Wednesday, May 14, 2014

Tsa-Tsub

Laro namin ito nung nasa grade 2 ako. Kakalipat ko lang mula sa public. Laganap pala sa public school noon ang mga labanan ng teks, holen, trumpo, pogs, lastiko pero uso-uso lang. Bawat isa may kanya-kanyang season. 

Hindi ko alam kung pano umuuso 'yon, basta nalalaman ko na lang uso na ulit kaya dapat nakatago ang mga parapernalyas (teks, holen, pogs, atbp.) para madaling makaget-in pag trending na ulit ang mga ito. 

Isa sa kinahumalingan ko talaga ay ang pagtutukoy-tukoy ng teks. Yung mga 4*3cm na mga trading card games na may naka-imprentang anime at minsan may mga atack points pang kasama. Nakabanig (ang 64 piraso teks) kapag binili sa halagang 2.50 pesos at ambango-bango 'pag inaamoy anong saya. 

Pero hindi ako nakakabili ng banig-banig kasi limang piso lang baon ko, tatlong piso sa umaga at dos sa hapon. Pero bakit di pa rin ako nakabili? Kasi piso walong teks lang kaya kung 64 yung isang banig ay may bentang otso pesos ang mga sari-sari store mula sa puhunang 2.50. More than 100% ang kita  di ba? Hindi namonitor ng DTI.

Saktong-sakto lang ang baon kong pambili ng makukulay na donut. May pink, yellow, green, at violet na mga donut sa kantina ng iskul. Hindi namonitor ng DOH. Kung pupunta naman ako ng bayan para bumili mahal ang pamasahe. Akala ko nung bata ako ay hundreds ang pamasahe sa dyip. Minsan lang din naman kami isama sa bayan kapag namimili ng paninda para sa sari-sari store si Mama. 


Dahil talagang entrepreneur ang nanay ko ay nakita niya yata ang growing demand for teks pati na ang profitability nito. Aware ang nanay ko sa potential market. Siya rin kaya ang may pakana ng rainbow donuts sa kantin sa iskul. Nagtinda kami ng teks. Dito ako nakakuha ng kapital para makalaban. Tsa-tsuban na!!! 

Sa garapon nakalagay ang mga teks. Imposibleng magawang kumupit ng umaga kaya gabi ko ginawa ang plano at sa ilalim ng kumot ko hinihiwag-hiwag ang walong teks. Pantingi na kasi kaya pawalo-walo lang ang kuha ko gabi-gabi. Maingay ito kapag tinatanggal para kang nagpipilas ng karton. Prrhk...Prrhk... Slowly but surely na hindi ka maririnig. 

Hindi nahalata ni Mama na walang proceeds ang pagkabawas ng mga teks. Wala naman kasing imbe-imbentori ang tindahan namin. Pero walang bahong hindi umaasngaw. 


Isang Sabado, naglilinis si Mama ng kwarto. Bigla na lang akong tinawag. Pasigaw at pagalit. Bakit kaya? 

May hawak na itong mga banig-banig ng teks at naalala ko ng iniwan ko ito sa ilalim ng banig namin. Hindi nako nakapangatwiran. Walang isang minuto ay lumagapak ang sinturon sa pwet ko. Tsub ako sa kwarto kakaiyak sa kasalanan. Sariling hanapbuhay na nga raw ay ninanakawan pa. 

Simula noon, hindi na nagtinda ng teks si Mama. Ako, pinang-alok ko ang mga banig-banig ng anim na piso para sa 64 na teks o isang banig. Tumawad pa ang inalok ko ng lima na lang at tinakot pa ko na hindi na siya bibili at mawawalan raw ako ng pambili ng gel sabay hawak sa nakatirik kong buhok. "Hindi gel yan, seyf gard yan!" sabi ko. At konting pilitan pa ay naibenta ko rin ng anim na piso. Anlaki ng pera ko noon, sampung piso. Bill Gates nako nun!

Napalago ko rin ang mga teks ko, na brawn na ang gilid kapapatak sa lupa tapos napapawisan pa sa kamay ko. Mas mababa ang selling price ng luma. Alam ko ay piso 16-cha (33 na teks) ang palitan noon. Yung mga nasa grade 4 at 5 na may mga dangkal-dangkal na teks ang nagbebenta nito. Pinambabaon nila ang napagbentahan. 

Sa akin pinalago ko by heart at tiyaga. Kahit by probability lang ang pagkapanalo pakiramdam ko nakikipaglaban ang pamato mo sa ere kapag tinutukoy ito. 

Paano pumili ng pamato? Yung iba nagbabase sa mga nakasulat na attack points. Yung iba kung sino ang bida sa pinapanuod na anime. Wala pang pinoy anime noon kaya puro galing sa hapon. Aba, meron na bang pinoy anime ngayon sa mga telebisyon? Wala pa rin, dragon ball pa rin. 

Tinitingnan ko gabi-gabi ang mga teks ko. Yung parang nagbibilang na money changer, ganun kabilis at pag may pumukaw sa aking atensyon ay yuon na ang pamato ko. Kadalasan may 3-4 na pamato ako depende sa game-type. Oo, may ibat-ibang paraan ng pakikipaglaban sa teks.

Regular Battle. 1 vs. 1 ito. Dalawang magkalabang pamato, panalo ang naka-tsa, at talo ang naka-tsub. Kapag parehong naka-tsa o naka-tsub, e ulitin lang ang tukoy. Kaya nga maririnig dito ang "tsa-tsub! tsa-tsub!" mula sa mga gigil na players. Siyemperds yung sayo ang gusto mong naka-tsa. 

Modified Battle. 1 vs. 1 o pwede ring 1 vs. 1 vs. 1 ang manlalaro. Mag-focus ka dahil may konting ka komplikaduhan ang mekaniks nito. May tatlong teks na itutukoy, sa kaso ng 1 vs. 1, dalawang pamato at isang pamara mula sa isa sa mga player. Kapag lumapag na ang tatlong teks, kung sino ang naiba siya ang panalo. Either tsub-tsub-tsa o tsa-tsub-tsa. Kung yung pamara ang naiba, e ulitin ang tukoy. Pero sa kaso ng 1 vs. 1 vs. 1, e may tatlong teks na agad at wala ng pamara. Mas mabilis ang resulta. Kaya madalas mong maririnig ang "tsub-tsub-tsa!" mula sa players hindi pa man lumalapag ang teks. Siyemperds, gusto mo ikaw ang naiiba. 

Random Battles. Para tong rambulan. Naalala ko sumali ako dati nito, 8 kami lahat magkakalaban , 8 teks sa ere. Kailangan ng watchers para mabantayan ang teks at siguraduhing hindi ito nagalaw. Komplikado ito, hindi ko na alam kung pano nanalo at nagbabayaran dito. Sumali lang ako dito dati dahil sinasalihan lang ito ng mga aristokrata. Mga may dangkal-dangkal na teks, at eksperto sa di nakakalkulang probabiliti; kadalasan nasa grade 5 at 6. Sumali lang ako para sa status na iyon at grade 2 lang ako noon. Prodigy! 


Paano ba nagbabayaran? Simple lang, arranged ang bayaran bago itukoy. Pwedeng dalawa-cha (5 teks) para sa beginners, walo-cha (17 teks) para sa novice, at 16-cha (33 teks) para sa intermediate. 

Kapag aristokrata na, taob-taob na ang labanan. Magtataob ka ng ilang pulgada, kapag siya ang nanalo, kukunin niya ang itinaob mo. Pero kapag ikaw ang nanalo, bibilangin mo ang itinaob at 'yon ang babayaran niya. Dugs-dugs ang puso mo habang umiikot sa ere ang mga teks. 

At kapag desperado ka ng makabawi at mga ilang pulgada na ang natatalo sayo, e i-todo mo na kahit isang dangkal pa ang hawak mo. Ang tawag namin doon ay Shoot na pati pato. Hindi yung alaga nyo na kumekendeng at kumakain ng puto sa plato, kundi kasama na pati yung pamato. Kumbaga, Ruffa mae na; todo na 'to! Kailangan mong makabawi sa isang tukoy. 

Hindi ini-encourage ng mga guro namin sa San Agustin Elementary School ang pagte-teks. Hindi rin naman nila ito tinututulan siguro dahil alam nilang nakakatulong ito sa social development ng mga bata. Hanggang sa malaman nilang pwede pala itong makasira ng moral, kaya ipinagbawal din ito, kaya naging underground lahat ng uri ng pagteteks. 

Pwedeng haluan ng sugal ang pagteteks gaya ng jolen na sinasandalan ng barya. Teks-money ang tawag. Kadalasan mga aristokrata at mga batang malalaki ang baon sa iskul ang naglalaro nito. Nag-iiba ang bayaran dito, naalala mo yung binigay kong palitan ng piso at teks (bago-bago, o yung used pero di luma) na 16 cha? Pwede ka nang magtaob ng ilang sentimetro at samahan mo ng limang pisong plata dahil para narin yong ilang pulgada. Pwede ring puro pera lang. 

Alam kong mali ang sugal, isa pa, limam piso lang ang baon ko kaya hindi ako sumasali. Bawal pati yun. 

Pero may nakalaban ako na desperado nang makabawi. Konti na lang ang hawak niyang teks, wala nang isang pulgada. Paiyak na rin siya, alam ko. Isang tukoy na lang at tapos na ang maliligayang araw niya sa kalamansian kung saan kami nagteteks. Nag-shoot na siya, kasama ang limam piso. Wew! May asim na natikman ang daliri ko, itutukoy ko ba? Paano pag nanalo siya? Kaya kong bayaran ng teks, dangkal-dangkal na ang teks ko sa bahay kahit matalo pa 'tong dala ko sa iskul, pero pag nanalo ako; may limam piso ako. Itinukoy ko, simula noon nagteks-money ako. 

Kinahapunan, pagkatapos kumanta ng Ang Bayan ko'y tanging ikaw, ay may sasabihin daw si Mam Abarquez. Biglang pinawisan ako ng malamig. 

Maya-maya pa'y may mga kasama na itong mga grade 6 at malalaki sila. Wala na akong naririnig sa sinasabi niya dahil alam ko na ang mangyayari sa pagkumpas-kumpas niya pa lang ng istik na kawayan. May kapkapan at inspeksyon.

Pinaupo na lahat ng babae sa field naming balot ng amorseko't carabao grass. Lahat ng lalaki lang ang kakapkapan at itse-tsek ang gamit. Ang sexist naman, feminista si Mam, e may kilala akong mga babaeng nagteteks rin, aristokrata pa nga yung ilan. 

Lalo akong pinagpawisan, nang makita ko na ang mga nahuli na nakapila sa unahan at ang santambak ng teks na nakumpiska ni Mam Abarqeuz at ng kanyang mga alipores. Sa ganung karaming teks, sayo na ang titulong teks lord. 

Hindi ko alam kung matatae akong hindi, pero me mga kaklase nakong nasa unahan. Isa-isa na silang nakakatikim ng palo ng teks lord sa harap ng buong mababang paaralan ng San Agustin. 

Hinihintay na nilang mahulihan din ako. Alam ng marami na aristokrata na ako kahit nasa grade 2 pa lang, kung meron ngang Forbes para sa nagteteks, e kasama ako sa top 20 panigurado. Hindi ako pwedeng mapahiya, yari ako sa nanay ko. Mado-doblehan ako ng palo. Isa pa... 

Ito na ang magtse-tsek ng bag ko. Kinapa muna ang bulsa ko, walang nakita. Binuksan ang bag. Dugs...dugs...dugs... ang naririnig ko ay ang pagtambol sa dibdib ko imbes na yung pagdusdos ng zipper ng malaki kong backpack. Shoot na pati palo ang aabutin ko kapag nahulihan ako. 

Isinara na ulit ang bag. Cleared. Lusot! 

Nakahinga nako ng normal. Unti-unting bumagal ang pagtambol. Nagbigay ng huling babala si Mam Abarquez bago kami pinauwing lahat. Kung sino man ang impormante e baka nabadag ito sa teks. 

Kinalunesan, balik ang dating kalakaran, mas tumapang nako sa teks-money. Mas may thrill na ang labanan. Palima-lima hanggang sa pasampo-sampo, pagkamkam ang nasa isip sa murang edad. Pero isang recess time noon, may narinig kami sa kalamansian: "Si Mam Abarquez!" sabi ng look-out. Para kaming mga langgam na nilibo dahil kanya-kanya kami ng pulas. Na-raid ang mga operasyon, hindi ako pwedeng mahuli at mapalong muli. 

Napalo nako ni Mam Abarquez dati. Minsan kasi nag-aya ako ng unahan sa rambutanan, nag-unahan kami sa pagtakbo at pag-akyat. Kanya-kanya kami ng puno. Ang hindi ko alam bawal pala yon.

Hindi naman ako nainform kahit ng mga bagong kaibigan. Nalaman ko lang na bawal nang may nagsabing ipinapatawag daw kami ni Mam Abarquez. Hindi ko alam kung sino yon dati pero sa itsura ng mga kasama ko ay para kaming mahahatulan. 

Nasa labas ng room ng grade 1 si Mam Abarquez, hawak ang istik na kawayan. Nakapila na ang mga kaibigan ko. Pagk! Pagk! Lagapak na ang palo siguro dahil sa mga palda nila. Nang ako na ang tatanggap ng sintensya, parehong tunog pero ang inaasahan kong sakit sa pwet ay wala. Nasa dibdib. Nakakahiya, napalo ang transferee kasama ng honor roll. Makasaysayan!, nasa isip siguro ng madlang bata. 

Kaya hindi ako pwedeng mahuli at mapalo ng pangalawang beses pa. 

Nakauwi ako sa bahay. Isinulit ko kay Mama ang 74 pesos na napanalunan ko kako sa teks-money. Aanhin ko ang 74 pesos? E andami-dami ko nang teks kaya binigay ko na lang kay Mama yung pera. 

Nagalit siya na natuwa. Wag na raw akong magsugal, pero nakangiti. Siguro ay dahil makatitipid siya sa pambaon ko ng ilang linggo.

Matapos ng panalo kong 'yon, hindi na ulit ako nagteks-money. Nangaral yung titser namin na pinaghihirapan daw ng magulang namin ang pinambabaon samin para ipangsugal lang. Alam ko nagpapahinante pa sa bunutan yung mga nasa higher grades kapag walang pasok para ipambaon. Kung anuman yung pahinante at bunutan, mahirap daw iyon. Wala akong idea ng bunutan kundi yung bunot na pinampapakinis namin ng sahig. Meron din sa loob ko na nagsasabing tumigil na sa ilegal na gawain. 

Isa pa, napag-alaman ko noon na kandidato raw ako sa honor roll. At tsub ang dangal sa pagsusugal. 

No comments: