Thursday, May 15, 2014

Seyls 2: Daan to Yaman!

Hindi ako nalambatan dahil dalawang buwan pa lang si Kuya 1 sa kumpanya X, kaya nagtake-charge si Kuya 2 na afterwards ay nalaman kong 6 na buwan na sa kumpanyang ito. 

Mas matindi ito sabi ko sa puso ko. Kapit. 

Nag-umpisa siya sa pagbati sa dalawa kong kasama dahil kumasa ito sa alok nila at pagdating sakin ay nirerespeto naman daw nila ang pasya ko. Sabay pasok ng illustration niya. 

"Yung lolo ko mahirap. Yung tatay ko mahirap din. Tapos ako ganun din?" sabi ni Kuya 2 ng may kasama pang pagdodrowing ng family tree. "Ano tawag dun? Tawag dun sumpa!" sabay diin sa hangin ng hawak niyang pentel pen. 

"Anung kailangan para maalis ko ang sumpa?". Minemetaphor pa'ko. 

"Gumawa ako ng paraan. Paraan at hindi dahilan." Yung pagsali niya ang tinutukoy niyang paraan at yung di ko pagsali ay ang pagdadahilan. 

Nairita ako. 


"Kung hindi ito, anong mas maganda ang gagawin mo sa labas?" sabay binigay niya ang ilang paraan ng pagpapayaman maliban sa iniaalok nilang networking.


6 Steps to be a Millionaire 
by: Kuya 2.0 

1.Business 
Kapag business, dalawa lang yan. Traditional or franchising. Kapag traditional may 500k ka ba pang-kapital? Handa ka bang makaranas ng 95% loss? Kailangan mo pa ng knowledge. 

Kung franchising, meron ka bang 35-40M para maka-franchise ng Mcdo o Jolibee? Yun lang naman ang kumikita ng 500k a month. O meron ka no'n. 

2.Politics 


Kailangan mo diyan 3G. Good name, siyempre kailangan mo yan para sa botante. Guts, kaya mo bang mag-almusal ng death threats? At sa huli, guns. Kailangan mo ng body guard. 

Siyempre, san ka kikita? Sa kaban ng bayan. 

3.Showbiz. 

Una mong tatanungin ay ang itsura mo. Keri mo ba? 

Keri ko.

Kailangan mo pang dumaan sa 50 manager na bading. 

Yun ang hindi keri. 

4.Abroad 

Magkano ang placement fee? 100k-200k. Pagdating mo don wala kang maipon dahil ang mahal ng cost of living. Mga engineer, architect, at doktor lang ang yumayaman sa pag-aabroad. 

5.Employment 

May yumaman na ba sa pag-eempleyado? 


Magharap ka nga sakin ng mayamang nagempleyado? 

(So, technically di ito kasama at 5 steps lang talaga.) 

6.Illegal 

Illegal na mga raket gaya ng mga may kinalaman sa drugs, weapon, smuggling, scamming, swindling, at iba pa. Kaya ba ng budhi mo? Kaya ba ng sikmura mo. 

Matatapos ang kanyang how-to-article na wala nang iba pang mabilis at madaling paraan para yumaman kundi ang dalang pag-asa ng kanilang networking. 

"Hindi namin kayo pinipilit. Namimili na nga kami ng isasali." sabi ni Kuya 2. 

Napatingin ako sa dalawa ko pang kasama. Muntik nakong matawa. Hindi dahil minamata ko sila kundi alam kong lebel-lebel lang kami ng estado sa lipunan. 

Lahat na lang kasi ng paraan para makahikayat sasabihin. 





At dahil pinipilit nya na talaga ako, marami pang mga weakness point ng tao ang tinarget niya sa iba't-ibang paraan. Aral na aral talaga si Kuya 2. 

Puso sa Puso 
Target: Pamilya 

"Kuntento ka na ba sa buhay mo?" 

"Oo." sagot ko. 

"Kung sasabihin mo saking kuntento ka na, hindi ako naniniwala." sabay ismid.


"Asar di ba? So, you're telling me amalayer?!" sa isip ko lang. 

"Eh ang pamilya mo? Kuntento ba sila? Nakabawi ka na?" banat niya ulit. 


Hindi na ako sumagot. 

Papel kung Papel. 
target: Pride 

"Marami kasing tao, wala pang nararating ma-pride na. Wag mokong turuan gradweyt ako ng ganito ganyan." 

"Kapag ma-pride ka, hindi ka aasenso." sabi niya na parang ako na lang ang kinakausap niya. 


Hindi ako sumagot. Wala namang tanong e. 


Pampanitikan. 
target: Pangloob na Sarili 

Enjoy na enjoy ako sa mga matatalinhaga at pilosopikal niyang mga banat. Saya, asar, awa, simpatya, halo-halo with leche flan. Mixed emotion talaga. 

"Hindi ito aksidente, ang tawag dito blessing in disguise. Galaw ng tadhana." 

Ang tinutukoy niya ay yung pagkikita namin. At pangalawang beses ko na ring maalok ng parehong kumpanya. Ako na raw ang pinapayaman, ako pa maarte. 

"Minsan ilalagay ka talaga sa mga bagay na di mo gusto." 

Tinutukoy niya ang tungkol sa pag-ayaw sa sales. Ang hindi niya alam, kinamumuhian ko nato ngayon.


"Hindi ko maintindihan kung anung tumatakbo dyan sa utak mo" sabi niya sakin ng nakakunot na ang noo. Mukhang itotodo na niya ang kanyang convincing powers. 

"May problema ba sa presentation?" 

"Wala." sagot ko. 

"May problema ka ba?" tanong ni Kuya 2. 

"Wala." ulit ang sagot ko. 

"Hindi ka tao! Ang problema ang humuhubog sating pagkatao." 

Para na siyang ermitanyo't pinupugaran ng karunungan. 

Pero kung akala mo ay ito na ang pinakamatalinhaga at pinakatunog pampanitikan niyang mga salita e nagkakamali ka. Hintayin mo siyang magclosing remarks sa kanyan million-times-denied na offer. 

Isinara na nga ni Kuya 2.0 dahil naubusan na siya ng teknik. 

"Kung hindi ito, ano pa? 
Kung hindi ngayon, kailan? 
Kung hindi ikaw, sino?" 

Gusto ko sanang sumigaw ng boom panes para sa madamdaming pagtatapos, pero ngumiti na lang ako. 

Naghiwa-hiwalay na kami ng landas. Sila magpapayaman, ako mayaman na. 

Merong malaking loophole ang kumpanya X. Meron na raw silang 26 na millionaire. Nabanggit rin niyang meron din silang 26k na miyembro. Ilang taon na rin ang kumpanya X. Umiling-iling ako habang tumutuhog ng tukneneng sa may bakanteng lote papuntang malaking simbahan. 


Hindi pagyaman ang buod ng pag-iral ko. Kung sumagana ako sa salapi, salamat! Pero kung yayaman ako ng walang sining, walang layunin, at walang Diyos, salamat na lang. 


Pag-uwi ko sinalubong ako ng tahol ng dalawa kong aso at apat na makukulit na bilot.

No comments: