Noong 2013, naghanap ang Mars One ng mga indibidwal para sa isang lakas-trip. Trip to Mars, wala nang balikan. One-way lang daw dahil wala pa namang technology para makabalik. Isa pa, ito ang magiging unang hakbang para sa colonization ng pulang planeta. Yey! Multi-planetary species na tayo, kung saka-sakali.
Umalingawngaw ang imbitasyon na ito sa buong mundo. Alam ko ite-televise ang buhay nila doon parang reality show. Pero di tulad ng ibang reality show, wala silang mga utos at sayang-oras na mga palaro. Bahala sila. Siguro doon din kukuha ng pondo ang Mars One dahil tinatayang anim na bilyong dolyar ang gagastusin sa unang grupo (dalawang babae at dalawang lalaki) na ipapadala. At isasagawa ang unang pagpapadala by 2023 at isusunod ang iba pang grupo kada isang taon hanggang makapagpadala ng apat na grupo. May application fee na 37 US dollars para iwas sa mga spammers.
Ibig sabihin seryoso yung Mars One. At hindi trivial-exaggeration yung balita. Superb!
Ang tanong: Sinong mga magpapakabayani para isakatuparan ang kolonisasyon ng Mars? Siguro yung mga superb na ang pagka-nerd at superb na ang desperasyon sa buhay, gaya ng sawi sa pag-ibig. 'Yun ang potensyal na mga aplikante, naisip ko.
April 16, 2012. Lumabas kami nina Ate Anj, Micalog, at Jojo. Punta kami parke. Usap tao. Ganan.
Kahit makulay pa ang mga pintura ng mga duyan, salampayan, at si-so; may mga pumupunta ritong may mga makulimlim na mga pinagdadaanan. Mga desperado sa buhay, pwedeng ipadala sa Mars.
Dito nga nakilala namin si Aling Nenita na trenta anyos pero mukhang mas matanda pa ang itsurahin. Nagduduyan, pinakikinggan ang langit-ngit ng bakal na swing, at nakatanaw sa nagdadaanang sasakyan.
Pinag-gitnaan namin si Aling Nenita. Nagtig-isa kami ng swing, sina Jojo may kausap na mga kabataan. Kinausap siya ni Ate Anj. Ito ang istorya niya.
Nagtatrabaho siya bilang taga-bantay ng opisina ng MDSWD (Municipal) dahil may mga kompyuter doon. Doon daw sila natutulog sa senior citizen hall. Binibigyan naman daw siya ng munting sweldo sa pagbabantay. Ang asawa niya ay magwawalis at may sweldong Php 180 kinsenas-buwanan ayon sa kanya. Hindi ata regular na magwawalis ng munisipyo. Sumasideline pa raw ang asawa niya ng "landscaping" sabi ng mga kakilala niya.
Nambabae ito. Kulang na nga raw ang pang-araw-araw nila, e ganito pa ang asawa niya. Minsan sumasagi nga raw sa isip niyang magpakamatay. Kung di nga daw dahil sa anak niya ay nagpakamatay na siya, sabi niyang naluluha-luha habang nakatingin sa anak na naglalambitin. Hindi ko na inalok yung sa Mars One.
May anak sila si Mariel na pitong taon at si Michael na dose-anyos; parehong out-of-school. Na pareho naman daw gustong-gustong mag-aral.
Pinayuhan siya ni Ate Anj. Nanalangin. Pinalakas ang loob. Nakangiti na si Aling Nenita.
Ang hirap pala sa planeta niya. Habang nagkukwento siya ng kanyang mundo na kulang sa oxygen; ansakit sa dibdib. Ang hirap huminga.
Pag-uwi, naisip ko na hindi sagot ang pagpunta ng ibang planeta para takasan ang masalimuot na buhay. Hindi dapat mga desperadong tao ang manirahan sa Mars dahil sa pagsisimula ng bagong lipunan ay gagawa sila ng kanilang batas, ng pamahalaan, ng pagtuklas, at lahat ng bagong hakbang hindi lang para bumuo ng bagong lipunan kundi iwasan ang mga kabuktutan ng lipunang meron dito ngayon. Mga hakbang upang hindi na magkaroon ulit ng mga planeta gaya ng kay Aling Nenita.
After all, kahit saan ka mang planeta mag-umpisa ng bagong lipunan; maari't-maaring magsilang ng mga mundong kulang sa oxygen. Masakit sa dibdib ang katotohanan at kapalit ng ating makasariling likas. Hindi ang ating mga planeta ang sentro ng uniberso.
Mapalad ako't manlalakbay lang ako sa aking planeta.
No comments:
Post a Comment