Friday, May 9, 2014

Seyls 1: Sagupa with the Sugapa

Hindi ako fan ng sales. Lalo na ng networking. 
May mga taong pinanganak para dito, at may mga pinanganak rin para maka-engkwentro at kulitin ng mga ito. At isa ako sa mga 'yon. 


Oo, alam ko na magkaiba ang sales at networking. Pero kasi pareho lang silang makulit at hindi raw namimilit. 

Ilang ulit na rin akong naalok ng networking. Ilang ulit na ring tumanggi. Pero nitong huli ay may kakaibang asar at aral. 

Hindi ko na babanggitin ang pangalan nung kumpanya basta growing at establisyado na raw ito. Dalawang beses nakong naupo at na-presentan ng pareho ring Ppt file. Rehistrado raw sa SEC kaya hindi scam. 

Pyramding scam kasi ang nagbigay ng chill sa publiko kaya iwas na tayo sa networking. Hindi na para ke-i-verify ko pa ang SEC registration dahil kahit legal nga ang kumpanya, e maaari pa rin itong bumagsak. 

Yung Prudential Life, insurance company pa iyon pero bumagsak rin. Kaya hindi niya pwedeng sabihin saking walang katalo-talo sa f...kumpanya niya. 


Sinong siya? Yung nagpepresent sa'min. Tatlo kaming kinukumbinse. Dalawa silang naka-polo na mula sa fr...from their kumpanya. Kumpanya X na nga lang. Yung isa may pinepresentan sa may gate. 

Itong si Kuya 1 (na nagpepresent sa'min) ay dati raw nag-barko, nag-sales staff sa SM, nag-agent sa insurance at kung anu-ano pa raw na trabaho pero hindi raw siya nakaipon. 

So kasalanan ko kuya? So ibebenta mo 'tong networking nato para maka-ipon ka na?, sa isip ko lang pero ngumingiti-ngiti lang talaga ako. 

Hanggang sa nakita nga raw niya itong Kumpanya X. 

Binalangkas ko ang presentasyon niya habang nga-nga lang yung dalawa kong kasama. 


Produkto. 

Itong networking nato ay para ka lang naman daw bumili ng produkto talaga. Pwede ka rin kasi mag-direct selling ng mga health and wellness products. Sa sobrang busy ng today's world natin ay napapabayaan na natin ang ating kalusugan at consequently ang ating mga kaitsurahan. Target din ng kumpanya X ang walang kamatayang pagpapaputi nating mga Pinoy.


Kaya meron din silang gluta, bukod sa mga slimming pills (na hindi na kailangang mag-exercise) at vitamins (na nakapagpapabata). 

"Para san ba ang gluta?" tanong ni Kuya 1. 

"Pampaputi!" konpidenteng sagot ng isa saming tatlo. 

"Para sa liver. Sa over-all optimum health nito. Kapag maayos ang liver, pumuputi tayo. Sa liver kasi tayo nagpoproduce ng gluta" sumabat na ang best in recitation na walang iba kundi ako. 

"Bata pa lang tayo ay nagpoproduce na ang katawan natin ng gluta, humihina ang produksyon habang ume-edad tayo" dagdag ni Kuya 1. 

Kaya kailangan natin ng mga produkto dahil sa mga kakulangan natin sa buhay. 

Alam niya na hindi kami makukumbinsi na gumastos sa networking dahil humanga kami sa science ng produkto nila. Hello? Nasa Pilipinas tayo where science is KSP. Kaya sunod na niyang ipinakita ang... 

Pagkita. 

Una muna niyang pinakita ang nagtayo ng kumpanya X. Oo, mayaman na ito at na-feature na raw sa isang sopistikadong teybol-buk ng mga sopistikado. Kadiri naman yung lay-out ng cover. 


Kung sa Forbes pa, baka napa-wow pako. 

Bukod sa direct selling ay pwede kang kumita pa ng mas big time sa pagrerekrut ng kakilala mong magsusugal ng 10K para maging milyonaryo in less than a year. 

Basta may narekrut ka at iregister sa kompyter sistem nila at may sales match sa left and right, awtomatikong may dalawang libong mapapasabulsa mo. 

At bawat sales match ng mga downlines mo ay may kikitain ka pa rin. Kaya nga networking. Basta may rekrut kang dala-dalawa e pwede ka nang kumita ng 30K a day. Ang gonda!!! 

Ngiti lang ang itinugon ko sa kitaang hindi ko makita ang saysay pa ng pag-iral bukod sa pagpapayaman. 

"Maganda ba o maganda?" Tanong ni Kuya 1. 

"Maganda!" sagot naming mga hinihipnotismo. 

"Sasali na kayo?" alok niya na kung pwede lang niyang sabihin kaninang-kanina pa. 

Tumango ang dalawa kong kasama. Ako, ngiti lang. 


POV 

Hanggang nagdiscuss na siya ng ugali ng mga Pilipino. Na sarado raw tayo sa mga bagay na bago. Na sa Japan at Korea raw ay networking ang ginagawa nila kaya sila maunlad.


Kaya sila maunlad dahil nililinang nila ang sariling wika, sabi ng isip ko. Pinaglololoko na kami ni Kuya 1. Lahat na sasabihin para maka-rekrut. 

Hindi pa tapos ang pagka-socio-anthropologist niya. 

"Ang mga Pilipino kasi nakatingin agad doon sa luge at hindi sa kita." dagdag pa ni Kuya 1. 

Dapat daw kasi bukas yung isip mo sa lahat. Nagbi-build up na siya para pag tumanggi ka ay ibig sabihin sarado ang isip mo. 

Hindi mo pwedeng buksan ang isip mo sa lahat, sisipunin ka. 


Pangarap. 

Mukhang nakahahalata na siyang hindi niya ako mahuhuli, kaya nag-shift na siya ng gear. 

"Kung may 10M ka, anung bibilhin mo?" tanong ni Kuya 1 na parang nasa pambarangay na beucon kami. 

"House & Lot" sagot ng isa. 

"Mga kotse at businesses" sagot pa ng isa naming kasama. 

"Lupa" maigsing sagot ng magsasakang tulad ko. 

Lahat ito ay isinulat niya sa puting papel gamit ang marker. 

"Sa tingin mo, sa ginagawa mo ngayon kailan mo maiipon ang 10M?" follow-up ni Kuya 1. 

Ewan. 
Hindi ko alam. 
Ngiti lang ang sinagot ko. 


Sa kalkulasyon niyang ginawa sa kumpanya X daw ay makukuha mo ito sa loob ng pitong taon. Oo! 7 years ay 10-millionaire ka na 'te. 

Nagpahayag na ang pagsali ng dalawa na mukha namang walang 10K. Mukha ngang walang 100 sa bulsa. 

Ako, hindi na may kasamang ngiti nang mag-alok muli siya ng pagsali. 

Wala akong apetite sa 10M, hindi ko siyempre sinabi. Sa isip ko lang. 

"Ano, may problema ba sa presentation?" pagtataka ni Kuya. 

"Wala, maganda naman siya. Kaya lang hindi ko linya ang sales. Ang pangungumbinsi ng mga tao" nagrecord-braking ako dahil hindi na ngiti lang ang tugon ko. 

"Sa tingin mo ba linya ko anp sales?" tanong niya na nauwi sa pagkukuwento ng... 

Personal na Karanasan. 

Nursing daw ang tinapos niya. Hindi ata nakapasa ng eksam kasi kung nakapasa siya sasabihin niyang RN siya. Tapos sasabihin pa ang ibig-sabihin ng RN ng buong sosyal. Pero siya, nursing daw ang tinapos niya at tuldok. 

Nagtrabaho nga sa SM, maghapon ng nakatayo pero sapat lang sa sarili ang sinusweldo. Hindi makatulong sa pamilya. Nagbarko pero wala pa rin. 


"Kahit hindi mo linya, basta marangal, para sa pamilya, papasukin mo." sabi pa niya. 

Araw-araw, babangon ka mag-iisip ng uutoin ng sampung libo. Hindi totoo na hawak mo ang oras mo sa trabahong ito. Hindi totoo na nasa kamay mo ang mga pangarap mo. Wala nang diyos-diyos, sariling sikap na lang. Ito ang flagship ng kumpanya X. 


Isa pa, bakit nga ba ako nandoon? Ininvite ako ng ex-clasmate ko dahil bertdey daw niya tapos paghahanapan ako ng tiwala? 


Dahil hindi naman sila namimilit, ay ginalang naman daw nila ang aking pagtanggi. 

Tumayo si Kuya 1. Pumalit si Kuya 2.

No comments: