Tuesday, May 20, 2014

Konserto ng isang Tambay

Papunta ako ng Maynila. Bali sa Pasig, may interbyu ako. Taray may trabaho na. 

Si Mudra ang nagpush mula na rin sa udyok ng pinsan niya na ipasok ako dito sa humanitarian arm ng isang kumpanya. 

Pumasok tuloy sa isip ko ang tanong na makatao ba talaga ako? Kaya ko ba talagang makisalamuha sa mga taong pinaglilikuran with charity? Ano ba ang pagiging makatao? Tao ba talaga ako? Mga ganan. 


Gaya ng mga ibang subok ko na mag-apply ng trabaho, lagi kong tinitingnan kung ito ba ang plano ni Boss o trip ko lang. Kung kaya ko bang bumangon araw-araw para gawin ang mga bagay-bagay na sinuswelduhan ako. 

Bakit ba kailangang magtrabaho? Kung babalik tayo sa Genesis, si Adan at ang kwento ng fall of man. Kailangang maghirap sa pagbungkal ng lupa. 

Naghirap nako nung college, agricultural tech. ang course ko. Bungkal ng bungkal sa ilalim ng galit na araw. Most of the time, nakapayong ako. 

So bakit nga ba kailangan ko ng "trabaho"? Para sa pangangailangan daw. E nakakapagkwek-kwek naman ako kapag gusto ko. So bakit?


Kailangan kong magtrabaho dahil yun ang inaasahan ng mga tao pagka-gradweyt? Tradisyunal masyado. 

Alam ko hindi pako mabubuhay ng pagsusulat ko. Wala pa akong royalties at pacontest-contest at pasubmit-submit lang ako. Hindi pa nga manalonalo. Kaya kailangan ko talagang pumasok ng trabaho para mas maging mabuting indibidwal at mapalawig ang karanasan. Kulang pa ako sa kaalaman, karanasan, at kasanayan para buhayin ako ng tinta. 

Hindi naman kasi kami dukhang-dukha gaya ng mga nasa noontime shows kaya hindi ko pinipilit na magtrabaho. Keri naman ang pagkain sa araw-araw. Pero napansin ko na ang pangit na ng mukha ng nanay ko. Siguro dahil sa settings ng palengke kung saan nandun ang kinabubuhay namin. Kailangan na niyang makatikim ng facial ek-eks. Kailangan ko na ngang mag-work. 

Isa pa nahihirapan nakong sumagot sa mga tanong na: "O asan ka ngayon? Anung ginagawa mo na?" 

Lumalamig na dito sa bus. Pinatay yung maliliwanag na ilaw at binuhay ang mga mas mahihinang ilaw. Ipinilay ng kundoktor ang concert video ni Pink. Yung punk artist. 


Maganda pala yun. Si Pink. Ang iksi kasi ng buhok, panlalaking gupit pa - mohawk! Tapos nakapalda. Alam ko nga nag-ga-gown pa yun kapag awards night. Disturbing ang itsura. Pero maganda pala kapag na-zoom in. 

Hindi ko bet ang music niya. Pero alam ko kapag pinanganak kang may mikropono sa bibig, ang pagkanta na ang nagsisilbi mong paghinga. Gusto kaya ni Pink ang ginagawa niya? Kailangan niyang maging punky-rebel para lumapat siya sa musika niya. Isa siya sa mga music artist na wala sa costumes, dancers, at makukulay na props ang performance. 

Halos isang oras na siyang kumakanta at hindi nagpapalit ng damit. At ganito ng ganito ang ginagawa niya sa bawat landingan ng kanyang tour. Napapagod kaya ang singer kumanta? Kung hindi siya kumanta anung gagawin niya? 

Kapag nakita mo na yung dapat mo talagang gawin, alisan ka man ng mikropono, tanggalin pa man ang mga ilaw at magagarang damit, mag-isa ka man sa entablado, at wala mang pumapalakpak sayo; abangon ka bawat umaga at kakantahin mo ang nasa piyesa. 

Ngayon, kakanta ka na rin lang, ibirit mo na.

No comments: