Saturday, May 31, 2014

Si Jocelyn at ang Feels niyang Makapagkolehiyo

Kena Kuya Caloy ako tumuloy bago ako nag-apply sa isang humanitarian arm, pagka-interbyu sa'kin; ipinapadala ako sa Tacloban, Leyte for Disaster Response - Yolanda. 


Agad-agad. 


Pagbalik ko kena Kuya Kaloy, dito ko na nakilala si Jocelyn. Taga-Leyte, isang waray. At ang istorya niya ay waray pampaaral ang magulang niya para sa kolehiyo kaya andito siya ngayon. Tinutulungan siya ng isang ng ilang mga pastor para makapag-aral. 

It's not a strange thing. Ganyan din ang naging alalahanin ko. At kung sino pang matatalino't masipag mag-aral ay sila ang walang pampaaral. Sayang ang mga katulad namin. Nagtapos si Jocelyn ng nasa ikatlong karangalang banggit na may general average na 91. 

Kinukwento siya ng mga tao sa loob ng bahay ni Kuya. Caloy. Karamihay mga kabataang nagrerebyu para sa board at mga nagbabakasyon sa bahay ni Kuya, na pinapangunahan ni Badz. Napapaluha-luha pa nga ito sa pagsagot sa mga pag-uusisa nina Badz. Kaya nabuo ang munting buhay niya rito sa susunod na paragraph.


Taga-bundok daw sila. Yung pambaon niya ay pamasahe niya lang. Nang tanuningin kung anung kinakain sa iskul, ay nagbabaon daw siya ng kanin at gulay ang ulam. Kaya siya tumalino siguro. Minsan, mapalad na raw kung makabili siya ng ulam sa kantina nila na halagang siete pesos. Kanin pa lang yun dito satin. 

"Taga-kusta(Coastal area) kami." sabi niya. 

"E di nangingisda tatay mo?" tanong ko. 

"Hindi, nagsasaka sa bukid" sagot niya. 

Naguluhan ako. Yun pala ay bulubundukin na malapit sa dagat ang lugar nila. Pero wala talaga silang sariling bukid. Nagbubukid daw ang tatay niya sa isang malawak na hacienda na pagmamay-ari ng mga Benedicto. Mga pari raw ito na nasa ibang bansa. Kaya hindi talaga kayang pag-aralin silang walong magkakapatid. 


At kung loloobin ng Maykapal, ay siya pa lang ang makakatuntong ng kolehiyo. 

"Ikuwento mo sa kanila kung bakit hindi nakatapos ang kuya mo." Sabi ni Kuya Oli. Isang may engr.firm na hindi nakatapos ng civil engineering pero nagtatayo ng mga bahay. Ito rin ang tumutulong sa kuya ni Jocelyn. Hindi ko talaga sigurado kung engr.firm ang pag-aari ni Kuya Oli o contractor, puro kasi ito joke kapag nagsasalita. Lalo na't nasa kusina at nagkakasarapan ng kwentuhan. 

Si Kuya Oli na ang nagkuwento. Magaling daw mag-math ang kuya ni Jocelyn kahit elementary lang ang naabot nito. Kapag may project sila ay mga 3-4 na dangkal lang ng bakal ang sumusobra. Ganun daw ito ka accurate at efficient mag-estima. Mahihiya ang nakapag-aral. 

"Alam nyo kung bakit napahinto mag-hayskul?" tanong ni Kuya Oli; "Dahil sa isang lapis." na siya rin ang sumagot. 

Tumango at ngumiti lang si Jocelyn para kumpirmahin ang kwento ni Kuya Oli. 

Nung hayskul daw kasi ang Kuya ni Jocelyn ay binigyan ito ng isang lapis para gamitin sa buong taon. Siguro pinapayagan na ng mga guro na maglapis lang kahit hayskul na dahil mahal na para sa kanila ang bolpen. At dahil hindi nagkasya ang isang buong lapis sa isang taon, kahit anung tipid nito, ay napatigil ito ng pag-aaral.

Grabe no? Andami kong lapis sa bahay, hindi nga ako maka-ubos ng isa, sana nagsabi na lang na wala ng lapis. Minsan hindi pala nagmama-OA ang mga dokyu na napapanood. Poverty porn man ang tawag dito ng administrasyon, ito pa rin ang realidad. Kahit na bukas sa lahat ang pag-aaral, marami pa ring hindi maranasan ang simpleng karapatan. 

Mapalad pala ako dahil marami akong lapis. May bolpen pa. Minsan kasi nakatuon lang talaga ako sa kung anung kulang sa akin. 

"Alam mo, malayo ang mararating mo" sabi ko kay Jocelyn. 

"Basta marami ka lang pamasahe" dugsong ko pa. "Tingnan mo nakarating ka nga rito sa Maynila mula Tacloban, malayo na yun!" biro ko. Hindi ko alam kung nakakatulong ba. haha 

Sa kaso ko, hindi ko rin alam kung anung gagawin ko pagkatapos ng hayskul, wala akong talento para mabuhay ng may kaayusan. Kailangan kong mag-aral ng kolehiyo, pero hindi namin kaya. Sekyu ang tatay ko at paraket-raket lang ang nanay ko, imposible. Pero nanalangin ako, limitado kasi talagang maging mortal.

Mismong graduation day, habang nagsasalita ang commencement speaker namin, nalaman kong makakapag-college ako. Tinext ko si Mama na magco-college ako pati ang course na napili't gusto ko. 

Hindi ko alam noon kung papaano, basta alam ko makapagtutuloy ako ng kolehiyo. 

At nangyari nga. 

"Alam mo, ipag-pray mo yan, makakapag-aral ka, ako nga e, apat na taon lang ang gusto kong matapos na kurso pero inabot ako ng limang taon. May bonus di ba?" Ito ang iniwan ko sa kanyang pampalakas ng loob. 



Pero sa totoo lang nakakabigat din ng loob yung kagustuhan niyang mag-aral. As in. 


Mini-Saga: 

"Accounting daw ang gusto e." sabi ni Kuya Oli. 

"Anung pinagkaiba ng counting sa accounting?" tanong ni Kuya Kaloy. 

Badz, Aries, Alquin: "Ano raw?!" 

Kuya Kaloy: "Ang counting 1,2,3,4.. 

Ang accounting a-1, a-2, a-3, a-4," 


Tumawa ako ng tumawa. Pero 80's pa raw yung joke na yun. E sa ngayon ko lang nalaman e.

No comments: