Saturday, May 31, 2014

SULEM (Day1 ng Volunteer's Journal)



Tacloban, Tacloban, Oks ka na ga?

   Nasa Tacloban ako para sa isang humanitarian cause.
   Naks nemen! May ganyang side ka pala Jord? Meron naman kahit konti.

   Pers taym ko sa Visayas. Pers taym kong mag-eroplano. Pers taym kong mag-volunteer. Nasa airport pa lang, kitang-kita ang pinsala ni Yolanda. Hindi pa maayos ang airport pero may dalawang flights na kada araw ng Tacloban-Manila. Sumakay kami ng dyip papuntang bayan para doon naman sumakay ng van papuntang Eastern Samar. Lakbay kung lakbay.

   Init, antok, at pagod lang naman ang kalaban. Pero dapat simula pa lang ay “patience is a virtue” na ang motto ko, kailangan yan sa volunteer works along with love. Habang nasa biyahe, kita mo na may mga nakatayo nang mga bahay. May mga pawid, kahoy, at yero lang ang materyales. Meron din namang mga sementado.  Pero kita pa rin ang bakas ni Yolanda sa mga punong bahagya pang lumalago muli.

   Kapansin-pansin ang mga gusaling giba ang pader at baklas ang bubong.  May parte pa nga ng kalsada na sira pa rin. Pero may mga establisyemiento at public transpo na. Siyudad na siyudad na ulit. Kumain ako ng bistek, tapos nag-extra rice. Nagulat ako sa binayaran kong 80 pesos, ang mahal para sa tanghalian. Mahal rin ang pamasahe sad yip na 50 pesos, 150 pesos pa nga kapag taxi; kung galing sa airport. Siguro dahil sa nag-uumpisa pa lang ulit silang bumangon.

   Overall, oks naman sila rito. Sino ba ang tutulungan dito?


Sa Eastern Samar Pala.

   Bumili kami ng ticket sa van terminal sa bayan. Sa Eastern Samar pala kami pupunta.
   Sinong kami? Ay! Nakalimutan ko na may kasama pala akong writer. Si Nikki Cadiz.
Nikki Cadiz, 20 taong gulang, tubong Ilocos Norte at nagtapos ng Journ sa UP Baguio. Capital U. Capital P. Bigatin.
   Ala-una pa ang alis ng van naming kaya naglakad-lakad pa muna at nagtanong kung ilang minuto ang biyahe papuntang Guiuan, Eastern Samar; at nalaman naming tatlong oras daw. Bumili kami ng foods. Tiningnan naming ang mapa sa loob ng terminal, grabe pala talaga!, dulo na ng Samar ang Guiuan at dunggot na  lang ay Pacific Ocean na. Tiningnan namin ang mga van, ang gagabok! Adventure ‘to!

   Habang nasa van, pinapanood ko ang mga tanawin. Wow! Astig! Panalo! 

   Ok, ok, ok. Ang totoo nakatulog  talaga ako nang papalabas kami ng Leyte. Nagising na lang ako nang nasa San Juanico Bridge na kami. Bilin na bilin ko na gisingin talaga ako ni Nikki. Aba! San Juanico Bridge kaya ‘yon! Once in a life time lang ‘yon  at Grade 2 pa'ko nang huli ko yung makita. Sa Sibika at Kultura book.

   Agrikultural din ang kabuhayan ng mga taga-Samar. Daming niyog na karamihan ay kalbo o di kaya’y tumba. Marami ring palayan, sagingan, kalabasahan, at gubatan. May mga bundok rin, tapos malapit sa dagat. So malamang pangingisda rin ang kinabubuhay ng marami bukod sa pagbubukid.

   May mga ilang estuaries din kaming nadaanan. Ito yung anyong tubig na pinagtatagpuan ng tubig tabang at tubig-alat na tinatawag nang brackish water. Ito po si Kuya Kim na....fade. May mga kagubatan rin ng bakawan at may isang palm species na hindi ko ma-identify, sana lang may kasama akong coastal environmentalist o biologist.

   Mapapansin mo sa daan, yung mga gibang bahay, mas marami pa rito. Marami ring mga tent houses na may  iba’t-ibang logo. May DSWD, UNCRH, UNICEF, IMO, atbp. Nadaanan din namin ang mga tent cities at mga organization base camp. Kailangan talaga pa nila ng pag-alalay.

Brgy. Pagnamitan, Ito na talaga!

   Mga alas-singko na kami nakarating. Sinundo kami ng sasakyan ng org. na pinag-volunteeran namin. Hilong-hilo na si Nikki. Ako, yung energy ko pang fun run pa. Ilang kilometro pa ito sa mismong bahay, mga 10 kilometers pa rin.

  Nadaanan pa naming ang isang malaking tent city. Grabe! Parang may zombie apocalypse,  hindi nga lang walled yung area. Paano kaya sila doon dumudumi? Gaano kainit sa umaga? Kalamig sa gabi? Isa lang ang sigurado: Hindi komportable ang kalagayan nila 'ron.

  Pagdating namin sa site. Tinour kami ni Kuya Bry, isa sa mga writers ng org. Pinakilala sa mga heads, inorient sa mga projects, inexplainan ng mga pwedeng assignments. Nasa rehab phase na ang Pagnamitan. Ito pala ang unang landfall ni Yolanda dahil kapit-bahay lang nila ang Pacific Ocean.

   Nakakatuwa yung  mga workers dito, halata na kaisa sila sa komunidad. Nakikipaglaro, nakikipagkwentuhan, biruan at batian. Ito ang tinatawag na paglubog sa batayang masa.

   Naligo lang ako at nagbihis, tapos deretso na sa munting programa nila sa basketball court na kalahati na lang ang stage na ang logo ng barangay ay kalahati na lang din. May sumayaw, may kumanta, tapos nagpalaro sa mga tao. Natuwa ako sa isang nagsalita roon tungkol sa kanilang presentation. 

   Sulem daw ang gagawin nila. Traditional dance ba yun ng mga Waray? Tapos later nalaman ko na solemn pala ang ibig niyang sabihin kasi drama presentation. Naglaro din sila ng Hip-hip, Hure! (Hep-hep, Hooray!). Basta lahat umuwi ng may ngiti sa labi. It’s more fun in Pagnamitan.Kumain kami ng dinner. Nag-briefing para sa medical mission bukas. Inorient para sa writing assignment kinabukasan. Nakakapagod na araw.

   Pers taym kong matutulog sa tent.




Brgy. Pagnamitan, Guian, Eastern Samar
May 21, 2014

No comments: