 

#

Disyembre 21, 2021
Perez Park, Provincial Capitol
Lucena City/
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon

Sunday, December 19, 2021

tawilis notes

ayun, matutulog na dapat ako kagabi. 

naiisip ko pa rin 'yung project ko sa tawilis. pano naman kasi parang nagpapatintero sa education program at communication for development (C4D) yung proposal ko. tapos, hinahanapan ako ng case study ng grant-giving body. so, kailangang mag-mutate ng project into a communication research? kasi kailangan kong masukat yung 'kawalang kamalayan' o awareness/compliance gap re tawilis conservation. bomalabs pa, kaya wala pa akong tools.

i-message ko kaya si Rabin para maghanda sa susunod na taon. medyo hindi kasi namin napupuntahan yung Laurel dati kaya magandang makakuha ng perspektibo ng mga mangingisda doon. sabi ko magpapahinga lang ako ngayong huling buwan ng taon, tanong lang naman.

pagkatanong ko, ayun naka-schedule na agad kami ng konsultasyon sa mga dating maumukot sa Balakilong. kasama ko na agad ang ilang envi law students ng Philippine Law School. may matutulugan na rin. hindi ko pa pala nakikita si Rabin ng personal kahit dalawang o tatlong taon na kaming nag-uusap ni Mr. Earth.

andun ang mga mangingisda. andun si konsehal, na ko-corneran na namin mamaya para i-lobby na akapin ang PAMB resolution as municipal ordinance para pagtibayin ang polisiya sa ilegal na panghuhuli ng tawilis lalo na sa panahon ng pahinga. nakapanayam ko ang ilang dating mamumukot.

interesting ang ilang mga pananaw, gaya sa kung bakit ba dapat pangalagaan ang tawilis: bukod sa kabuhayan, pumapangalawang dahilan ang pagiging kultural na pamana ng tawilis:

"kapag pumunta ka ng lawa ng Taal, dito sa'tin ang unang hahanapin tawilis kaagad eh"
"bata pa lang kami ay tawilis na eh,"
"mahalaga para yung ga anak-anak namin ay may maaabutan pang tawilis"

May ibang pananaw din tungkol sa pagkapanganib ng tawilis na inisip ko dati na baka perspektibo lang noong isang mangingisda pero narinig ko uli dito:

"mas maliliit na ngayon ang tawilis, kapagkakuha mo sa palngke iba na ang kapal hindi na gaya ng dati"
"iba na ang lasa"
"iba na rin, dati kapag inihaw mo ay mamatay ang sugba sa tuluan ng langis"

Hindi ko alam kung paano magpoproseso ng ganitong mga pagbabago. Anong research tools ba ang pwede. pero sayang eh di ba. tungkol naman sa pakikilahok sa pukot at suro:

"wala pa namang PAMB-PAMB dati. mahirap lang kami noon kaya nakikisali sa pukot"
"masaya sumali sa pukot eh. andun kayo lahat. ang daming tao" 

ayun, maraming salamat kena Aldrin Maristela at Philippine Law School sa pakikisakay ng pananaliksik ko sa konsultasyon at ordinansa para sa mga tawilis sa Taal. ang passionate ni kid. pakonsehal na rin ang datingan eh. 

salamat din sa pamilya ni Rabin na super asikaso sakin. dumadali ang pananaliksik dahil sa mga nanay na tumatanggap sa kanilang tahanan. nag-asikaso pa ng almusal, hapunan at tulugan. 

Friday, December 17, 2021

Minamadaling Madaling Araw

Minamadaling araw na naman ako. Isang buwan na akong walang direksyon. Kagaya ngayong gabi, ala una na nang madaling araw at naglilinis pa ako ng gamit. Maghapon na akong nalinis, naglaba, nagligpit, at nagsako ng mga patapon nang mga bagay. Ikakalungkot ng konti ang nga isinisilid sa sako dahil sentimental naman ako kahit sa mga resi-resibo lang. Ultimo, butones Jord! Hindi ito brilyante pero parang may maisusulat pa ko sa hinaharap sa isinubi kong butones eh. Mas naghihipigpit ako sa pagtatabi ng mga gamit.Tapon, nang di na mga kailangan o ginamit sa loob ng isang buwan. Linisan ang mga ginabok na gagamitin pa. Itabi ang mga di pa kayang pakawalan. 

Lahat 'tong nakapatas dito tatapusin ko pa bago magbagong taon. Kasi bago na lahat sa bagong taon e. Okay, may near-new year anxiety nga ako na gawa-gawaan ko lang. Kahit wala naman talagang reset button at puwede akong mag-ayos ng buhay ngayon din nang paisa-isa. Pause, walang new game sa new year. 

Pero nagmamadali pa rin ako na parang taranta kahit wala naman akong deadline. Ilang beses ko nang kinunbinsi yung sarili ko na marami ka nang napagtrabahuhan this year okay na magpahinga ka. Pero di pa rin ako mapakali, apply pa rin ako nang apply ng raket. Send pa rin nang send ng CV. Oo nga pala ayusin ko rin anh portfolio ko bago magtapos ang taon. Ohhhh alam ko na kung bakit hanap ako nang hanap ng gagawin, nakatanggap ako ng dalawang rejection emails ngayong araw. Nakadagdag yun sa dapat may gawin akong produktibo para matapalan yung pakiramdam na olats sa pinaghirapang mga konsepto. Isa akong malaking olats today. Hindi mababago yun kapag tinapalan ko nang pagsusulat pa ko nang maraming konsepto at anik-anik. Olats today, edi okay. Uulitin ko, olats today, edi okay.

Meron din naman akong panibagong interview, pero double olats pa rin nga today. Wag nang ipilit pagtakpan. Naadik yata ako sa hype ng pagtanggap, pagkapanalo, pagpasok sa banga kaya hindi ako natatali kapag nasa pantay o patag na sitwasyon lang ako at hindi 'high' ng small wins. Naadik akong mag-celebrate. Naanxious din tuloy ako na shete magtetrenta na tapos kailangan pa rin ng external validation at wala pa ring kasiguraduhan sa mga tinatayuan. 

Namnamin nga dapat ang nga ganitong panahon dahil panigurado kapag kumayod na uli sa susunod na taon, tatagyawatin na naman ako at mamimiss ko naman ang ganitong pakiramdam na walang ganap, walang nangyayari. Ako lang na tumatawid mula Lunes hanggang Linggo nang ordinaryo. 

Olats, ordinaryo, okay lang. 


#

Sito Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
Disyembre 15, 2021



Parang hindi naman ako buong taon na nakakontrata. Sinukat ko ay nasa 163 days lang ako naka-kontrata buong taon pero nasa 220 days ko natapos ang mga proyekto. Ibig sabihin nasa kalahating taon akong may iba pang ginagawa at 57 days pala halos ng pag-aasikaso ko sa proyekto ay hindi bayad, halos isang consultancy engagement na rin 'yun na sayang din. Mahalaga ang mga pakiramdam na binibigyang pansinpero mahalaga rin na tingnan ang mga sukatan para mas makita ang iba pang anggulo ng pag-iinarte. 


#

Sito Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
Disyembre 17, 2021


Monday, December 13, 2021

Trip to Tiaong: Hudyat

Pagsampa ko sa dyip kanina, wala na ang nakaririmarim na mga tambil ng plastik na hindi ko alam kung nakakasangga nga ba ng mikrobyo o nagpapalimahid lang sa pasahero. Wala nang mga tambil, ang hudyat na paggaling natin sa pandemya. Puwede na uli tayong umupo nang patagilid at magmuni sa bintana ng dyip. 

Kaya naman: busina para sa bakuna!


Tuesday, November 30, 2021

riles4


(pinto/pintuan)

tadtad lagi ng sticker ang pinto ng bahay namin. kung ano-anong census, survey, mapping bago pa man maisabatas ang community-based mapping system puro na paskin ang pinto namin. 

parehong pinto simula noong Grade 5 kami. nabaklas na ng bagyo't baha pinupulot lang namin. tuklap na ang balat ng kahoy. walang lock. nakatagilid na't alanganin na uling mabaklas. galing pala sa kusina ito nilipat lang sa harapan. 

1. rotary sticker. kulay orange. may simbolo ng PWD. may all caps na PRIORITY. may tag line na walang iwanan. krisis ng pandemya nang maabutan kami ng mga rotarian ng ayudang mga pagkain. bukod dyan, di ko alam kung bakit kailangan lagyan kami ng sticker.

2. Digital Mapping and Household Profiling. may logo ng PNR at DOTR. 2021-LLG3-282 ang code. minamapa ang dadaanan ng demolisyon para sa pagbubuhay ng biyahe ng tren. kasama kami sa mga bahay na masasagasaan. tinanong ang kalagayang sosyo-ekonomikal, kubeta, kuryente, materyales ng bahay. ginagawa ko rin ito sa DSWD bakit di pa naghingian na lang ng datos? marahil ibang bulnerabilidad at sukatan ng "pagiging mahirap" ang mayron sa Kagawaran.

2.a China Railway Design Corporation (CRDC) ay kasama ng sticker ng PNR at DOTR. ito yata yung kinomisyon ng Pilipinas na gumawa ng panibagong siste ng byahe ng tren na magdudugsong sa Bikol sa Maynila.

serial no: S-07-453
structure: wood


3. National Census ng PSA sticker. 

enumeration area number: 008000
bldg serial no. : 0306
housing unit serial no. : 0255
household serial no. : 0257

nume-numero lang. ni hindi nga namin magamit para indikasyon sa mga pa-deliver sa bahay. 'yung bahay namin hindi madaling makita. lalo na kapag nasa istatistika na lang na kasama ng iba pang mga bilang. 

Monday, November 29, 2021

riles3

bumibili ako ng shampoo nang marinig ko ang malungkot na "Jord, aalis na tayo," sabi ni ka denia; 'yung may ari ng sari-sari store. kausap nya 'yung renowned marites sa sitio na tabing-riles. tuloy na ang demolisyon ng mga bahayan paliwanag nila. kahit pa may pandemya. wala naman akong nasagot at hindi naman kami close nang may tindahan bagamat mabuti naman kaming magkapit-bahay. at ano namang isasagot ko? 

Sunday, November 28, 2021

Almost Annual Assembly (or Buhay pa pala ang Friendship na 'to)


Nagkita-kita ulit kaming magkakaibigan nung college: si Adipose Perlita at Rodora. Dalawang taon din na hindi ko nakausap ang tatlo. Kinidnap nga kasi ako ng mga alien nang dalawang taon ayon sa aking bersyon ng realidad. Ngayon lang uli ako ibinaba ng mga alien para makipagkapwa. Magkita-kita tayo nang maaga kasi di ako pwedeng gabihin gaya ng dati na may bus at hindi ko sure ang last trip ng Tiaong-Candelaria. Isang dyip o isang bus lang ang pagitan namin.

Maaga kaming nagkita-kita nina Ate Tin dahil bumili pa kami ng mga pagkain, fast food lahat at isang cake na may birthday tag na: Perlita. Nag-uumpisa nang magkwento si Ate Tin sa daan pa lang kaso pinigilan ko kasi baka ulitin na naman pagdating kena Perlita. Tinawagan nya si Rodora para daanan kami dahil taga-Candelaria lang din naman.

Rodora in Grey Estrada

Dumating si Rodora na minamaneho ang bagong Estrada. Two years ago kulay pula ang sasakyan nya at hindi ganito kakintab ngayon. Nakapag-area na s'ya kaninang umaga pa kaya bakante na. "Ang yaman mo na," sabi ko habang sumasakay sa driver seat at inaamoy ang bango ng kotse nya. Napagtange naman ako ni Rodora. Napag-usapan namin yung road trip nila noong July kasama ng iba pang kaklase. Nakapagtapos na pala ng Masteral si Hawen. Nag-aaral na si Sky at ayaw pa nyang sundan ito.

Papasok sa village nina Perlita. Ihanda ko na raw ang seatbelt sa mga kwento na naipon sa loob ng dalawang taon na wala akong balita sa outside world. "Kumusta na kaya si Ara, malaki na kaya ang tiyan nun?" sabi ni Rods. Bakit buntis? *silence "Buntis nga?!" inulit ko pa yung tanong. Tumawa na si Ate Tin na nananahimik kanina pa at ayaw n'ya raw na sa kanya manggaling sana. Tatawa-tawa si Rods sa pagkadulas. "So pano mamaya? Mag-aacting pa ko na magugulat?" hindi ko kaya, isusumbong ko kayo na tsinismis nyo si Perlita kahit 3 mins na lang at malalaman ko rin naman na.

Perlita and her Womb

Ayun, babae nga ang kaibigan namin dahil buntis nga ito. Pabalik na sa Japan  sana uli nang magpositibo hindi sa antigen test kundi sa pregnancy test kaya ayun nasa bahay. Hindi sya interesado sa kasal, wala namang kaso sa'min kaya lang nakataas na agad ang kilay ko dahil alam kong taong simbahan sina Tya Dolly (mama nya) at ibang usapin 'yun.

Doble kayod daw ang nakabuntis sa kanya (jowa nya). Hindi na raw natuloy yung plano naming mag-roadtrip sa Tagaytay kasama ng jowa nya. Puwede naman daw na sasakyan ni Rodora ang gamitin kaso ay kaya raw bang bumiyahe ng ganung tiyan. Kahit kailan daw basta Sabado o Linggo ay puwedeng mag-drive paakyat sa Tagaytay si Rods. Ano namang makikita ko sa Tagaytay? Bulkang Taal pa rin?


Daming Naganap

Kinuwento ko rin kung ano na bang pinaggagawa ko sa loob ng dalawang taon. Kung paanong nagsisimula pa lang uli dahil sa dagok ng pandemya. Kinuwento ko rin na medyo alam ko naman 'yung ilang kuwento sa buhay nila. Nabalitaan ko na namatay na sa cancer ang tatay ni Ate Tin. Na nakauwi na si Perlita sa Pilipinas. Na kasabay uli ang kaarawan ni Rodora at paggunita sa pagtama ni Yolanda. Pero sinadya ko rin di makipag-usap sa mga tao.

Kapapanganak lang din daw ni Bibe, kambal! Nag-dayoff lang si Ate Tin para makipagkuwentuhan samin. Inaaway na sila sa usapin ng lupa kahit wala pang babang-luksaan ng tatay nya. Kinasal na si ganito. Namatay na ang nanay ni ganito. Naaksidente si ganyan. May anak na si ganito. Nagme-maintenance na si ganyan. Nakapag-masteral na si ganyan. Taga-react lang ako sa lahat ng nangyari na kung tutuusin hindi rin naman relevant sa buhay ng isa't isa at puwedeng mangyari lang nang di mo alam at yun dere-deretso pa rin 'yung buhay ng mga tao.

Lumipat kami sa labas ng bahay nina Perlita para tumambay lang uli. Ang sarap lang magpagani-ganito no? Kung malapit lang kami edi mas madaling makitambay. Hindi pa pwedeng gabihin ngayon dahil mahirap ang byahe ng dyip, di ko alam ang last trip. Di ko pa rin alam kung saan pwede sumakay ng bus. Di gaya dati na kahit pahating-gabi na e pwede kaming maghiwa-hiwalay.

Nilabas din pala ni Perlita ang pasalubong nya sa'kin galing Japan. Maliit na notepad, ilang stickers at may chocolate bar na wag ko na raw kainin dahil may amag na. Kinain pa rin naman namin sa bahay dahil pagkaamoy ko, wala pa namang amag, sayang. Babalik pa raw sya pagkaanak nya kailangan nyang bumalik dahil nakapirma sya ng kontrata "or else makukulong" sabi ni Perlita.

Uwian na

Papunta sina Tya Dolly sa bayan kaya sasabay na ako pag-uwi. Sayang din ang trenta pesos sa traysikel no. Hindi ko alam kung kailan kami magkikita-kita uli. O kung matutuloy ba ang Tagaytay na byahe. O kung kailan ba manganganak si Perlita. Pero ganun lang kabilis ang dalawang taon pala. Buhay pa pala ang friendship na ito salamat naman sa matiyaga na nag-oorganisa na si Ate Tin.

#


Tuesday, November 23, 2021

Habang Wala Pang Matino

 Hindi ako fan ng small talks.

Mahaba akong mag-reply.

Tinaguan ko ang tanong na “kumusta?!” sa pagsisimula ng Zoomocene period. Mangyaring sabihin lang agad-agad nang walang paligoy-ligoy; nang walang mga paimbabaw na pangungumusta. Kung ano-anong mga ganap sa loob ng isang taon para lang manatiling matino sa panahong nililigalig tayo ng buang na daigdig. Nakakalokang isipin kung saan ka lulugar sa pagitan ng pagtapik sa balikat dahil “ayos lang ‘yan basta’t buhay ka sa ngayon” o sa pag-uumpisang aralin ang mga bagong silang na mga agos.

Habang wala pang matino bukod sa mga pantasya ng mga pangsalba ng sariling katinuan na mga proyekto, humanap kami ng mga pag-uubusan ng ekstra-ekstrang oras, talino’t lakas. Ambag na rin sa pagtutulak sa natapilok na ekonomiya. Si Tita Cars, na bukod sa nagtitinda ng ispageti sa kanilang village ay nagbabato rin sa’kin ng mga raket na dapat pagpasahan ng resume.

Mood. Sa mahigit 355 entries (as of June 13), nasa average ako ng 3.5 (41%) sa tala-damdaman (moodtracker) ay kasing bughaw ng tahimik na dagat. Ang Okay ay: ‘yung mga karaniwang gising, pagkabagot, pagkatapos kumain, kaunting lungkot, hindi masarap na ulam. Luntiang gubat ang kadalasang damdamin kung Biyernes.

Nakatanggap ako ng isang raket na transkripsyon ng ilang panayam sa mga nanay sa Addition Hills. Para akong balik-kagawaran [DSWD] dahil sa ingay ng komunidad habang nasa isang focus group discussion. Ang challenge ay naririnig ko rin ang dramarama sa hapon sa recording kasabay ng mga pananaw nila sa programa ng gobyerno. Kahit wala akong nakikita, naririnig kong magkakadikit ang mga bahay sa Addition Hills at magkakalapit ang mga tao kung paano nila pakitunguhan ang isa’t isa sa loob ng diskurso. Simula noon, laging nasusugagaan ang mga balita tungkol sa Addition Hills kesyo nasunugan ang ilang daang residente idagdag pang naging hotspot ng hawahan.

Nakatanggap din ng raket tungkol sa first 1000 days ng mga bagong silang, kung gaano kalayo ang bahay sa barangay health center, kung anong natutunan tungkol sa nutrisyon, gaano kadalas ang pagpapatingin, mga balakid kung bakit hindi nakapagpapasuso. Hindi makahabol ang pagtipa ng titik sa rehistro ng salita mula sa pinakikinggang panayam. Nakikita ko si Nanay A na naglalakad kasama ang anak na biglang pumara ng trasyikel dahil sobrang init o kaya’y biglang bumuhos ang ulan. Napansin namin ni Tita Cars na ang bagal naming mag-transcribe dahil nahuhuli namin ang sariling nag-eevaluate ng mga implikasyon ng pagkaantala ng mga programang pangkalusugan. Bubuntong-hininga na lang at iisiping basta’t ang mahalaga sa ngayon ay manatiling buhay.

Mood. ‘yung rehiyon na kulay ube ay indikasyon ng lungkot baka dahil sa magandang pelikula rin, mga rejected project proposals, balitang badtrip at mga pakiramdam na parang ang daming dapat gawin kahit wala namang talagang gagawin kundi matulog lang sana. Kung hindi ko mapangalanan ang mga palapag ng pakiramdam, edi ‘ayan kulayan.

Tumanggap din ako ng isang raket na sa wakas ay kinailangang lumabas para makipag-usap. Inusisa ang ilang taong gobyerno kung anu-ano at paano ang mga adaptasyon na isinasagawa ng isang siyudad kahit noong hindi pa ganito ang kalagayan. Mas naging abala ang mga tao ngayon dahil pwede ka nang umattend ng dalawang meeting nang magkasabay dahil nga nasa Zoomocene period. May mga restriksyon at rekusitos pa rin sa pakikipag-usap. Nakapanayam ako nang may harang na plastic sheet at sumasagot ang kausap gamit ang isang radyo. Nahinto rin ang pag-uusap dahil ilang minuto lang ang nakalaan kada kliyente.

Habang wala pang matino, naging suki rin ako ng ilang fellowships sa pag-asang magawa ang mga nasulat kong projects noong isang taon pa. Nag-exhibit ako ng Quarantine Phases sa graduation rites ng isang fellowship na documented at doodled kong mga mukha habang unstable at nag-eevolve ang pinakamahabang lockdown sa daigdig. Sa isang pitching exercise, gumamit ako ng degradasyon ng ugnayan bilang ugat ng degradasyon ng kalikasan na “mabibigat na mga salita” ayon sa isang science community. Ang pagpapatintero ko sa pagitan ng agham panlipunan, gawaing pangkanayunan, tula at ekolohiya ay nagpapalabo sa mga pagitan na gusto kong gawin. Iniisip ko tuloy kung may “ordinaryong mamamayan” na dapat kausapin kailangan bang isipin kong maliit lang kung di man makitid ang pagsasalinan. Ordinaryo lang din ba ang kayang isipin ng ordinaryong mamamayan, walang lugar sa paglilimi, pagtatanong at pagdududa? Ang direskyon lang ba talaga ng pagsasalin ng siyensya ay mula taas-pababa? Inaalala ko kung nakakita ba ko dati ng ordinaryong tao sa mga ordinaryong komunidad.

Emotion Count. Anim na raan at animnapu’t siyam (669) na dami ng mga damdaming naitala sa loob lang ng kalahating taon. Minsan ang mga kulay ng damdamin ay hindi hiwa-hiwalay bagkos ay sapin-sapin. Ang tendency chart ko ay ibang paraan para sabihing ang “okay lang” ay correlation ng kung anong nangyari, nangyayari sa paligid gaya ng metyorolohikal na panahon o sosyo-politikal na klima, anong kinonsumo (pagkain/pelikula/panitikan), at anong ginawa ko at gustong mapangyari- ang totoong dramarama.

Ang hirap lang ding lumikha ng daloy. Lalo na kung wala kang pagpipiliang espasyo kundi kasama nang mga ayaw mong makarinig sana sa mga sinasabi. Kung bakit pinapanood ako habang nagsusulat, hindi naman ako nagtatanghal. Ikapipigtal ng pisi mo ay kapag sumasagwan ka na sa bukana ng daloy ay bigla kang hahanapan ng nail cutter Hindi mas mahalaga ang adbokasiya, trabaho, o anumang -ismo na inilalako mo sa screen kaysa sa kuko na kailangan nang putulin.

Sleep & Restedness. May mga pagtulog na hindi pahinga kundi pagpikit lang. May mga gising na parang kaya mong mag-isod ng mga bundok. May magdamag na inabangan ko lang ang araw. May mga tulog sa tanghali na akala mo gabi. Pinaka mahahabang tulog sa Marso at pinaka nakahinga ang Pebrero.

Nanakawin mo pa ang mga gabi habang tulog ang lahat, na parang gumagawa ka ng mga kabalbalan. Habang ninanamnam ang kuliglig o ulan dahil deserve mo ‘yun habang nagsusulat ay biglang gugulatin ka ng mga malalagong na “huy! matulog ka na!”. Hihinga ka nang malalim para ipaliwanag na ito ay “Geographical Mapping of Memories of a Freshwater Ecosystem” o “Virtual River Navigation as a Communal Experience” parang channelling oral tradition sa paglalakad lang sa baybay ilog Ma! Pero huli na ang lahat, nagawa na ang krimen: napagsasaksak na ang kaisa-isang musang dumalaw sa isang iglap na “huy!”. Hindi ko alam kung paraan ng langit para gisingin ako sa pananaginip na ang mga sinusulat ay nasa panahon ng mga hindi maaari. Siguro paraan ko rin lang ito ng paglalandi habang wala pang matino.



shortlisted for PKL Foundation Award for Art Criticism 2021

Masaya rin namang magtupi-tupi ng mga bangkang papel.

Tuesday, October 5, 2021

santan

nangahas din naman sa pitas sa maririkit na saglit
hilang dahan sa hibla pagkakatas sa mga misteryo, pigil-hinga 
usal ng himala sa nobenang malalanta; pigtas ang ikinuwintas na baka sakali
pagdamutan man nang langit, walang pagsalang nangahas
pamumukadkad ng pagsisisi



#

Friday, October 1, 2021

raket 4.a

medyo nakakapagod pala kapag dala-dalawa ang kinaangan mong raket at the same time. akala ko kasi mabilis lang o kaya madali lang. hindi ko na pala alam kung paano gawin, kung di lang malaki-laki ang bayad kahit papaano at pagkakataon ko na rin para dumawdaw uli sa lawa ng Taal kaya ko kinaangan. tiisin mo ang pagod, gahaman ka e. sobrang bilis lang ng pangyayari. paggising ko ay nasa matandang bayan ng Taal na ako at isang buwan na pala ang lumipas sa panibagong raket. wala pa akong nasusulat o naipapasa kahit ano. umuwi muna ulit ako sa'min at nanood pa ako ng pelikula.


Oktubre 01
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon


#

o huling dalawang araw na ng pagpaplano kung anong dapat gawin sa mga alagang hayop kung nag-aalburuto ang bulkan. deadline na ng plan bukas sa bagong raket, nasa 80% completion rate naman na ako. ang dami kong realization notes kaso kung saan-saan ko nasusulat. ang gulo ko pa rin maghawak ng data o talagang magulo lang din ang data mula sa gobyerno, mabuti nga meron kahit papano. sa sapin-saping sakuna, sinong magpapagod pa para magkamada ng mga data? idadagdag mo pa sa trabaho sa baba. pero mahalaga pa rin ang mga datos lalo na sa pagpapaunlad ng mga sistema at pagtukoy kung saan ba bumubumukol, saan ba masakit, saan bang bahagi ng sistema ang kailangan hilutin. 

Oktubre 14
Aquino Bldg, Poblacion
Taal, Batangas

#

sobrang pagod ko today, kakatapos ko lang ng liquidation reports. kahinaan ko talaga finance at admin works. sumasakit ulo ko at bumabagal ako lalo. di pa ko tapos magsulat. mabait naman yung org, nakikinig sa mga feedback kung paano mapapadali ang trabaho. yung director sa kabila ng kaabalahan, nakuha pang mag-email ng pagbati sa natapos na trabaho. kumain kami nina axel at kuya j at pinsan ni axel sa Don Juan. ipinaasikaso na rin ang sweldo kahit di ko pa tapos yung trabaho. pinadalahan din kami ng pamasahe pauwi. huling araw ko na sa apartment. maglilinis pa ko ng kubeta bukas bago umalis. malungkot kasi iuuwi ko pa rin sa bahay yung trabaho, wala na rin akong shower sa bahay pero masaya dahil makakauwi na. 


Oktubre 15
Aquino Bldg, Poblacion
Taal, Batangas

#

hindi ako maka-focus sa trabaho. ang daming nag-uunahan sa diwa ko. kasi dapat hindi ako pinasuweldo muna eh. haha. pero nasa bahay na uli ako. naghahanap ng sipag. isang linggo na pala ang nakalipas simula noong deadline. may itinawag na uling trabaho sa'kin, hindi pa ako maka-oo sa mga bagay-bagay, wala pa ako sa tamang hulog. ayusin ko muna ang mga naghihintay na dapat nang maipasa.


Oktubre 21
Sitio Guinting, Brgy Lalig
Tiaong, Quezon

#

napakahalaga ng post-project na recovery period. hindi pa nga post-project kasi nagsusulat pa rin ako. ganito pala 'yung pagmamapa, hindi lang basta sasabihin kung saang banda, kailangan din ng sino-sinong mga kasali, gaano karami, at anu-anong kwento. may mga kwento kasi na hindi kayang ilunan ng mga bilang at pananda sa mapa. Kailangan talaga ng mahaba-habang paliwanag kung bakit hindi kaya, paanong posible at anong paraan ang mga ginawa na taliwas sa plano. kunwari, kung bakit hindi o ayaw lumikas ng mga magsasaka sa panahong nag-aalburuto ang bulkan: may mga nanakawan na pala ng hayop dati, reskyu-pit o nakupit sa rescue. hindi naman intensyunal na ninakaw. iniligtas lang ang mga hayop kaya lang, wala naman doon ang may-ari at walang siste ng pagtukoy sa kung sinong may-ari ng mga nilikas na hayop. Nang humupa ang bulkan, o edi hindi na napabalik sa kaniya-kaniya ang mga marmaing hayop. ngayon, ayaw nang maglikas lalo ng mga magsasaka ng hayop nila. aalagaan na lang nila sa kanilang mga bukid kahit sakop pa ito ng pagputok ng bulkan. "ilalaban na lang namin ng sabayan ito." sugal na lang. 

paano ka magpaplano kapag may ganitong karanasan?


Oktubre 24
Dona Concepcion Umali Elementary School
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon 


#

42 PAWS Recent Living Recent History Artifact

Sa isang site assessment para sa mapa ng mga ligtas na likasan ng mga alagang hayop sa paligid ng bulkang Taal; hinigit ako ni Mark, kawani ng gobyerno, para tingnan yung isang kabayo na nailigtas sa paanan ng nag-aalburutong Taal noong Enero 12, 2020.

Wala namang kinalaman si 42 PAWS (ID mark ng kabayo) sa sinusulat kong mapa pero sikal na sikal talaga si Mark na ipakita sa'min yung nakaligtas na kabayo kaya inikot namin ang buong pasilidad ng pamahalaan para sa kabayo at nakasuga pala s'ya sa kabilang lote, panguya-nguya ng damo. Napabati ako ng kumusta sa kabayo.

Wala nang kabayo ngayon sa Pulo (Taal Volcano Island). Islang walang nagmamay-ari na ulit ang bulkan. Ganoon din naman noong mga nakalipas na dekada, ginagawang permanent danger zone (PDZ) pero tinitirikan pa rin ng bahay, tinataniman ng kamote, at pinagsusugaan pa rin ng hayop kalaunan na parang karaniwang bundok lang ang bulkan. Kamaka-maka mo'y nagbibilihan ng lupa sa Pulo may mga natitituluhan pa. Iba lang ngayon, nasundan ng virus ang bulkan, nagkaroon na ng pabahay na malilipatan ang ilan sa taga Pulo. Kung magkakaroon uli ng populasyon sa Pulo sa hinaharap, hindi natin piho. Patay na ang turismo sa bulkan gaya ng maraming kabayo. Baka masama ring tanungin si 42 PAWS ng kumusta.

Habang nasa biyahe o nasa apartment sa Taal binabasa ko ang ilang sipi sa Geografia Historica (Murillo, 1754) at nakikita ko uli ang mga naratibo na ilang ulit ko na ring nabasa noon pero may mga bago akong napansin. Nobyembre a Uno, nagbuga muli ang Taal na nagpalikas sa populasyon ng San Nicolas sa Sanctuario De Caysasay. May paglalarawan sa isang inang hikahos sa pagbiyabit sa dalawang anak at mga damit dahil a Siete pa sila lumikas. [At tungkol sa Inclusive Anticipation sa Taal Volcano Eruption Risks ang project]. Kinaumagahan, bumalik din ang mga tao para tingnan ang maaari pang maisalba sa kani-kanilang bayan. Maraming bangka ang nakatambak sa bunganga ng Pansipit at pagmamay-ari ng alcalde. Maraming namatay na mga hayop, kabayo, kambing at mga baka. Kung may mga natira man ay nangamatay din sa gutom dahil walang binuhay na damo ang abo ng bulkan. Kung ano ang narinig ko sa mga konsultasyon ko sa komunidad, ganun din ang nababasa ko sa mga tala sa mahigit dalawang siglong nakalipas. Nakailang ulit pa ng paggising ang Taal pero magkakamukhang mga danas.

Si 42 PAWS ay bisiro pa nang mailikas mula sa bulkan ng non-profit na PAWS. Maraming inilikas, ginamot, inalagaan at binili ang PAWS sa mga nailikas na hayop sa bulkan. Kung susuriin halos apat na technical intervention ang ginawa ng PAWS kay 42 at sa iba pang mga kabayo katuwang ng pamahalaan ng Batangas. Ayun ang naging at patuloy na trabaho, isiksik sa alaala ng sistema na may ilang diskarte o kaparaanan ang maaaring tahiin o idisenyo sa mga komunidad bilang pag-aantabay, bukod pa sa pagtugon sa mismong paggising muli ng bulkan.

Also, sa paggawa ng mapa kailangan ko talagang ikuwento dahil hindi titindig ang mga bar graphs bilang sapat na tungtungan para sa mga pagdedesisyon sa panahon ng heolohikal na kalamidad.

Ilalayo naman nga't wag nang ilalapit.

#

Nobyembre 02, 2021
Sitio Guinting, Brgy Lalig
Tiaong, Quezon



#

Saturday, August 28, 2021

Field Notes Pansipit II

Nagkita kami ni Axel matapos ang mahigit isang taon. 

Kukuha lang kami ng drone shots at references sa Pansipit. Para hindi na raw ako bumiyahe at mas tipid, sinundo na n'ya ako sa Rob. Nagpaalam s'ya nang maaga sa trabaho sa Tanauan. Marunong pala s'ya magmaneho.

Sa kotse, ayun nakailang subok ako na basagin 'yung hiya. Ayun, hindi man lang sumasagot si driver. Pre-pandemic pa lang sobrang awkward na ni Axel lalo na ngayong mahigit santaong Zoom at Viber lang ang usapan at hindi gaya nito sa kotse. Hindi ko alam kung nag-umpisa ba ko sa kumusta o sa pagtatanong kung bakit tatlong oras s'yang mas maaga sa pinag-usapan. Takbong pogi lang. Walang hinahabol. Natanaw ko kaagad si Maculot at ihinaya ang kamay sa bundok. Bawal pa ring umakyat sa ngayon. 

Kailangan kong matulog malapit sa may ilog dahil hindi ako makakarating nang maaga sa Taal liban na lang kung madaling araw pa lang ay nasa dyip na ako. At kung madaling araw ako kailangang magising, hindi ako makakatulog talaga sa takot na baka di magising nang madaling araw. Nasa isang farmstay ako at nag-iisa lang ang bisita sa buong bukid ngayong gabi.

Lumabas pala kami nina Axel kanina kasama si Kuya Jay na nagmaneho para sa'min. Nagmamaneho rin pala si Kuya Jay sa funeraria. Kaya pala mabagal lang ang andar namin. Kumain kami sa Casa Gachallian sa San Luis, ewan ko kung bakit kailangan sa labas pa ng Taal kami kumain. Ikalawang bisita ko na 'to hindi na dapat ako bisita. Umorder ako ng Tapang Taal. Si Axel ang nagbayad, hindi tumalab ang "I insist-insist" ko. Sulat ko lang din dito para lalo akong mahiya. 

Hindi rin kami nakapagplano ng shoot sa kainan, nagkwentuhan lang kami. Hindi ko alam kung gusto ba ni Axel na dapat ba 'sulitin' ko yung pagpunta sa pagsisiguro na produktibo 'yung lakad. Mas trip ko kasi kung ano lang, 'wag manghinayang sa ibiniyahe, sa inilakad, sa isinadya at hayaan lang dumaloy ng kusa. Kung ang pinaka maaari lang na ipinayag ng pagkakataon ay ang makasilip sa ilog at pumitik ng ilan, marami na 'yun. Nakuha na ang isinadya.

Paalala sa mga sarili: hindi natin mandato ang pagliligtas sa ilog, kundi magdaos lang ng paglalandi.

Tikatik ang ulan sabi ni Kuya Jay. Baka hanggang bukas at hindi kami makapagpalipad ng drone to get a bird's eyeview shot. Gusto sana naming kunan 'yung lagay ng ilog sa bahaging Lemery-Taal at sa San Nicolas-Agoncillo na dulo't dulo ang pagitan at halos dulo't dulo rin ang pinagkaiba ng mga karanasan sa ngayon. Gusto kong magsunson ng mga karanasan sa baybay ilog. 

Bukas alas-otso ang almusal at mag-isa lang ako sa malaking dulang. Walang ibang bisita sa farm. Pinupuyat ako ng maiingay na mga kuliglig. ng ulan. ng kiskisan ng mga dahon at sanga. Nakatingala lang ako sa malamlam na ilaw, sa bubuongang sawali. Maganda ang pagkalalala hanggang mawalan ng malay - umaga na pala.


Sinundo uli ako ni Axel pagkatapos ng almusal, halos dalawang araw ang kinain ko sa araw nila. Inuna naming baybayin yung bahagi ng Pansipit sa may Butong, sa may seaside. Sarado ang ilog. Ang daming basura. Ang daming maliliit na kanal papuntang ilog kahit isang opisina ng gobyerno ay deretso rin sa dagat ang discharge pero "treated" naman yata. Ang daming barung-barong sa bahagi ng Lemery at sa katapat na ilog ay ilang murals tungkol sa kalikasan. Kumausap ako ng ilang mangingisda. May panambak na galing sa gobyerno para yata kapag tumataas ang dagat. 'yung bunganga ng ilog ay wala pa yatang isang dipa ang bukas dahil sinarahan na ng hampas ng dagat ang bibig ng Pansipit. May nabigti pa nga na aso ng sariling tanikala at hindi makasigaw si Axel dahil nahihiya raw sya, nakita rin naman daw ng mga residente yung aso bago nalagutan ng hininga. Sa isang bahagi pa ng Pansipit, may bahay na pinagbibili na. May mga kulungan ng ibon, manok sa mismong ilog. May isa pa rin namang tagak na naghahanap ng pagkain. 

Binaybay uli namin ang bahagi ng Pansipit sa Tatlong Maria hanggang sa may diversion na malapit lang din sa pinagsanagahan ng Pansipit papuntang Palanas. Ibang ilog na simula noong isang taon na naglinis kami rito pagkabalik galing sa disaster response noong Taal volcano unrest 2020. Wala pa ring tubig yung ibang bahagi. 'yung ibang bahagi ng ilog may tubig lang na kaunti pero mukhang rain-fed. Nakatatlong kulay ako ng tutubi na nakita. Ipapakita ko sana yung bayawak na nagpapainit sa tabi ng mga water lily kena Axel at Kuya J kaso ang ingay nila kaya ayun walang recorded observation ng bayawak. Parehong nasa alanganin ang lagay ng dalawang uri na nabanggit. Pinulot kami sa kangkungan, may naaubutan pa ng kami na nag-aani talaga sa mga kangkungangang bakud-bakod na. Marami na ring damuhan at may naggagapas na ng baret bilang kumpay sa baka. Tubig lang ito lahat dati. Inabot kami ng kaarawan ng alas-diyes bago nakabalik sa kotse. 

Sunod na bahagi ng ilog ay yung sa may San Nicolas, fish port pala yung abandonadong structure doon. Hindi nagagamit dahil hindi naman strategically located para daungan ng mga huli. May mga naliligong mga pami-pamilya at barkada kaya nahiya tuloy si Axel magset-up ng drone. Naglakad-lakad lang din kami hanggang mapagod. Sarap sanang maligo kaso wala akong dalang damit. 

Pagkatpos kumain kami sa isang japanese food haus sa may Brgy. Balete sa San Nicolas, tanaw ang uusok-usok pang bulkan. Isang taon mahigit din kaming di nagkita ng bulkan. Sa mga nilakaran namin ganun pa rin, nakatingin ako sa linya ng mga bahay at gusali. Sa mga paagusan ng tubig. Sa mga samut-saring buhay na nakakatawid sa pagbabago ng ilog. Anong plano? Wala, di ko alam. Bakit ako muna,

Nakabalik sa tabi ng lawa matapos ang isang taon at hindi pa rin tapos ang mga pag-aalburuto. Hindi ko muna alam, pwede namang sundin ang strat plan, mag-stakeholders meeting, o kung anong disenyo ng pakikialam pero mas piniling magpahinga, magmasid, magtampisaw lang muna. Alamin kung kakayanin ba ang ginaw ng tubig, kung gaano kalalim, at kung marunong pa ba tayong maglangoy. Hindi lang namin din gustong gawin ang mga bagay-bagay na parang trabaho, kung labas sa daloy; marami pa namang araw. Pagpapahinga sa halip na pagpapakabayani. Mas maraming dahilan para mag-alburuto sa ngayon kasing dami ng mga dahilan para magpahinga lang. Kung kailan ay kung kailan uli umagos. 

Maraming salamat sa mga hanging nagtutulak at pakikisagwan!

Tuesday, August 24, 2021

Huy! Buhay ka pa pala?!

Bumaba ako ng dyip. Dapat sana sa may checkpoint ako baba pero dahil medyo lutang ako kaya inabot ako hanggang City Mall. Tapos, wala naman pala akong face shield kaya hindi rin ako makakapasok.

Biglang may mga sitsit at paghohoy-hoy, paglingon ko si Uloy, si Bo at si Alfie at napahagalpak ako ng tawa. Mahigit isang taon ko nang hindi nakikita si Bo. Mahigit tatlong taon kong hindi nakita si Alfie na kakagaling lang ng Japan. Isang taon ko ring di nakita si Uloy, huli lang nitong bandang Mayo ngayong taon at saktong-sakto dahil nagpositibo ako noong araw ding 'yun. Edi kulong s'ya sa simbahan nila. 

"Bakit buhay pa kayo?!," kako. Kakain pala sila. Day off kasi nina Bo, siguro nahigit lang si Alfie na kumain sa labas. Kanina pa raw sila ikot nang ikot sa bayan. "Andun din ako, kumain ako sa L.S. (siomai)". Kanina rin daw tusok sila nang tusok sa palengke ng Lusacan ng botsi at proben, nakababa ang face mask at nakain e habang nasa likod lang nila ang mga pulis. "Andun din ako kanina, kanina na nga lang uli ako nakatikim ng proben sa Lusacan mahigit sang taon na," kako pero hindi kami nagkita-kita't dito pa kami nagpangabot sa mall. 

Kumuha pa ko ng face shield kay Song at ayokong bumili sa labas ng mall at trenta rin. Kakain daw muna sila sa Jollibee. Binalikan ko na sila at nagkuwentuhan kami sa food court. Kesyo nagpakasal si ganito, namatay si ganyan. Hindi nagre-reply si ganito at hindi makutaptapan si ganyan. Hindi na kami nakapag-selfie man lang. Hanggang masaway kami ng security guard dahil pandalawahan lang daw 'yung lamesa, kaya lumabas na lang kami sa McDo. At least doon, al fresco dining.

Parang ganun lang din, parang nitong nagdaang linggo lang kami hindi nagkita-kita. Parang walang nangyari. Hindi na rin nakuhang makapag-selfie. Inalala naman din namin si Roy na nagluluksa dahil sa pagpanaw ni Lola Cherry. Halos dikit-dikit din kasi ang mga bahayan sa bahaging iyon ng Lusacan ang bahay nina Roy kaya hindi pinaligtas ng pandemya. Naalala ko sinendan ko si Roy ng Zoom link para kumustahin man lang, s napagkamalan n'yang seminar ang link. Matino naman ang pamagat ng meeting ko: "Pasok, mag-inang sirena!". Naiwan pa si Roy sa Japan.

Hanggang sa muli, balak naming mamitas ng mga pananim na gulay ni Alfie sa kanyang inaariandong lupa't pataniman.




Monday, August 23, 2021

Walang Pagmamadaling Madaling Araw

Kung kailan talaga nakahiwalay ang kaluluwa ng marami, doon mas madaling maghugas ng sarili kaluluwa. Ang banayad lang ng daloy ng paglikha, ng sanaysay, ng kung anong pinagkit-pagkit, ng mga pinaglilinya-linya, ng mga tinatagni-tagni. Kumitil ng mga sandali na parang hindi ka na sisikatan ng araw. 

Sa kaso ko, napansin ko may panahon talaga na hindi ka makakagawa at magpapataba ka lang sa pamamagitan ng pagkonsumo nang pagkonsumo; ng mga pelikula, ng mga libro, ng mga tula, ng mga laro, ng mga kanta. Maglulubalob ka lang sa pagmamaktol na wala kang palong sumulat kahit nakapila naman ang mga  sanaysay, inspirasyon sa tula, artikulo, para gupitan o bihisan. May mga linggo talaga na ayaw bumuka ng gunting, wala munang kliyente. Kapag ganito, ginagawa ko lang lahat ng tungkol sa trabaho.

May mga panahon din, kahit subukan kong pigilan, na gusto kong nakikipag-usap tungkol sa ginagawa mong proyekto o susulatin pa lang. Kahit nasa 5% ka pa lang ng draft, ikinukuwento ko na. Tapos, pagsisisihan ko na kinuwento ko kay ganito o kay ganyan kasi minsan ayaw ko na ng project, nakakahiya lang na di ituloy kasi ikinuwento ko na. Ayun na lang ang nagtutulak para ituloy ang proyekto: kahihiyan. Kahit wala namang pakialam 'yung mga pinagkuwentuhan mo sa proyekto, na hindi naman babago sa inog ng daigdig, na walang bagay kahit hindi ko ituloy; nakakahiya lang. Hindi magandang ugali, pero useful naman para sa gaya kong ang daming gustong gawin.

May mga panahon din na ganito lang, pagbabalik sa mga nagawa na. Paglalatag ng mga nakolektang baraha, pagpili sa mga pamato, pagtataya sa mga bakit. Maaaring paggawa ng lectures, pagpo-post sa social media at pagku-curate ng portfolio. Para kang nag-aayos ng sala sa mga bisita, ihahanay mo lang 'yung mga awards, displays, at pwedeng ikaangat ng kompiyansa mo para makabalik ka sa panahon na kailangan mo nang bumalik sa masukal mong kwarto at makipagbuno sa buwang na buwaya para makaagaw ng isang pangungusap. 

#

May ilang mga madaling araw na hihiga na lang ako'y ang dami ko pang naiisip na gawin. Parang lahat ng mga gusto kong gawin ay nagbuo ng umiikot na elesi sa utak ko para bugawin ang mga dumadapong antok palayo. Dilat ako hanggang alas-kuwatro o alas-singko ng umaga. Minsan kinakabahan ako dahil baka di ko kayanin ang mga kinakaangan ko.

#

Puro sulat, walang hikab. Tinakasan na ako ng tulog, maaga pa bukas.

#

Saturday, August 14, 2021

Pamangkids 2021

Noong 2020 sa Tiktok ko lang nakikita sina Top-top, Ten-ten at Puti. 

Ngayong 2021, pagkatapos na pagkatapos ni Top-top sa kanyang modules ay ihinatid s'ya ng kapatid ko sa'min. Payat na payat nga kaya sabi ni Mama ipa-pedia ko raw. Wala pa naman akong sweldo. Gusto ring ihatid si Puti sa'min kaso inabutan na ng panibagong kwarantin dahil sa delta variant. 

Nakakaawa, nakakatuwa, nakakaasar na nakakapagod din naman ang may bata sa bahay. Nakakaawa kapag kung ano-ano lang ang ginagawa para pumatay ng bagot sa bahay. Nakakaawa dahil pinagbabawalan pala s'ya madalas ng Tita n'ya sa kanila na bumulos. Nakakaawang nakakatawa dahil ang paborito n'yang ulamin ay sardinas. Kaya hinahayaan lang naming kumain nang kumain sa bahay.

Ang kulit na ang likot. Kung ano-anong ginagawang ingay kapag nagising sya sa umaga. Minsan nagsisigaw ng gibberish. Magpapatalbog ng volleyball sa kwarto. Minsan may mga kinikiskis na metal sa tabi mo habang natutulog ka pa. Ang sarap sapakin kahit nagtrabaho ako sa DSWD dati, gusto ko nang patulan. O kaya i-ban ng breakfast. Sanay yata s'ya sa umagang kay gulo. Iniisip ko pa kung pano.

2016. Naalala ko nabanggit ko kay Mama na parang gusto kong mag-ampon ng bata. May mga kakilala naman akong social worker. Agad-agad ay minungkahi n'ya na si Top-top na lang, 'yung pamangkin ko na lang daw 'yung ampunin ko. Ha?! May tatay naman 'yan, gagawa-gawa s'ya 'tas ipapaampon n'yo sa'kin. Looking back, mabuti na lang hindi ako nakinig kay Mama, ang likot-likot na ngayon ni Top-top. 


Tsinitsismis daw kami ni Top-top sa ibang manininda sa palengke. Sa kanila raw bawal bumulos at pinapalo rin s'ya ng tita n'ya. "Si Mader [Mama ko], hindi namamalo, palagi lang akong nasisigawan. Si Tito Jord naman napakaarte," sabay kuwento raw nang minsang magpabukas s'ya ng x.o. kendi at sinabi ko raw na baka malaway na 'yung balat.  Di ba? 'yung mga bata saka lang iaabot ang kendi kapag laway-laway na kakasubok buksan. Kinuwento rin pala n'yang sumigaw akong mag-alkohol muna s'ya pagkagaling sa banyo.   


Top-top sa Zoom meeting ko: "Magtsitsikahan lang uli kayo Tito Jord?". Gusto kong sabihin na anong tsikahan, nagtatrabaho kami rito. Pero minsan 'yung meeting ay office chikahan na nga lang din.


Top-top habang naglalaba kami: "Lagi kang nakangiti, masaya ka ba?". 

Umuwi rin si Top-top bago magbukas ang klase ngayong taon. Si Ten-ten naman ang may gustong magbakasyon sa'min, hindi nga lang kami kumportbale na nang may bata dahil sa marami kaming nakakasalamuha sa hanap-buhay lalo na sa puwesto sa palengke. Tumitindi pa rin ang mga naitatalang kaso, hindi pa rin matatapos ang pandemya.

#

Ayun umuwi uli ako, biglaan lang. Nagdadalawang isip ako kung bibili ba ako ng dunkin donut na barkada bundle kasi ang ganda ng pagkapink ng SB19 photo card. Baka mag-appraise 'yung photo card sa future aba, madaling mag-keep ng kalidad ng ganitong collectible. Kaso sinong kakain ng donut? Hindi muna ako bumili.

Pagdating ko sa bahay, halos wala rin pala akong mahihigaan. Andito pala ang dalawang pamangkids; sina Puti at Ten-ten. Pangalawang gabi na raw. Noong unang gabi ay nag-iiyak pa ang sisiga-sigang si Puti dahil nami-miss ang mommy nila. Si Ten-ten kinakantiyawan lang ang kuya n'ya dahil sasama-sama tapos iiyak-iyak naman daw. Si Top-top sa kabilang linya ng videocall ay umiiyak na rin daw dahil hindi nakasama sa Tiaong dahil sa module.

Kinaumagahan. Ginising ako ni Ten-ten. "Hello, Tito Jord!" ang sabi nang nakangiti. Hindi ko alam kung saan nakakuha ng ganoong sweetness ang pamangkin ko pero malamang hindi sa dugo namin 'yun. Anong oras pa lang, alas-sais pasado! Aktibong aktibo na ang magkapatid.

#
 
Andito pala uli si Ten-ten sa bahay. Hindi umiiyak. Hindi naghahanap ng Mommy. Hindi naglalabas sa riles. Minsan nakapatong lang sya sakin habang nakatagilid akong nakahiga at nag-uubos ng oras sa TikTok. Minsan nagbasa rin kami ng komiks tungkol sa covid19 at dahil wala akong tiyagang magkwento, pagkadating sa ikalimang pahina, sya na ang nagkwento sa sarili nya. Hindi pa sya nakakabasa, binabasa nya lang 'yung mga drawing. Matakaw din s'ya sa tulog. Malikot kapag kumakain. Bigla-biglang kumikilos. Kung ano-anong nasasagi at napaka iritable ko pala sa bata. haha

#

Ginising ako ni Pader kanina. Pinagkakaguluhan na raw si Ten-ten sa may tubigan. Nakatawid na pala ng kalsada pagkagising nya kasi wala nang tao sa bahay. Tulog pa ko is considered wala nang tao kaya sumubok syang baybayin ang diversion road, sumunod kay Mader sa palengke, tumawid at maligaw. Hindi naman daw s'ya umiyak. Ang sagot n'ya kena Ka Unday ay "Ten-ten" sa kanyang pangalan, "Reylani" sa kanyang mommy at "Daddy" para sa kapatid kong si Vernon. Ano ngang pangalan ng daddy mo? sabi nang nakapulot. "Daddy nga!" giit daw ng pamangkin ko. Hindi pa man din considered na nawawala legally, ay nasa 75 shares na agad ang Facebook posts na nanawagan sa magulang ng diumanoy nawawalang bata.  Pag-uwi naman n'ya kanina galing sa maghapon na paglalaro sa palengke ay agad n'yang nilabas ang mumurahing donut na balot ng tsokolate na pasalubong n'ya sa'ken. Naalala n'ya na inutang ko kagabi 'yung donut n'ya dahil wala akong matamis.

May kalaro si Ten-ten sa palengke. "Wala akong laruan, magkuwentuhan na lang tayo," sabi n'ya sa kalaro nya. Tinanong n'ya kung sino ang kalaro ng kalaro nya sa kanilang lugar tapos sinabi rin ni Ten-ten na kalaro n'ya ang kuya nyang si Top-top, si Puti at 'yung pinsan nila na madamot sa grapes sa ref nila sa San Pablo. "Niha-hug ko ang kuya ko," tapos niyapos ang kalaro. Pinagmamasdan lang daw ni Mader si Ten. Hindi kami kind environment sa bahay. Kay Rr lang kami naglalambing lahat sa bahay. Inalok si Ten ng aso ng kalaro n'ya. Sampu raw ang aso ng kalaro pero lima lang ang daliri na pinakita kay Ten, "hindi ganyan ang sampu" ganito sabay pakita ng sampung daliri ni Ten sa kalaro. Daliring sinuri ko kanina na nakakarimarim na at hindi magupitan ni Mader dahil gabi na.

#


Pamangkids at church. unang beses dinala si Ten-ten sa simbahan. "nakakahiya," sabi ni Mama. unang tanong ni ten "ano yung church?". kung yun daw ba yung maraming ilaw. ikalawang tanong ni ten, "bakit ang daming tao? may party?". wow nang wow si pamangkid. nang mag-start ang program at nagsitayo ang lahat para sa congregational singing, tumayo si ten sa upuan. "mag-uumpisa na ang party?" nang tumugtog na ang pinao at violin ensemble, nagkekendeng si ten. sinaway ni Mama bilang hindi kami sumasayaw sa simbahan. magagawa mo, eh sa tiktokerist yung bata e.

#

Sunday, August 1, 2021

I-TA

I-TA

I-TA ang section ko noong freshman sa high school. 'yung I stands for first roman numeral at TA stand(s) for Tessie Aquino. Bukod sa adviser namin si Mam Aquino, subject teacher din namin s'ya sa Filipino at adviser din s'ya ng lyre band. Si Mam Aquino ang pumipili ng mga hahawak ng baton, kapag napili ka, walang duda na maganda ka at papadal'han ka na nya ng parent's permit para makasali sa banda. 

Dahil s'ya ang adviser, s'ya ang mami-meet mo sa first period. Si Mam Tessie Aquino rin ang isa sa pinaka mahusay kong Filipino teacher. Nagbabalarila kami umagang-umaga. Sa kanya ko unang narinig si Lope K. Santos. Naalala ko sa kanya ko narinig ang panlaping 'pan' ay para sa mga salitang nag-uumpisa sa d,l,r,s,t, at nagiging 'pam' o 'pang' kung sa ibang titik nag-uumpisa ang salita. Kinalyo ako dahil ang hilig n'yang magpasulat ng batas ng balarila, tapos dictation mula sa kanyang antigong index cards.

Si Mam Aquino lang din ang bukod tanging adviser ang may kakaibang electoral process ng class officers. May set of officers na ang lahat sa unang linggo ng klase pero kami wala pa. Hinitay n'yang medyo magkakilakilala muna kami. Dahil nga may matang marunong kumilatis si Mam Aquino, iba rin ang proseso n'ya sa paghahalal ng muse and escort. Lahat ng posisyon sa class officers ay lubos na demokratiko liban sa muse and escort nomination na 'guided democracy'. Seryoso at tahimik ang buong klase na akala mo'y pinagalitan. Walang mangangahas na maglilikot kay Mam Aquino, basta may magkahalong mabait at mabangis s'yang aura. Mula kay Dela Pena hanggang kay Gadingan [kasama ko, o baket, kala mo!] ay pinapunta sa unahan; kami ang nominado sa escort at naiwan lang si Garcia sa buong row namin. Nakatalikod kami nang magbotohan ang mga tao. Walang tatlong minuto, may escort na kami. Pinatayo rin ang mga nominado sa muse, pinaharap din sa blackboard para hindi nila makita ang botohan. Walang tatlong minuto, may muse na kami. Walang napagtripang i-nominate, walang hiyawan sa pambubuyo. Patunay na may ilang dekada na s'yang karanasan sa pagpapatakbo ng eleksyon ng class officers.

Naalala ko pa ang samyo ng bagong floorwax na sahig kada Lunes habang nakikinig ng mga pagbabasa ni Mam Aquino ng mga maikling kuwento mula sa teksbuk namin na Gangsa. Naalala ko ang banayad na daloy na pagbabasa ng kuwento ni Ms. Mabuti pero hindi na ang kwento. Naalala kong parang lahat kami ay lutang hindi ko alam kung sa indayog ng pagbabasa o sa amoy gaas na floorwax kada dadako na kami sa mga pagsasalamin na mga tanong. Kung bakit parang hinugot sa philosophy class yung mga tanong sa pagtatapos ng bawat maikling kwento. Lahat kami nakatungo na at palipat-lipat sa mga pahina nang kakatapos lang basahin na kuwento. Nananalangin na 'wag mabunot sa pagbalasa nya ng index cards.

Lahat ng binasa naming kuwento sa I-TA kasama na ang lumang teksbuks na Gangsa ay nasilab sa insidente noong bakasyon ng 2008 nang matupok ang lumang gusali ng Recto. Siguro dahil sa dami na rin ng naipahid na floorwax sa kahoy naming sahig at bagong pinturang mga ding-ding kaya mabilis kumalat ang apoy. 

Ilang taon na ring retirado si Mam Aquino at hindi ko maalala kung paano ko nalaman, maliit lang naman na bayan para liparan ng mga maliliit ding balita. Nag-aaral pa rin akong magsulat nang maayos sa Filipino at sinusubukan ding magbahagi ng sariling mga kuwento. 

Thursday, July 29, 2021

raket3.e

umikot na kami sa mga tatlong bayan sa Quezon para alamin 'yung mga karanasan ng iba't ibang sektor ng mga pasyente sa kanayunan habang kasagsagan ng pandemya. may bayan na prayoridad talaga ang pangunahing serbisyong pangkalusugan meron din namang aminadong hindi kabilang ang kalusugan sa mga inuuna. ang antas ng pagpapatupad ng universal health care sa ngayon ay "mairaos lang" o maitawid lang ang serbisyo sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng mga kalos na kalos nang mga tao sa munisipyo't baranggay. kasi nga, sa pandemya pa lang ay luhod na ang buong sistema natin pangkalusugan. labas sa nagkaron ng virus, pano 'yung nagdadalang-tao, may diabetes at high blood at may TB noong kasagsagan ng pandemya? may pandemya pa rin naman ngayon pero paano maisaaayos pa ang serbisyong medikal pagkatapos nitong krisis sa sistemang pangkalusugan? ayun, pinagkuwento't pinagtatatanong namin sila.

halos dalawang linggong pag-ikot din 'yun sa mga munisipyo. nakakapagod pala uling makipag-usap sa komunidad pagkatapos nang mahabang pagkakahiwa-hiwalay natin. ang bilis makaiga ng enerhiya lalo nang marinig ang mga kuwento nila. may mga narinig akong hindi ko inasahan, lalo na 'yung tinatanggap na suweldo ng mga baranggay health workers! nakagigimbal!

hindi pa sigurado kung kailan kami makababalik para magdisenyo ng mga solusyon kasama ng komunidad [at mga stakeholders] dahil sa nakaambang na pagkalat ng delta variant. 

inaantok na rin ako dahil nakatapos na kami ng ikalawang dose ng bakuna ngayong araw. 

Hulyo 29, 2021
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

#

'wag kayong magpapabakuna!!!!

sinasabi ko sa inyo 'wag kayong magpapabakuna. hindi ako nakakatrabaho ng mahigit dalawang araw dahil sa antok at pagiging lutang. kahit dalawang araw lang naman dapat 'yung side effect lutang pa rin ako ng ikatlong araw. bale, may minimum na apat na araw akong lutang dahil sa dalawang dose ng bakuna. paano kung daily minimum wage worker ka at kailangan ng presence of mind sa trabaho mo? 'yung pagkaantok ko naitutulog ko pa rin ng tanghali hanggang gabi, babangon, kakain, tulog na uli. parang lahat ng tira-tirang anti-histamine sa sistema ko ay pinaepekto ng bakuna. naku, naku, 'wag na kayong magpabakuna.

nakakasarap ng tulog; pinaka masarap ngayong taon. hindi ako inaabot ng alas onse ng gabi at hindi rin inaabit ng alas otso ng umaga sa paggising. parang may hangin ng kaunti sa loob ng ulo mo, tapos medyo nagle-levitate ang paa mo kapag naglalakad.

Kung ayaw n'yong matulog, 'wag kayong magpabakuna!!!

Hulyo 31, 2021
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

#


Magtatatlong buwan na pala kami sa research raket na ito at hindi pa rin nga pala kami sumusuweldo. Gusto ko lang din ilagay na late magpasuweldo ang UP, ang Unibersidad ng Pilipinas. Kahit na ba consultants lang kami, mas lalo nga sanang madali ang sweldo dahil hindi regular ang trabaho. Of course, may paliwanag naman lagi sa ganito pero ang lundo, late pa rin. Wala lang, gusto ko lang ilapag dito.

Agosto 03, 2021
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

#


passenger here 1pax po
Pick up: Mt Carmel Hospital Exit Gate, Brgy 1Lucena
drop off: Tiaong, Quezon
DATE: TODAY
[contact number]
TIME: 6:00 pm onwards
Budget: P300


Cancel muna nga lahat ng field work dahil sa pag-asang maagapan ang pagkalat ng delta variant. Nangungulit pa rin kami ng datos sa mga munisipyo dahil medyo may problema talaga tayo sa relasyon natin sa mga dokumentadong kaalaman bukod pa sa siste ng pag-iimbak ng mga kaalaman ng mga instititusyon. In short, hindi natin basta-basta nahuhugot ang data kung sakaling may research sa pamahalaan. In reality, hindi rin naman talaga tayo 'ma-research' na pamamahala ever since. Kinamusta ko si nurse sa San Antonio bilang pahaging sa kulang pang mga data, ayun nasa dal'wang linggong quarantine pa sila. Mabuti na lang di agad ako bumungad ng paghingi ng data. Nang tanungin ko kung lahat ba sila sa center ay nakasalamuha ang positive, si Doktora daw ang nagpositibo na halos lampas isang taong nag-iingat dahil sa mga iniinda pang ibang sakit.

Agosto 09, 2021
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

#

Kanina sa meeting sinusubukan naming isalin ang 'social innovation' sa Tagalog. Ito ang ilang mga mungkahi: malikhaing solusyon, bagong kaparaanan, makabagong diskarte.

Susubukan kasing mangalap sa social media ng mga ideya/mungkahi kung paano isasaayos ang naantala/naapektuhang mga serbisyong medikal sa mga baranggay sa panahon (at pagkatapos) ng pandemya sa probinsya ng Quezon.

Agosto 11, 2021
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

#

Wala pa ring suweldo at nagkaroon din pala ng covid ang accountant. 'yun lang for now.

Agosto 16, 2021
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon 

#

Isang madaling araw bago ako matulog, napaisip ako kung kanino galing yung pumasok na remittances sa bangko ko. Sumuweldo na yata kami, mas mababa lang sa inaasahan kong papasok.

Agosto 20, 2021
DCHU Elem School, Lalig
Tiaong, Quezon

#

Plot twist: kung dati ay kulit ako nang kulit sa buwanang sweldo, ngayong buwan hindi ako makapag-asikaso ng simpleng papel na rekusitos para maproseso ang sweldo. Cause of delay na ako ngayon kung kailan huling sweldo na. 

Setyembre 17, 2021
Aquino bldg. Apartment
Taal, Batangas