Saturday, May 31, 2014

Si Jocelyn at ang Feels niyang Makapagkolehiyo

Kena Kuya Caloy ako tumuloy bago ako nag-apply sa isang humanitarian arm, pagka-interbyu sa'kin; ipinapadala ako sa Tacloban, Leyte for Disaster Response - Yolanda. 


Agad-agad. 


Pagbalik ko kena Kuya Kaloy, dito ko na nakilala si Jocelyn. Taga-Leyte, isang waray. At ang istorya niya ay waray pampaaral ang magulang niya para sa kolehiyo kaya andito siya ngayon. Tinutulungan siya ng isang ng ilang mga pastor para makapag-aral. 

It's not a strange thing. Ganyan din ang naging alalahanin ko. At kung sino pang matatalino't masipag mag-aral ay sila ang walang pampaaral. Sayang ang mga katulad namin. Nagtapos si Jocelyn ng nasa ikatlong karangalang banggit na may general average na 91. 

Kinukwento siya ng mga tao sa loob ng bahay ni Kuya. Caloy. Karamihay mga kabataang nagrerebyu para sa board at mga nagbabakasyon sa bahay ni Kuya, na pinapangunahan ni Badz. Napapaluha-luha pa nga ito sa pagsagot sa mga pag-uusisa nina Badz. Kaya nabuo ang munting buhay niya rito sa susunod na paragraph.


Taga-bundok daw sila. Yung pambaon niya ay pamasahe niya lang. Nang tanuningin kung anung kinakain sa iskul, ay nagbabaon daw siya ng kanin at gulay ang ulam. Kaya siya tumalino siguro. Minsan, mapalad na raw kung makabili siya ng ulam sa kantina nila na halagang siete pesos. Kanin pa lang yun dito satin. 

"Taga-kusta(Coastal area) kami." sabi niya. 

"E di nangingisda tatay mo?" tanong ko. 

"Hindi, nagsasaka sa bukid" sagot niya. 

Naguluhan ako. Yun pala ay bulubundukin na malapit sa dagat ang lugar nila. Pero wala talaga silang sariling bukid. Nagbubukid daw ang tatay niya sa isang malawak na hacienda na pagmamay-ari ng mga Benedicto. Mga pari raw ito na nasa ibang bansa. Kaya hindi talaga kayang pag-aralin silang walong magkakapatid. 


At kung loloobin ng Maykapal, ay siya pa lang ang makakatuntong ng kolehiyo. 

"Ikuwento mo sa kanila kung bakit hindi nakatapos ang kuya mo." Sabi ni Kuya Oli. Isang may engr.firm na hindi nakatapos ng civil engineering pero nagtatayo ng mga bahay. Ito rin ang tumutulong sa kuya ni Jocelyn. Hindi ko talaga sigurado kung engr.firm ang pag-aari ni Kuya Oli o contractor, puro kasi ito joke kapag nagsasalita. Lalo na't nasa kusina at nagkakasarapan ng kwentuhan. 

Si Kuya Oli na ang nagkuwento. Magaling daw mag-math ang kuya ni Jocelyn kahit elementary lang ang naabot nito. Kapag may project sila ay mga 3-4 na dangkal lang ng bakal ang sumusobra. Ganun daw ito ka accurate at efficient mag-estima. Mahihiya ang nakapag-aral. 

"Alam nyo kung bakit napahinto mag-hayskul?" tanong ni Kuya Oli; "Dahil sa isang lapis." na siya rin ang sumagot. 

Tumango at ngumiti lang si Jocelyn para kumpirmahin ang kwento ni Kuya Oli. 

Nung hayskul daw kasi ang Kuya ni Jocelyn ay binigyan ito ng isang lapis para gamitin sa buong taon. Siguro pinapayagan na ng mga guro na maglapis lang kahit hayskul na dahil mahal na para sa kanila ang bolpen. At dahil hindi nagkasya ang isang buong lapis sa isang taon, kahit anung tipid nito, ay napatigil ito ng pag-aaral.

Grabe no? Andami kong lapis sa bahay, hindi nga ako maka-ubos ng isa, sana nagsabi na lang na wala ng lapis. Minsan hindi pala nagmama-OA ang mga dokyu na napapanood. Poverty porn man ang tawag dito ng administrasyon, ito pa rin ang realidad. Kahit na bukas sa lahat ang pag-aaral, marami pa ring hindi maranasan ang simpleng karapatan. 

Mapalad pala ako dahil marami akong lapis. May bolpen pa. Minsan kasi nakatuon lang talaga ako sa kung anung kulang sa akin. 

"Alam mo, malayo ang mararating mo" sabi ko kay Jocelyn. 

"Basta marami ka lang pamasahe" dugsong ko pa. "Tingnan mo nakarating ka nga rito sa Maynila mula Tacloban, malayo na yun!" biro ko. Hindi ko alam kung nakakatulong ba. haha 

Sa kaso ko, hindi ko rin alam kung anung gagawin ko pagkatapos ng hayskul, wala akong talento para mabuhay ng may kaayusan. Kailangan kong mag-aral ng kolehiyo, pero hindi namin kaya. Sekyu ang tatay ko at paraket-raket lang ang nanay ko, imposible. Pero nanalangin ako, limitado kasi talagang maging mortal.

Mismong graduation day, habang nagsasalita ang commencement speaker namin, nalaman kong makakapag-college ako. Tinext ko si Mama na magco-college ako pati ang course na napili't gusto ko. 

Hindi ko alam noon kung papaano, basta alam ko makapagtutuloy ako ng kolehiyo. 

At nangyari nga. 

"Alam mo, ipag-pray mo yan, makakapag-aral ka, ako nga e, apat na taon lang ang gusto kong matapos na kurso pero inabot ako ng limang taon. May bonus di ba?" Ito ang iniwan ko sa kanyang pampalakas ng loob. 



Pero sa totoo lang nakakabigat din ng loob yung kagustuhan niyang mag-aral. As in. 


Mini-Saga: 

"Accounting daw ang gusto e." sabi ni Kuya Oli. 

"Anung pinagkaiba ng counting sa accounting?" tanong ni Kuya Kaloy. 

Badz, Aries, Alquin: "Ano raw?!" 

Kuya Kaloy: "Ang counting 1,2,3,4.. 

Ang accounting a-1, a-2, a-3, a-4," 


Tumawa ako ng tumawa. Pero 80's pa raw yung joke na yun. E sa ngayon ko lang nalaman e.

Rabababashkeh, Day 5

Maagang umalis sina Kuya Bryan, na dapat daw pala ay tinatawag naming Bossman Bryan sabi ni Kuya Cyril. Kasama ng ibat-ibang team mula kids department, finance, medical, admin, accounting, at iba pa; pauwi na sila sa Maynila. Yung iba nasa base naman sa Tacloban. Basta ako at si Nikki naiwan.

Linggo. Wala nang trabaho. Walang devotion. Pero may samba.

Sumimba ako sa isang church sa kalapit na barangay. Grabe! Grabe lang talaga dahil hindi ko alam na Pentecostal pala sila. Kakaiba ang experience ko rito. Hindi pang-blog e. Approach nyu na lang ako. Haha

Pagdating ng tanghali pagkauwi’t pagkapananghalian, deretso na ulit sa Bry. Taytay para sa distribution naman ng mga pautang na epoxy, accecories, at nylon nets; mga gamit sa pangingisda. Ang luwag-luwag na ng agreement, halos mas mura nang nakuha ang mga kagamitan, at inihatid pa sa kanila, may mga reklamo pa rin ang mga tao. May kasama pa ngang mga ralin ukol s apag-iimpok. Kung hindi lang talaga mahabagun han Ginoo, waray na magtiyaga sa mga tao didto.

Kahit na pagkabuti-buti na ng ginagawa para sa mga tao, may butas at butas pa rin silang makikita. Sabi pa nga, kapag binigay mo ang kamay mo, gusto pang kuhanin buong braso mo. Pero hindi naman lahat, binibigyan na lang nmin ng pansin at pinaghuhugutan ng tiyaga ang mga tasong mapagpasalamat. Marami sa kanila ay warm. Sa sobrang warm, akala nila taga-roon din kami kaya pag ini-interview naming ay winawaray kami, straight waray talaga. Buti nga minsan kasabut na kami.

Inabot rin kami ng takipsilim doon. Naghapunan sa base. Nagmeeting with Ate Malou, na punong abala sa mga bagay-bagay. Siya ang pinaghabilinan sa amin ni Kuy…Boosman Bryan. We’re making arrangements para sa pagpunta naming sa isla ng Homonhon.

‘Yun lang. Katul’gun na pud.


Jord Earving [G.]
May 24, 2014

Brgy. Pagnamitan, Guiuan, Eastern Samar

This the di, Day 4

Day 4

Palaging nag-uumpisa sa paggising ang journal entry ko. Hindi ko na maalala dahil Day 5 ko na isinusulat yung nangyari noong Day 4. Kahit antok na antok na ako  at 9: 48 na kailangan kong isulat ang ginawa ko. Ang lamok-lamok, ang baba ng lipad nila dahil paa ko ang tinutusok nila at pagkakakati-kati ng tusok nila.

Gumising. Nag-devotion. Si Pastor Paj ang nag-lead ng devotion ng umagang iyon. Sa Psalms 27,tungkol sa waiting upon the Lord. Iyon rin ang pinanganan ko nang mapatengga ako san g anim na buwan na hindi masyadong naglalakbay. Shaping ba.
Kumain. Ang alat pa rin ng iskrmabold egg.

Maluwag ang sched naming ngayon, sumama lang kami kay Kuya Cyril, isa ring writer ng org., para sa katuparan ng kanyang report sa mga boat recepients. Katabing baranggay lang ng Pagnamitan ang Taytay. Ganun din ang kalagayan nila, mga nag-uumpisa pa lang ulit at karamihan nga ay nagadadagat.

Nag-interbyu ri ako para sa nakatoka sa akin. Na-explain ko na ba kung anung nakatoka saking assignment? Dili pa no?

Yung mga naipamigay na solar lamps ng team ay gagawan ko ng terminal report, parang status-progress report. Ganan. Tapos, kailangan ko ring pumick-up ng mga magaganda at “compelling” na istorya para sa mga feature stories, parang dokyu. Howie Severino-Reyes, ganyan. Kailangan ko rin kasing makakuha ng kwento para sa blog ko.

Sumama ako dahil halos parehas ang recipients ng banca at solar lamps e. Pero nakakailang bahay pa lang kami biglang bumuhos ang malakas na ulan. Lurok. May kasama pang hangin. Mukhang bumabalik kami sa nakaraan dahil lumalabo ang paligid, nagiging 10% visibility na lang. Zero-visibilty daw nung Yolanda.

Sabi ni Ate Joan, isang Local Partner Relations (LPR), ay normal lang daw ang ganung ulan dito sa may coastal area ng Guiuan. Bale kasama ko rin si Nikki, at apat kaming magkakasamang nabasa kahit nakasilong kami sa ginagawang bahay.

Pag-uwi, nagmais-con-yelo-con-mango kami. O di ba? ‘Yon ang pamerienda sa base camp. Tapos pumuta ako sa may veranda ng nagha-house sa amin at nahiga sa duyan. Nakatulog lang ako bago mananghalian.

Maghapon akong inaantok at natulog. Hindi na ulit kami nakalabas. Siguro dahil apat na araw na akong walang kape-kape. Kaya bumili ako, hindi ng kape kundi ng Tablia na tag-tris piso (3 Php). Nabuhay muli ang dugo ko.

Dumating si Ate Grace, isa ring LPR, dapat kasi may lakad pa sila sa Brgy. Taytay ulit para sa pagpapatuloy ng pagkalap ni Nikki ng mga istorya sa pinamigay naman na slip-ons. Pero dahil umulan, tengga kami sa base. Nalaman ko na team Mindanao pala siya at sa Davao ang base niya ng org. Marunong din pala siyang mag-gitara kaya nagrequest ako ng bisaya na kanta. Astig!

Tinuruan niya pa ako ng Waray na kanta, Maupay han Diyos ha Akun ang title. At may action pa gani.

Napapadyak ako hindi sa mga kanta kundi sa mga istorya niya ng epic fails sa mga lyrics. Kung alam mo yung kanta at tamang lyrics, sigurado matatawa ka rin.

Ito ang ilan: Ang mga salitang nasa loob ng panaklong ang tamang bigkas at lyrics ng mga kanta.

Nag-song lead daw ang tatay niya:
Song: This is the Day
“This is the di (day), This is the di (day)
That the Lord has men (made),
We will rejoice, and be glad, amen (in it).”

With matching pikit-pikit at taas kamay pa, nag-song lead naman daw ang ka-churchmate niya:

Song: Still
“When the ocean rise and thunders stooorm..”

May nag-special number daw sa church nila sa Cagayan, birit-birit pa giyapon:
Song: How Great Thou Art
“Then sings my song (soul),
My Savior far awi (God to thee)
How green thine eyes, (great thou art)
How green thine eyes, (great thou art)…”

Laugh trip talaga lalo na habang kinakanta ni Ate Grace. Isa talaga siyang kuwentista ug kasing-kasing.

Nagdedicate kami ng bagong gawang center ng kinagabihan. Nag-boodle fight. Nilamok. 

Natulog ng may ngiti sa labi.

This the di,
Jord Earving [G.]
May 24, 2014

Brgy. Pagnamitan, Guiuan, Eastern Samar

Day 2-3 (Guiuan, Eastern Samar)

Day 2

Gumising kami ng bandang alas-singko. Naligo.

Katabi nga pala kami ng eastuary. Medyo malawak na estuary. Mas nakikita ko ngayon ang mga bahayan at ang mga ginagawa pa lang. Bangon Guiuan, umaga na. Excited nako sa gagawin namin. Kinakabahan nab aka hindi ako makabingwit ng istorya.

Workaholic talaga. Jord, mag-devotion muna  naman! Ah! Ah!

Kumanta kami habang tumataas pa lang ang araw. Habang naglalakad ang mga umang sa mabuhanging lupa. Tungkol kay Obed-Edom ang devotion ngayong umaga. Kung gaano siya ka-willing na tanggapin ang kaban ng tipan ng matumba ito sa may Perez-Uzza. Nabanggit din ang pangalan niya bilang gatekeeper at ilang pang gawain sa templo. All-around siya kung katulong. Kaya hindi sinasadya na doon madupilas ang kariton ng kaban. Isa siyang ehemplo ng servanthood at volunteerism.

Matapos ang pagpapalakas ng ispirito at paghingi ng gabay at karunungan, it’s showtime na! Nagset up sila sa Pagnamitan Elementary School. Nag-umpis kaming mag-interbyu. Nakabingwit kami ng magagandang istorya. Lahat naman ata may kwento ng pagbangon dito sa Pagnamitan.

Maghapon ang Medical Mission na may Medical at Surgical; ay nagkaroon muli ng kasiyahan sa kalahating stage.

Nakakapagod din ang maghapon. Bukod sa paghahanap ng istorya ay nagpunta rin kami ng bahagya sa mga pinapatayo nilang bahay. Nag-celebrate ng bertdey parti ng tatlong volunteer-workers. Nagsulat ng draft. Pers taym ko ring makarinig ng kwento sa Waray.
Sa mga nakita at narinig kong mga kwento ng tunay na buhay, nalaman kong

Maupay ang aking kinabuhi.

 Boom! Waray!



May 22, 2014



Day 3

Gumising ako ng mga around 5 ngayon. Mga 5 mins. before 6 am. Ganan. Parang ayokong bumangon dahil pagod pako sa mga aktibidad kagahapon, pero kailangan. Mababawi ko rin ‘to kapag nakaligo nako. Energizing naman talaga ang bawat buhos ng tabo.

Walang tubig sa banyo na pinalnliliguan ko talaga kaya sa paliguan ng mga karpintero ako naligo. Sila yung mga nagkakarpintero para sa mga housing projects. Naghahanda na rin sila para sa morning devotions kaya naghintay pako ng mahihiraman ng taro.

Kung bakit ilang beses magsabon ang mga karpintero. Mas metikuloso pa silang maligo sakin. Mga nakaka-tatlong taro sila in average, ako, kaya kong maligo ng  isang taro lang. Conserve water nga di ba. Hindi ko alam ngayong umaga ring ito. Shhh! Shh! Shhi! Sabi ng mga buhos ng tubig.

Natapos ang morning devotion kahit hirap magtagalog si Ptr. Abel dahil tubong Tacloban. Pero ang main drive ng menshae ay ang masayang buhay ng Kristyano. Mahalaga rin ang inner joy sa volunteerism. The joy of the lord is our strength nga di ba?

Clean-up and activity nagyong umaga. Si Nikki ay nagsusuyod na ng mga nabigyan ng Skechers para sa report nya. Ako, sasali sa clean-up. Pinili ko ang pagpapala ng buhangin para makapunta na rin sa beach at makapag-sadista dahil hindi ako makasulat ng article. Baka kapag napagod ako, makakasulat nako.

Ang ganda ng beach. Anlakas-lakas ng alon. Ang init ng araw at alampay lang ang proteksyon ko. Keri ang paghahawak ng sako habang may nagpapala pero nakaka-iga ng enerhiya ang init ng araw. Pero may resistance ako sa init bilang isang agriculture grad. Matagal din ang aking stamina, mga 5 mins, ganan. Yung mga kasama naming karpintero ay mga taga Iriga, Bicol pa pala at mag-iisang buwan na sa Samar.

Hakutan na! Madami rin akong nahakot hanggang mapuno yung trak na magdadala naman sa mismong site. Mga dalawa yung nabuhat ko. Sumubok pako ng pangatlo, pero hindi ko na kayang itaas. Kaya pala gayon na lang ang pagbubuhos ng tubig ng mga karpintero. Shh! Shh! Shh! Mahirap din ag trabaho nila.

Pero at least, hindi lang bolpen ang kaya kong buhatin. Pwede ring pala o sako ng buhangin.

Nakasagap rin ako ng kwentong nakakapanghilakbot tungkol sa kung paano sila nabuhay habang at pagkatapos ng pananalasa ni Yolanda. Namatayan daw siya ng anak, kwento ng isang tatay na nasa 40 na ang edad. Hindi daw namatay sa lunod e, namatay dahil may tama na ng kung anung matalas na bagay sa ulo. Tapos, ipinatong niya raw sa isang torso yung anak niya; hindi raw siguro makahinga dahil sa sobrang lakas ng hangin. Nang tingnan niya ang pulso at tibok ng puso, wala na, patay na ang anak niya.

Mabuti na rin daw ‘yon sabi ni tatay. Dahil kung nabuhay ang anak niyaay marahil ay hindi na ito maging normal dahil sa tama nito sa ulo. At ok na ring hindi niya nakita ang kalagayan ng mga tao. Matapos ng delubyo sa Guiuan, sila kasi ang unang landfall ni Yolanda mga bandang alas-kuwatro hanggang alas-singko; madami raw patay na hayop na pwedeng katayin at kainin pero mwawalan ka ng ganang kumain. Kahit siguro naman ako.

Naranasan daw nila na magtubig-alat sabaw sa kanin. Ako, tubig-asin lang pero sila, tubig-alat talaga. Wala daw kasing available na tubig. Yung mga NPA nga raw y nanghoholdap na dahil wala ring makain. Ang pamasahe sa motor ay umabot ng 1, 500 pesos. Kung hindi daw dumating ang mga kano baka nagpapatayan na ang mga tao sa gutom at trauma. Para nang mga zombie ang mga tao, mga madudumi ang damit at mababagal ang lakad.

Meron nga raw na nanay na nabitawan ang anak nang bumaha. Nakitang buhay yung sanggol pero yung nanay ay nasawi. Saklap talaga. Sabay nagtapos yung kwento ni tatay na umpisa pa lang daw ito ng hatol, may ipinapangusap sa Bisaya ang nangyaring delubyo.
Marami kaming nagawa at natutunan ngayong araw. Nakasagap ng mga istorya maging sa mga bahay-bahay. Nagkaron ng ilang geographical at historical lectures mula sa mga taga-rito. Kumanta ng waray na Kristyanong imnaryo. Astig! Kukuha ako ng kopya bago umuwi para i-post dito sa blog. 

Bandang hapon, namigay ng mga nylon na nets, pintura, at epoxy para sa kanilang mga bangka.  Tapos, siyempre, kinausap naming yung mga beneficiaries para sa terminal report na gagawin. Ang dami talagang magagandang istorya, isusulat ko na lang ng hiwalay sa mga profile stories.

Ito ang isa sa mga nautunan ko sa isang nanay sa Pagnamitan:

Ang Pinagmulan ng Pangalan ng Pagnamitan

Dahil nga raw malapit ito sa dagat at pangingisda ang ikinabubuhay nila rito ay gumagawa sila ng mga lambat. Wala pa naman dawn a ready-made na nets noon kaya hinahabi nila ito. Sa Waray ay namit ang salitang ugat ng pagnanamit o paggawa ng nets. Later on nagging Pinagnamitan, tapos Pagnamitan.

Tapos nilang magkwneto, ako naman ang nagkwento na mas magaganda pa yung mga bahay nilarito kesa sa bahay naming. Hindi sila naniwala agad, pero pinaliwanag ko lang na mahirap lang din kami at maupay ang Diyos sa amin.
Nang sumapit ang dapit hapon ay naglakad-lakad kami sa may papuntang dagat. Namulot ng mga sigay at kabibe. Namulabog ng mga alimasag at mga naglalnguyng isda. Nag-photo ops sa mga rock formations. Habang palubog ng palubog ang araw.
Pagkatapos ng dinner, meron silang film showing sa may court. Ako, nagpaiwan para sumulat ng feature stories at magsulat ng journal entry. Tagumpay! Polishing na lang siguro bukas. Pupunta ata kami sa isang barangay bukas. Narinig ko ring pupunta ako ng isang isla para sa paghahanap ng istorya. Exciting!
Pagod na ako ngayon. Ang pangit ng closure ng journal entry ko na ‘to.
Maupay na gab-i.
Zzz…
May 23, 2014
Brgy. Pagnamitan, Guiuan, Eastern Samar.

SULEM (Day1 ng Volunteer's Journal)



Tacloban, Tacloban, Oks ka na ga?

   Nasa Tacloban ako para sa isang humanitarian cause.
   Naks nemen! May ganyang side ka pala Jord? Meron naman kahit konti.

   Pers taym ko sa Visayas. Pers taym kong mag-eroplano. Pers taym kong mag-volunteer. Nasa airport pa lang, kitang-kita ang pinsala ni Yolanda. Hindi pa maayos ang airport pero may dalawang flights na kada araw ng Tacloban-Manila. Sumakay kami ng dyip papuntang bayan para doon naman sumakay ng van papuntang Eastern Samar. Lakbay kung lakbay.

   Init, antok, at pagod lang naman ang kalaban. Pero dapat simula pa lang ay “patience is a virtue” na ang motto ko, kailangan yan sa volunteer works along with love. Habang nasa biyahe, kita mo na may mga nakatayo nang mga bahay. May mga pawid, kahoy, at yero lang ang materyales. Meron din namang mga sementado.  Pero kita pa rin ang bakas ni Yolanda sa mga punong bahagya pang lumalago muli.

   Kapansin-pansin ang mga gusaling giba ang pader at baklas ang bubong.  May parte pa nga ng kalsada na sira pa rin. Pero may mga establisyemiento at public transpo na. Siyudad na siyudad na ulit. Kumain ako ng bistek, tapos nag-extra rice. Nagulat ako sa binayaran kong 80 pesos, ang mahal para sa tanghalian. Mahal rin ang pamasahe sad yip na 50 pesos, 150 pesos pa nga kapag taxi; kung galing sa airport. Siguro dahil sa nag-uumpisa pa lang ulit silang bumangon.

   Overall, oks naman sila rito. Sino ba ang tutulungan dito?


Sa Eastern Samar Pala.

   Bumili kami ng ticket sa van terminal sa bayan. Sa Eastern Samar pala kami pupunta.
   Sinong kami? Ay! Nakalimutan ko na may kasama pala akong writer. Si Nikki Cadiz.
Nikki Cadiz, 20 taong gulang, tubong Ilocos Norte at nagtapos ng Journ sa UP Baguio. Capital U. Capital P. Bigatin.
   Ala-una pa ang alis ng van naming kaya naglakad-lakad pa muna at nagtanong kung ilang minuto ang biyahe papuntang Guiuan, Eastern Samar; at nalaman naming tatlong oras daw. Bumili kami ng foods. Tiningnan naming ang mapa sa loob ng terminal, grabe pala talaga!, dulo na ng Samar ang Guiuan at dunggot na  lang ay Pacific Ocean na. Tiningnan namin ang mga van, ang gagabok! Adventure ‘to!

   Habang nasa van, pinapanood ko ang mga tanawin. Wow! Astig! Panalo! 

   Ok, ok, ok. Ang totoo nakatulog  talaga ako nang papalabas kami ng Leyte. Nagising na lang ako nang nasa San Juanico Bridge na kami. Bilin na bilin ko na gisingin talaga ako ni Nikki. Aba! San Juanico Bridge kaya ‘yon! Once in a life time lang ‘yon  at Grade 2 pa'ko nang huli ko yung makita. Sa Sibika at Kultura book.

   Agrikultural din ang kabuhayan ng mga taga-Samar. Daming niyog na karamihan ay kalbo o di kaya’y tumba. Marami ring palayan, sagingan, kalabasahan, at gubatan. May mga bundok rin, tapos malapit sa dagat. So malamang pangingisda rin ang kinabubuhay ng marami bukod sa pagbubukid.

   May mga ilang estuaries din kaming nadaanan. Ito yung anyong tubig na pinagtatagpuan ng tubig tabang at tubig-alat na tinatawag nang brackish water. Ito po si Kuya Kim na....fade. May mga kagubatan rin ng bakawan at may isang palm species na hindi ko ma-identify, sana lang may kasama akong coastal environmentalist o biologist.

   Mapapansin mo sa daan, yung mga gibang bahay, mas marami pa rito. Marami ring mga tent houses na may  iba’t-ibang logo. May DSWD, UNCRH, UNICEF, IMO, atbp. Nadaanan din namin ang mga tent cities at mga organization base camp. Kailangan talaga pa nila ng pag-alalay.

Brgy. Pagnamitan, Ito na talaga!

   Mga alas-singko na kami nakarating. Sinundo kami ng sasakyan ng org. na pinag-volunteeran namin. Hilong-hilo na si Nikki. Ako, yung energy ko pang fun run pa. Ilang kilometro pa ito sa mismong bahay, mga 10 kilometers pa rin.

  Nadaanan pa naming ang isang malaking tent city. Grabe! Parang may zombie apocalypse,  hindi nga lang walled yung area. Paano kaya sila doon dumudumi? Gaano kainit sa umaga? Kalamig sa gabi? Isa lang ang sigurado: Hindi komportable ang kalagayan nila 'ron.

  Pagdating namin sa site. Tinour kami ni Kuya Bry, isa sa mga writers ng org. Pinakilala sa mga heads, inorient sa mga projects, inexplainan ng mga pwedeng assignments. Nasa rehab phase na ang Pagnamitan. Ito pala ang unang landfall ni Yolanda dahil kapit-bahay lang nila ang Pacific Ocean.

   Nakakatuwa yung  mga workers dito, halata na kaisa sila sa komunidad. Nakikipaglaro, nakikipagkwentuhan, biruan at batian. Ito ang tinatawag na paglubog sa batayang masa.

   Naligo lang ako at nagbihis, tapos deretso na sa munting programa nila sa basketball court na kalahati na lang ang stage na ang logo ng barangay ay kalahati na lang din. May sumayaw, may kumanta, tapos nagpalaro sa mga tao. Natuwa ako sa isang nagsalita roon tungkol sa kanilang presentation. 

   Sulem daw ang gagawin nila. Traditional dance ba yun ng mga Waray? Tapos later nalaman ko na solemn pala ang ibig niyang sabihin kasi drama presentation. Naglaro din sila ng Hip-hip, Hure! (Hep-hep, Hooray!). Basta lahat umuwi ng may ngiti sa labi. It’s more fun in Pagnamitan.Kumain kami ng dinner. Nag-briefing para sa medical mission bukas. Inorient para sa writing assignment kinabukasan. Nakakapagod na araw.

   Pers taym kong matutulog sa tent.




Brgy. Pagnamitan, Guian, Eastern Samar
May 21, 2014

Friday, May 23, 2014

Last Teks Na 'To

Hanggang Grade 4 nagteteks pa rin ako. Plastik-plastik na ang teks ko.

Ang teks kasi ang nagsisilbing brochures o blueprints ng magiging laruan namin sa Pasko.

Mga fashion toys. Ang mga laruang gaya ng Let' go (kotse-kotsehan) at Beyblade (modern trumpo); bago kami nakahawak ng mga ganito ay una na naming nilaro ito sa teks. 2D muna kumbaga bago ang prototype na nabibili mula sa napamaskuhan.

Hanggang sa ipinalabas sa Philippine TV ang Crush Gear. Mga kotse-kotsehang may mga implements o sandata sa unahan. Nagbabanggaan at hindi unahan ang goal ng karera. Ang mapatalsik, talo! Yan ang meron sa t.v. nung bata pa'ko, bida ang magaling at maraming nawawasak. 

At nang maisama ako sa palengke, bumili ako ng dalawang banig sa halagang anim na piso. Bumili rin ang kapatid ko. Si Mama, ibinili kami ng palamig dahil wala na kaming pambili. Hmm...ang sarap ng amoy ng bagong teks pati na rin ng banilya na pinampalasa sa iniinom ko. 

Pag-uwi, hiniwag-hiwag na namin ng kapatid ko ang teks na mga Crush Gears ang drowing. Ang gaganda ng mga Crush Gear at sigurado sa Pasko magkakaganito ako. 

Matapos makapili ng pato. Nakaramdam nako ng urge para makipagteks. Akmang lalabas pa lang ako, e bigla namang umulan. Hindi naman ako naniniwalang kapag kumanta ako ng rain-rain-go-away-song ay lalayas nga ito. Pero in the back of my mind, kumakanta 'ko. 

Walang pag-asa. Lurok e. Ang kapatid kong si Vernon, tama!


Siya na lang muna ang lalabanan ko, pwede namang tumukoy-tukoy sa loob ng bahay. Kahit may kadayaan at pagkapikon si Bernunang (ang tawag ko sa kaniya), oks na din; basta kailangan kong lumaban at madagdagan ang mga bagong teks.

Dalawa-tsa lang ang bayaran. Regular Battle, tsa anp panalo at tsub ang talo. Tira!


Sa di ko maalalang dahilan, bigla na lang ayaw niya akong bayaran.

Napikon na ata dahil mauubos na ang bagong biling teks bago pa man maubos ang amoy nito. Hindi ako pumayag, nagkahanggitan na ng teks. Kadugaan kasi ng kapatid ko. Nagkagulo na.

Dumating si Mama. Inawat kami. Kumpiskado ang ugat ng pagtatalo, kinuha lahat ng mga bagong teks namin. Pinagsama-sama na, alam kong hindi ko na mababawi ang mga teks ko.

Kahit anung paliwanag ang gawin ko ay hindi ko na mababawi. Sinilid niya na sa plastik na pink. Hindi pa ipinagbabawal ito noon. Nilagyan ng ga-as, initsa sa labas at sinindihan. Ang pagsusunog ang pinakamataas na antas ng pagpapahayag ng pagtutol. Aktibista ata si Mama dati.
Hindi ko na napansing kanina pa pala walang ulan. Tumahan na an langit at kami naman ang umiyak habang nakikitang nasusunog ang aming mga teks. 

Simula noon, kasama nang naging abo ang aking pagteteks.

Tuesday, May 20, 2014

Konserto ng isang Tambay

Papunta ako ng Maynila. Bali sa Pasig, may interbyu ako. Taray may trabaho na. 

Si Mudra ang nagpush mula na rin sa udyok ng pinsan niya na ipasok ako dito sa humanitarian arm ng isang kumpanya. 

Pumasok tuloy sa isip ko ang tanong na makatao ba talaga ako? Kaya ko ba talagang makisalamuha sa mga taong pinaglilikuran with charity? Ano ba ang pagiging makatao? Tao ba talaga ako? Mga ganan. 


Gaya ng mga ibang subok ko na mag-apply ng trabaho, lagi kong tinitingnan kung ito ba ang plano ni Boss o trip ko lang. Kung kaya ko bang bumangon araw-araw para gawin ang mga bagay-bagay na sinuswelduhan ako. 

Bakit ba kailangang magtrabaho? Kung babalik tayo sa Genesis, si Adan at ang kwento ng fall of man. Kailangang maghirap sa pagbungkal ng lupa. 

Naghirap nako nung college, agricultural tech. ang course ko. Bungkal ng bungkal sa ilalim ng galit na araw. Most of the time, nakapayong ako. 

So bakit nga ba kailangan ko ng "trabaho"? Para sa pangangailangan daw. E nakakapagkwek-kwek naman ako kapag gusto ko. So bakit?


Kailangan kong magtrabaho dahil yun ang inaasahan ng mga tao pagka-gradweyt? Tradisyunal masyado. 

Alam ko hindi pako mabubuhay ng pagsusulat ko. Wala pa akong royalties at pacontest-contest at pasubmit-submit lang ako. Hindi pa nga manalonalo. Kaya kailangan ko talagang pumasok ng trabaho para mas maging mabuting indibidwal at mapalawig ang karanasan. Kulang pa ako sa kaalaman, karanasan, at kasanayan para buhayin ako ng tinta. 

Hindi naman kasi kami dukhang-dukha gaya ng mga nasa noontime shows kaya hindi ko pinipilit na magtrabaho. Keri naman ang pagkain sa araw-araw. Pero napansin ko na ang pangit na ng mukha ng nanay ko. Siguro dahil sa settings ng palengke kung saan nandun ang kinabubuhay namin. Kailangan na niyang makatikim ng facial ek-eks. Kailangan ko na ngang mag-work. 

Isa pa nahihirapan nakong sumagot sa mga tanong na: "O asan ka ngayon? Anung ginagawa mo na?" 

Lumalamig na dito sa bus. Pinatay yung maliliwanag na ilaw at binuhay ang mga mas mahihinang ilaw. Ipinilay ng kundoktor ang concert video ni Pink. Yung punk artist. 


Maganda pala yun. Si Pink. Ang iksi kasi ng buhok, panlalaking gupit pa - mohawk! Tapos nakapalda. Alam ko nga nag-ga-gown pa yun kapag awards night. Disturbing ang itsura. Pero maganda pala kapag na-zoom in. 

Hindi ko bet ang music niya. Pero alam ko kapag pinanganak kang may mikropono sa bibig, ang pagkanta na ang nagsisilbi mong paghinga. Gusto kaya ni Pink ang ginagawa niya? Kailangan niyang maging punky-rebel para lumapat siya sa musika niya. Isa siya sa mga music artist na wala sa costumes, dancers, at makukulay na props ang performance. 

Halos isang oras na siyang kumakanta at hindi nagpapalit ng damit. At ganito ng ganito ang ginagawa niya sa bawat landingan ng kanyang tour. Napapagod kaya ang singer kumanta? Kung hindi siya kumanta anung gagawin niya? 

Kapag nakita mo na yung dapat mo talagang gawin, alisan ka man ng mikropono, tanggalin pa man ang mga ilaw at magagarang damit, mag-isa ka man sa entablado, at wala mang pumapalakpak sayo; abangon ka bawat umaga at kakantahin mo ang nasa piyesa. 

Ngayon, kakanta ka na rin lang, ibirit mo na.

Thursday, May 15, 2014

Wan-Eyti Digris [Naratibo, Repleksyon, at Adaptasyon:]

Paikot-ikot sa sanga 
sangang daan, nakatunganga sa mapa, pero 
naliligaw at namamanglaw. 

Nilimot ang mga tula ng sinauna, naparam ang mga awit sa dila, 
panlasa'y nawala, 
umanghang na mga salita. 

Nadupilas sa madilim na mga eskinita. 
Eskinitang papunta sa lusak at basura. 
Daga na pipigil sa pag-ahon, uunti-untiin 
hanggang magkaluray-luray ang kamiseta. 

Kamisetang minsan nang napaputi. Muling nabahiran 
ng baho. Baho na rumirindi sa mga di nakapagsasalitang gabi. 

Ibaling muli ang pihitan, makinig 
at pakinggan ang mga paalala. 
Tumigil na sa istasyon. Bango't magpagpag. 

Baliktaring muli ang mapa. Iwaksi 
ang mga patalastas. 
Mga nakakasilaw na mga bandiritas. 
Minsan nang nagdala sa piyestang, ikaw pala ang handa. 



Ika-anim hanggang ika-walo ng Mayo ay ginanap ang Youth Quest 2014 na may temang 180 degrees sa Bethany Baptist Church sa Makati. Ito ay nilahukan ng 330 na delegado mula sa 35 iglesya sa Quezon, Laguna, Cavite, Rizal, at Kamaynilaan. 



(utang muna ang kasunod...)

Seyls 2: Daan to Yaman!

Hindi ako nalambatan dahil dalawang buwan pa lang si Kuya 1 sa kumpanya X, kaya nagtake-charge si Kuya 2 na afterwards ay nalaman kong 6 na buwan na sa kumpanyang ito. 

Mas matindi ito sabi ko sa puso ko. Kapit. 

Nag-umpisa siya sa pagbati sa dalawa kong kasama dahil kumasa ito sa alok nila at pagdating sakin ay nirerespeto naman daw nila ang pasya ko. Sabay pasok ng illustration niya. 

"Yung lolo ko mahirap. Yung tatay ko mahirap din. Tapos ako ganun din?" sabi ni Kuya 2 ng may kasama pang pagdodrowing ng family tree. "Ano tawag dun? Tawag dun sumpa!" sabay diin sa hangin ng hawak niyang pentel pen. 

"Anung kailangan para maalis ko ang sumpa?". Minemetaphor pa'ko. 

"Gumawa ako ng paraan. Paraan at hindi dahilan." Yung pagsali niya ang tinutukoy niyang paraan at yung di ko pagsali ay ang pagdadahilan. 

Nairita ako. 


"Kung hindi ito, anong mas maganda ang gagawin mo sa labas?" sabay binigay niya ang ilang paraan ng pagpapayaman maliban sa iniaalok nilang networking.


6 Steps to be a Millionaire 
by: Kuya 2.0 

1.Business 
Kapag business, dalawa lang yan. Traditional or franchising. Kapag traditional may 500k ka ba pang-kapital? Handa ka bang makaranas ng 95% loss? Kailangan mo pa ng knowledge. 

Kung franchising, meron ka bang 35-40M para maka-franchise ng Mcdo o Jolibee? Yun lang naman ang kumikita ng 500k a month. O meron ka no'n. 

2.Politics 


Kailangan mo diyan 3G. Good name, siyempre kailangan mo yan para sa botante. Guts, kaya mo bang mag-almusal ng death threats? At sa huli, guns. Kailangan mo ng body guard. 

Siyempre, san ka kikita? Sa kaban ng bayan. 

3.Showbiz. 

Una mong tatanungin ay ang itsura mo. Keri mo ba? 

Keri ko.

Kailangan mo pang dumaan sa 50 manager na bading. 

Yun ang hindi keri. 

4.Abroad 

Magkano ang placement fee? 100k-200k. Pagdating mo don wala kang maipon dahil ang mahal ng cost of living. Mga engineer, architect, at doktor lang ang yumayaman sa pag-aabroad. 

5.Employment 

May yumaman na ba sa pag-eempleyado? 


Magharap ka nga sakin ng mayamang nagempleyado? 

(So, technically di ito kasama at 5 steps lang talaga.) 

6.Illegal 

Illegal na mga raket gaya ng mga may kinalaman sa drugs, weapon, smuggling, scamming, swindling, at iba pa. Kaya ba ng budhi mo? Kaya ba ng sikmura mo. 

Matatapos ang kanyang how-to-article na wala nang iba pang mabilis at madaling paraan para yumaman kundi ang dalang pag-asa ng kanilang networking. 

"Hindi namin kayo pinipilit. Namimili na nga kami ng isasali." sabi ni Kuya 2. 

Napatingin ako sa dalawa ko pang kasama. Muntik nakong matawa. Hindi dahil minamata ko sila kundi alam kong lebel-lebel lang kami ng estado sa lipunan. 

Lahat na lang kasi ng paraan para makahikayat sasabihin. 





At dahil pinipilit nya na talaga ako, marami pang mga weakness point ng tao ang tinarget niya sa iba't-ibang paraan. Aral na aral talaga si Kuya 2. 

Puso sa Puso 
Target: Pamilya 

"Kuntento ka na ba sa buhay mo?" 

"Oo." sagot ko. 

"Kung sasabihin mo saking kuntento ka na, hindi ako naniniwala." sabay ismid.


"Asar di ba? So, you're telling me amalayer?!" sa isip ko lang. 

"Eh ang pamilya mo? Kuntento ba sila? Nakabawi ka na?" banat niya ulit. 


Hindi na ako sumagot. 

Papel kung Papel. 
target: Pride 

"Marami kasing tao, wala pang nararating ma-pride na. Wag mokong turuan gradweyt ako ng ganito ganyan." 

"Kapag ma-pride ka, hindi ka aasenso." sabi niya na parang ako na lang ang kinakausap niya. 


Hindi ako sumagot. Wala namang tanong e. 


Pampanitikan. 
target: Pangloob na Sarili 

Enjoy na enjoy ako sa mga matatalinhaga at pilosopikal niyang mga banat. Saya, asar, awa, simpatya, halo-halo with leche flan. Mixed emotion talaga. 

"Hindi ito aksidente, ang tawag dito blessing in disguise. Galaw ng tadhana." 

Ang tinutukoy niya ay yung pagkikita namin. At pangalawang beses ko na ring maalok ng parehong kumpanya. Ako na raw ang pinapayaman, ako pa maarte. 

"Minsan ilalagay ka talaga sa mga bagay na di mo gusto." 

Tinutukoy niya ang tungkol sa pag-ayaw sa sales. Ang hindi niya alam, kinamumuhian ko nato ngayon.


"Hindi ko maintindihan kung anung tumatakbo dyan sa utak mo" sabi niya sakin ng nakakunot na ang noo. Mukhang itotodo na niya ang kanyang convincing powers. 

"May problema ba sa presentation?" 

"Wala." sagot ko. 

"May problema ka ba?" tanong ni Kuya 2. 

"Wala." ulit ang sagot ko. 

"Hindi ka tao! Ang problema ang humuhubog sating pagkatao." 

Para na siyang ermitanyo't pinupugaran ng karunungan. 

Pero kung akala mo ay ito na ang pinakamatalinhaga at pinakatunog pampanitikan niyang mga salita e nagkakamali ka. Hintayin mo siyang magclosing remarks sa kanyan million-times-denied na offer. 

Isinara na nga ni Kuya 2.0 dahil naubusan na siya ng teknik. 

"Kung hindi ito, ano pa? 
Kung hindi ngayon, kailan? 
Kung hindi ikaw, sino?" 

Gusto ko sanang sumigaw ng boom panes para sa madamdaming pagtatapos, pero ngumiti na lang ako. 

Naghiwa-hiwalay na kami ng landas. Sila magpapayaman, ako mayaman na. 

Merong malaking loophole ang kumpanya X. Meron na raw silang 26 na millionaire. Nabanggit rin niyang meron din silang 26k na miyembro. Ilang taon na rin ang kumpanya X. Umiling-iling ako habang tumutuhog ng tukneneng sa may bakanteng lote papuntang malaking simbahan. 


Hindi pagyaman ang buod ng pag-iral ko. Kung sumagana ako sa salapi, salamat! Pero kung yayaman ako ng walang sining, walang layunin, at walang Diyos, salamat na lang. 


Pag-uwi ko sinalubong ako ng tahol ng dalawa kong aso at apat na makukulit na bilot.

Wednesday, May 14, 2014

Tsa-Tsub

Laro namin ito nung nasa grade 2 ako. Kakalipat ko lang mula sa public. Laganap pala sa public school noon ang mga labanan ng teks, holen, trumpo, pogs, lastiko pero uso-uso lang. Bawat isa may kanya-kanyang season. 

Hindi ko alam kung pano umuuso 'yon, basta nalalaman ko na lang uso na ulit kaya dapat nakatago ang mga parapernalyas (teks, holen, pogs, atbp.) para madaling makaget-in pag trending na ulit ang mga ito. 

Isa sa kinahumalingan ko talaga ay ang pagtutukoy-tukoy ng teks. Yung mga 4*3cm na mga trading card games na may naka-imprentang anime at minsan may mga atack points pang kasama. Nakabanig (ang 64 piraso teks) kapag binili sa halagang 2.50 pesos at ambango-bango 'pag inaamoy anong saya. 

Pero hindi ako nakakabili ng banig-banig kasi limang piso lang baon ko, tatlong piso sa umaga at dos sa hapon. Pero bakit di pa rin ako nakabili? Kasi piso walong teks lang kaya kung 64 yung isang banig ay may bentang otso pesos ang mga sari-sari store mula sa puhunang 2.50. More than 100% ang kita  di ba? Hindi namonitor ng DTI.

Saktong-sakto lang ang baon kong pambili ng makukulay na donut. May pink, yellow, green, at violet na mga donut sa kantina ng iskul. Hindi namonitor ng DOH. Kung pupunta naman ako ng bayan para bumili mahal ang pamasahe. Akala ko nung bata ako ay hundreds ang pamasahe sa dyip. Minsan lang din naman kami isama sa bayan kapag namimili ng paninda para sa sari-sari store si Mama. 


Dahil talagang entrepreneur ang nanay ko ay nakita niya yata ang growing demand for teks pati na ang profitability nito. Aware ang nanay ko sa potential market. Siya rin kaya ang may pakana ng rainbow donuts sa kantin sa iskul. Nagtinda kami ng teks. Dito ako nakakuha ng kapital para makalaban. Tsa-tsuban na!!! 

Sa garapon nakalagay ang mga teks. Imposibleng magawang kumupit ng umaga kaya gabi ko ginawa ang plano at sa ilalim ng kumot ko hinihiwag-hiwag ang walong teks. Pantingi na kasi kaya pawalo-walo lang ang kuha ko gabi-gabi. Maingay ito kapag tinatanggal para kang nagpipilas ng karton. Prrhk...Prrhk... Slowly but surely na hindi ka maririnig. 

Hindi nahalata ni Mama na walang proceeds ang pagkabawas ng mga teks. Wala naman kasing imbe-imbentori ang tindahan namin. Pero walang bahong hindi umaasngaw. 


Isang Sabado, naglilinis si Mama ng kwarto. Bigla na lang akong tinawag. Pasigaw at pagalit. Bakit kaya? 

May hawak na itong mga banig-banig ng teks at naalala ko ng iniwan ko ito sa ilalim ng banig namin. Hindi nako nakapangatwiran. Walang isang minuto ay lumagapak ang sinturon sa pwet ko. Tsub ako sa kwarto kakaiyak sa kasalanan. Sariling hanapbuhay na nga raw ay ninanakawan pa. 

Simula noon, hindi na nagtinda ng teks si Mama. Ako, pinang-alok ko ang mga banig-banig ng anim na piso para sa 64 na teks o isang banig. Tumawad pa ang inalok ko ng lima na lang at tinakot pa ko na hindi na siya bibili at mawawalan raw ako ng pambili ng gel sabay hawak sa nakatirik kong buhok. "Hindi gel yan, seyf gard yan!" sabi ko. At konting pilitan pa ay naibenta ko rin ng anim na piso. Anlaki ng pera ko noon, sampung piso. Bill Gates nako nun!

Napalago ko rin ang mga teks ko, na brawn na ang gilid kapapatak sa lupa tapos napapawisan pa sa kamay ko. Mas mababa ang selling price ng luma. Alam ko ay piso 16-cha (33 na teks) ang palitan noon. Yung mga nasa grade 4 at 5 na may mga dangkal-dangkal na teks ang nagbebenta nito. Pinambabaon nila ang napagbentahan. 

Sa akin pinalago ko by heart at tiyaga. Kahit by probability lang ang pagkapanalo pakiramdam ko nakikipaglaban ang pamato mo sa ere kapag tinutukoy ito. 

Paano pumili ng pamato? Yung iba nagbabase sa mga nakasulat na attack points. Yung iba kung sino ang bida sa pinapanuod na anime. Wala pang pinoy anime noon kaya puro galing sa hapon. Aba, meron na bang pinoy anime ngayon sa mga telebisyon? Wala pa rin, dragon ball pa rin. 

Tinitingnan ko gabi-gabi ang mga teks ko. Yung parang nagbibilang na money changer, ganun kabilis at pag may pumukaw sa aking atensyon ay yuon na ang pamato ko. Kadalasan may 3-4 na pamato ako depende sa game-type. Oo, may ibat-ibang paraan ng pakikipaglaban sa teks.

Regular Battle. 1 vs. 1 ito. Dalawang magkalabang pamato, panalo ang naka-tsa, at talo ang naka-tsub. Kapag parehong naka-tsa o naka-tsub, e ulitin lang ang tukoy. Kaya nga maririnig dito ang "tsa-tsub! tsa-tsub!" mula sa mga gigil na players. Siyemperds yung sayo ang gusto mong naka-tsa. 

Modified Battle. 1 vs. 1 o pwede ring 1 vs. 1 vs. 1 ang manlalaro. Mag-focus ka dahil may konting ka komplikaduhan ang mekaniks nito. May tatlong teks na itutukoy, sa kaso ng 1 vs. 1, dalawang pamato at isang pamara mula sa isa sa mga player. Kapag lumapag na ang tatlong teks, kung sino ang naiba siya ang panalo. Either tsub-tsub-tsa o tsa-tsub-tsa. Kung yung pamara ang naiba, e ulitin ang tukoy. Pero sa kaso ng 1 vs. 1 vs. 1, e may tatlong teks na agad at wala ng pamara. Mas mabilis ang resulta. Kaya madalas mong maririnig ang "tsub-tsub-tsa!" mula sa players hindi pa man lumalapag ang teks. Siyemperds, gusto mo ikaw ang naiiba. 

Random Battles. Para tong rambulan. Naalala ko sumali ako dati nito, 8 kami lahat magkakalaban , 8 teks sa ere. Kailangan ng watchers para mabantayan ang teks at siguraduhing hindi ito nagalaw. Komplikado ito, hindi ko na alam kung pano nanalo at nagbabayaran dito. Sumali lang ako dito dati dahil sinasalihan lang ito ng mga aristokrata. Mga may dangkal-dangkal na teks, at eksperto sa di nakakalkulang probabiliti; kadalasan nasa grade 5 at 6. Sumali lang ako para sa status na iyon at grade 2 lang ako noon. Prodigy! 


Paano ba nagbabayaran? Simple lang, arranged ang bayaran bago itukoy. Pwedeng dalawa-cha (5 teks) para sa beginners, walo-cha (17 teks) para sa novice, at 16-cha (33 teks) para sa intermediate. 

Kapag aristokrata na, taob-taob na ang labanan. Magtataob ka ng ilang pulgada, kapag siya ang nanalo, kukunin niya ang itinaob mo. Pero kapag ikaw ang nanalo, bibilangin mo ang itinaob at 'yon ang babayaran niya. Dugs-dugs ang puso mo habang umiikot sa ere ang mga teks. 

At kapag desperado ka ng makabawi at mga ilang pulgada na ang natatalo sayo, e i-todo mo na kahit isang dangkal pa ang hawak mo. Ang tawag namin doon ay Shoot na pati pato. Hindi yung alaga nyo na kumekendeng at kumakain ng puto sa plato, kundi kasama na pati yung pamato. Kumbaga, Ruffa mae na; todo na 'to! Kailangan mong makabawi sa isang tukoy. 

Hindi ini-encourage ng mga guro namin sa San Agustin Elementary School ang pagte-teks. Hindi rin naman nila ito tinututulan siguro dahil alam nilang nakakatulong ito sa social development ng mga bata. Hanggang sa malaman nilang pwede pala itong makasira ng moral, kaya ipinagbawal din ito, kaya naging underground lahat ng uri ng pagteteks. 

Pwedeng haluan ng sugal ang pagteteks gaya ng jolen na sinasandalan ng barya. Teks-money ang tawag. Kadalasan mga aristokrata at mga batang malalaki ang baon sa iskul ang naglalaro nito. Nag-iiba ang bayaran dito, naalala mo yung binigay kong palitan ng piso at teks (bago-bago, o yung used pero di luma) na 16 cha? Pwede ka nang magtaob ng ilang sentimetro at samahan mo ng limang pisong plata dahil para narin yong ilang pulgada. Pwede ring puro pera lang. 

Alam kong mali ang sugal, isa pa, limam piso lang ang baon ko kaya hindi ako sumasali. Bawal pati yun. 

Pero may nakalaban ako na desperado nang makabawi. Konti na lang ang hawak niyang teks, wala nang isang pulgada. Paiyak na rin siya, alam ko. Isang tukoy na lang at tapos na ang maliligayang araw niya sa kalamansian kung saan kami nagteteks. Nag-shoot na siya, kasama ang limam piso. Wew! May asim na natikman ang daliri ko, itutukoy ko ba? Paano pag nanalo siya? Kaya kong bayaran ng teks, dangkal-dangkal na ang teks ko sa bahay kahit matalo pa 'tong dala ko sa iskul, pero pag nanalo ako; may limam piso ako. Itinukoy ko, simula noon nagteks-money ako. 

Kinahapunan, pagkatapos kumanta ng Ang Bayan ko'y tanging ikaw, ay may sasabihin daw si Mam Abarquez. Biglang pinawisan ako ng malamig. 

Maya-maya pa'y may mga kasama na itong mga grade 6 at malalaki sila. Wala na akong naririnig sa sinasabi niya dahil alam ko na ang mangyayari sa pagkumpas-kumpas niya pa lang ng istik na kawayan. May kapkapan at inspeksyon.

Pinaupo na lahat ng babae sa field naming balot ng amorseko't carabao grass. Lahat ng lalaki lang ang kakapkapan at itse-tsek ang gamit. Ang sexist naman, feminista si Mam, e may kilala akong mga babaeng nagteteks rin, aristokrata pa nga yung ilan. 

Lalo akong pinagpawisan, nang makita ko na ang mga nahuli na nakapila sa unahan at ang santambak ng teks na nakumpiska ni Mam Abarqeuz at ng kanyang mga alipores. Sa ganung karaming teks, sayo na ang titulong teks lord. 

Hindi ko alam kung matatae akong hindi, pero me mga kaklase nakong nasa unahan. Isa-isa na silang nakakatikim ng palo ng teks lord sa harap ng buong mababang paaralan ng San Agustin. 

Hinihintay na nilang mahulihan din ako. Alam ng marami na aristokrata na ako kahit nasa grade 2 pa lang, kung meron ngang Forbes para sa nagteteks, e kasama ako sa top 20 panigurado. Hindi ako pwedeng mapahiya, yari ako sa nanay ko. Mado-doblehan ako ng palo. Isa pa... 

Ito na ang magtse-tsek ng bag ko. Kinapa muna ang bulsa ko, walang nakita. Binuksan ang bag. Dugs...dugs...dugs... ang naririnig ko ay ang pagtambol sa dibdib ko imbes na yung pagdusdos ng zipper ng malaki kong backpack. Shoot na pati palo ang aabutin ko kapag nahulihan ako. 

Isinara na ulit ang bag. Cleared. Lusot! 

Nakahinga nako ng normal. Unti-unting bumagal ang pagtambol. Nagbigay ng huling babala si Mam Abarquez bago kami pinauwing lahat. Kung sino man ang impormante e baka nabadag ito sa teks. 

Kinalunesan, balik ang dating kalakaran, mas tumapang nako sa teks-money. Mas may thrill na ang labanan. Palima-lima hanggang sa pasampo-sampo, pagkamkam ang nasa isip sa murang edad. Pero isang recess time noon, may narinig kami sa kalamansian: "Si Mam Abarquez!" sabi ng look-out. Para kaming mga langgam na nilibo dahil kanya-kanya kami ng pulas. Na-raid ang mga operasyon, hindi ako pwedeng mahuli at mapalong muli. 

Napalo nako ni Mam Abarquez dati. Minsan kasi nag-aya ako ng unahan sa rambutanan, nag-unahan kami sa pagtakbo at pag-akyat. Kanya-kanya kami ng puno. Ang hindi ko alam bawal pala yon.

Hindi naman ako nainform kahit ng mga bagong kaibigan. Nalaman ko lang na bawal nang may nagsabing ipinapatawag daw kami ni Mam Abarquez. Hindi ko alam kung sino yon dati pero sa itsura ng mga kasama ko ay para kaming mahahatulan. 

Nasa labas ng room ng grade 1 si Mam Abarquez, hawak ang istik na kawayan. Nakapila na ang mga kaibigan ko. Pagk! Pagk! Lagapak na ang palo siguro dahil sa mga palda nila. Nang ako na ang tatanggap ng sintensya, parehong tunog pero ang inaasahan kong sakit sa pwet ay wala. Nasa dibdib. Nakakahiya, napalo ang transferee kasama ng honor roll. Makasaysayan!, nasa isip siguro ng madlang bata. 

Kaya hindi ako pwedeng mahuli at mapalo ng pangalawang beses pa. 

Nakauwi ako sa bahay. Isinulit ko kay Mama ang 74 pesos na napanalunan ko kako sa teks-money. Aanhin ko ang 74 pesos? E andami-dami ko nang teks kaya binigay ko na lang kay Mama yung pera. 

Nagalit siya na natuwa. Wag na raw akong magsugal, pero nakangiti. Siguro ay dahil makatitipid siya sa pambaon ko ng ilang linggo.

Matapos ng panalo kong 'yon, hindi na ulit ako nagteks-money. Nangaral yung titser namin na pinaghihirapan daw ng magulang namin ang pinambabaon samin para ipangsugal lang. Alam ko nagpapahinante pa sa bunutan yung mga nasa higher grades kapag walang pasok para ipambaon. Kung anuman yung pahinante at bunutan, mahirap daw iyon. Wala akong idea ng bunutan kundi yung bunot na pinampapakinis namin ng sahig. Meron din sa loob ko na nagsasabing tumigil na sa ilegal na gawain. 

Isa pa, napag-alaman ko noon na kandidato raw ako sa honor roll. At tsub ang dangal sa pagsusugal.