Friday, May 9, 2014

Trip to Tiaong: Si Neneng A.

Kanina sumakay ako ng dyip, papunta ako ng university. Wala pang masyadong laman ito nang masakyan ko sa bagong palengke kayanaman nagpuno pa ito sa may lumang palengke. Sa tabihan ako ng drayber pumuwesto gaya ng dati. 

Maya-maya pa'y nagsakayan na ang mga namalengke, at ang pumuno talaga rito ay ang mga nag-awasan ng mga estudyante mula sa hayskul at elementary. Gumaod na ang dyip. 

"Para daw po!" sabi ng pambabae ngunit may lagong ng boses ang paulit-ulit kong naririnig. Malakas na tinig na may diin. 

"Kanino daw po yung sukli sa bente?... wala hong tumatanggap." sabi ulit niya ng malakas na parang nangangampanya. 

Nilingon ko na ang adelentada. Kaya naman pala, andun lang siya sa likod ng drayber kaya ang lakas ng boses niya. Kaya pala inuulit niya ang bawat pag-para ng mga pasahero, kaya pala inuusisa kung kanino ang mga sukli, dahil doon siya nakaupo sa likuran ng drayber. Siya ang Secretary General, ang hindi napapag-usapang trabaho na awtomatikong napapataw sa kung sinuman ang umupo sa likuran ng drayber. 


Kung papansinin mo siya yung tipong pulbo every period at basa ng Wattpad every weekends pero magaan sa loob niya ang kinasadlakang obligasyon. Kung tutuusin matrabaho din ang pagiging Sec.Gen. pero di tulad ng pagbabarker, e wala itong bayad kahit pasasalamat. Pero kahit ang kaisipang ito naman ay wala sa mga nauupo sa nasabing puwesto, basta ginagawa nila ang pag-aabot ng bayad at pag-e-echo ng mga saloobin ng pasahero para sa maayos na paglalakbay. 


Ganito dapat ang public servant.

No comments: