Friday, May 23, 2014

Last Teks Na 'To

Hanggang Grade 4 nagteteks pa rin ako. Plastik-plastik na ang teks ko.

Ang teks kasi ang nagsisilbing brochures o blueprints ng magiging laruan namin sa Pasko.

Mga fashion toys. Ang mga laruang gaya ng Let' go (kotse-kotsehan) at Beyblade (modern trumpo); bago kami nakahawak ng mga ganito ay una na naming nilaro ito sa teks. 2D muna kumbaga bago ang prototype na nabibili mula sa napamaskuhan.

Hanggang sa ipinalabas sa Philippine TV ang Crush Gear. Mga kotse-kotsehang may mga implements o sandata sa unahan. Nagbabanggaan at hindi unahan ang goal ng karera. Ang mapatalsik, talo! Yan ang meron sa t.v. nung bata pa'ko, bida ang magaling at maraming nawawasak. 

At nang maisama ako sa palengke, bumili ako ng dalawang banig sa halagang anim na piso. Bumili rin ang kapatid ko. Si Mama, ibinili kami ng palamig dahil wala na kaming pambili. Hmm...ang sarap ng amoy ng bagong teks pati na rin ng banilya na pinampalasa sa iniinom ko. 

Pag-uwi, hiniwag-hiwag na namin ng kapatid ko ang teks na mga Crush Gears ang drowing. Ang gaganda ng mga Crush Gear at sigurado sa Pasko magkakaganito ako. 

Matapos makapili ng pato. Nakaramdam nako ng urge para makipagteks. Akmang lalabas pa lang ako, e bigla namang umulan. Hindi naman ako naniniwalang kapag kumanta ako ng rain-rain-go-away-song ay lalayas nga ito. Pero in the back of my mind, kumakanta 'ko. 

Walang pag-asa. Lurok e. Ang kapatid kong si Vernon, tama!


Siya na lang muna ang lalabanan ko, pwede namang tumukoy-tukoy sa loob ng bahay. Kahit may kadayaan at pagkapikon si Bernunang (ang tawag ko sa kaniya), oks na din; basta kailangan kong lumaban at madagdagan ang mga bagong teks.

Dalawa-tsa lang ang bayaran. Regular Battle, tsa anp panalo at tsub ang talo. Tira!


Sa di ko maalalang dahilan, bigla na lang ayaw niya akong bayaran.

Napikon na ata dahil mauubos na ang bagong biling teks bago pa man maubos ang amoy nito. Hindi ako pumayag, nagkahanggitan na ng teks. Kadugaan kasi ng kapatid ko. Nagkagulo na.

Dumating si Mama. Inawat kami. Kumpiskado ang ugat ng pagtatalo, kinuha lahat ng mga bagong teks namin. Pinagsama-sama na, alam kong hindi ko na mababawi ang mga teks ko.

Kahit anung paliwanag ang gawin ko ay hindi ko na mababawi. Sinilid niya na sa plastik na pink. Hindi pa ipinagbabawal ito noon. Nilagyan ng ga-as, initsa sa labas at sinindihan. Ang pagsusunog ang pinakamataas na antas ng pagpapahayag ng pagtutol. Aktibista ata si Mama dati.
Hindi ko na napansing kanina pa pala walang ulan. Tumahan na an langit at kami naman ang umiyak habang nakikitang nasusunog ang aming mga teks. 

Simula noon, kasama nang naging abo ang aking pagteteks.

No comments: